“Ako Lang ba ang Young Adult na Nahihirapang Malaman ang Aking Layunin?,” Liahona, Set. 2022.
Mga Young Adult
Ako Lang ba ang Young Adult na Nahihirapang Malaman ang Aking Layunin?
Pakiramdam ko nasira ko ang plano ko—ang plano ko para sa aking sarili, at ang plano ng Diyos para sa akin.
Noong ika-25 kaarawan ko, naglinis ako ng kuwarto ko. Magulo talaga ito, at naisip ko na magulo rin ang buhay ko. Hindi ganito ang inakala kong kalalagyan ko pagsapit ko ng 25 anyos. Wala ako sa dapat kong kalagyan.
Naisip ko ang naramdaman ko nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing noong tinedyer pa ako. Tuwing mababasa ko ang tungkol sa aking hinaharap, ang nakikinita ko ay isang taong halos perpekto. Pero natanto ko na malayo ako sa gusto kong kahinatnan. At naisip ko, Kung nakikita ako ngayon ng batang bersyon ng sarili ko, madidismaya kaya siya?
Bigla akong napaluha. Pakiramdam ko ay nasira ko ang ginawa kong plano sa buhay ko. Wala akong nagawang anumang malaking pagkakamali, pero pakiramdam ko ay wala rin akong maipapakitang nagawa para sa buhay ko. Wala akong layunin. Alam ng iba ang layunin nila, samantalang heto ako, umiiyak sa sahig ng aking kuwarto, na parang walang kabuluhan ang buhay ko.
Pakiramdam ko ako lang ang naguguluhan at nawawalan ng pag-asa. Pero kahit noong panahong iyon, alam ko na hindi lang ako ang nag-iisang young adult na nahihirapang malaman ang gusto nilang tahakin. Nang kausapin ko ang iba, natuklasan ko na kaunti lamang ang mga tao na nabubuhay ayon sa naging plano nila. At nakatulong iyan para hindi ko na gaanong madama na nag-iisa ako.
Nakakatulong din na ipaalala ko sa sarili ko na ayaw ng Ama sa Langit na maramdaman kong bigo ako. Nais Niyang “magpatuloy ako sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20). Naniniwala Siya sa kakayahan kong magbago at umunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Si Satanas lamang ang may gusto na sabihin ko sa sarili ko na nawalan ako ng pagkakataong maging ang uri ng tao na alam ng Ama sa Langit na maaari kong kahinatnan.
Pag-unawa sa Plano ng Kaligayahan
Marami sa atin ang nawawalan ng pag-asa tungkol sa hinaharap kung minsan. At maaaring iyan ay dahil mali ang pagkaunawa natin sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Siguro ay iniisip natin na ang buhay natin ay parang video game—isang fixed story line na kailangan nating sundan para manalo. Pero hindi ganyan ang takbo ng buhay. Araw-araw, tayo ay gumagawa ng mga pagpili, nagbabago, at umuunlad. Walang anumang hindi nagbabago o permanente. Ang ating mga pinipili ay hindi na nakakasorpresa sa Ama sa Langit, pero tayo pa rin ang pumipili. Isinusulat natin ang sarili nating kuwento, kasama Siya, habang nagpapatuloy tayo.
At kung ating “[ha]hayaan ang Tagapagligtas na maging may-akda at tagatapos ng [ating] kuwento,”1 lagi tayong makakaasa na magkakaroon ng walang hanggang saya ang katapusan ng kuwento.
Kung minsan nagkakamali tayo o nawawalan ng direksyon, hinahayaan ang ating sarili na malihis magpakailanman.
Ngunit ito ay ebanghelyo ng pag-asa. Ng mga nawawalang bagay na natagpuan. Ito ay ebanghelyo ng pagkatuto. Ng pagpapatawad. Ng pagsubok na muli. Tulad ng itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagsisisi ay hindi ang pangreserbang plano; ito ang plano.”2
Ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin ay perpekto, at ang Kanyang plano para sa atin ay perpekto rin. Perpektong plano ito para sa mga taong hindi perpekto, na ginawa nang may pangangalaga at pag-unawa sa ating mga pangangailangan at potensyal. May puwang sa Kanyang plano para sa ating mga kabiguan—ang ating mga karaniwang pagkakamali at ang ating paulit-ulit na kasalanan at ang ating mga paggala sa ilang. At may puwang sa Kanyang plano para sa ating mga tagumpay, na tiyak na matatamo natin kung tayo ay aasa sa Kanya at susubok muli.
Pag-alam ng Iyong Layunin
Maraming oras na ang ginugol ko simula noong kaarawang iyon sa pag-iisip sa aking layunin. Hindi ko pa rin alam ang lahat. Pero hindi na ako nag-aalala. Alam ko na kilala ako ng Diyos at kung babaling ako sa Kanya, tutulungan Niya akong gawing makabuluhan ang kinalalagyan ko ngayon.
Siguro balang-araw ay may isang makakahanap ng lunas sa kanser o mawawakasan ang kagutuman sa buong mundo o makapagdudulot ng kapayapaan sa mundo. Ngunit may isang tao ngayon na aalo sa nagdadalamhating kaibigan o tutulong sa isang nahihirapang estranghero o mananalangin sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon. At palagay ko, lahat ng iyan ay nangangahulugan ng isang bagay—maging ng lahat ng bagay.
Ang totoo, karamihan sa atin ay hindi gagawa ng maluwalhati at kagulat-gulat na mga bagay sa buhay na ito. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na wala tayong layunin. Ang pinakadakilang layunin natin bilang mga anak ng Diyos ay maging katulad Niya. At unti-unti tayong lumalapit sa layuning iyan kapag gumagawa tayo ng maliliit na bagay araw-araw para sundin si Jesucristo.
Natutuhan kong pahalagahan ang itinuturo ng ebanghelyo na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Kapag binabalikan ko ang naging buhay ko, wala akong nakikitang anumang bagay na napakadakila. Ngunit nakakakita ako ng maraming “maliliit at mga karaniwang bagay” na nakagawa ng malaking kaibhan. At alam kong sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas, ang aking maliliit at tapat na pagsisikap ay maghahanda ng daan sa akin tungo sa pagiging katulad Niya.
Walang ibang landas na katulad ng sa iyo. Ngunit kung sinisikap mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para gumawa ng mga hakbang patungo kay Cristo, ang iyong landas ay isang mabuting hakbang. Ang Pinakamakapangyarihang Tagapaglikha ay naniniwala sa iyo, kaya manindigan at maniwala sa iyong sarili. Ang Diyos ay may mga kamangha-manghang bagay na nakalaan para sa iyo, at kahit sa pakiramdam mo ay maliit at karaniwan ka, “tutulungan [ka Niya] na maabot ang higit pa sa inakala [mong] kaya [mong] abutin.”3