Digital Lamang
Pagmamahal, Pagkakaisa, Paggalang, at Pagkakaibigan—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol
Tingnan sa social media kung ano ang naituro ng mga buhay na propeta kamakailan tungkol sa mga paksang ito.
Nagsalita ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa, paggalang, at pagkakaibigan. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe sa social media tungkol sa mga paksang ito, kabilang na ang mga sumusunod:
Maging Mabait at Itigil ang Pagtatalo
“Magpasiya na maging mabait sa iba. Nang dumalaw ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa mga lupain ng Amerika, ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon, ang isa sa mga unang bagay na itinuro Niya ay ang pangangailangang itigil ang pagtatalo sa ating buhay. Kaya, maging mahabagin, maging maunawain, maging mabagal sa paghatol, at mabilis na magpatawad.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Ene. 1, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.
Lumikha ng Diwa ng Pagtutulungan
“Ang pagkakaibigan at paggalang ay literal na makapagliligtas ng buhay.
“Kasama ako ng mga taong nagsikap na makabuo ng artificial heart-lung machine, na nakatulong naman sa pagsasagawa ng unang open-heart surgery. Nagkaroon ng matinding diwa ng pagtutulungan at paggalang ang ilan sa amin na nagtatrabaho sa bagong larangang iyon ng pagsasaliksik sa medisina. Alam namin na ang tunay naming kakumpitensya ay ang karamdaman at kamatayan. Ang pagtutulungan namin sa pagmamadaling manguna sa mga bagong pamamaraan sa medisina ay literal na nagligtas ng mga buhay.
“Posibleng kumontra sa iba nang hindi nilalabag ang utos ng Tagapagligtas na ‘kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo’ (Juan 15:12). Posibleng magkaroon ng ibang opinyon kumpara sa inyong kapwa habang minamahal pa rin ang kapwang iyon. Posible pa ngang ‘makipagkumpitensya’ sa diwa ng paggalang sa isa’t isa na inilalabas ang pinakamabuting ugali sa lahat.
“Nawa’y personal nating pagnilayan kung ano ang magagawa natin para maitigil ang pagtatalo sa sarili nating buhay habang tayo’y tumatanggap ng … kahusayan, pagkakaibigan, at paggalang.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Hul. 3, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.
Itigil ang Pagtatangi at Itaguyod ang Paggalang
“Malugod naming tinatanggap ang mga pagkakataong ito na bumuo ng pagkakaibigan at talakayin ang mga inisyatibo na patuloy na maghihikayat ng pagkakaunawaan at paggalang sa isa’t isa.
“Ang gayong mga pagkakaibigan ay nagpapayaman sa ating buhay at nagpapamalas ng mahahalagang aral ng Tagapagligtas. …
“Inuulit ko ang aking panawagan1 sa mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako na itigil ang pagpapakita ng pagtatangi at itaguyod ang paggalang para sa lahat ng anak ng Diyos. Ito ay tanda ng lahat ng tunay na alagad ni Jesucristo.
“Ang pagtigil na magtangi ay kailangang maging higit pa sa sinasabi natin sa pulpito. Kailangan din nating itigil ang masakit at walang-pakundangang mga komento sa ating mga pag-uusap, sa ating mga pribadong mensahe sa isa’t isa at sa social media, at, higit sa lahat, sa ating sariling puso. Mangyayari ito kapag lubos nating tinatanggap ang mga turo ng Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagsabing, ‘Kayo’y magmahalan sa isa’t isa; gaya ng pagmamahal ko sa inyo’ (Juan 13:34).
“Nawa’y sikapin nating sundin Siya sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kanyang dakila, mapagmahal, at sumasaklaw sa lahat na halimbawa.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Hun. 14, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.
Ayusin ang mga Di-Pagkakasundo
“Bagama’t hindi pa rin magawang ayusin ng ating lipunan ang kaugnayan sa pagitan ng kalayaang pangrelihiyon at ng kawalan ng diskriminasyon, naniniwala ako na hindi ito kailangang manatiling gayon. … Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, itinataguyod ko ang moral at pulitikal na pangangailangang ayusin ang umiiral na mga alitan at iwasang magkaroon ng bagong alitan.
