2022
Piliing Maging Espirituwal sa Kaisipan
Setyembre 2022


“Piliing Maging Espirituwal sa Kaisipan,” Liahona, Set. 2022.

Piliing Maging Espirituwal sa Kaisipan

Ang pagpapanatili ng ating espirituwal na pag-unlad sa landas ng ebanghelyo ay parang pagpedal sa bisikleta—parehong nangangailangan ng masigasig na pagsisikap.

bisikleta

Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh

Ang pagharap sa pagbabago at pagkaalam kung ano ang gagawin sa maligalig na panahon ay isa sa mga napakagandang pagpapala ng pagiging tapat na miyembro ng Simbahan ng Panginoon. Ang kaloob na Espiritu Santo ay ang pribilehiyong tumanggap ng patuloy na patnubay at inspirasyon kapag nananatili tayong tapat.

Buhay, Kapayapaan, Patnubay, at Proteksyon

Sinabi ni Apostol Pablo, “Ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan” (Roma 8:6; tingnan din sa talata 5).

Ang piliing maging espirituwal sa kaisipan sa pamamagitan ng pamumuhay nang karapat-dapat sa magiliw na panghihikayat ng Espiritu Santo ay magbibigay sa inyo ng patnubay sa inyong mga desisyon at proteksyon mula sa pisikal at espirituwal na panganib. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatatanggap kayo ng mga kaloob ng Espiritu para sa inyong kapakinabangan at para sa kapakinabangan ng inyong mga minamahal at pinaglilingkuran. Ang pakikipag-ugnayan Niya sa inyong espiritu ay may hatid na higit na katiyakan kaysa sa anumang pakikipag-ugnayang matatanggap ninyo gamit ang inyong mga likas na pandama.

Paano kayo mamumuhay nang may espirituwal na kaisipan at magkakaroon ng mas saganang patnubay mula sa Espiritu Santo?

1. Maging kaayon ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas.

Kapag tayo ay kaisa ng Ama sa Langit, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Kapag inuna natin ang pagkakaisang iyan sa ating buhay, lumalapit tayo sa Kanya at sa Kanyang Anak na “si Jesucristo, na kanyang isinugo” (Doktrina at mga Tipan 132:24).

2. Mahalin ang Diyos.

Ang pagmamahal sa ating Ama sa Langit at pagpapabuti ng kaugnayan sa Kanya sa panalangin ay magpapanatili sa Kanya sa ating puso’t isipan.

Pinabulaanan ni Apostol Juan, sa kanyang patotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos para sa atin at sa kanyang personal na patotoo kay Jesucristo, ang maling paniniwala na ang kaligtasan ay matatamo nang hindi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Inanyayahan ni Juan ang kanyang mga mambabasa na maranasan ang kagalakan ng pakikiisa sa Ama at sa Anak (tingnan sa 1 Juan 1:3). Idinagdag pa niya:

“Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinomang tao ay nagmamahal sa sanlibutan, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. …

“Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman” (1 Juan 2:15, 17).

Sa buhay na ito madarama natin ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng patnubay ng Kanyang Espiritu. Kapag ginagawa natin ang kalooban ng ating Ama sa Langit at nagsisikap tayo na manatili sa landas na umaakay sa atin patungo sa Kanya, magagabayan tayo ng Espiritu Santo.1

3. Alalahanin ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin.

binatilyong nagpapasa ng sakramento

Ang pangako sa dalawang panalangin sa sakramento ay na “mapasakanila [na tumatanggap] ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Tumatanggap tayo ng sakramento linggu-linggo dahil nais nating panatilihin at pangalagaan ang ating espirituwalidad.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Habang lumalayo tayo sa kamunduhan, mas napapalapit tayo sa ating Ama sa Langit at mas nagagabayan tayo ng kanyang Espiritu. Tinatawag natin ang katangiang ito ng buhay na espirituwalidad.” Idinagdag pa ni Pangulong Oaks: “Ang paraan ng pagpapakahulugan natin ng ating mga karanasan ay batay din sa antas ng ating espirituwalidad. … Tayo na may patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo ay dapat magbigay-pakahulugan sa ating mga karanasan ayon sa ating kaalaman tungkol sa layunin ng buhay, sa misyon ng ating Tagapagligtas, at sa walang hanggang tadhana ng mga anak ng Diyos.”2

4. Kilalanin ang mga espirituwal na bagay.

Pinatototohanan ko na ang espirituwalidad ay pagpapala ng palagiang pagsisikap natin. Kapag hinahangad nating matuto at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu, mas madali nating makikita ang pagkakaiba ng mga bagay ng Diyos mula sa mga bagay ng mundo.

Sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung paanong ang pag-uulit at patuloy na pagsisikap ay kailangan upang magkaroon ng kakayahan ang katawan at isipan, gayundin sa mga espirituwal na bagay.”3

Linangin ang Inyong Espirituwalidad

Dahil sa nakinita ng mga lider ng Simbahan, marami tayong magagaling na tools na tutulong sa atin sa pagpapalakas ng ating espirituwalidad. Isipin ninyo ang ginawa na Gospel Library app kung saan maaari ninyong maranasan ang kapangyarihan ng mga banal na kasulatan at pag-aaral ng ebanghelyo na literal na madudukot ninyo sa inyong bulsa sa lahat ng oras. Isipin ang mga pagbabagong nauugnay sa ministering na naghihikayat sa paggamit ng teknolohiya kapag tumutulong tayo sa iba. Isipin ang pamamaraan sa pag-aaral na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan at ang kurikulum ng Pumarito Ka Sumunod Ka sa Akin na makapagpapalakas sa ating espirituwalidad saanman tayo naroon.

