2023
Isang Tinig ng Kagalakan!
Mayo 2023


9:46

Isang Tinig ng Kagalakan!

Ang pagtatayo ng mga templo ay isa sa mga pinakamataas na prayoridad ng lahat ng propeta simula pa noong panahon ni Propetang Joseph Smith.

“Ngayon, ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Isang tinig ng kagalakan! Isang tinig ng awa mula sa langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa; … isang tinig ng kagalakan para sa mga buhay at sa mga patay; masasayang balita ng labis na kagalakan.”1

Mga kapatid, halos imposibleng marinig ang mga salitang ito mula kay Propetang Joseph Smith at hindi kayo mapangiti nang malaki!

Tunay na naipahayag ng masasayang salita ni Joseph ang lubos at dakilang kagalakan na matatagpuan sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos na ating Ama sa Langit, sapagkat tiniyak Niya sa atin, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”2

Lahat tayo ay naghiyawan sa tuwa3 sa ating premortal na buhay nang marinig natin ang plano ng kaligayahan ng Diyos, at patuloy tayong sumisigaw ng kagalakan dito habang namumuhay tayo ayon sa Kanyang plano. Ngunit ano ba talaga ang konteksto para sa masayang pahayag na ito ng Propeta? Ano ang naghikayat sa malalim at taos-pusong damdaming ito?

Itinuro noon ni Propetang Joseph ang tungkol sa binyag para sa mga patay. Ito ay talagang isang maluwalhating paghahayag na tinanggap nang may labis na kagalakan. Nang unang malaman ng mga miyembro ng Simbahan na maaari silang mabinyagan para sa yumao nilang mga mahal sa buhay, nagalak sila. Sinabi ni Wilford Woodruff, “Sa sandaling narinig ko ito, ang aking kaluluwa ay lumundag [sa] kagalakan!”4

Ang binyag para sa yumaong mga mahal natin sa buhay ay hindi lamang ang katotohanang ihahayag at ipanunumbalik ng Panginoon. Maraming iba pang kaloob, o handog, ang nais na ipagkaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Kabilang sa iba pang mga kaloob na ito ang awtoridad ng priesthood, mga tipan at ordenansa, kasal na maaaring magtagal magpakailanman, ang pagbubuklod ng mga anak sa kanilang mga magulang sa pamilya ng Diyos, at sa huli ay ang pagpapalang makabalik sa piling ng Diyos na ating Ama sa Langit, at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Naging posible ang lahat ng pagpapalang ito dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Dahil itinuturing ng Diyos na kabilang ang mga ito sa Kanyang pinakadakila at pinakabanal na mga pagpapala,5 nag-utos Siya na magtayo ng sagradong mga gusali kung saan maibibigay Niya ang mahahalagang kaloob na ito sa Kanyang mga anak.6 Ang mga gusaling ito ay magiging tahanan Niya sa lupa. Ang mga gusaling ito ay magiging mga templo kung saan ang ibinubuklod o ibinibigkis sa lupa sa Kanyang pangalan at sa Kanyang salita at Kanyang awtoridad ay mabibigkis sa langit.7

Bilang mga miyembro ng Simbahan ngayon, maaaring maging madali para sa ilan sa atin na balewalain ang maluwalhating walang-hanggang mga katotohanang ito. Ang mga ito ay naging karaniwan na sa atin. Kung minsan nakakatulong kapag nakikita natin ang mga ito ayon sa pananaw ng mga taong nalaman ang tungkol dito sa unang pagkakataon. Naging malinaw ito sa akin dahil sa isang karanasan kamakailan.

Noong nakaraang taon, bago ang muling paglalaan ng Tokyo Japan Temple, maraming panauhin na hindi natin kasapi ang nagpunta sa templong iyon. Kabilang doon ang isang maalalahaning lider mula sa ibang relihiyon. Itinuro namin sa aming panauhin ang tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, ang nagtutubos na tungkulin ni Jesucristo sa planong iyon, at ang doktrina na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod.

Sa pagtatapos ng paglibot sa templo, inanyayahan ko ang aming kaibigan na ibahagi ang kanyang nadarama. Patungkol sa pagbubuklod ng mga pamilya—sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—buong katapatang itinanong ng butihing lalaking ito, “Talaga bang nauunawaan ng mga miyembro ng inyong Simbahan kung gaano kalalim ang doktrinang ito?” Idinagdag pa niya, “Maaaring isa ito sa mga natatanging aral na magdudulot ng pagkakaisa sa mundong ito na lubos na nahahati.”

Nakakaimpluwensya ang obserbasyong iyon. Ang lalaking ito ay hindi lamang naantig sa napakagandang pagkakagawa ng templo kundi pati na rin sa kamangha-mangha at malalim na doktrina na ang mga pamilya ay nagkakaisa at nabubuklod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo magpakailanman.8

Hindi tayo dapat magulat, kung gayon, kapag ang isang taong hindi natin kasapi ay kinikilala ang karingalan ng nangyayari sa templo. Ang maaaring maging karaniwan o nakagawian natin ay nakikita kung minsan sa kagandahan at karingalan nito ng mga taong nakaririnig nito o nakadarama nito sa unang pagkakataon.

