Ang Pinakadakilang Kuwento sa Pasko ng Pagkabuhay
Tingnan ang Aklat ni Mormon sa isang bagong paraan at isaalang-alang ang malalim na patotoo nito sa realidad ng buhay na Cristo.
Liham ng Unang Panguluhan para sa Pasko ng Pagkabuhay
Malamang na naaalala ninyo na binasa ang isang liham mula sa Unang Panguluhan sa inyong ward o branch ilang linggo na ang nakararaan. Ibinalita sa liham na iyon na sa susunod na Linggo—Linggo ng Pagkabuhay—lahat ng ward at branch ay magpupulong para lamang sa sacrament meeting, kaya magkakaroon pa ng oras ng pagsamba sa tahanan bilang mga pamilya para gunitain ang pinakamahalagang pista-opisyal na ito.1
Naging lubhang interesado ako sa liham ng Unang Panguluhan, at naging dahilan ito para pagnilayan ko ang paraan ng pagdiriwang ng aming pamilya sa Pasko ng Pagkabuhay sa paglipas ng mga taon. Habang mas iniisip ko ang aming mga pagdiriwang, lalo kong naisip sa sarili ko kung nababalewala ba namin nang hindi sinasadya ang tunay na kahulugan ng pista-opisyal na ito, na napakahalaga sa lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo.
Mga Tradisyon sa Pasko at Pasko ng Pagkabuhay
Ang mga ideyang iyon ang nagtulak sa akin na pagnilayan ang kaibhan ng paraan ng pagdiriwang namin ng Pasko kumpara sa Pasko ng Pagkabuhay. Tuwing Disyembre, kahit paano ay nagagawa naming iugnay ang saya ng “Jingle Bells,” mga medyas, at mga regalo sa iba pang mas makabuluhang mga tradisyon—tulad ng pangangalaga sa mga nangangailangan, pagkanta ng paborito naming mga Pamaskong awitin at himno, at siyempre pa ay ang pagbuklat ng mga banal na kasulatan at pagbasa sa kuwento ng Pasko sa Lucas 2. Bawat taon habang binabasa namin ang pinakamamahal na kuwentong ito mula sa isang malaking Biblia, ginagawa ng aming pamilya ang malamang na ginagawa ninyo—nang nakapatong ang tuwalya sa aming ulo at mga balikat at nakasuot kami ng mga bathrobe para kumatawan kina Jose, Maria, at sa maraming nagdatingan para sambahin ang sanggol na si Jesus, isinasadula namin ang katangi-tanging kuwento ng Pasko tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas.
Gayunman, medyo naiiba ang mga pagdiriwang ng aming pamilya sa Pasko ng Pagkabuhay. Pakiramdam ko ay mas umaasa ang aming pamilya sa “pagsisimba” para madama ang bahagi ng Pasko ng Pagkabuhay na nakasentro kay Cristo; at pagkatapos, bilang pamilya, ay nagtitipun-tipon kami para pagsaluhan ang iba pang tradisyong nauugnay sa Pasko ng Pagkabuhay. Gustung-gusto kong panoorin ang aming mga anak at ngayo’y ang aming mga apo na maghanap ng mga Easter egg at maghalukay sa kanilang mga Easter basket.
Ngunit ang liham ng Unang Panguluhan ay isang paunawa sa lahat. Hindi lamang nila tayo inanyayahang lahat na tiyakin na ang pagdiriwang natin sa pinakamahalagang pangyayari sa daigdig na ito—ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo—ay may kasamang pagpipitagan at paggalang na nararapat sa Panginoon, kundi binigyan din nila tayo ng mas maraming oras para magawa ito na kasama ang ating pamilya at mga kaibigan sa Pasko ng Pagkabuhay.
