“Elder Ahmad S. Corbitt,” Liahona, Mayo 2023.
Mga Bagong Calling
Elder Ahmad S. Corbitt
General Authority Seventy
Sinabi ni Elder Ahmad S. Corbitt na ang paglilingkod sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang counselor sa Young Men General Presidency ay nakatulong na maghatid ng “higit na kakayahang makinig sa patnubay at tagubilin ng propeta at mga apostol nang may nag-iibayong pag-iingat at pananampalataya.”
Tinawag na maglingkod sa Young Men General Presidency noong Abril 2020, ginugol ni Elder Corbitt ang nakaraang tatlong taon sa pakikipagtulungan sa iba pang mga lider ng mga kabataan para palakasin ang bagong henerasyon at anyayahan sila na aktibong makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.
“Palagay ko ay hindi mababawasan kailanman ang damdamin ko na mabilis na patatagin ang bagong henerasyon,” wika niya. “Sila ay magiging mas magagaling na pinuno kaysa sa amin dahil sila ay lalaki na may mga pagkakataong gawin ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa mas mataas at mas banal na mga paraan.”
Si Ahmad Saleem Corbitt, 60, ay isinilang noong Agosto 16, 1962, kina James Earl Corbitt at Amelia Corbitt, sa Philadelphia, Pennsylvania, USA. Noong ika-18 kaarawan niya, sumapi si Ahmad sa Simbahan, kasunod ng kanyang ina at ilang kapatid. Nabinyagan ang kanyang amain noong sumunod na taon.
Matapos mag-aral sa Ricks College (ngayo’y Brigham Young University–Idaho) at maglingkod sa Puerto Rico San Juan Mission mula 1982 hanggang 1984, nakilala niya si Jayne Joslin sa isang young single adult temple trip. Nagpakasal ang magkasintahan noong Agosto 1985 sa Washington D.C. Temple. Mayroon silang anim na anak.
Si Elder Corbitt ay may mga degree mula sa ngayo’y Stockton University sa New Jersey at mula sa Rutgers University School of Law. Naglingkod siya bilang pangulo ng Dominican Republic Santo Domingo East Mission, stake president, counselor sa dalawang stake presidency, at high councilor.
Si Elder Corbitt ay nagtrabaho bilang isang trial lawyer, sa public and government relations, bilang direktor ng New York Office of Public and International Affairs ng Simbahan, at bilang area mission specialist.