2023
Si Jesucristo ang Lakas ng mga Magulang
Mayo 2023


15:13

Si Jesucristo ang Lakas ng mga Magulang

Tulungan ang inyong mga anak na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, mahalin ang Kanyang ebanghelyo at ang Kanyang Simbahan, at maghanda para sa habambuhay na paggawa ng mabubuting pagpapasiya.

Noong unang panahon, may isang ama na papaalis na ng bahay para dumalo isang gabi sa bishopric meeting. Tumayo sa harapan niya ang kanyang apat na taong gulang na anak na babae na nakapantulog at hawak ang isang kopya ng Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon.

“Bakit mo po kailangang pumunta sa miting?” tanong nito.

“Kasi counselor ako sa bishopric,” sagot niya.

“Pero tatay po kita!” pagprotesta ng bata.

Lumuhod siya sa harap nito. “Mahal ko,” sabi niya, “alam ko na gusto mong basahan kita at patulugin, pero kailangan kong tulungan ang bishop ngayong gabi.”

Sagot ng bata, “Wala po bang tatay ang bishop na magpapatulog sa kanya?”

Walang hanggan ang pasasalamat namin sa napakaraming miyembro na masigasig na naglilingkod sa Simbahan ni Jesucristo araw-araw. Talagang sagrado ang inyong sakripisyo.

Pero tulad ng tila pagkaunawa ng batang ito, ganito rin kasagrado—at hindi mapapalitan—ang pag-aaruga ng magulang sa anak. Makikita rito ang huwaran ng langit.1 Tiyak na nagagalak ang ating Ama sa Langit, ang ating Banal na Magulang, kapag ang Kanyang mga anak ay tinuturuan at inaalagaan ng kanilang mga magulang sa lupa.2

Mga magulang, salamat sa lahat ng inyong ginagawa para palakihin ang inyong mga anak. At mga bata, salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para palakihin ang inyong mga magulang, dahil tulad ng alam ng bawat magulang, madalas ay marami tayong natututuhan mula sa ating mga anak tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa tulad ng pagkatuto ng ating mga anak mula sa atin!3

Ang mga Magulang ay May Sagradong Tungkulin

Naisip na ba ninyo ang napakalaking panganib na sinusuong ng ating Ama sa Langit tuwing magpapadala Siya ng isang anak sa lupa? Sila ay Kanyang mga espiritung anak na lalaki at babae. Walang hanggan ang kanilang potensyal. Itinadhana silang maging maluluwalhating nilalang na puno ng kabutihan, biyaya, at katotohanan. Subalit pumaparito sila sa lupa na halos walang magawa kundi umiyak sa paghingi ng tulong. Hindi nila naaalala ang panahon na nakasama nila ang Diyos, pati na kung sino sila talaga at kung ano ang maaari nilang kahinatnan. Nabubuo ang kanilang pagkaunawa sa buhay, sa pagmamahal, sa Diyos, at sa Kanyang plano batay sa naoobserbahan nila sa mga tao sa kanilang paligid—lalo na sa kanilang mga magulang, na sa totoo lang ay nagsisikap pa rin na maunawaan ang mga bagay-bagay para sa kanilang mga sarili.

Bagong silang na sanggol

Ibinigay na ng Diyos sa mga magulang ang “banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, [at] turuan silang … sundin ang mga kautusan ng Diyos.”4

Sapat na iyan para madama kahit ng pinakamagagaling na magulang ang malaking responsibilidad sa kanilang mga anak.

Ang mensahe ko sa lahat ng magulang ay ito:

Mahal kayo ng Panginoon.

Ginagabayan Niya kayo.

Tinutulungan Niya kayo.

Siya ang inyong lakas sa paggabay sa inyong mga anak sa paggawa ng mabubuting pagpapasiya.

Tanggapin ang pribilehiyo at responsibilidad na ito nang may tapang at kagalakan. Huwag ninyong ipasa kaninuman ang bagay na ito na pinagmumulan ng mga pagpapala ng langit. Batay sa mga pinahahalagahan at alituntunin ng ebanghelyo, kayo ang gagabay sa inyong anak sa mga detalye ng pang-araw-araw na desisyon. Tulungan ang inyong mga anak na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, mahalin ang Kanyang ebanghelyo at ang Kanyang Simbahan, at maghanda para sa habambuhay na paggawa ng mabubuting pagpapasiya. Sa katunayan, iyan ang plano ng Diyos para sa mga magulang.

