2023
Hosana sa Kataas-taasang Diyos
Mayo 2023


13:18

Hosana sa Kataas-taasang Diyos

Ang matagumpay na pagpasok ni Jesucristo sa Jerusalem at ang mga pangyayari sa linggong kasunod niyon ay nagpakita ng halimbawa ng doktrina na maipamumuhay natin ngayon.

Ngayon, tulad ng nasabi na, nakikiisa tayo sa mga Kristiyano sa buong mundo para magbigay-pugay kay Jesucristo ngayong Linggo ng Palaspas. Halos 2,000 libong taon na ang nakararaan, minarkahan ng Linggo ng Palaspas ang simula ng huling linggo ng mortal na ministeryo ni Jesucristo. Iyon ang pinakamahalagang linggo sa kasaysayan ng tao.

Ang nagsimula sa pagpapahiwatig na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas sa Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem ay nagtapos sa Kanyang Pagkapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli.1 Ayon sa plano ng Diyos, ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang nagtapos sa Kanyang mortal na ministeryo, na ginawang posible na makapiling natin ang ating Ama sa Langit sa kawalang-hanggan.

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na nagsimula ang linggo na nakaabang ang maraming tao sa mga pasukan ng lungsod para makita “ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.”2 Sila ay “kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, ‘Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”3

Ipinapaalala sa akin ng matagal nang salaysay na iyon sa Biblia ang karanasan ko nang gawin ko ang isang takdang-gawain sa Simbahan sa Takoradi, Ghana. Ang nakakamangha, naroon ako sa Linggo ng Palaspas.

Kongregasyon sa Takoradi, Ghana

Hahatiin ko ang Takoradi Ghana Stake para likhain ang Mpintsin Ghana Stake. Ngayon, mayroon nang mahigit 100,000 miyembro ng Simbahan sa Ghana.4 (Malugod naming tinatanggap ang Ga Mantse, ang Kanyang Kamahalan Haring Nii Tackie Teiko Tsuru II ng Accra, Ghana, na kasama natin ngayon.) Nang makausap ko ang mga Banal na ito, nadama ko ang kanilang matinding pagmamahal at katapatan sa Panginoon. Ipinahayag ko ang matinding pagmamahal ko sa kanila at na mahal sila ng Pangulo ng Simbahan. Binanggit ko ang mga salita ng Tagapagligtas na itinala ni Juan: “Na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”5 Tinawag nila itong “kumperensyang mahal kita.”6

Si Elder Rasband na nakikipagkamay sa Takoradi, Ghana

Nang tingnan ko ang mga hanay ng mahal na mga kapatid na iyon at ng kanilang mga pamilya sa chapel, nakita ko sa kanilang mukha ang ningning ng patotoo at pananampalataya kay Jesucristo. Nadama ko ang hangarin nilang makabilang sa Kanyang malawak na Simbahan. At nang kumanta ang koro, kumanta sila na parang mga anghel.

Koro sa Takoradi, Ghana
Si Elder Rasband kasama ang mga miyembro sa Ghana

Tulad ng Linggo ng Palaspas noong araw, sila ay mga disipulo ni Jesucristo na nagtipon upang magbigay-pugay sa Kanya tulad ng ginawa ng mga nasa pasukan ng Jerusalem na bumulalas, habang hawak ang mga palaspas sa kanilang mga kamay, ng, “Hosana … . Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.”7

Pagwawagayway ng mga palaspas sa Ghana

Maging ang mga miyembro ng isa pang kalapit na simbahan ay nagbigay-pugay sa Linggo ng Palaspas. Habang nagsasalita ako mula sa pulpito, natanaw ko mula sa bintana na masaya silang naglalakad sa kalye na nagwawagayway ng mga palaspas, tulad ng mga nasa larawang ito. Isang tanawin iyon na hinding-hindi ko malilimutan—lahat kami noong araw na iyon ay sumasamba sa Hari ng mga hari.

