“Elder J. Kimo Esplin,” Liahona, Mayo 2023.
Elder J. Kimo Esplin
General Authority Seventy
Ilang buwan matapos ang kanyang misyon, naaksidente ang kotseng sinasakyan ni Elder J. Kimo Esplin na ikinamatay ng kanyang ama. Makalipas lang ang ilang buwan, habang nakaupo sa tabi niya ang kanyang ina, may sumalpok sa likod ng kotse niya. Nagpaikut-ikot ang kotse, at namatay ang kanyang ina at pamangkin.
Sa kabila ng mga trahedya at dalamhating naranasan niya, itinuturing ni Elder Esplin ang kanyang sarili na pinagpala. Inuugnay Niya ang damdaming iyon sa Panginoon at sa Kanyang kabutihan at magigiliw na awa.
“Maganda ang buhay,” aniya.
Isa sa mga paborito niyang kasabihan ay “Hindi ito ginagawa ng Panginoon sa iyo; ginagawa Niya ito para sa iyo.”
Dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang, nagtulung-tulong ang mga ate niya at pinag-aral siya sa ibang bansa sa Brigham Young University Jerusalem Center. Doon, nakilala niya si Kaye Davis.
Naging mabuting magkaibigan ang dalawa nang magkampo ang kanilang grupo sa disyerto ng Sinai, magtrabaho sa mga taniman ng saging, at magkasamang nag-aral ng Luma at Bagong Tipan.
Nang makabalik sila sa Provo, Utah, nagsimula silang magdeyt. Nagpakasal sila sa Salt Lake Temple noong Disyembre 1985. Mayroon silang walong anak.
Si Jon Ross Kimo Esplin ay isinilang noong Agosto 18, 1962, sa Kahuku, Hawaii, USA. Siya ang bunso—at nag-iisang lalaki—sa walong anak nina Ross S. at Olive Ora Moody Esplin.
Nagtamo si Elder Esplin ng bachelors degree sa accounting mula sa Brigham Young University noong 1987. Matapos ilipat ang kanyang pamilya sa Chicago, Illinois, sinimulan niya ang kanyang propesyon sa investment banking at nagtamo ng master of business administration degree.
Nang maging executive vice president at chief financial officer si Elder Esplin para sa Huntsman Corporation, lumipat sandali ang pamilya sa Belgium bago tuluyang nanirahan sa Cottonwood Heights, Utah.
Si Elder Esplin, na isang Area Seventy nang matawag bilang General Authority Seventy, ay naglingkod bilang mission president sa Japan Tokyo Mission at Japan Tokyo South Mission. Noong binata pa siyang full-time missionary, naglingkod siya sa Japan Kobe Mission. Naglingkod din siya bilang stake president, high councilor, at bishop.