2022
Ang Kagandahan ng Pagtanda
Setyembre 2022


“Ang Kagandahan ng Pagtanda,” Liahona, Set. 2022.

Pagtanda nang May Katapatan

Ang Kagandahan ng Pagtanda

Mas gugustuhin kong magkaroon ng mukha na nagpapakita ng mga linya ng mga ngiti at luha.

yakap ng lola ang apong babae

Naaalala ko noong bata pa ako, tinitingnan ko ang mga kulubot na pisngi ng aking lola. May mga linya ang mga gilid ng kanyang mga mata, at may maliliit na linya ang itaas ng kanyang labi. Tinanong ko siya kung ano ang gagawin ko para hindi magkakulubot.

“Huwag kang ngumiti,” sabi niya. “At huwag kang umiyak.”

Sinunod ko ang payo niya—sa loob ng isang araw. Pagkatapos ay sumuko ako. Paano mabubuhay ang sinuman nang hindi ngumingiti o umiiyak? Nagpasiya ako na mas gugustuhin kong magkaroon ng mukha na nagpapakita ng mga linya ng ngiti at luha.

Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob na narito tayo sa mortalidad upang magkaroon ng kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Ngunit itinuro din niya na para malaman ang kagalakan, kailangan tayong makaranas ng kalungkutan (tingnan sa 2 Nephi 2:22–23). Nakita ko ang katibayan ng kagalakan at kalungkutan, na nakaukit sa mga mukha ng mga taong nabuhay nang makabuluhan. Makikita sa mga mukha nila ang mga kuwento ng kanilang buhay.

Sang-ayon ako sa taong nagsabing, “Ang magagandang matatanda ay mga gawang-sining.”1 Ang ilang tao ay nagkaroon ng mabuting pagkatao sa kanilang pagtanda na dahilan kaya kahanga-hanga sila. Halimbawa, minasdan ko ang mga mata ng mga temple matron na puti na ang buhok at nakasuot ng puting damit na pantemplo at namangha ako sa liwanag ng kanilang nagniningning na mga mata at nakangiting mukha.

Ngayong nagkakaedad na rin ako, natututuhan ko na may kaakibat na kagalakan ang pagtanda. Halimbawa, naging mas komportable na ako sa sarili kong katawan. Nagpapasalamat ako na gumagana pa rin ito! Maaaring mas mabagal na akong maglakad at magsalita kaysa noon. Maaaring mas malaman na ang aking kandungan, at mas malambot na ang mga braso ko. Pero gusto kong isipin na naging mas banayad din ang aking paghaplos.

Alam ko na maaari pa rin akong patuloy na umunlad at matuto, na “anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli” (Doktrina at mga Tipan 130:18). Kaya nga, inaasam ko ang mga aral na maaari ko pa ring matutuhan. Bukod pa rito, matutulungan ko ang iba—tulad ng aking mga apo—na matuto mula sa mga kuwento ng buhay ko na maibabahagi ko sa kanila.

mag-asawang magkatabing nakaupo

Larawang ginamitan ng mga modelo

Mas natanggap naming mag-asawa ang isa’t isa at alam namin na maaari din kaming matuto at umunlad nang magkasama. Naging mas malalim ang pagsasama naming mag-asawa dahil sa mga pagsubok na magkasama naming hinarap. Lumaki ang aming mga anak na nagdudulot sa amin ng mga bagay na aming maipagmamalaki o ipag-aalala, depende sa araw. Ang mga apo ay talagang naghahatid ng galak at tuwa.

At kasabay ng pagtanda ang kaalamang hindi tayo mabubuhay sa mundo magpakailanman. Panahon na para gawin ang mga bagay na nais kong gawin. Kung hindi ngayon, kailan? “Masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32). Sana, matanto natin sa ating pagtanda na ito na ang panahon para sambitin ang mga salitang hindi mabigkas, ayusin ang mga relasyon, at maisakatuparan ang mga natitirang mithiin.

Habang tumatanda ako, iniisip ko ang pamana na iiwan ko sa aking mga inapo. Sana’y bahagi niyon ang katotohanan na sa nadama kong kagalakan at kalungkutan ay nakahanap ako ng karunungan. At dahil diyan, natagpuan ko ang kagandahan sa pagtanda.

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Tala

  1. Nauugnay kay Eleanor Roosevelt; tingnan s A–Z Quotes, azquotes.com.