2023
Magpatuloy Lamang—nang may Pananampalataya
Mayo 2023


11:4

Magpatuloy Lamang—nang may Pananampalataya

Ang pananampalataya sa ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, ay tumutulong sa atin na madaig ang panghihina ng loob anuman ang humadlang sa atin.

Si Elder George A. Smith, isang Apostol, ay nakatanggap ng payo mula kay Propetang Joseph Smith sa panahon ng matinding paghihirap: “[Sinabi niya sa akin na] hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kailanman kahit anong hirap ang pumaligid sa akin. Kung ako ay ibaon sa pinakamalalim na hukay ng Nova Scotia at ang [buong] Rocky Mountains ay maibunton sa akin, hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kundi umasa, manampalataya at manatiling matapang at ako ay makaaahon sa ibabaw ng bunton.”1

Paano nagawang sabihin iyan ni Propetang Joseph Smith—sa isang taong nahihirapan? Dahil alam niyang iyon ay totoo. Naranasan at nalampasan niya ito. Paulit-ulit na nakaranas si Joseph ng matitinding pagsubok sa kanyang buhay. Gayunpaman, nang manampalataya siya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at nagpatuloy lamang, nakayanan niya ang tila hindi malalampasang mga hadlang.2

Ngayon, gusto kong ulitin ang pakiusap ni Joseph na huwag tayong panghinaan ng loob kapag nakararanas tayo ng kabiguan, masasakit na karanasan, sariling kakulangan, o iba pang mga hamon.

Kapag sinabi kong panghihina ng loob, hindi ito tungkol sa mas nakapanlulupaypay na mga hamong dulot ng depresyon, sakit sa pagkabalisa, o iba pang mga sakit na nangangailangan ng espeyal na paggamot.3 Ang sinasabi ko ay tungkol sa karaniwang panghihina ng loob na nagmumula sa mabubuti at masasamang karanasan sa buhay.

Inspirasyon ko ang mga bayani na nagpatuloy lamang—nang may pananampalataya—anuman ang nangyari sa kanila.4 Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol kay Zoram, ang tagapagsilbi ni Laban. Nang makuha ni Nephi ang mga laminang tanso, kinailangan magpasiya ni Zoram kung sasama siya kay Nephi at sa mga kapatid nito sa ilang o ang posibilidad na mawala ang kanyang buhay.

Napakahirap na pagpapasiya! Ang unang naisip ni Zoram ay tumakbo palayo, ngunit hinawakan siya ni Nephi at sumumpa na kung sasama siya sa kanila, siya ay magiging malaya at magkakaroon ng lugar sa kanilang pamilya. Lumakas ang loob ni Zoram at sumama sa kanila.5

Dumanas ng maraming paghihirap si Zoram sa kanyang bagong buhay, ngunit nagpatuloy siya nang may pananampalataya. Walang pahiwatig na nagpilit si Zoram na bumalik sa dati niyang pamumuhay o nagkimkim ng hinanakit sa Diyos o sa ibang tao.6 Siya ay isang tapat na kaibigan kay Nephi na isang propeta, at siya at ang kanyang angkan ay namuhay nang malaya at maunlad sa lupang pangako. Ang napakalaking hadlang sa landas ni Zoram ay kalaunang humantong sa saganang mga pagpapala dahil sa kanyang katapatan at kahandaang magpatuloy lamang—nang may pananampalataya.7

Kamakailan pinakinggan ko ang ikinuwento ng isang matapang na sister tungkol sa kung paano siya nanatiling masigasig sa kabila ng mga paghihirap.8 May mga hamon siyang pinagdaraanan, at isang araw ng Linggo nasa Relief Society siya, nakikinig sa guro na sa tingin niya ay perpekto ang buhay—ibang-iba sa buhay niya. Siya ay nanghina at nadismaya. Pakiramdam niya ay may kakulangan siya—o hindi siya kabilang—kaya tumayo siya at umalis, wala nang plano pang bumalik kailanman sa simbahan. Nang papunta na siya sa kanyang sasakyan, nakadama siya ng matinding impresyon: “Pumasok ka sa chapel at pakinggan ang magsasalita sa sacrament meeting.” Nag-alinlangan siya sa pahiwatig pero nadama niya itong muli nang matindi, kaya pumunta siya sa pulong.

Ang mensahe ay ang mismong kailangan niyang marinig. Nadama niya ang Espiritu. Alam niya na nais ng Panginoon na manatili siya sa Kanya, na maging disipulo Niya, at magsimba, at ginawa nga niya ito.

Alam ba ninyo ang ipinagpapasalamat niya? Ang hindi niya pagsuko. Nagpatuloy lamang siya—nang may pananampalataya kay Jesucristo, kahit napakahirap nito para sa kanya, at siya at ang kanyang pamilya ay masaganang pinagpapala habang matatag siyang nagpapatuloy.