Ang mga salitang ito ni Propetang Joseph Smith ay may dagdag na konteksto sa kahalagahan ng mga pangyayaring nauugnay sa Pasko ng Pagkabuhay: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”2
Napag-usapan namin ni Lesa ang mga bagay na mas magandang gawin ng aming pamilya sa Pasko ng Pagkabuhay. Marahil, ang naitanong namin sa aming sarili ay maaari nating pag-isipang lahat: Paano natin maituturo at maipagdiriwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay, nang may pagsisikap, kaligayahan, at pagdiriwang ng mga tradisyon na tulad ng pagtuturo at pagdiriwang natin ng Pasko?
Tila nagsisikap tayong lahat. Napapansin ko ang lumalagong pagsisikap ng mga Banal sa mga Huling Araw na mas isentro kay Cristo ang Pasko ng Pagkabuhay. Kabilang dito ang mas dakila at mas mapagnilay na pagpapahalaga sa Linggo ng Palaspas at Biyernes Santo tulad ng nakasanayan ng ilan sa kapwa natin Kristiyano. Maaari din nating gawin ang angkop na mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay na nakasentro kay Cristo na matatagpuan sa mga kultura at gawi ng mga bansa sa buong mundo.
Iminungkahi ng scholar ng Bagong Tipan na si N. T. Wright: “Dapat tayong gumawa ng mga hakbang para ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay sa mga bago at malikhaing paraan: sa sining, literatura, mga larong pambata, tula, musika, sayaw, mga pagdiriwang, mga kampana, at espesyal na mga konsiyerto. … Ito ang ating pinakadakilang pagdiriwang. Kapag inalis ang Pasko, ayon sa Biblia ay mawawalan tayo ng dalawang kabanata sa bandang unahan ng Mateo at Lucas, at wala nang iba. Kapag inalis ninyo ang Pasko ng Pagkabuhay, wala kayong Bagong Tipan; wala kayong Kristiyanismo.”3
Pasko ng Pagkabuhay, ang Biblia, at ang Aklat ni Mormon
Itinatangi natin ang Biblia dahil sa lahat ng itinuturo nito sa atin tungkol sa pagsilang, ministeryo, Pagpapako sa Krus, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Walang tatlong salitang kumakatawan sa mas malaking pag-asa at walang-hanggang kahihinatnan ng buong sangkatauhan kaysa sa sinambit ng anghel mula sa langit sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay sa Libingan sa Halamanan: “Siya [ay] binuhay.”4 Lubos kaming nagpapasalamat sa Bagong Tipan na iniingatan ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay at ang ministeryo ng Tagapagligtas sa Judea at Galilea noong Pasko ng Pagkabuhay.
Habang patuloy kami ni Lesa sa pagninilay at paghahanap ng mga paraan para mas maisentro kay Cristo ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ng aming pamilya, pinag-usapan namin kung anong tradisyon sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang maaari naming pasimulan sa aming pamilya—na katumbas ng Lucas 2 para sa Pasko ng Pagkabuhay.
At pagkatapos ay nakatanggap kami ng inspirasyon mula sa langit: Bukod pa sa mahahalagang talata sa Bagong Tipan tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay, tayo bilang mga Banal sa mga Huling araw ay pinagkalooban ng napakagandang kaloob sa Pasko ng Pagkabuhay! Isang kaloob ng natatanging saksi, isa pang katibayan ng himala ng Pasko ng Pagkabuhay na malamang na naglalaman ng pinaka-kagila-gilalas na mga talata sa banal na kasulatan sa buong Kristiyanismo tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay. Ang tinutukoy ko siyempre ay ang Aklat ni Mormon at, mas partikular, ang salaysay tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa mga naninirahan sa Bagong Daigdig sa Kanyang nabuhay na mag-uling kaluwalhatian.
Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon bilang “pinakatumpak sa anumang aklat,”5 at simula sa 3 Nephi 11, ikinukuwento nito ang kahanga-hangang pagdalaw ng nabuhay na mag-uling Cristo sa mga Nephita, ang ministeryo ng Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay. Nakatala sa mga talatang ito sa banal na kasulatan ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo.
