Digital Lamang
Pagkilala sa Aking Lolo-sa-Talampakan sa Aking Misyon
Habang naglilingkod sa isang historic-site mission, isang pahiwatig ang tumulong sa akin na mapalapit sa aking ninuno.
Isang Linggo ng umaga, may dumating na email sa inbox ko mula sa FamilySearch. Binanggit doon ang aking lolo-sa-talampakan na si Thomas Jefferson Thurston. Nalaman ko na inilibing siya sa St. George, Utah, USA, kung saan ako naglilingkod noon bilang isang historic-site missionary. Sa pagsisiyasat pa sa aking family tree, natuklasan ko na lumipat si Thomas sa St. George noong 1880 sa edad na 75 para mapalapit sa St. George Utah Temple. Nalaman ko rin na itinayo ni Thomas ang isa sa mga unang bahay na yari sa pino sa St. George. Tuwang-tuwa ako at naintriga dahil bago sa akin ang mga detalyeng ito dahil ang alam ko lang ay Thomas ang pangalan niya.
Gusto kong hanapin ang lapida niya kinabukasan. Maaga pa nang araw na iyon ay sinabi kong, “Punta na lang tayo roon tapos nating maglingkod sa Jacob Hamblin House” (isa sa mga makasaysayang lugar kung saan ako naglingkod). Pagkaraan ng ilang sandali nahikayat akong sabihing, “Punta na tayo ngayon.”
Dahil nakita ko na ang isang larawan ng lapida ni Thomas sa FamilySearch.org, nakakagulat na madali naming nahanap ang lapida. Habang nakatayo sa tabi ng lapida napansin ko ang isang babae na nagmamadaling lumapit sa akin. Sa lapida ng aming ninuno, natuklasan namin na magpinsan kami sa tuhod. Nagyakapan kami, nagtawanan, at nagkuhanan ng mga retrato. Nadama ko na ginabayan ako ng Espiritu Santo, lalo na sa tiyempo, na makarating sa sementeryo bago nakaalis ng sementeryo si Susan, ang bagong tuklas na pinsan ko sa tuhod.
Nilisan ko ang sementeryo na sabik na umaasam na makapunta nang diretso sa address na nakalista sa FamilySearch kung saan nanirahan ang aking lolo-sa-talampakan. Naroon at nakatayo ang bahay niya. Nakalipas na ang 140 taon mula nang simulan niyang itayo ang bahay. Nang makita ko ang bahay niya, nagkaroon ako ng hindi inaasahang mga damdamin ng kaugnayan at pagmamahal para sa aking lolo-sa-talampakan.
Isang karatulang metal sa harap ng lote ang nagpatunay na ito ang bahay na kanyang itinayo. Habang binabasa ko ang karatula, lumabas ang may-ari ng bahay mula sa garahe sakay ng kotse. Tumigil siya at sinabi ko na ako ay apo-sa-tuhod ng gumawa ng bahay na ito. Magalang na nag-alok ang lalaki na ipakita sa akin ang bahay. Nakita at nahipo ko ang bahay ng aking lolo-sa-talampakan na isinilang noong 1805.
Naglakad ako sa orihinal na sahig sa sala na yari sa pino. Dumungaw ako sa mga orihinal na pasimano ng bintana. Inakyat ko ang matatarik na baitang ng makasaysayang hagdan paakyat sa ikalawang palapag. Sa katahimikan, nakinita ko ang aking mga ninuno na kumakain, natutulog, at nag-aaral ng ebanghelyo sa bahay na ito. Kung dumating ako nang mas maaga nang ilang minuto, hindi sana ako naimbitang pumasok sa bahay na natirhan ni Thomas. Pinagpala ako ng aking Ama sa Langit sa maraming paraan nang bisitahin ko ang bahay ng aking lolo-sa-talampakan at nadama ko na napakalapit ko sa kanya.
Naisip ko ang mga salita ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ating [mga] hangarin, katapatan, at pagsunod ay nakapag-iimbita at nakatutulong sa atin na malaman ang Kanyang magiliw na awa para sa ating lahat. … Bawat isa sa atin ay may matang makakikita at taingang makaririnig nang malinaw sa magiliw na awa ng Panginoon habang pinalalakas at tinutulungan tayo nito sa mga huling araw.”1
Sa loob lamang ng mahigit 24 na oras, nakaugnay ako sa aking lolo-sa-talampakan na si Lolo Thurston. Nabatid ko ang kanyang pagkamasunurin, mga sakripisyo, at mga nagawa. Sa FamilySearch ko nalaman ang tungkol sa kanya, ngunit ang mga bulong ng Espiritu ang nag-ugnay sa akin sa aking pamana. Ang pagmamahal na ipinamalas sa akin ng aking Ama sa Langit ay nagpalakas sa akin at mananatili sa aking alaala magpakailanman. Alam ko na ang sunud-sunod na mga pangyayari at ang mga detalye ng aking panahon ay mga pagpapala mula sa Panginoon.