“Bilang praktikal na batayan ng pamumuhay nang magkakasama, dapat nating tanggapin ang katotohanan na tayo ay mga kapwa mamamayan na nangangailangan sa isa’t isa. Dahil dito ay kailangan nating tanggapin ang ilang batas na hindi natin gusto, at mamuhay nang payapa sa piling ang ilang tao na naiiba sa atin ang mga pinahahalagahan. Kapag ang ilang tagapagtaguyod ay nang-iinsulto o gumagawa ng iba pang maliliit na pang-uudyok, dapat silang balewalain ng magkabilang panig. Napakarami nang hindi magandang pagtatalo sa ating lipunan. Kung gaganti tayo, malamang na mang-insulto rin tayo.
“Malayo sa pagiging isang kahinaan, ang paglutas sa mga magkasalungat na posisyon sa pamamagitan ng magalang na pakikipag-areglo ay isang banal na katangian. Gaya ng itinuro ng Tagapagligtas, ‘Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos’ (Mateo 5:9).
“Lahat ng kailangan para magkaroon ng pagkakaisa at malawak na pagsasamahan para maitaguyod ang ating karaniwang pangangailangan sa kalayaang pangrelihiyon ay ang iisa nating pananalig na inutusan na tayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa, pati na ang ating kapwa na may iba’t ibang paniniwala at kultura.”
Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Nob. 12, 2021, facebook.com/dallin.h.oaks.
Magmahal na Tulad ng Pagmamahal ni Cristo
“Nadarama ko ang liwanag, ang magandang pananaw, at ang patotoong nagmumula sa impluwensya ng Espiritu Santo sa tuwing naaalala, pinagninilayan, at sinisikap kong tularan ang Tagapagligtas ng Sanlibutan.
“… Kailangan nating sikaping magmahal tulad ng pagmamahal Niya.
“Walang pagkakaiba sa Kanya ang mahirap at mayaman, ang bata o matanda, ang malusog o mahina. Hindi Niya iwinaksi ang mga taong iba ang relihiyon o iba ang kultura. Minahal Niya ang lahat. Mahal Niya ang lahat. At inutusan Niya tayong ‘mahalin ang isa’t isa,’ tulad ng pagmamahal Niya sa atin (Juan 15:12).”
Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Dis. 20, 2020, facebook.com/henry.b.eyring.
Isama ang Isa’t Isa
“Nalulungkot akong isipin na hindi madarama ng isang tao na may lugar para sa kanya sa simbahan sa araw ng Linggo. May lugar para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Bawat isa sa atin ay mahalagang miyembro ng pamilya ng Diyos. Halina! Saan man kayo naroon, at sino man kayo. …
“Umaasa ako na kumikilos ang mga miyembro ng ward nang may diwa ng pagkakaisa para isama ang isa’t isa. Sa halip na husgahan ang isa’t isa, dapat nating alalahanin na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay interesado lamang sa ating personal na paglago. Hindi natin dapat ikumpara ang ating sarili sa iba. Mahalin natin ang isa’t isa, at alalahanin na Siya man ay ‘nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan’ [Doktrina at mga Tipan 93:13].”
Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Okt. 13, 2021, facebook.com/mrussell.ballard.
Magpakita ng Pagmamahal at Pagtanggap
“Labis akong nagpapasalamat sa presensya ng tunay na mga kaibigan sa buhay ko.
“Isa si Reverend Dr. Andrew Teal, chaplain at theologian sa Oxford University, sa mga kaibigang iyon. Nang magkakilala kami, pakiramdam namin ay habampanahon na naming kilala ang isa’t isa. Siya ay mapagkawanggawa, tapat, at napakabait. Ang aming pagkakaibigan ay nakahihigit sa mga pagkakaiba sa relihiyon at kultura na maaaring maglayo sa amin. Sa halip, nagtuon kami sa maraming pagkakatulad namin, tulad ng pagmamahal namin sa Diyos at hangaring ibahagi ang Kanyang pagmamahal sa iba.