Ang Diyos ng langit at lupa ay matutulungan tayong madaig ang panghihina ng loob at anumang mga hadlang na kinakaharap natin kung tayo ay aasa sa Kanya, susunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo,9 at magpapatuloy lamang—nang may pananampalataya.

Sa kabutihang-palad, kapag tayo ay nanghihina o walang kakayahan, mapalalakas ng Panginoon ang ating pananampalataya. Mapag-iibayo Niya ang ating kakayahan nang higit pa sa sarili nating kakayahan. Naranasan ko iyan. Mahigit 20 taon na ang nakararaan, hindi ko inaasahang matawag bilang Area Seventy, at nakadama ako ng labis na kakulangan. Kasunod ng aking mga training assignment, pangunguluhan ko ang aking unang stake conference.10 Maingat naming pinlano ng stake president ang bawat detalye. Ilang sandali bago ang conference, tinawagan ako ni Pangulong Boyd K. Packer, na noon ay gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, para itanong kung maaari ba niya akong samahan. Nagulat ako pero, siyempre, pumayag ako. Itinanong ko kung paano niya gustong magsimula yamang siya ang mangungulo. Iminungkahi niya na hindi namin susundin ang mga ipinlano at maghandang sundin ang Espiritu. Mabuti na lang at may 10 araw pa ako para mag-aral, magdasal, at maghanda.

Walang nakalista sa aming agenda nang umupo kami sa harapan 20 minuto bago magsimula ang pulong. Bumaling ako sa stake president at bumulong, “Napakaganda ng stake na ito.”

Bahagya akong siniko ni Pangulong Packer at sinabi, “Huwag kang magsalita.”

Huminto ako sa pagsasalita, at naisip ko ang mensahe niya sa pangkalahatang kumperensya na “Ang Pagpipitagan ay Nag-aanyaya ng Paghahayag [Reverence Invites Revelation]”11. Napansin ko na nagsusulat si Pangulong Packer ng mga scripture reference. Pinagtibay sa akin ng Espiritu na tumatanggap siya ng mga impresyon para sa pulong. Nagsisimula pa lang akong matuto.

Nagsalita si Pangulong Packer sa unang 15 minuto at binigyang-diin ang kahalagahan ng pangangasiwa ng lahat ng pulong ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu.12 Pagkatapos ay sinabi niya, “Mapapakinggan na natin ngayon si Elder Cook.”

Sa pagpunta ko sa pulpito, tinanong ko kung gaano katagal niya ako gustong magsalita at kung may paksa ba na gusto niyang talakayin ko. Sabi niya, “15 minuto at magpatuloy ka lang kapag nakatanggap ka ng inspirasyon.” Nagsalita ako nang mga 14 na minuto at ipinahayag ang lahat ng nasa isipan ko.

Tumayong muli si Pangulong Packer at nagsalita nang 15 minuto. Ibinahagi niya ang banal na kasulatang ito:

“Sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso, at hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao;

“Sapagkat ibibigay sa inyo … sa [sandaling iyon], kung ano ang inyong sasabihin.”13

Pagkatapos ay sinabi niya, “Mapapakinggan na natin ngayon si Elder Cook.”

Nabigla ako. Hindi ko naisip ang posibilidad na pagsasalitain ako nang dalawang beses sa isang pulong. Wala akong maisip na sasabihin. Taimtim akong nagdasal at umasa sa tulong ng Panginoon, at pumasok sa isipan ko ang isang banal na kasulatan, at nakapagsalita akong muli nang 15 minuto. Naupo ako na patang-pata.

Nagsalitang muli si Pangulong Packer nang 15 minuto tungkol sa pagsunod sa Espiritu at ibinahagi ang turo ni Pablo na hindi natin dapat sinasabi ang “mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu.”14 Tulad ng maiisip ninyo, nabigla ako nang sabihin niya ito sa pangatlong pagkakataon, “Mapapakinggan na natin ngayon si Elder Cook.”

Nanlata ako. Wala na akong maisip sabihin. Alam ko na oras na para mas manampalataya pa. Dahan-dahan akong pumunta sa pulpito, sumasamo sa Diyos na tulungan ako. Nang hawakan ko na ang mikropono, mahimalang pinagpala ako ng Panginoon na makapagbigay pa ng 15-minutong mensahe.15

Sa wakas ay natapos na ang pulong, pero isang oras na lang pala at magsisimula na ang adult session. Naku po! Tulad ni Zoram, talagang gusto kong tumakbo, pero tulad ng paghuli sa kanya ni Nephi, alam kong mahuhuli ako ni Pangulong Packer. Ganoon din ang nangyari sa adult meeting. Tatlong beses akong nagsalita. Kinabukasan sa pangkalahatang sesyon, nagsalita ako nang isang beses.

