Ligtas na Natipon sa Kanyang Tahanan
Tayo ay nasa natatanging katayuan upang tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing na hindi pa kailanman nagagawa sa ilalim ng plano ng Ama.
Napakahusay na binigyang-diin ni Pangulong Nelson, ang ating pinakamamahal na propeta, na ang ating natatanging responsibilidad ay tumulong sa pagtipon ng ikinalat na Israel at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.1 Nais ng Ama ng ating mga espiritu na ligtas na matipon sa Kanyang tahanan ang Kanyang mga anak.
Ang plano ng ating Ama sa Langit na ligtas na matipon ang Kanyang mga anak sa ating tahanan sa langit ay hindi nakabatay sa makamundong tagumpay, katayuan sa pananalapi, edukasyon, lahi, o kasarian. Ang Kanyang plano ay nakabatay sa pagiging matuwid, pagsunod sa Kanyang mga kautusan, at pagtanggap sa mga sagradong ordenansa at pagiging tapat sa mga tipan na ginagawa natin.2
Ang inspiradong doktrina na tayong lahat ay magkakapatid at “pantay-pantay ang lahat sa Diyos” ay mahalagang dahilan ng dakilang gawain ng pagtitipon na ito. Ang doktrinang ito ay tumitimo sa lahat ng tao na nagnanais nang husto na magkaroon ng mas magandang buhay ang mga tao mula sa iba’t ibang katayuan sa pananalapi at lahi. Humahanga at sumasali tayo sa gayong mga pagsisikap. Higit pa rito, ninanais natin na lumapit ang lahat ng anak ng Diyos sa Kanya at tanggapin ang walang-hanggang mga biyayang inaalok Niya sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo.3 Sinabi ng Panginoon sa umpisa ng Doktrina at mga Tipan, “Makinig kayong mga tao na mula sa malayo; at kayong nasa mga pulo ng dagat, sama-samang makinig.”4
Natutuwa ako na kabilang sa pinakaunang talata sa Doktrina at mga Tipan ang mga tao na nasa “mga pulo ng dagat.” Nagkaroon na ako ng tatlong partikular na mga gawain na maglingkod at manirahan sa mga pulo ng dagat. Una, naglingkod ako bilang batang missionary sa British Isles; pangalawa, bilang bagong General Authority sa mga isla ng Pilipinas; at pagkatapos bilang Area President sa Pacific Islands, na kinabibilangan ng maraming isla ng Polynesia.
Lahat ng mga lugar na ito ay matagumpay na nagtipon ng mga naniniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Unang dumating ang mga misyonero sa British Isles noong 1837. Ito ay isang taon pagkatapos ilaan ni Joseph Smith ang Kirtland Temple, kung saan ibinigay ni Moises ang “mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ang pangunguna sa sampung lipi mula sa hilagang lupain.”5 Ang naunang tagumpay sa British Isles ay talagang natatangi. Sa taong 1851, mahigit sa kalahati ng nabinyagang mga miyembro ng Simbahan ay mga convert na nakatira sa British Isles.6
Noong 1961, bumisita at pinangunahan ni Elder Gordon B. Hinckley ang pagsisikap sa full-time na gawaing misyonero sa mga isla ng Pilipinas. Noong panahong iyon, isa lamang ang Pilipino na mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Nakamamanghang mayroon nang mahigit 850,000 na mga miyembro ng Simbahan ngayon sa Pilipinas. Hinahangaan ko ang mga Pilipino; mayroon silang malalim at di-natitinag na pagmamahal para sa Tagapagligtas.
Malamang na mas hindi napapansin ang kasalukuyang pagsisikap sa gawaing misyonero sa mga isla ng Polynesia. Nagsimula ito noong 1844 nang ipinadala si Addison Pratt sa lugar na ngayon ay kilala bilang French Polynesia.7 Maraming mga Polynesian na ang naniniwala sa walang-hanggang mga pamilya at tinanggap si Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas. Ngayon, halos 25 porsiyento ng mga Polynesian, sa mga isla ng Polynesia, ay mga miyembro ng Simbahan.8
Napakinggan ko minsan ang isang 17-taong-gulang na dalaga sa isang malayong isla ng Tahiti na ikapitong henerasyong miyembro ng kanyang pamilya. Nagpasalamat siya sa kanyang mga ninuno na nabinyagan noong 1845 sa Tubuai, dalawang taon bago dumating ang mga unang miyembro ng Simbahan sa Lambak ng Salt Lake.9
Malinaw ang doktrina natin na magkakaroon ng oras at panahon para sa lahat na tanggapin at tumugon sa mensahe ng ebanghelyo. Ang mga halimbawang ito ay bahagi lamang ng mas malaking larawan. Paulit-ulit na binigyang-diin ni Pangulong Nelson na “ang pagtitipon ng Israel ang pinakamalaking hamon, … layunin, at … gawain sa mundo ngayon.”10
Hanggang sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo, kabilang ang paglabas ng Aklat ni Mormon at paghahayag at mga susi ng priesthood na ibinigay sa Propetang Joseph Smith, ang pagkaunawa sa pagtitipon ng Israel ay hindi buo at limitado.11
Ang natatanging pangalang “Israel” ang titulong iginawad kay Jacob.12 Kumatawan ito sa mga inapo ni Abraham kina Isaac at Jacob. Ang orihinal na pangako at tipan kay Amang Abraham ay makikita sa Abraham 2:9–10, na bahagyang mababasa:
“At gagawin ko mula sa iyo ang isang dakilang bansa, …
At aking pagpapalain [ang lahat ng bansa] sa pamamagitan ng iyong pangalan; sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama.”