Sa mga kabanatang ito, tumawag si Cristo ng Labindalawang Apostol, nagturo tulad ng ginawa Niya sa Kanyang Sermon sa Bundok, nagpahayag na natupad na Niya ang batas ni Moises, at nagpropesiya tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw. Pinagaling Niya ang mga may sakit at ipinagdasal ang mga tao sa lubhang kagila-gilalas na paraan kaya “walang dilang maaaring bumigkas, ni maaaring isulat ng sinumang tao, ni maaaring maunawaan ng puso ng mga tao ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay kagaya ng kapwa namin nakita at narinig na winika ni Jesus; at walang sinumang makauunawa sa kagalakang pumuspos sa aming mga kaluluwa sa panahong narinig namin siyang nanalangin sa Ama para sa amin.”6
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, magtutuon ang aming pamilya sa unang 17 talata ng 3 Nephi 11, na pamilyar sa inyo. Maaalala ninyo ang napakaraming taong nakapaligid sa templo sa lupaing Masagana na nakarinig sa tinig ng Diyos Ama at nakakita kay Jesucristo na bumababa mula sa langit para ipaabot ang pinakamagandang paanyaya sa Pasko ng Pagkabuhay:
“Bumangon at lumapit sa akin, … upang inyo[ng] masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga … ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
“At … ang maraming tao ay lumapit, … isa-isang … nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, … at nagpatotoo, na ito ay siya nga, …
“At … sila ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing:
“Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos! At sila ay nagsiluhod sa paanan ni Jesus, at sinamba siya.”7
Isipin ninyo: nahawakan talaga ng mga Nephita sa templo ang mga kamay ng nagbangong Panginoon! Inaasam naming gawing bahagi rin ng aming tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay ang mga kabanatang ito sa 3 Nephi na tulad ng pagiging bahagi ng Lucas 2 ng aming tradisyon sa Pasko. Ang totoo, ibinabahagi ng Aklat ni Mormon ang pinakadakilang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay. Huwag hayaang mabalewala ang pinakadakilang kuwentong ito ng Pasko ng Pagkabuhay.
Inaanyayahan ko kayong tingnan ang Aklat ni Mormon sa isang bagong paraan at isaalang-alang ang malalim na patotoo nito sa realidad ng buhay na Cristo pati na ang lawak at lalim ng doktrina ni Cristo.
Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon si Jesucristo
Maaari nating itanong, Paano mapagpapala ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa Pasko ng Pagkabuhay ang buhay natin at ng ating mga mahal sa buhay sa makabuluhang paraan? Higit pa sa maaaring matanto ng sinuman. Anumang oras tayo magbasa at mag-aral mula sa Aklat ni Mormon, makakaasa tayo ng mga pambihirang resulta.
Kamakailan, dumalo kami ni Lesa sa lamay ng isang mahal na kaibigan, isang babaeng matibay ang pananampalataya na maagang pumanaw dahil sa sakit. Nagtipon kami ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan, at nagbahaginan ng masasayang alaala ng butihing taong ito na naging bahagi ng aming buhay.
Habang nakatayo ako nang malayo sa kabaong, na kausap ang iba, napansin ko ang dalawang batang babaeng edad-Primary na lumapit sa kabaong at tumingkayad—napakaliliit para masilip ang loob ng kabaong—para magpaalam sa kanilang pinakamamahal na tiya. Dahil walang ibang tao sa malapit, lumapit si Lesa at yumuko sa tabi nila para panatagin at turuan sila. Kinumusta niya sila at tinanong kung alam nila kung nasaan ngayon ang tiya nila. Sinabi nilang malungkot sila, ngunit sinabi ng mahal na mga anak na ito ng Diyos, na puno ng tiwala ang kanilang mga mata, na alam nila na masaya na ngayon ang tiya nila at makakasama niya si Jesus.