“Marami akong natutuhan mula sa likas na kakayahan ni Andrew na mahalin at tanggapin ang kanyang kapwa mga kapatid. Hindi niya iniisip ang kanyang sariling interes at sa pamamagitan ng di-makasariling mga gawa, tinatanggap niya ang mga tao mula sa lahat ng sitwasyon sa buhay sa kanyang mapagbigay na puso. Natatanggap namin ni Pat ang pagmamahal at pagtanggap na iyon kapag binibisita namin siya sa Oxford paminsan-minsan.
“Palibutan ang inyong sarili ng mga tunay na kaibigan na hindi lamang nakasisiya sa inyo kundi kinapupulutan pa ninyo ng mahahalagang aral. Sa ganitong paraan matutupad natin ang ikalawang pinakadakilang utos, na ‘ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili’ [Marcos 12:31].”
Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Peb. 28, 2022, facebook.com/jeffreyr.holland.
Ituring ang Lahat Bilang mga Kapatid
“Bilang mga mamamayan ng mundo, mas marami tayong pagkakatulad kaysa inaakala natin. Totoo iyan hindi lamang para sa atin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kundi para din sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit. …
“Kung magtutuon lamang tayo sa pare-pareho nating mga karanasan at pag-asa sa buhay, dapat ay hindi tayo gaanong mahirapang makisama sa mga indibiduwal, komunidad, at bansa—saanman tayo nakatira at anuman ang ating pinagmulan o sitwasyon sa buhay.
“Kung may naituro sa atin ang kasaysayan ng mundo, natutuklasan natin na likas sa atin bilang tao ang isipin na tayo ang ‘mabubuting tao’—ang mga bayani sa kuwento. At ang mga taong iba ang iniisip at ikinikilos? Sila ang ‘masasamang tao.’
“Kapag itinuturing natin ang iba bilang mga kaaway, hinahanap natin ang pinakamasama sa kanila at ang pinakamabuti sa atin.
“Hinuhusgahan natin ang ating panig ayon sa ating mabubuting layunin, at ang kabilang panig ayon sa kanilang masasamang gawa.
“Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na pag-ibayuhin ang pagmamahal sa ating puso hanggang sa makita natin ang lahat ng kalalakihan at kababaihan bilang ating kapwa—bilang ating mga kapatid. Pinagsasama-sama at pinagkakaisa ng Kanyang ebanghelyo ang bawat lalaki, babae, at bata. Itinuturo nito na hindi tayo magkakaaway, kundi tayo ay iisang banal at walang-hanggang pamilya; mga anak na lalaki at babae ng mapagmahal na Ama sa Langit.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Okt. 18, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Patatagin ang mga Kaugnayan sa Panginoon at sa Iba
“Ang mga pagkakaibigan ay napakahalagang bahagi ng ating buhay. Kapag ginagawa at ipinamumuhay natin ang ating mga tipan sa Diyos, nabubuo ang pagkakaibigan at nagiging kabilang tayo sa isa’t isa. Sa pagiging kabilang sa tipan, napapalakas natin ang isa’t isa sa Kanyang pagmamahal, sa gayo’y lalo nating minamahal ang Diyos at ang isa’t isa. Ang maging kabilang sa Diyos at sa isa’t isa sa tipan ay pagngiti sa mga lugar na hindi inaasahan habang nakatingin tayo na may mga matang nakakakita at nakikinig na may mga taingang nakakarinig. Binabago Niya tayo at ang ating mga kaugnayan para maging lalong katulad Niya at maging Kanya. Nawa’y mapalakas tayo sa ating kaugnayan sa Panginoon at sa isa’t isa habang sama-sama nating tinatahak ang ating landas ng buhay.”
Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Hul. 30, 2021, facebook.com/gerritw.gong.