Hindi natin kailangan ang espirituwal na quarantine ngayong makukuha na natin ang lahat ng resources na ito! Maaari tayong magtulungan, pinipili ang bawat pagkakataon para maging espirituwal sa kaisipan, hinihikayat ang buhay at kapayapaan, at sadyang ginagawang mahalagang bahagi ng ating buhay ang espirituwalidad. Itinuturo ng mga banal na kasulatan: “Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili” (Galacia 5:22–23).

Gumawa at Tumupad ng mga Espirituwal na Mithiin

Ang isang tao na espirituwal sa kaisipan ay nagsisikap na palakasin ang kanyang espirituwalidad at, kapag nagtatakda ng mga mithiin, itinatanong niya, “Ang mga mithiin ko ba ay nagbibigay ng sapat na atensyon sa aking mga espirituwal na pangangailangan?”

Hangad ng isang taong espirituwal sa kaisipan na malaman kung paano sundin ang mga espirituwal na pahiwatig at pagkatapos ay kumikilos ayon sa mga pahiwatig na iyon. Samakatwid, ang pagtatakda ng mithiin para sa espirituwal na pag-unlad ay mahalaga.

Si Annie, ang aming limang-taong-gulang na apong babae, ay nagtakda ng mithiin na matutong magbisikleta. Nagpraktis siya at madaling natuto, kaya isinama siya ng kanyang mga magulang nang magbisikleta ang pamilya.

Habang nagbibisikleta sila, namangha ang ina ni Annie sa husay ni Annie sa pagbibisikleta nang paakyat sa burol at patawid sa tulay. Sinabi ni Annie ang sikreto ng kanyang tagumpay: “Kumapit lang ako nang mahigpit, Inay, at tuluy-tuloy sa pagpedal.”

Dapat din nating gawin iyon. Sa pamamagitan ng pagpedal ay napapanatili natin ang ating balanse. Ang mga simple at araw-araw na pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa payo ng propeta ay patuloy na nagpapalakas sa ating espirituwalidad sa kabila ng mga paghihirap, pandemya, at pagbabago sa buhay.

pamilyang sama-samang nakatingin sa mga banal na kasulatan

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag ang pinakahangarin ninyo ay hayaang manaig ang Diyos, maging bahagi ng Israel, maraming desisyon ang nagiging mas madali. Maraming isyu ang nagiging hindi na mahalaga! … Alam ninyo kung ano ang gusto ninyong maisakatuparan. Alam ninyo ang uri ng taong talagang nais ninyong kahinatnan.”4

Kapag nagtuon kayo sa talagang mahalaga, makikita ninyo na ang proseso ng pagpapalakas ng inyong espirituwalidad at ang pagiging espirituwal sa kaisipan ay simple, bagama’t nangangailangan ito ng pagsisikap at sigasig. Kaya, kumapit nang mahigpit at magpatuloy sa pagpedal!

Pangalagaan ang Inyong Espirituwal na Liahona

Napakaraming tinig sa mundo ang nag-uudyok, nag-iimpluwensiya, at umaakit sa inyo na gawin ang ilang bagay kaya kung minsan ay maaaring mag-alangan kayo kung aling direksyon ang dapat ninyong puntahan. Tandaan na ang inyong espirituwal na Liahona ay gumagana nang husto kapag nakikita ninyo ang pagkakaiba ng tinig ng Espiritu mula sa mga tinig ng mundo.

Ang Espiritu Santo ay mahinahon, malinaw, at nakapapanatag. Nagbibigay ito ng partikular na patnubay upang maghatid sa inyo ng kapayapaan at pag-asa. Kumikilos ito nang may lubos na pakikiisa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ginagampanan ang iba-ibang tungkulin upang matulungan kayong mamuhay nang matwid at makatanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo.

“Ang pinakadakilang pinagmumulan ng espirituwal na lakas ay ang ating Diyos Ama,” sabi ni Pangulong Nelson. “Ang sugo ng kapangyarihang ito ay ang Espiritu Santo. Ang kapangyarihang ito ay naiiba sa enerhiya ng elektrisidad. Ang mga kasangkapang de-kuryente ay umuubos ng enerhiya. Ang paggamit ng Kanyang espirituwal na kapangyarihan ay nagdaragdag muli sa ating kapangyarihan. Bagama’t ang enerhiya ng elektrisidad ay magagamit lamang para sa partikular na haba ng panahon, ang espirituwal na kapangyarihan ay magagamit para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan!”5

Upang maging espirituwal sa kaisipan, kumapit nang mahigpit, patuloy na magpedal, at magtakda ng mga espirituwal na mithiin. Gamitin ang maraming resources na makukuha ninyo para mapalakas ang inyong espiritu.

Pinatototohanan ko na ang pagiging espirituwal sa kaisipan ay tunay na buhay at kapayapaan (tingnan sa 2 Nephi 9:39), na ang kalidad ng ating buhay ay bubuti kapag nakikiisa tayo sa Ama at sa Anak, at na tayo ay mahal ng Diyos at inaalala Niya tayo at ang ating mga pangangailangan.

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “To Be Spiritually Minded Is Life and Peace,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Pebrero 9, 2021. Para sa buong mensahe, magpunta sa speeches.byu.edu.

Mga Tala

  1. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) na, “Ang magkaroon ng pakikisama sa Panginoon sa buhay na ito ay ang matamasa ang patnubay ng Kanyang Banal na Espiritu” (Doctrinal New Testament Commentary [1973], 3:374).

  2. Dallin H. Oaks, “Spirituality,” Ensign, Nob. 1985, 61.

  3. Quentin L. Cook, “Mga Pundasyon ng Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2017, 129.

  4. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94.

  5. Russell M. Nelson, “Protect the Spiritual Power Line,” Ensign, Nob. 1984, 31.