Pinayuhan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na gawing “tunay na banal ang Araw ng Palaspas sa pamamagitan ng pag-alaala, hindi lamang sa mga palaspas na iwinagayway para ipagdiwang ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, kundi sa pag-alaala sa mga palad ng Kanyang mga kamay.” Pagkatapos ay tinukoy ni Pangulong Nelson si Isaias, na nagsalita tungkol sa pangako ng Tagapagligtas na, “Hindi kita kailanman malilimutan,” sa mga salitang ito: “Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko.”8

Alam ng Panginoon mismo na mahirap ang mortalidad. Ipinapaalala sa atin ng Kanyang mga sugat na Siya ay “nagpakababa-baba sa … lahat”9 upang matulungan Niya tayo kapag tayo ay nagdurusa at maging halimbawa natin na “maging matatag sa [inyong] landas,”10 sa Kanyang daan, na “ang Diyos ay kasama [natin] magpakailanman at walang katapusan.”11

Ang Linggo ng Palaspas ay hindi lamang isang kaganapan, isa pang pahina sa kasaysayan na may petsa, oras, at lugar. Ang matagumpay na pagpasok ni Jesucristo sa Jerusalem at ang mga pangyayari sa linggong kasunod niyon ay nagpakita ng halimbawa ng doktrina na maaari nating ipamuhay ngayon.

Tingnan natin ang ilan sa walang-hanggang doktrinang nakapalibot sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa Jerusalem.

Una, propesiya. Halimbawa, ipinropesiya ng propeta sa Lumang Tipan na si Zacarias ang matagumpay na pagpasok ni Jesucristo sa Jerusalem, na inilarawan pa na sasakay Siya sa isang asno.12 Ipinropesiya ni Jesus ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli nang maghanda Siyang pumasok sa lungsod, na sinasabing:

“Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan.

“At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya’y muling mabubuhay sa ikatlong araw.”13

Pangalawa, ang patnubay ng Espiritu Santo. Itinuro ni Joseph Smith, “Walang sinuman ang makaaalam na si Jesus ay Panginoon, kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”14 Nangako ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo15 sa Huling Hapunan16 sa silid sa itaas,17 “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa.”18 Hindi sila mag-iisa sa paghahatid ng mga katotohanan ng ebanghelyo kundi sa halip ay magkaroon sila ng pinakadakilang kaloob na Espiritu Santo para gabayan sila. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo,” ipinangako Niya, “hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo.”19 Taglay ang kaloob na Espiritu Santo, mayroon tayong gayong katiyakan—na “sa tuwina ay mapa[sa]saatin ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]”20 at “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo [ating] malalaman ang katotohanan ng lahat ng bagay.”21

Pangatlo, pagkadisipulo. Ang tunay na pagkadisipulo ay walang-maliw na katapatan, pagsunod sa mga walang-hanggang batas, at pagmamahal sa Diyos, una sa lahat. Walang anumang pag-aalinlangan. Ang mga taong nagbigay-pugay gamit ang mga palaspas ay tinawag Siyang Mesiyas. Iyon mismo ang papel na Kanyang ginampanan. Naakit sila sa Kanya, sa Kanyang mga himala, at sa Kanyang mga turo. Ngunit ang paghanga para sa marami ay hindi nagtagal. Ang ilan sa mga naunang sumigaw ng, “Hosana,”22 ay agad tumalikod at sumigaw ng “Ipako siya sa krus.”23

Pang-apat, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.24 Sa Kanyang mga huling araw, kasunod ng Linggo ng Palaspas, isinagawa Niya ang Kanyang pambihirang Pagbabayad-sala, mula sa matinding paghihirap sa Getsemani hanggang sa pangungutya sa paglilitis sa Kanya, sa pagpapahirap sa Kanya sa krus, at sa Kanyang libing sa isang hiram na libingan. Ngunit hindi iyon tumigil doon. Sa karingalan ng Kanyang tungkulin bilang Manunubos ng lahat ng anak ng Ama sa Langit, makalipas ang tatlong araw ay lumabas Siya mula sa libingang iyon, nabuhay na mag-uli,25 tulad ng ipinropesiya Niya.

