2023
“Manahan sa Akin, at Ako sa Iyo; Kaya Nga, Lumakad Kang Kasama Ko”
Mayo 2023


13:26

“Manahan sa Akin, at Ako sa Iyo; Kaya Nga, Lumakad Kang Kasama Ko”

Ang pangako ng Tagapagligtas na mananahan Siya sa atin ay totoo at matatamo ng bawat miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan.

Ang sinaunang propetang si Enoc na binanggit sa Lumang Tipan, sa Doktrina at mga Tipan, at sa Mahalagang Perlas,1 ay may mahalagang papel na ginampanan sa pagtatatag ng lungsod ng Sion.

Nakasaad sa banal na kasulatan na noong tinawag si Enoc na maglingkod, “siya ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit, nagsasabing: Enoc, aking anak, magpropesiya sa mga taong ito, at sabihin sa kanila—Magsisi, … sapagkat ang kanilang mga puso ay nagsitigas, at ang kanilang mga tainga ay bahagya nang makarinig, at ang kanilang mga mata ay hindi makakita sa malayo.”2

“At nang marinig ni Enoc ang mga salitang ito, kanyang iniyukod ang sarili sa lupa … at nangusap, sa harapan ng Panginoon, nagsasabing: Bakit ako naging kalugud-lugod sa inyong paningin, at ako ay isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao; sapagkat mabagal ako sa pagsasalita; dahil dito, ako ba ay inyong tagapaglingkod?”3

Pansinin na noong si Enoc ay tinawag na maglingkod, naging malinaw sa kanya ang kayang personal na mga kakulangan at limitasyon. Sa palagay ko lahat sa atin ay minsan nang nadama ang nadama ni Enoc habang tayo ay naglilingkod sa Simbahan. Ngunit naniniwala ako na ang tugon ng Panginoon sa nagsusumamong tanong ni Enoc ay may itinuturong aral na angkop sa bawat isa sa atin ngayon.

“At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo, at walang taong mananakit sa iyo. Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno, at akin kitang bibigyan ng sasabihin. …

“Masdan, ang aking Espiritu ay nasa iyo, dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko.4

Sa huli, si Enoc ay naging magiting na propeta at naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagsasakatuparan ng isang dakilang gawain, ngunit hindi sa ganyang paraan nagsimula ang kanyang ministeryo! Sa halip, lumawak ang kanyang mga kakayahan sa paglipas ng panahon habang natututuhan niyang manahan sa Anak ng Diyos at lumakad na kasama Niya.

Taimtim kong ipinapanalangin na tulungan tayo ng Espiritu Santo habang sama-sama nating pinag-aaralan ang payong ibinigay ng Panginoon kay Enoc at kung ano ang kahulugan nito sa inyo at sa akin ngayon.

Ikaw ay Mananahan sa Akin

Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Panginoong Jesucristo na manahan sa Kanya.5 Ngunit paano nga ba natin malalaman ang kahulungan ng manahan sa Kanya at paano natin ito gagawin?

Ang salitang manahan ay nagpapahiwatig ng hindi paggalaw o pagiging matatag at hindi natitinag. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na ang “manahan” ay nangangahulugan na “‘manatili—ngunit manatili magpakailanman.’ Iyon ang panawagan ng mensahe ng ebanghelyo sa … lahat ng tao sa mundo. Pumarito, ngunit pumarito upang manatili. Pumarito nang may paniniwala at pagtitiis. Mamalagi kayo, para sa inyong kapakanan at sa lahat ng henerasyong kasunod ninyo.”6 Kung gayon, nananahan tayo kay Cristo kapag matatag at matibay ang ating pagsampalataya sa Manunubos at sa Kanyang mga banal na pangako, anuman ang ating kalagayan.7

Nagsisimula tayong manahan sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkukusa nating pagpasan sa Kanyang pamatok8 sa pamamagitan ng mga tipan at mga ordenansa ng ipinanumbalik sa ebanghelyo. Ang ating ugnayan sa tipan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang nabuhay na mag-uli at buhay na Anak ang banal na pinagmumulan ng ating pananaw, pag-asa, lakas, kapayapaan, at walang-hanggang kagalakan; ito rin ang matibay na saligan9 na dapat nating gawing pundasyon ng ating buhay.