Kakalabanin kayo ni Satanas, guguluhin kayo, susubukang pahinain ang loob ninyo.

Pero natanggap ng bawat bata ang Liwanag ni Cristo na nag-uugnay sa kanila sa langit. At tutulungan, gagabayan, at hihikayatin kayo ng Tagapagligtas. Hingin ang Kanyang tulong. Magtanong sa Panginoon!

Ang Panginoong Jesucristo

Kung si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan, si Jesucristo rin ang lakas ng mga magulang.

Pinag-iibayo Niya ang Pagmamahal

Kung minsa’y maaari nating isipin kung may ibang taong mas karapat-dapat na gumabay at magturo sa ating mga anak. Pero gaano man kalaki sa palagay ninyo ang inyong kakulangan, may isang natatanging bagay na ginagawa kayong marapat: ang pagmamahal ninyo sa inyong anak.

Ang pagmamahal ng isang magulang sa anak ang isa sa pinakamalalakas na puwersa sa sansinukob. Isa ito sa iilang bagay sa mundong ito na tunay na maaaring maging walang-hanggan.

Ngayon, pakiramdam ninyo marahil ay hindi perpekto ang relasyon ninyo sa inyong anak. Diyan pumapasok ang kapangyarihan ng Tagapagligtas. Pinagagaling Niya ang maysakit, at mapaghihilom Niya ang mga relasyon. Pinararami Niya ang tinapay at isda, at mapag-iibayo Niya ang pagmamahalan at kagalakan sa inyong tahanan.

Ang pagmamahal ninyo sa inyong mga anak ay lumilikha ng mainam na kapaligiran para sa pagtuturo ng katotohanan at pagpapalakas ng pananampalataya. Gawin ninyong isang bahay ng panalangin, pagkatuto, at pananampalataya ang inyong tahanan; isang bahay na may masasayang karanasan; isang lugar na kabibilangan; isang bahay ng Diyos.5 At “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng [Kanyang] pag-ibig, na kanyang ipinag[ka]kaloob sa … mga [alagad] ng kanyang Anak [na] si Jesucristo.”6

Pinalalaki Niya ang Maliliit at Simpleng mga Pagsisikap

Ang isa pang lakas na mayroon kayo, bilang isang magulang, ay ang pagkakataong patuloy na makaimpluwensya araw-araw. Ang mga kabarkada, guro, at media influencer ay hindi nagtatagal. Ngunit maaari kayong maging pinakamatatag na palagiang nakaiimpluwensya sa buhay ng inyong anak.

Maaaring tila maliit ang inyong mga pagsisikap kumpara sa malalakas na tinig ng mga tao sa mundo na naririnig ng inyong mga anak. Kung minsa’y maaaring maramdaman ninyo na wala kayong gaanong nagagawa. Ngunit tandaan na “sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay.”7 Ang isang home evening, isang pag-uusap tungkol sa ebanghelyo, o isang magandang halimbawa ay maaaring hindi makapagpabago sa buhay ng inyong anak sa isang iglap, tulad ng hindi lumalago kaagad ang halaman sa isang patak ng ulan. Ngunit ang maliliit at simpleng mga pagsisikap sa araw-araw, ay mas espirituwal na nagpapalakas sa inyong mga anak kaysa sa paminsan-minsang malalakas na espirituwal na pag-impluwensya sa kanila.8

Iyan ang paraan ng Panginoon. Nangungusap Siya sa inyo at sa inyong anak sa marahan at banayad na tinig, hindi sa tinig na parang kulog.9 Pinagaling Niya si Naaman hindi sa pamamagitan ng “mahirap na bagay” kundi sa pamamagitan ng simple at paulit-ulit na pagligo.10 Nagpakabusog ang mga anak ni Israel sa pagkain ng pugo sa ilang, ngunit ang nagpanatili sa kanilang buhay ay ang maliit at simpleng himala ng manna—ang kanilang pagkain sa araw-araw.11

Mga kapatid, ang pagkain sa araw-araw ay pinakamainam na ihanda at ihain sa tahanan. Ang pananampalataya at patotoo ay pinakamainam na napagyayaman sa normal at natural na mga paraan, sa paisa-isang hakbang, sa maliliit at simpleng mga sandali, sa araw-araw na daloy ng buhay.12

