“Brother Bradley R. Wilcox,” Liahona, Mayo 2023.
Brother Bradley R. Wilcox
Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency
Ilang taon bago naglingkod bilang counselor sa Young Men General Presidency, ipinadala ni Brother Bradley R. Wilcox at ng asawa niyang si Debi ang kanilang nag-aatubiling 14-na-taong-gulang na anak na lalaki sa Especially for Youth (EFY) sa Brigham Young University.
Nag-alala sila na “wala siyang ni katiting na espirituwalidad.” Umuwi ang tinedyer na ibang-iba—mas nakatuon at sensitibo sa mga espirituwal na bagay. Ngayon, makalipas ang ilang taon, naglilingkod siya sa isang bishopric at nagtuturo sa mga kabataan sa sarili niyang ward.
Iyan ang paulit-ulit na napansin ni Brother Wilcox noong nakaraang tag-init nang lumahok ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa mga kumperensya ng For the Strength of Youth (FSY). Nang paulit-ulit, ang mga “hindi nakatitiyak na gusto nilang sumama” ay umuwi sa kanilang tahanan na iba at mas mabuti.
Sinabi ni Brother Wilcox—na naglingkod bilang Pangalawang Tagapayo sa Young Men General Presidency simula noong 2020 at sinang-ayunan bilang Unang Tagapayo sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023—na napakasayang panahon ito para maglingkod sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Ang mga Young Men at Young Women General Presidency ay regular na nagtutulungan, at “mas maraming kabataan ang natutulungan ng mga FSY conference, gabay, at magasin kaysa rati.”
Si Bradley Ray Wilcox, 63, ay isinilang sa Provo, Utah, USA, noong Disyembre 25, 1959, kina Ray T. Wilcox at Val C. Wilcox. Lumaki siya sa Provo pero tumira ng ilang taon sa Ethiopia noong bata pa siya.
Matapos maglingkod sa full-time mission sa Viña del Mar, Chile, pinakasalan ni Brother Wilcox si Deborah Gunnell sa Provo Utah Temple noong Oktubre 1982. Mayroon silang apat na anak at naninirahan sa Provo, Utah.
Natamo ni Brother Wilcox ang kanyang bachelor’s at master’s degrees mula sa Brigham Young University (BYU) at ang kanyang doctorate sa education mula sa University of Wyoming. Isa siyang propesor sa Department of Ancient Scripture sa BYU. Simula noong 1985, inilaan na niya ang halos lahat ng kanyang oras kapag tag-init sa EFY program ng BYU.
Si Brother Wilcox ay nakapaglingkod na bilang bishop at sa stake presidency, bilang pangulo ng Chile Santiago East Mission, at sa Sunday School general board.