Bagama’t may mga templo na noong sinaunang panahon, sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang pagtatayo ng mga templo ay naging isa sa mga pinakamataas na prayoridad ng lahat ng propeta simula pa noong panahon ni Propetang Joseph Smith. At madaling maunawaan kung bakit.

Noong nagturo si Propetang Joseph tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, naghayag siya ng isa pang dakilang katotohanan. Itinuro niya: “Hayaang aking tiyakin sa inyo na ang mga ito ay alituntuning may kinalaman sa mga patay at sa mga buhay na hindi maaaring ipagwalang-bahala nang gayun-gayon lamang, gaya ng nauukol sa ating kaligtasan. Sapagkat ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan, … sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap—ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap.”9

Tulad ng nakikita natin, ang pangangailangan sa mga templo at gawaing ginagawa kapwa para sa mga buhay at sa mga patay ay nagiging napakalinaw.

Ang kaaway ay alerto. Ang kanyang kapangyarihan ay nanganganib sa mga ordenansa at tipang isinasagawa sa mga templo, at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para pigilan ang gawain. Bakit? Dahil alam niya ang kapangyarihang nagmumula sa sagradong gawaing ito. Sa bawat paglalaan ng bawat bagong templo, ang nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo ay lumalawak sa buong mundo upang hadlangan ang mga ginagawa ng kaaway at tubusin tayo habang lumalapit tayo sa Kanya. Habang dumarami ang bilang ng mga templo at mga tumutupad ng tipan, mas humihina ang kaaway.

Noong mga unang araw ng Simbahan, nag-aalala ang ilan kapag may bagong templong ibinabalita, at sinasabi nilang, “Kahit kailan hindi pa tayo nakapag-umpisang magtayo ng templo nang hindi hinahadlangan ng mga kalaban.” Ngunit matapang na sinagot ito ni Brigham Young, “Gusto kong makitang muli ang mga paghadlang na iyon.”10

Sa buhay na ito, hindi tayo makatatakas kailanman sa digmaan, ngunit maaari tayong magkaroon ng kapangyarihan laban sa kaaway. Ang kapangyarihan at lakas na iyan ay nagmumula kay Jesucristo kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa templo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Darating ang panahon na ang mga hindi sumusunod sa Panginoon ay ihihiwalay sa mga taong gumagawa nito. Ang pinakaligtas na kasiguruhan natin ay ang patuloy na maging karapat-dapat sa pagpasok sa Kanyang banal na bahay.”11

Narito ang ilan sa mga karagdagang pagpapalang ipinangako sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta:

Kailangan ba ninyo ng mga himala? Sinabi ng propeta natin: “Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.”12

Kailangan ba ninyo ng nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas na si Jesucristo? Tiniyak sa atin ni Pangulong Nelson na “lahat ng bagay na itinuturo sa templo … ay nagdaragdag sa ating pang-unawa kay Jesucristo. … Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”13

Sa unang Linggo ng Palaspas, noong matagumpay na pumasok si Jesucristo sa Jerusalem, napakaraming disipulo ni Jesucristo ang “[n]agalak at [n]agpuri sa Diyos nang may malakas na tinig … na sinasabi, Mapalad ang Hari na dumarating sa pangalan ng Panginoon!”14

Tamang-tama naman na noong Linggo ng Palaspas noong 1836, inilaan ang Kirtland Temple. Sa pangyayaring iyon nagalak at nagdiwang din ang mga disipulo ni Jesucristo. Sa panalanging iyon ng paglalaan, ipinahayag ni Joseph Smith ang mga salitang ito ng papuri:

“O Panginoong Diyos na Makapangyarihan, pakinggan kami … at sagutin kami mula sa langit, … kung saan kayo ay nakaupo, nang may kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan, kamahalan, [at] lakas. …

“… Tulungan kami, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng inyong Espiritu, na aming maisama ang aming mga tinig sa mga yaong maliwanag, nagniningning na mga serapin sa paligid ng inyong trono, nang may pagpupuri, umaawit ng Hosanna sa Diyos at sa Kordero!

“At [hayaang] ang mga ito … ang inyong mga banal ay sumigaw nang malakas sa kagalakan.”15

Mga kapatid, ngayong araw sa Linggo ng Palaspas na ito, purihin din natin bilang mga disipulo ni Jesucristo ang ating banal na Diyos at magalak sa Kanyang kabutihan sa atin. “Ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Tunay ngang “isang tinig ng kagalakan!”16

Pinatototohanan ko na makadarama kayo nang higit pang kalagalakan kapag pumasok kayo sa mga sagradong bahay ng Panginoon. Pinatototohanan ko na mararanasan ninyo ang kagalakan Niya para sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.