Bawat sandali ay isang pagkakataong magturo. Ang bawat salita at kilos ay maaaring maging gabay sa paggawa ng mga pagpili.13

Maaaring hindi ninyo makita ang agarang bunga ng inyong mga pagsisikap. Ngunit huwag sumuko. “Lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon,” sabi ng Panginoon. “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain.”14 Anong gawain pa ba ang mas dakila kaysa sa pagtulong sa mga itinatanging anak ng Diyos na malaman kung sino sila talaga at pagpapatatag ng pananampalataya nila kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan? Babasbasan at palalakihin ni Jesucristo ang patuloy ninyong mga pagsisikap.

Nagbibigay Siya ng Paghahayag

Ang isa pang mabisang paraan na sinusuportahan ng Panginoon ang mga magulang ay sa pamamagitan ng kaloob na personal na paghahayag. Sabik ang Diyos na ibuhos ang Kanyang Espiritu para gabayan ang mga magulang.

Habang kayo ay madasalin at sensitibo sa Espiritu, babalaan Niya kayo sa mga tagong panganib.15 Ihahayag Niya ang mga kaloob, kalakasan, at di-masabing alalahanin ng inyong mga anak.16 Tutulungan kayo ng Diyos na magkaroon ng pagtingin sa inyong mga anak na tulad ng pagtingin Niya sa kanila—na higit pa sa kanilang panlabas na anyo at nakatuon sa nilalaman ng kanilang puso.17

Sa tulong ng Diyos, malalaman ninyo kung paano kilalanin ang inyong mga anak sa dalisay at makalangit na paraan. Inaanyayahan ko kayong tanggapin ang alok ng Diyos na gabayan ang inyong pamilya sa pamamagitan ng personal na paghahayag. Hingin ang Kanyang patnubay sa inyong mga dalangin.18

Isang Malaking Pagbabago

Ang pinakamahalagang tulong marahil na inaalok ni Jesucristo sa mga magulang ay ang “malaking pagbabago” ng puso.19 Ito ay isang himalang kailangan ng bawat isa sa atin.

Isipin sandali ang sitwasyong ito: Nasa simbahan kayo, nakikinig sa isang mensahe tungkol sa mga pamilya. Inilalarawan ng tagapagsalita ang isang perpektong tahanan at ang mas perpekto pang pamilya. Hindi nag-aaway ang mag-asawa kailanman. Tumitigil lamang ang mga anak sa pagbabasa ng kanilang mga banal na kasulatan kapag oras na para gumawa ng homework. At ang awiting “Mahalin ang Bawat Isa”20 ay maririnig sa paligid. Bago pa umabot ang tagapagsalita sa bahaging sasali ang lahat sa masayang paglilinis ng banyo, iniisip na ninyo na, “Walang pag-asa ang pamilya ko.”

Mahal na mga kapatid, huwag mabahala! Ganyan din ang iniisip ng lahat sa kongregasyon! Ang totoo, nag-aalala ang lahat ng mga magulang na baka hindi pa sapat ang kanilang ginagawa.

Mabuti na lang, may mapagkukunan ng banal na tulong ang mga magulang: Si Jesucristo. Siya ang pinagmumulan ng malaking pagbabago ng ating puso.

Kapag binubuksan ninyo ang inyong puso sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo, ipapakita Niya sa inyo ang inyong mga kahinaan. Kung nagtitiwala kayo kay Jesucristo nang may mapagpakumbabang puso, palalakasin Niya ang mahihinang bagay.21 Siya ang Diyos ng mga himala.

Ibig bang sabihin nito ay magiging perpekto kayo at ang inyong pamilya? Hindi. Pero magiging mas mabuti kayo. Sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas, paunti-unti, magkakaroon kayo ng iba pang mga katangiang kailangan ng mga magulang: pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak, pasensya, pagiging di-makasarili, pananampalataya kay Cristo, at tapang na gumawa ng mabubuting pasiya.