Nananahan tayo sa Kanya sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap na patatagin ang ating personal na ugnayan sa tipan sa Ama at sa Anak. Halimbawa, ang taimtim na panalangin sa Walang Hanggang Ama sa ngalan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpapalalim at nagpapatibay ng ating ugnayan sa tipan sa Kanila.

Nananahan tayo sa Kanya sa pamamagitan ng tunay na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo. Ang doktrina ng Tagapagligtas ay naglalapit sa atin, bilang mga anak ng tipan, sa Kanya10 at ito ang magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin.11

Nananahan tayo sa Kanya sa pamamagitan ng masigasig na paghahandang makibahagi sa ordenansa ng sakramento, na inaalala at pinagninilayan ang ating mga pangako sa tipan at taos-pusong nagsisisi. Ang pagiging karapat-dapat sa pakikibahagi sa sakramento ay nagpapakita sa Diyos na handa nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at magsikap na “lagi siyang aalalahanin”12 pagkatapos ng maikling sandali ng pakikibahagi sa sagradong ordenansa na ito.

Nananahan tayo sa Kanya kapag naglilingkod tayo sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod natin sa Kanyang mga anak at pag-minister sa ating mga kapatid.13

Sinabi ng Tagapagligtas, “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.”14

Maikli kong inilarawan ang ilan sa maraming paraan na makapananahan tayo sa Tagapagligtas. At ngayon ay inaanyayahan ko ang lahat sa atin na Kanyang mga disipulo na humiling, maghanap, kumatok, at matutuhan sa ating sarili, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang iba pang makabuluhang mga paraan na maaari nating gawing sentro ng ating buhay si Cristo sa lahat ng ating ginagawa.

At Ako sa Iyo

Ang pangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagasunod ay may dalawang bahagi: kung tayo ay mananahan sa Kanya, Siya ay mananahan sa atin. Ngunit posible nga ba talagang manahan si Cristo sa atin—nang pa-isa-isa at personal? Ang sagot sa tanong na iyan ay isang malakas na oo!

Sa Aklat ni Mormon, natutuhan natin ang tungkol sa pagtuturo at pagpapatotoo ni Alma sa mga maralita na napilitang maging mapagkumbaba dahil sa kanilang mga paghihirap. Sa kanyang pagtuturo, inihambing niya ang salita sa isang binhi na kailangang itanim at alagaan, at inilarawan niya “ang salita” bilang buhay, misyon, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

Sinabi ni Alma, “[Magsimulang] maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa.”15

Sa paglalarawan na ito ni Alma sa “salita,” mangyaring isaalang-alang ang nagbibigay-inspirasyong kaugnayang tinukoy niya kalaunan.

“At ngayon … hinihiling kong itanim ninyo ang salitang ito sa inyong mga puso, at habang nagsisimula itong lumaki gayon pa man ito ay alagaan ng inyong pananampalataya. At masdan, ito ay magiging isang punungkahoy, sisibol sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan. At pagkatapos nawa’y ipagkaloob sa inyo ng Diyos na ang inyong mga pasanin ay gumaan, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak. At maging ang lahat ng ito ay magagawa ninyo kung inyong nanaisin.”16

Ang binhing dapat nating pagsikapang itanim sa ating mga puso ay ang salita—maging ang buhay, misyon, at doktrina ni Jesucristo. At habang ang salita ay inaalagaan sa pamamagitan ng pananampalataya, ito ay maaaring maging isang punungkahoy na sisibol sa atin tungo sa buhay na walang hanggan.17

Ano ang kahulugan ng puno sa pangitain ni Lehi? Ang puno ay maaaring ituring na kumakatawan kay Jesucristo.18

Mga minamahal kong kapatid, nasa atin ba ang Salita? Ang mga katotohanan ba ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay nakasulat sa mga tapyas ng ating mga puso?19 Tayo ba ay lumalapit sa Kanya at unti-unting nagiging katulad Niya? Ang puno ni Cristo ba ay lumalago sa atin? Nagsisikap ba tayong maging “mga bagong nilalang”20 sa Kanya?21

Marahil ang mahimalang potensyal na ito ang nagbigay-inspirasyon kay Alma na magtanong, “Kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?”22

Dapat palagi nating tandaan ang itinuro ng Panginoon kay Enoc, “Ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo.”23 At pinatototohanan ko na ang pangako ng Tagapagligtas na mananahan Siya sa atin ay totoo at matatamo ng bawat miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan.