Patuloy ba tayong nagpapasalamat sa walang-kapantay na Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Nadarama ba natin ang nagpapadalisay na kapangyarihan nito, ngayon mismo? Ito ang dahilan kung bakit si Jesucristo, ang May-akda at Tagatapos ng ating kaligtasan, ay nagtungo sa Jerusalem, para iligtas tayong lahat. Tumitimo ba sa inyong puso ang mga salitang ito ni Alma: “Kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”26 Masasabi ko talaga, ang koro sa Takoradi noong Linggo ng Palaspas na iyon ay kinanta “ang awit ng mapagtubos na pag-ibig.”

Noong huling linggo ng Kanyang mortal na ministeryo, ibinigay ni Jesucristo ang talinghaga ng sampung birhen.27 Itinuro Niya ang Kanyang pagbabalik sa mga taong handang tanggapin Siya, hindi nang may hawak na mga palaspas kundi nang may liwanag ng ebanghelyo sa kanilang kalooban. Ginamit Niya ang imahe ng mga ilawang may sindi at nagniningas, na may sobrang langis para panatilihin ang ningas, bilang paglalarawan sa kahandaang ipamuhay ang Kanyang mga halimbawa, tanggapin ang Kanyang mga katotohanan, at ibahagi ang Kanyang liwanag.

Alam na ninyo ang kuwento. Ang sampung birhen ay kumakatawan sa mga miyembro ng Simbahan, at ang lalaking ikakasal ay kumakatawan kay Jesucristo.

Kinuha ng sampung birhen ang kanilang mga ilawan at “lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.”28 Ang lima ay matatalino, may nakahandang langis sa kanilang mga ilawan at may kaunti pang sobra, at ang lima ay hangal, madilim ang mga ilawan na walang reserbang langis. Nang dumating ang tawag, “Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya,”29 ang limang “matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay”30 ay handang salubungin ang “kanilang … hari at kanilang tagapagbigay ng batas”31 upang “ang kanyang kaluwalhatian ay [mapasakanila].”32 Ang lima pa ay tarantang sinubukang maghanap ng langis. Ngunit huli na ang lahat. Nagpatuloy ang pagdiriwang nang wala sila. Nang sila ay kumatok at nagsumamo na papasukin sila, sumagot ang Panginoon, “Hindi ko kayo nakikilala.”33

Ano ang madarama natin kung sinabi Niya sa atin, “Hindi ko kayo nakikilala!”

Tayo, tulad ng sampung birhen, ay may mga ilawan; ngunit may langis ba tayo? Nangangamba ako na may ilang nakakaraos sa kaunting langis lamang, lubhang abala sa mga alalahanin ng mundo para makapaghanda nang wasto. Ang langis ay nagmumula sa paniniwala at pagkilos ayon sa propesiya at sa mga salita ng mga buhay na propeta, lalo na ni Pangulong Nelson, ng kanyang mga tagapayo, at ng Labindalawang Apostol. Napupuno ng langis ang ating kaluluwa kapag naririnig at nadarama natin ang Espiritu Santo at kumikilos tayo ayon sa banal na patnubay na iyon. Bumubuhos ang langis sa ating puso kapag nakikita sa ating mga pagpili na mahal natin ang Panginoon at mahal natin ang Kanyang minamahal. Ang langis ay nagmumula sa pagsisisi at paghahangad na mapagaling ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Kung nais ng ilan sa inyo na punan ang tinatawag ng ilan na “bucket list,” ganito iyon: punuin ng langis ang inyong sisidlan sa anyo ng buhay na tubig ni Jesucristo,34 na kumakatawan sa Kanyang buhay at mga turo. Sa kabaliktaran, ang pagpunta sa malayong lugar o pagdalo sa isang kagila-gilalas na kaganapan ay hindi kayo kailanman iiwang buo o masaya ang pakiramdam; ang pamumuhay ng doktrinang itinuro ni Jesucristo ang makagagawa nito. Bumanggit ako ng mga halimbawa kanina: tanggapin ang propesiya at mga turo ng propeta, kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, maging tunay na disipulo, at hangarin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng ating Panginoon. Ang bucket list na iyon ay dadalhin kayo sa isang lugar na gusto ninyong puntahan—pabalik sa inyong Ama sa Langit.