Sa murang edad nila, nakasumpong sila ng kapayapaan sa dakilang plano ng kaligayahan at nagpatotoo, sa sarili nilang paraan, tungkol sa malalim na realidad at simpleng kagandahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Alam nila ito sa kanilang puso dahil sa maingat na pagtuturo ng mapagmahal nilang mga magulang, pamilya, at mga lider ng Primary na nagtatanim ng binhi ng pananampalataya kay Jesucristo at sa buhay na walang hanggan. Matalino sa kabila ng kabataan, naunawaan ng mga batang ito ang mga katotohanang dumarating sa atin sa pamamagitan ng mensahe at ministeryo ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay at ng mga salita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon.
Napansin ko na kapag nagreregalo ng Aklat ni Mormon si Pangulong Russell M. Nelson sa isang taong iba ang relihiyon, pati na sa mga pinuno ng mundo, madalas niyang binubuklat ang aklat sa 3 Nephi at binabasa ang tungkol sa pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Cristo sa mga Nephita. Sa paggawa nito, ang buhay na propeta ay nagpapatotoo tungkol sa buhay na Cristo.
Hindi tayo maaaring tumayo bilang mga saksi ni Jesucristo hanggang sa tayo ay makapagpatotoo tungkol sa Kanya. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang saksi ni Jesucristo dahil sa lahat ng sagradong pahina nito, sunud-sunod ang mga propetang nagpapatotoo hindi lamang na darating si Cristo kundi na dumating na Siya.
Dahil sa Kanya
Hawak ko ang isang kopya ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon. Nagiging emosyonal ako palagi kapag ginagawa ko ito. Halos buong buhay ko bilang adult, naakit, nabighani, at nasabik ako dahil sa ginawa ng batang si Joseph Smith para maisalin at mailathala ang sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan. Nakamamanghang isipin ang mga himalang kinailangang mangyari.
Ngunit hindi iyan ang dahilan kung bakit ako emosyonal. Ito ay dahil ang aklat na ito, higit pa sa anumang inilathala sa daigdig na ito, ay nagpapatotoo sa buhay, ministeryo, mga turo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Mahal kong mga kapatid, ang regular na pag-aaral ng aklat na ito tungkol kay Jesucristo ay babaguhin ang buhay ninyo. Bubuksan nito ang inyong mga mata sa mga bagong posibilidad. Daragdagan nito ang inyong pag-asa at pupuspusin kayo ng pag-ibig sa kapwa-tao. Higit sa lahat, bubuuin at patatatagin nito ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at bibiyayaan kayo ng tiyak na kaalaman na kilala at mahal Niya kayo at ng ating Ama, at nais Nila tayong makabalik sa ating tahanan, na may malaking titik na T.
Mahal kong mga kapatid, dumating na ang panahon, na ipinropesiya ng mga propeta noong unang panahon, “na ang kaalaman [tungkol sa] isang Tagapagligtas ay kakalat sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.”8 Nakikita natin mismo ang katuparan ng propesiyang ito, sa pamamagitan ng patotoo kay Jesucristo na matatagpuan sa Aklat ni Mormon.
Wala nang iba pang aklat ang makapagpapakita na:
-
Dahil kay Jesucristo, nagbago ang lahat.
-
Dahil sa Kanya, mas mabuti ang lahat.
-
Dahil sa Kanya, makakaya natin ang buhay—lalo na ang masasakit na sandali.
-
Dahil sa Kanya, posible ang lahat.
Ang Kanyang pagdalaw bilang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, na pinasimulan ng Diyos Ama, ay isang napakamaluwalhating mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay. Tutulungan nito ang ating mga kapamilya na magtamo ng personal na patotoo kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, na kumalag sa mga gapos ng kamatayan.
Magtatapos ako sa pagbabahagi ng aking patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at ni Jesucristo bilang Anak ng buhay na Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.