Nag-aalok ng Tulong si Jesucristo sa Pamamagitan ng Kanyang Simbahan

Ang pagsisikap nating manampalataya kay Jesucristo ay nakasento sa tahanan at nakatuon sa indibiduwal. At suportado ito ng Simbahan. Maliban sa mga sagradong banal na kasulatan at salita ng mga propeta, nag-aalok din ang Simbahan ng Tagapagligtas ng maraming resources para matulungan ang mga magulang at anak na gumawa ng mga tamang pagpapasiya:

Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili
  • Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili ay hindi nagbibigay sa inyo ng listahan ng mga dapat o hindi dapat gawin. Nagtuturo ito ng mga walang-hanggang katotohanan para tumulong sa paggawa ng mga pagpapasiyang nakasentro sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Basahin ito kasama ng inyong mga anak. Hayaan silang pag-usapan ito. Tulungan silang magabayan ng mga walang-hanggan at banal na katotohanang ito ang kanilang mga pagpapasiya.22

  • Magandang tulong din ang mga FSY conference. Sana’y dumalo rito ang bawat kabataan. Inaanyayahan ko ang mga young single adult na sumali sa mga kumperensyang ito bilang mga mentor at counselor. Inaanyayahan ko ang mga magulang na palakasin ang espirituwal na momentum na taglay ng kanilang mga anak mula sa FSY conference.

  • Ang mga bata at kabataan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may mga guro, adviser, at mentor. Madalas kayong makaimpluwensya sa buhay ng isang kabataan sa napakahalagang sandali para palakasin at suportahan ang kanyang pananampalataya at patotoo. Ang ilan sa inyo ay mga single adult. Ang ilan ay walang sariling mga anak. Ang masayang paglilingkod ninyo sa mga anak ng Diyos ay sagrado sa paningin ng Diyos.23

Huwag Mawalan ng Pag-asa na Magkaroon ng Himala

Mahal kong mga kaibigan, mahal kong mga kapatid, ang pagpapalakas sa pananampalataya ng isang bata ay parang pagtulong na lumago ang isang bulaklak. Hindi ninyo maaaring hilahin ang tangkay para lumaki ito. Hindi ninyo maaaring piliting ibuka ang buko ng bulaklak para mas mabilis itong mamukadkad. At hindi ninyo maaaring pabayaan ang bulaklak at asahan itong lumago o yumabong nang mag-isa.

Ang maaari at kailangan ninyong gawin para sa bagong henerasyon ay magbigay ng mayaman at masustansyang lupa na may dumadaloy na tubig mula sa langit. Bunutin ang mga damo at anumang hahadlang sa sikat ng araw. Lumikha ng pinakamagandang posibleng kapaligiran para sa paglago. Matiyagang hayaang gumawa ng mga inspiradong pagpapasiya ang bagong henerasyon, at hayaang gawin ng Diyos ang Kanyang himala. Ang bunga nito ay magiging mas maganda at mas kahanga-hanga at mas masaya kaysa anumang maaari ninyong isagawa nang mag-isa.

Sa plano ng Ama sa Langit, ang mga relasyon ng pamilya ay nilayong maging walang hanggan. Kaya nga, bilang magulang, huwag kayong sumuko kailanman, kahit hindi ninyo ipinagmamalaki ang nakaraan.

Sa tulong ni Jesucristo, ang Dalubhasang Manggagamot at Tagapagligtas, maaaring magkaroon palagi ng bagong simula; lagi Siyang nagbibigay ng pag-asa.

Si Jesucristo ang lakas ng mga pamilya.

Si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan.

Si Jesucristo ang lakas ng mga magulang.

Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Likas sa halos lahat ng magulang ang pagnanais na turuan ng mabubuting asal ang [kanilang] mga anak. Bahagi ito ng himala ng plano ng Ama sa Langit. Nais Niyang pumarito sa mundo ang Kanyang mga anak, na sinusunod ang walang-hanggang huwaran ng mga pamilya na umiiral sa langit. Ang mga pamilya ang pangunahing unit ng organisasyon sa kawalang-hanggan, kaya nga layon Niyang maging pangunahing unit din sila sa mundo. Kahit malayo sa pagiging perpekto ang mga pamilya sa mundo, binibigyan nila ang mga anak ng Diyos ng pinakamagandang pagkakataon na malugod na tanggapin sa mundo na may pagmamahal na halos katulad ng nadama natin sa langit—ang pagmamahal ng magulang. Ang mga pamilya rin ang pinakamabuting paraan upang maipreserba at maipasa ang mabubuting asal at mga tunay na alituntunin na malamang na umakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos” (Henry B. Eyring, “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20).