Ang Linggo ng Palaspas na iyon sa Takoradi ay isang napakaespesyal na karanasan para sa akin dahil kasama ko ang isang tapat na kongregasyon ng mga kapatid. Gayon din sa mga kontinente at pulo sa buong mundo. Ang aking puso’t kaluluwa, tulad ninyo, ay sabik na sumigaw ng, “Hosana sa Kataas-taasang Diyos.”35

Bagama’t hindi tayo nakatayo sa mga pasukan ng Jerusalem ngayon na may hawak na mga palaspas, darating ang panahon, tulad ng ipinropesiya sa Apocalipsis, na “ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, [ay tatayo] sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.”36

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas bilang isang Apostol ni Jesucristo na masigasig ninyong sisikaping mamuhay nang matwid at makabilang sa mga tao, na may hawak na mga palaspas, na magbabalita tungkol sa Anak ng Diyos, ang Dakilang Manunubos nating lahat. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lahat ng apat na Ebanghelyo—Mateo 21–28; Marcos 11–16; Lucas 19-24; at Juan 12–21—ay inilalarawan ang mga huling araw ng ministeryo ni Jesucristo sa mortalidad, na nilayon ng Diyos upang mapasalahat ng anak ng Diyos ang mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan. Kung minsa’y nagkakaiba ang mga may-akda sa isinasama nila ngunit hindi sa mga turo at kilos ng Tagapagligtas.

  2. Tingnan sa Mateo 21:10–11.

  3. Juan 12:13.

  4. Ayon sa Membership and Statistical Records, may 102,592 miyembro sa Ghana.

  5. Juan 15:12.

  6. Tuwing kausap ko ang mga miyembro, sinasabi nila sa akin, “Elder Rasband, mahal naming Apostol, mahal kita.” Ang mga taong ito ay puspos ng Espiritu at ng pagmamahal ng Diyos kaya madali nilang naibabahagi ang pagmamahal na iyon.

  7. Mateo 21:9.

  8. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Kapayapaan at Pag-asa ng Pasko ng Pagkabuhay” (video), Abril 2021, ChurchofJesusChrist.org/media; Isaias 49:16.

  9. Doktrina at mga Tipan 122:8. Noong Disyembre 1838 hindi makatarungang ibinilanggo si Propetang Joseph at ilang iba pang mga pinuno ng Simbahan sa Liberty Jail. Napakapangit ng kalagayan doon. Makalipas ang ilang buwan sa kaawa-awang sitwasyon, sumulat siya sa mga miyembro noong Marso ng 1839, na may kasamang mga panalangin kung saan nagsumamo siya sa Panginoon na mahabag sa kanyang sitwasyon at sa “nagdurusang mga banal.” Ibinahagi rin niya ang sagot ng Panginoon sa mga panalanging iyon ayon sa nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121–23.

  10. Doktrina at mga Tipan 122:9. Ang panghihikayat ng Panginoon kay Joseph Smith sa Liberty Jail ay naghatid sa kanya ng kapanatagan at espirituwal na pag-unawa na ang paghihirap at mga pagsubok ay maaaring magpalakas sa atin, at magturo ng tiyaga, at maghikayat ng pagpipigil sa sarili. Sinabihan siya ng Panginoon na “manangan sa iyong landas,” na siyang landas ng Panginoon, na nagtitiis ng di-makatarungang pagtrato tulad ng “Anak ng [Diyos, na] nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (Doktrina at mga Tipan 122:8).