Sa Konseho sa Langit sa buhay bago tayo isinilang, tinalakay at sinang-ayunan ang plano ng kaligtasan. Kabilang dito ang partikular na mga batas at ordenansa na umiiral na bago pa ginawa ang mundo at kung saan nakabatay ang pagtitipon.13 Kabilang din dito ang pangunahing alituntunin na kalayaang pumili.
Pagkatapos ng ilang siglo bilang makapangyarihang mga tao, kabilang ang mga panahon ng paghahari nina Saul, David, at Solomon, nahati ang Israel. Ang lipi ni Juda at bahagi ng lipi ni Benjamin ay naging kaharian ng Juda. Ang natirang mga lipi, na natukoy bilang sampung lipi, ay naging kaharian ng Israel.14 Pagkatapos ng 200 daang taon ng magkahiwalay na pamumuhay, ang unang pagkalat sa Israel ay nangyari noong 721 BC nang nilupig ng hari ng Asiria ang sampung lipi ng Israel.15 Kalaunan ay nagpunta sila sa mga bansa sa hilaga.16
Noong 600 BC, sa pagsisimula ng Aklat ni Mormon, pinamunuan ni Amang Lehi ang isang grupo ng mga Israelita patungo sa lupain ng Amerika. Naunawaan ni Lehi ang pagkalat ng Israel na kinabibilangan niya. Nabanggit siya ni Nephi na sinasabing ang bahay ng Israel “ay ihahalintulad sa isang punong olibo, na babaliin ang mga sanga at ikakalat sa lahat ng dako ng mundo.”17
Sa tinatawag na New World, ang kasaysayan ng mga Nephita at Lamanita na makikita sa Aklat ni Mormon ay nagtatapos noong mga AD 400. Ang mga inapo ni Amang Lehi ay nakalat sa iba’t ibang bahagi ng Amerika.18
Ito ay malinaw na inilarawan ni Mormon sa 3 Nephi 5:20, na mababasang: “Ako si Mormon, at tunay na inapo ni Lehi. May dahilan ako na purihin ang aking Diyos at aking Tagapagligtas na si Jesucristo, na dinala niya ang aming mga ama palabas ng lupain ng Jerusalem.”19
Malinaw na ang pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng Israel ay ang kapanganakan, mensahe, ministeryo, at misyon ng ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo.20
Pagkatapos ng nagpapabago-ng-kawalang-hanggan na kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Tagapagligtas, ang pangalawang kilalang pagkalat ng Juda ay nangyari sa pagitan ng AD 70 at AD 135 nang, dahil sa pang-aapi at pang-uusig ng mga Romano, nakalat ang mga Judio sa iba’t ibang bahagi ng mundo noon.
Itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang Aklat ni Mormon ay lumabas bilang tanda na sinimulan nang tipunin ng Panginoon [ang] mga anak ng tipan.”21 Kaya, ang Aklat ni Mormon, na isinalin ng Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, ay idinirekta sa mga inapo ni Lehi, ikinalat na Israel, at mga Gentil na inampon sa mga lipi ng Israel. Bahagi ng panimula sa kabanata ng 1 Nephi 22 ay mababasang, “Ikakalat ang Israel sa lahat ng dako ng mundo—Aalagaan at pakakainin ng mga Gentil ang Israel sa pamamagitan ng ebanghelyo sa mga huling araw.” Makikita sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon na isa sa mga layunin ng aklat ay para “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo.” Sa Pagpapanumbalik at Aklat ni Mormon, ang konsepto ng pagtitipon ng Israel ay higit na lumawak.22
Ang mga tatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, anupaman ang pinagmulan nila, ay magiging bahagi ng tinipon na Israel.23 Sa pamamagitan ng pagtitipon na iyon at ng maraming templong itinatayo at inanunsiyo, tayo ay nasa isang natatanging posisyon na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing sa paraang hindi pa nagagawa kailanman sa plano ng Ama.