  2. Siyempre pa, alam natin na ang kalooban ng Diyos ay hindi palaging naisasakatuparan na “kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa” (Mateo 6:10). Ang pagiging magulang sa lupa ay malayung-malayo sa huwaran ng Diyos. Tiyak na nakikita Niya iyan. Kailangan Niyang tangisan ang lahat ng kalungkutan at pighati sa relasyon ng mga pamilya. Subalit hindi pa Niya sinusukuan ang pamilya. At hindi Niya ito gagawin, dahil ang Diyos ay may maluwalhating plano para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. At ang nasa sentro ng planong iyon ay ang pamilya.

  3. Tingnan sa Mateo 18:1–5; Mosias 3:19.

  4. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28.

  5. Tingnan sa “Ang Pag-aaral sa Tahanan ay Nakasalig sa mga Ugnayan,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022), 30–31; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 109:8.

  6. Moroni 7:48.

  7. 1 Nephi 16:29; tingnan din sa Alma 37:6–7.

  8. Tingnan sa “Ang Pag-aaral sa Tahanan ay Binubuo ng Maliliit, Simple at Palagiang Pagsisikap,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 33. Itinuro ni Pangulong David O. McKay: “Huwag nating isipin na, dahil parang maliliit at di-gaanong mahalaga ang ilang bagay, hindi ito mahalaga. [Ang totoo], ang buhay ay binubuo ng maliliit na bagay. Ang ating buhay, ang ating pisikal na pagkatao, ay binubuo ng mumunting tibok ng puso. Patigilin ang tibok ng maliit na pusong iyon, at papanaw ang buhay sa mundong ito. Ang dakilang araw ay isang malakas na puwersa sa sansinukob, ngunit tinatanggap natin ang mga biyaya ng sikat nito dahil dumarating ito sa atin bilang mumunting sinag, na, kung titipunin, ay pupuno ng liwanag sa buong mundo. Pinalugod ng banaag ng parang mumunting bituin ang dilim ng gabi; kaya nga ang tunay na buhay-Kristiyano ay binubuo ng mumunting gawa na tulad ng kay Cristo na gina[ga]wa sa oras na ito, sa sandaling ito—sa tahanan” (Pagtuturo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 251).

  9. Tingnan sa Helaman 5:30.

  10. Tingnan sa 2 Mga Hari 5:9–14.

  11. Tingnan sa Exodo 16.

  12. Tingnan sa “Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023, apendise (digital lamang).

  13. Tingnan sa “Ang Pag-aaral sa Tahanan ay Maipaplano ngunit Maaari Ding Mangyari sa mga Sandaling Hindi Inaasahan,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31; 1 Pedro 3:15.

  14. Doktrina at mga Tipan 64:32–33.

  15. Tingnan sa Mateo 2:13.

  16. Tingnan sa Alma 40:1; 41:1; 42:1.

  17. Tingnan sa 1 Samuel 16:7.

  18. Tingnan sa 1 Nephi 15:8.

  19. Alma 5:13.

  20. Tingnan sa “Mahalin ang Bawat Isa,” Mga Himno, blg. 196.

  21. Tingnan sa Eter 12:27.

  22. “Pagdating sa mga bata, ang responsibilidad ng pagbibigay ng moral na patnubay ay nakasalalay sa mga magulang. Alam nila ang disposisyon, pag-unawa, at katalinuhan ng bawat bata. Buong buhay ang ginugugol ng mga magulang sa pagsisikap na magkaroon at magpanatili ng magandang komunikasyon sa bawat isa sa kanilang mga anak. Nasa pinakamainam silang posisyon para gumawa ng pinakamahahalagang desisyong moral tungkol sa kapakanan at kabutihan ng kanilang mga anak” (James E. Faust, “The Weightier Matters of the Law: Judgment, Mercy, and Faith,” Ensign, Nob. 1997, 54).

  23. Dalawang iba pang resources ang nararapat banggitin: Ang digital version ngayong taon ng resource na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay may kasamang isang bagong bahagi na pinamagatang “Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.” Nagbibigay ito ng mga simpleng ideya na nakasentro sa tahanan para tulungan ang mga bata na maghanda para sa binyag at iba pang mga tipan at ordenansa. Ang binagong Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ay may isang bahaging pinamagatang “Tahanan at Pamilya” na naglalarawan kung paano magagamit sa tahanan ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ni Cristo (tingnan sa mga pahina 32–33).