  11. Doktrina at mga Tipan 122:9. Ang pangako na ang Diyos ay “kasama mo” ay isang tiyak na pangako para sa mga taong kumakapit nang mahigpit sa kanilang pananampalataya at nagtitiwala sa Panginoon.

  12. Tingnan sa Zacarias 9:9.

  13. Mateo 20:18–19. Isinulat ni James E. Talmage sa Jesus the Christ: “Kataka-taka … ang katotohanan na hindi naunawaan ng Labindalawa ang ibig Niyang sabihin. … Para sa kanila may hindi dapat mangyari na kakila-kilabot, na lubhang hindi magkakapareho o hindi maipaliwanag na kontradiksyon sa mga sinasabi ng kanilang mahal na Panginoon. Kilala nila Siya bilang ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos; at paano naatim ng mga tao na ipailalim Siya sa gayong pagsupil at pagpaslang?” ([1916], 502–3).

  14. Ipinahayag ito ni Joseph Smith sa Female Relief Society of Nauvoo, noong Abril 28, 1842, ayon sa sipi sa “History of Joseph Smith,” Deseret News, Set. 19, 1855, 218. Sa pagtukoy sa ikalabindalawang kabanata ng 1 Corinto, nilinaw niya ang ikatlong talata, “Walang makapagsasabi [na] ‘Si Jesus ay Panginoon,’ maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo,” at ginawa itong, “Walang taong makaaalam na si Jesus ang Panginoon, kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” (Tingnan sa The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History [2016], 2.2, churchhistorianspress.org.)

  15. Ibinahagi ni Jesus ang Huling Hapunan sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Marcos 14:12–18). Kasama sa Labindalawa sina Pedro, Andres, Santiago, Juan, Mateo, Felipe, Tomas, Bartolome, Santiago (anak ni Alfeo), Judas Iscariote, Judas (kapatid ni Santiago), at Simon (tingnan sa Lucas 6:13–16).

  16. Pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento kasama ang Kanyang mga disipulo sa Huling Hapunan (tingnan sa Mateo 26:26–29; Marcos 14:22–25; Lucas 22:19–20).

  17. Ang partikular na araw/gabi kung kailan pinasimulan ni Jesus ang sakramento sa “silid sa itaas” ay pinagtatalunan dahil sa tila mga pagkakaiba sa pagitan ng mga salaysay nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Ipinahihiwatig nina Mateo, Marcos, at Lucas na ang Huling Hapunan ay naganap sa “unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa,” o sa pagkain ng Paskua (tingnan sa Mateo 26:17; Marcos 14:12; Lucas 22:1, 7). Gayunpaman, ipinahihiwatig ni Juan na si Jesus ay dinakip bago ang pagkain ng Paskua (tingnan sa Juan 18:28), na ibig sabihin ay naganap ang Huling Hapunan isang araw bago ang pagkain ng Paskua. Tila nagkakaisa ang mga materyal sa kurikulum ng Simbahan at ang dalubhasang mga Banal sa mga Huling Araw na idinaos ni Jesus ang Huling Hapunan kasama ng Kanyang mga disipulo sa silid sa itaas noong gabi bago Siya ipinako sa krus. Kinikilala ng mga Kristiyanong nagdiriwang ng Semana Santa ang Huwebes bilang araw ng Huling Hapunan, Biyernes bilang araw ng Pagpapako sa Krus, at Linggo bilang araw ng Pagkabuhay na Mag-uli—ayon sa Gregorian calendar.

  18. Juan 14:18.

  19. Juan 14:27.

  20. Doktrina at mga Tipan 20:77.

  21. Moroni 10:5.

  22. Ipinaliwanag sa Bible Dictionary, ang ibig sabihin ng hosana ay “mangyari pong iligtas kami [ngayon].” Ang salita ay nagmula sa Mga Awit 118:25. “Ang pagsambit nito ay nakaugnay sa Pista ng mga Tabernakulo sa pagwawagayway ng mga sanga ng palma; kaya ito ang sinabi ng mga tao sa matagumpay na pagpasok ng ating Panginoon sa Jerusalem” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana”). Tingnan sa Mateo 21:9, 15; Marcos 11:9–10; Juan 12:13.