Pagkatapos ng kumperensya, sinabi sa akin ni Pangulong Packer nang may pagmamahal, “Gawin natin ito ulit sa iba pang pagkakataon.” Mahal ko si Pangulong Boyd K. Packer at pinahahalagahan ang lahat ng natutuhan ko.

Alam ba ninyo ang ipinagpapasalamat ko? Na hindi ako sumuko—o tumanggi. Kung nagpadala ako sa kagustuhan kong takasan ang mga pulong na iyon, malamang napalampas ko ang pagkakataong mapalakas ang aking pananampalataya at matanggap ang masaganang pagbuhos ng pagmamahal at tulong mula sa Ama sa Langit. Natutuhan ko ang Kanyang awa, ang mahimala at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ang nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo. Sa kabila ng aking kahinaaan,16 natutuhan ko na makapaglilingkod ako; makapag-aambag kapag kasama ko ang Panginoon, kung ako ay magpapatuloy lamang—nang may pananampalataya.

Anuman ang laki, lawak, at bigat ng mga hamong nararanasan natin sa buhay, may mga pagkakataon na gusto na nating tumigil, umalis, tumakas, o sumuko. Ngunit sa pagsampalataya natin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, matutulungan tayong madaig ang panghihina ng loob anuman ang mga humadlang sa atin.

Tulad ng Tagapagligtas na natapos ang gawaing ipinagawa sa Kanya, may kapangyarihan Siya na tulungan tayong tapusin ang gawaing ibinigay sa atin.17 Mapagpapala tayo na magpatuloy sa landas ng tipan, gaano man ito kahirap tahakin, at sa huli ay matamo ang buhay na walang hanggan.18

Gaya ng sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Manatiling tapat, mga Banal ng Diyos, magtiis pa nang kaunti, at lilipas din ang unos ng buhay, at kayo ay gagantimpalaan ng Diyos na iyon na inyong pinaglilingkuran.”19 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. George A. Smith, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 273.

  2. Tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 265–76.

  3. Kapag nagsasalita ako tungkol sa panghihina ng loob, hindi ko sinasabi na ang “magpatuloy lamang nang may pananampalataya kay Crsito” ang tanging dapat gawin ng mga taong may depresyon, sakit sa pagkabalisa, o iba pang mga sakit. Para sa mga kaibigan, mga miyembro ng pamilyang ito, at iba pang mga nakikinig, inuulit ko ang payo ng ating mga lider ng simbahan na humingi ng tulong medikal, sikolohikal, at espirituwal habang nagtitiwala sa Panginoon. Nahahabag ang aking puso sa bawat isa sa inyo na nahihirapan sa mga kakaibang hamong ito. Taimtim namin kayong ipinagdarasal.

  4. Kabilang sa ilan sa aking mga bayani sa mga banal na kasulatan sina Caleb (tingnan sa Mga Bilang 14:6–9, 24), Job (tingnan sa Job 19:25–26), at Nephi (tingnan sa 1 Nephi 3:7), bukod pa sa aking mga makabagong bayani.

  5. Tingnan sa 1 Nephi 4:20, 30–35, 38.

  6. Tingnan sa Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 41–45.

  7. Tingnan sa 2 Nephi 1:30–32. “Bagama’t kinailangan ni [Zoram] na dumanas ng kaunting paghihirap, ang sitwasyong kinasadlakan niya ay ang mismong sitwasyon na ginamit ng Diyos upang pagpalain siya. Bagama’t iniwan niya ang kanyang bayan, may inihanda ang Diyos na mas maganda para sa kanya” (David B. Paxman, “Zoram and I: Getting Our Stories Straight” [Brigham Young University devotional, Hulyo 27, 2010], 8, speeches.byu.edu).

  8. Narinig ko ang patotoo ng sister na ito sa isang ward sa Riverdale Utah Stake noong Disyembre 11, 2022. Ang karanasang ikinuwento niya ay nangyari sa dating ward.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13.

  10. Ang assignment ko ay sa Benson Utah Stake noong Nobyembre 3–4, 2001. Si President Jerry Toombs ang stake president.

  11. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nov. 1991, 21–23.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:2.

  13. Doktrina at mga Tipan 100:5–6; tingnan din sa talata 7–8.

  14. 1 Corinto 2:13.

  15. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na “Kapag nagsikap kayo na espirituwal na lumapit sa Kanya nang higit pa sa dati ninyong nagawa, dadaloy ang [lakas ng Tagapagligtas] sa inyo” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 42).

  16. Tingnan sa Eter 12:27.

  17. Tingnan sa Juan 17:4.

  18. Tingnan sa 2 Nephi 31:20; Mosias 2:41; Alma 36:3.

  19. Mga Turo: Joseph Smith, 273.