Kaya Nga, Lumakad Kang Kasama Ko

Hinikayat ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya na tinanggap ang Panginoon: “lumakad kayong gayon sa kanya.”24

Binibigyang-diin ng paglakad sa Tagapagligtas at nang kasama Niya ang dalawang mahalagang aspekto ng pagiging disipulo: (1) pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at (2) pag-alaala at pagtupad sa mga sagradong tipan na nag-uugnay sa atin sa Ama at sa Anak.

Ipinahayag ni Juan:

Inihayag ni Juan: “At sa ganito’y nalalaman natin na siya’y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos.

“Ang nagsasabing, ‘Kilala ko siya,’ ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.

“Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito’y nalalaman nating tayo’y nasa kanya.

“Ang nagsasabing siya’y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.”25

Tinatawag ni Jesus ang bawat isa sa atin, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin”26 at “lumakad kang kasama ko.”27

Pinatototohanan ko na habang tayo ay nagpapatuloy sa paglakad nang may pananampalataya at sa kaamuan ng Espiritu ng Panginoon,28 tayo ay pagkakalooban ng lakas, patnubay, proteksyon, at kapayapaan.

Patotoo at Pangako

Inilarawan ni Alma ang mapagmahal na pagsamo ng Panginoon sa lahat ng tao:

“Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.

“… Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay; oo, kayo ay malayang makakakain at makaiinom ng tinapay at ng mga tubig ng buhay.”29

Nais kong bigyang-diin ang lawak ng pagsamo ng Tagapagligtas. Sabik Siyang ipagkaloob ang Kanyang biyaya at awa sa bawat taong nabubuhay ngayon, nabuhay noon, at mabubuhay pa sa mundong ito.

Tanggap ng ilang miyembro ng Simbahan na totoo ang mga doktrina, alituntunin, at patotoo na paulit-ulit na ibinabahagi sa pulpitong ito sa Conference Center at sa mga lokal na kongregasyon sa buong mundo—ngunit maaaring nahihirapan silang paniwalaan na ang mga walang-hanggang katotohanang ito ay angkop mismo sa kanilang mga buhay at mga kalagayan. Sila ay taos-pusong naniniwala at masigasig na naglilingkod, ngunit ang kanilang ugnayan sa tipan sa Ama at sa Kanyang Mapagtubos na Anak ay hindi pa lubusang nagiging totoo sa kanilang buhay at hindi pa binabago ang kanilang buhay.

Ipinapangako ko na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman at madarama ninyo ang mga katotohanan ng ebanghelyo na sinubukan kong ilarawan sa inyo—para sa inyo mismo nang personal.

Ikinagagalak kong patotohanan na si Jesucristo ang ating mapagmahal at buhay na Tagapagligtas at Manunubos. Kung mananahan tayo sa Kanya, Siya ay mananahan sa atin.30 At kapag tayo ay lumakad sa Kanya at kasama Niya, tayo ay pagpapalaing makagawa ng maraming kabutihan. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Genesis 5:18–24; Doktrina at mga Tipan 107:48–57; Moises 6–7.

  2. Moises 6:27.

  3. Moises 6:31.

  4. Moises 6:32, 34; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Tingnan sa Juan 15:4–9.

  6. Jeffrey R. Holland, ““Manatili sa Akin,”,” Liahona, Mayo 2004, 32.

  7. Tingnan sa Juan 15:10.

  8. Tingnan sa Mateo 11:29–30.

  9. Tingnan sa Helaman 5:12.

  10. Tingnan sa 3 Nephi 27:14–15.

  11. Tingnan sa 2 Nephi 32:3.

  12. Moroni 4:3; 5:2.

  13. Tingnan sa Mosias 2:17.

  14. Juan 15:10.

  15. Alma 33:22.

  16. Alma 33:23; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Tingnan sa Alma 26:13.

  18. Ipinaliwanag ko ang alituntuning ito sa isang debosyonal noong 2017:

    “Si Alma ay ‘nagsimulang ipangaral ang salita ng Diyos sa mga tao, pumapasok sa kanilang mga sinagoga, at sa kanilang mga tahanan; oo, at maging sa kanilang mga lansangan ay ipinangangaral nila ang salita’ [Alma 32:1; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Pagkatapos ay inihambing niya ang salita ng Diyos sa isang binhi.