  23. Marcos 15:14; Lucas 23:21.

  24. Ang sentro ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay isang walang-hanggang pagbabayad-sala na titiyak sa imortalidad para sa lahat ng Kanyang anak at kadakilaan para sa mga karapat-dapat na tumanggap ng pagpapalang iyon. Nang sabihin ng Ama, “Sino ang isusugo ko?” Lumapit si Jesus: “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang misyon [ni Jesucristo] ay ang Pagbabayad-sala. Ang misyon na iyon ay sa Kanya lamang. Isinilang sa isang mortal na ina at imortal na Ama, Siya lamang ang maaaring mag-alay ng Kanyang buhay at ibangon itong muli (tingnan sa Juan 10:14–18). Ang maluwalhating bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang-hanggan. Inalis Niya ang tibo ng kamatayan at ginawang pansamantala ang pighati ng libingan (tingnan sa 1 Corinto 15:54–55). Ang Kanyang responsibilidad sa Pagbabayad-sala ay alam na noon pa bago ang Paglikha at Pagkahulog. Hindi lamang ito maglalaan ng pagkabuhay na [mag-uli] at imortalidad ng buong sangkatauhan, kundi daan din ito para mapatawad ang ating mga kasalanan—batay sa mga kondisyon na Kanyang itinakda. Dahil dito ang Kanyang Pagbabayad-sala ang nagbukas ng daan upang makapiling natin Siya at ang ating mga pamilya sa kawalang-hanggan” (“Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo,” Liahona, Abr. 2013, 20).

  25. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay binubuo ng muling pagsasama ng katawan at ng espiritu sa isang imortal na kalagayan, ang katawan at espiritu ay hindi mapaghihiwalay at hindi na sakop ng mga karamdaman ng mortalidad o kamatayan (tingnan sa Alma 11:45; 40:23).

  26. Alma 5:26; tingnan din sa Alma 5:14.

  27. Ang talinghaga ng sampung birhen ay matatagpuan sa Mateo 25:1–12; Doktrina at mga Tipan 45:56–59. Ipinahihiwatig sa mga kabanatang nakapaloob sa Mateo 25 na itinuro ni Jesus ang talinghagang ito sa Kanyang huling linggo, matapos pumasok sa Jerusalem sa Mateo 21 at bago lamang ang Huling Hapunan at pagdakip sa Kanya sa Mateo 26. Bukod pa sa talinghaga ng sampung birhen na ibinigay noong huling linggong iyon, ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng puno ng igos (tingnan sa Mateo 21:17–21; 24:32–33), talinghaga ng dalawang anak na lalaki (tingnan sa Mateo 21:28–32), at talinghaga ng masamang magsasaka (tingnan sa Mateo 21:33–46).

  28. Mateo 25:1.

  29. Mateo 25:6.

  30. Doktrina at mga Tipan 45:57.

  31. Doktrina at mga Tipan 45:59.

  32. Doktrina at mga Tipan 45:59.

  33. Mateo 25:12. Sa Sermon sa Bundok, tinukoy ng Panginoon ang mga taong nag-aakala na nakagawa sila ng “maraming gawang makapangyarihan” na sinasabi, tulad ng makikita sa salaysay tungkol sa limang birhen na hangal, “Hindi ko kayo kilala” (tingnan sa Mateo 7:22–23).

  34. Tulad ng ang tubig ay napakahalaga sa mortal na buhay, si Jesucristo at ang Kanyang mga turo (buhay na tubig) ay napakahalaga para sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Buhay na Tubig,” churchofjesuschrist.org/study/scriptures?lang=tgl; tingnan din sa Isaias 12:3; Jeremias 2:13; Juan 4:6–15; 7:37; 1 Nephi 11:25; Doktrina at mga Tipan 10:66; 63:23).

  35. 3 Nephi 4:32.

  36. Apocalipsis 7:9.