2022
Isang Huwaran para Maiwasan ang Pakiramdam na Hindi Tayo Umuunlad
Setyembre 2022


“Isang Huwaran para Maiwasan ang Pakiramdam na Hindi Tayo Umuunlad” Liahona, Set. 2022.

Isang Huwaran para Maiwasan ang Pakiramdam na Hindi Tayo Umuunlad

“Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52,) at magagawa rin natin iyan.

lalaking nakatitig sa paglubog ng araw

Larawang kuha ni Judith Ann Beck

Pakiramdam na Hindi Tayo Umuunlad

Habang nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo bilang isang single adult, maaaring mahirap na hindi magtuon sa ilang aspeto ng ating buhay na ang gusto sana natin ay iba ang nangyayari. Kung minsan pakiramdam natin parang hindi na tayo uunlad pa. Para sa akin, ang mga pakiramdam na hindi ako umuunlad ay nawawala at bumabalik, at tumatagal ito nang ilang araw, buwan, at unti-unti, maging hanggang ilang taon. Marami ako palaging dahilan para maging masaya at magkaroon ng magandang pananaw sa buhay, pero may panahon na sobrang apektado ako kapag naiisip kong walang progreso ang buhay ko.

Noong panahong iyon, hiniling ng pamangkin kong tinedyer na makasama ako. Nalaman niya na kailangang may mithiin siya sa buhay kaya humingi siya ng payo sa akin. Wala man ako sa posisyon na bigyan siya ng magandang payo, pero nakinig ako. Alam ko na maaari akong “magsumamo” sa Diyos para humingi ng tulong (tingnan sa Alma 34:17–27) at manalangin para may masabing makabuluhan sa kanya. Isinagot ko ang naalala ko sa Lucas 2:52: “Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.”

Nang sikapin kong magtuon sa mga pangangailangan ng pamangkin ko sa halip na sa sarili kong pangangailangan, may nagsimulang magbago sa akin. Pinag-usapan namin ng pamangkin ko kung paano umunlad si Cristo sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal at na puwedeng mangyari din sa amin iyon. Bagama’t ang mga pangangailangan ng aking pamangkin ay naiiba sa akin, ang apat na aspetong ito ng pag-unlad ay angkop sa amin. Habang pinag-uusapan namin ang banal na kasulatang ito, natanto ko na sinasagot nito ang sarili kong mga tanong tungkol sa kung paano sisikaping magkaroon ng progreso.

Pagbabago ng Aking Pinagtutuunan, Pagkilos ayon sa mga Plano

Nang sikapin kong umunlad na tulad ng pag-unlad ng Tagapagligtas, nabago ang pinagtutuunan ko ng pansin, at nagdulot iyan ng mga karagdagang pagpapala. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”1 Ang mga pagsisikap kong umunlad na katulad ni Jesucristo ay nakatulong para alisin ko ang pagtutuon ko sa mga sitwasyon na labis kong binigyan ng pansin at sa halip ay magtuon sa mga bagay na maaari kong pagsikapang gawin. Nakaya kong isagawa ang mga pinagninilayan kong gawin.

Masigasig kong pinag-isipan kung paano ako uunlad sa bawat aspetong binanggit sa Lucas 2:52, mula sa mas madalas na pagpunta sa templo hanggang sa pakikipagkarera gamit ang bisikleta.

Memphis Tennessee Temple

Larawan ng Memphis Tennessee Temple na kuha ni James Whitney Young

Sa bawat aspeto ng aking mga mithiin, gumawa ako ng ilang obserbasyon:

  1. Habang ginagawa ang isang mithiin, madalas kong madama na pinalalakas ako ni Cristo sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal sa loob ng iisang mithiing iyon.

  2. Bihirang mangyari na hindi naapektuhan ng anumang mithiin ang iba pang mga aspeto ng pag-unlad—tila naaapektuhan at pinalalakas ng mga ito ang isa’t isa. Ang pagpapabuti sa isang aspeto ay humantong sa pagpapabuti sa lahat ng iba pang mga aspeto. Nakakaapekto rin sa lahat ng iba pang aspeto ang kapabayaan sa anumang aspeto. Natanto ko na bawat aspeto ay nararapat na bigyang-pansin.

  3. Halos lahat ng mithiin ay kinabibilangan ng ibang tao—pagkatuto man mula sa kanila o pagbabahagi ng mga ideya at karanasan sa kanila—at nagpalalim ng aming mga ugnayan.

Pagkakaroon at Pagbabahagi ng Kagalakan kay Cristo

Patuloy akong nagkaroon ng pagkakataon na makita at mabigyang-inspirasyon ng pag-unlad ng iba, at umaasa ako na magawa ko rin iyon para sa kanila. Kamakailan ay nakipag-usap ako sa isang kaibigan ko na walang asawa na ang pakiramdam ay hindi siya umuunlad at bigo siya sa ilang sitwasyon sa buhay. Nakinig ako para maunawaan siya, at pagkatapos ay nakapagbahagi ako ng mga karanasan na nakatulong sa akin at ipinakita ko rin kung paano nauugnay sa Tagapagligtas ang bawat aspeto ng pag-unlad.

Bagama’t hindi nagbago ang lahat ng aspeto sa buhay ko na nagparamdam sa akin na hindi ako umuunlad maraming taon na ang nakalipas, may nagbago sa akin nang sikapin kong mas magtuon sa Tagapagligtas at magsikap na umunlad na katulad Niya. Tulad ng ibinahagi ni Pangulong Nelson, “Maraming bagay ang maaari nating makontrol. Tayo ang nagtatakda ng ating mga prayoridad at nagpapasiya kung paano natin gagamitin ang ating lakas, panahon, at kakayahan. … Tayo ang pumipili ng lalapitan natin para sa katotohanan at gabay.”2 Anuman ang ating mga sitwasyon, ang mga aspeto ng pag-unlad sa Lucas 2:52 ay makatutulong sa atin na baguhin ang ating pinagtutuunan at humanap ng karagdagang kagalakan at pag-unlad sa pamamagitan ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas.

Ang awtor ay naninirahan sa Tennessee, USA.