    “‘Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin’ [Alma 32:28; idinagdag ang pagbibigay-diin].

    “Interesante na ang isang mabuting binhi ay nagiging puno kapag ito ay itinanim sa puso at nagsimulang lumaki, sumibol, at tumubo.

    “‘At masdan, habang ang punungkahoy ay nagsisimulang lumaki, inyong sasabihin: Ating alagaan ito nang may malaking pagkalinga, nang iyon ay magkaugat, nang iyon ay lumaki, at magbigay ng bunga sa atin. At ngayon, masdan, kung inyong aalagaan iyon nang mabuti, ito ay magkakaugat, at tutubo at magbibigay ng bunga.

    “‘Subalit kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, masdan, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat; at kung ang init ng araw ay matindi at darangin ito, sapagkat wala itong ugat ito ay malalanta, at ito ay inyong bubunutin at itatapon.

    “‘Ngayon, ito ay hindi dahil ang binhi ay hindi mabuti, ni ito ay dahil ang bunga niyon ay hindi magiging kanais-nais; kundi ito ay dahil ang inyong lupa ay tigang, at hindi ninyo inaalagaan ang punungkahoy, anupa’t hindi kayo magkakaroon ng bunga niyon.

    “‘At kung magkagayon, kung hindi ninyo aalagaan ang salita, na umaasa nang may pananampalataya sa bunga niyon, hindi kayo kailanman makapipitas ng bunga ng punungkahoy ng buhay.

    “‘Subalit kung inyong aalagaan ang salita, oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat, at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan’ [Alma 32:37–41; idinagdag ang pagbibigay-diin].

    “… Ang pinakatampok sa panaginip ni Lehi ay ang punungkahoy ng buhay—na paglalarawan ng ‘pag-ibig ng Diyos’ [1 Nephi 11:21–22].

    “‘Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan’ [Juan 3:16].

    “Ang pagsilang, buhay, at nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo ang pinakadakilang pagpapamalas ng pag-ibig ng Diyos sa kanyang mga anak. Tulad ng patotoo ni Nephi, ang pag-ibig na ito ang ‘pinakakanais-nais sa lahat ng bagay’ at ‘labis na nakalulugod sa kaluluwa’ [1 Nephi 11:22–23; tingnan din sa 1 Nephi 8:12, 15]. Ang kabanata 11 ng 1 Nephi ay naglalahad ng detalyadong paglalarawan ng punungkahoy ng buhay bilang simbolo ng buhay, ministeryo, at sakripisyo ng Tagapagligtas—‘ang pagpapakababa ng Diyos’ [1 Nephi 11:16]. Ang puno ay maaaring ituring na kumakatawan kay Cristo.

    “Ang isang paraan para tingnan ang bunga sa puno ay ito ay simbolo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang bunga ay inilarawang ‘kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao’ [1 Nephi 8:10] at nagdudulot ng malaking galak at ng hangarin na ibahagi ang kagalakang iyon sa iba.

    “Mahalaga, ang pangunahing tema ng Aklat ni Mormon, na nag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo [tingnan sa Moroni 10:32], ay napakahalaga sa pangitain ni Lehi [tingnan sa 1 Nephi 8:19]” (“The Power of His Word Which Is in Us” [mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 27, 2017], 4–5).

  19. Tingnan sa 2 Corinto 3:3.

  20. 2 Corinto 5:17.

  21. Itinuro sa atin ng analohiya ni Alma na ang pagnanais na maniwala ay nagtatanim ng binhi sa ating mga puso, ang pag-aalaga sa binhi sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagpapausbong ng punungkahoy ng buhay, at ang pag-aalaga sa puno ay humahantong sa pagkakaroon ng puno ng bunga, na “pinakamatamis sa lahat ng matamis” (Alma 32:42) at ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (1 Nephi 15:36).

  22. Alma 5:14.

  23. Moises 6:34; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  24. Colosas 2:6.

  25. 1 Juan 2:3–6; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  26. Lucas 18:22.

  27. Moises 6:34.

  28. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:23.

  29. Alma 5:33–34; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  30. Tingnan sa Juan 15:5.