Si Pangulong Spencer W. Kimball, na nagsasalita tungkol sa literal na pagtipon ng Israel, ay sinabing: “Ngayon, ang pagtitipon ng Israel ay kinapapalooban ng pagsapi sa totoong simbahan at … pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa totoong Diyos. … Sinumang tao na tatanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at nagsisikap ngayon na sambahin ang Panginoon sa kanyang sariling wika at kasama ang mga Banal sa bansa kung saan siya nakatira, ay sumunod sa batas ng pagtitipon ng Israel at tagapagmana sa lahat ng pagpapalang ipinangako sa mga Banal sa mga huling araw na ito.”24
“Ang pagtitipon ng Israel ay kinabibilangan na ngayon ng pagbabalik-loob.”25
Kung titingnan sa pangkalahatan, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may dakilang pribilehiyo na magmahal, magbahagi, mag-anyaya, at tumulong sa pagtipon ng Israel upang matanggap nila ang kabuuan ng biyaya ng tipan ng Panginoon. Kabilang dito ang mga nakatira sa Africa at Europe, South at North America, Asia, Australia, at sa mga pulo ng dagat. “Sapagkat katotohanang ang tinig ng Panginoon ay sumasalahat ng tao.”26 “Ang pagtitipon na ito ay magpapatuloy hanggang sa ang mga matutuwid ay nakatipon sa mga kongregasyon ng mga Banal sa mga bansa ng daigdig.”27
Wala pang nagsalita tungkol sa pagtitipon nang mas direkta kaysa kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa bawat oras na gumawa ka ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag at sa templo, tumutulong ka na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”28
Nasaan na ang Simbahan ngayon? Sa nagdaang 62 taon mula nang magmisyon ako noong 1960, ang bilang ng mga full-time missionary na naglilingkod mula sa pagtawag ng propeta ay lumaki mula 7,683 ay naging 62,544. Ang bilang ng mga misyon ay tumaas mula 58 at naging 411. Ang bilang ng mga miyembro ay dumami mula sa humigit-kumulang 1,700,000 at naging humigit-kumulang 17,000,000.
Ang pandemyang COVID-19 ay pansamantalang nakaapekto sa ilang mga oportunidad natin na ibahagi ang ebanghelyo. Nagbigay din ito ng karanasan gamit ang bagong teknolohiya, na higit pang pagbubutihin ang pagtitipon. Nagpapasalamat kami na pinalalawak ng mga miyembro at missionary ang mga pagsisikap na tipunin ang nakalat na Israel. Nagpapatuloy ang paglago, lalo na sa South America at Africa. Nagpapasalamat din kami na napakaraming miyembro sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang tumugon sa makapangyarihang paanyaya ni Pangulong Nelson para sa mas pinalawak na paglilingkod bilang missionary. Gayunpaman, ang ating tapat na pangakong magmahal, magbahagi, at mag-anyaya, ay maaari pa nating palawigin.
Ang mahalagang bahagi ng pagsisikap na ito sa gawaing misyonero ay para sa mga indibiduwal na miyembro na maging gumagabay na liwanag29 saanman tayo nakatira.30 Hindi tayo maaaring magtago. Ang mga halimbawa natin ng kabaitan, kabutihan, kagalakan, at tapat na pagmamahal para sa lahat ng tao na katulad ng kay Cristo ay lumilikha hindi lamang ng gumagabay na liwanag para sa kanila kundi ng pagkakaunawa na may ligtas na kanlungan sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Mangyaring unawain na may napakagandang mga biyaya sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga banal na kasulatan ay nagbabanggit tungkol sa kagalakan at kapayapaan, kapatawaran ng kasalanan, proteksyon mula sa mga tukso, at nagpapalakas na kapangyarihan mula sa Diyos.31 Kung titingnan ang buhay pagkatapos ng buhay na ito, tayo ay magiging handa na ibahagi ang ebanghelyo sa mga “nasa kadiliman at nasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay.”32
Ang aking partikular na panalangin ngayong araw ay muling balikan ng bawat bata, kabataang lalaki, kabataang babae, pamilya, Relief Society, at klase kung paano natin tinatanggap sa ating sarili at bilang isang grupo ang makabuluhang payo na tumulong sa pagtipon ng Israel na ibinigay ng Panginoon at ng ating pinakamamahal na propeta.
Nirerespeto natin ang kalayaang pumili. Sa sekular na mundong ito, marami ang hindi tutugon at makikilahok sa pagtitipon ng Israel. Ngunit marami rin ang tutugon dito, at inaasahan ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Kanyang ebanghelyo ay magsisikap upang maging halimbawa ng gumagabay na liwanag na tutulong sa ibang tao na lumapit sa Diyos. Tutulungan nito ang ating mga kapatid sa iba’t ibang bahagi ng mundo na matamasa ang napakagagandang biyaya at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ligtas na matitipon sa Kanyang tahanan.
Ipinapahayag ko ang aking tiyak at siguradong patotoo bilang apostol tungkol sa kabanalan ni Jesucristo at sa plano ng ating Ama sa Langit para sa atin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.