2023
Mapapagaling Niya Ako!
Mayo 2023


10:2

Mapapagaling Niya Ako!

Ang nakapagpapagaling at nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng uri ng mga di-sinasadyang pagkakamali, maling desisyon, hamon, at pagsubok—at para din sa ating mga kasalanan.

Ipinangako ni Moroni na kung babasahin natin ang Aklat ni Mormon at pagkatapos ay tatanungin ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan, nang may matapat na puso, nang may tunay na layunin, nang may pananampalataya kay Cristo, kung ito ay totoo, ipaaalam ng Diyos ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.1 Milyun-milyon na ang gumawa sa pangakong ito at nakatanggap ng patotoo ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ipinayo ni Moroni sa atin, kapag binasa natin ang Aklat ni Mormon, na “[alalahanin] kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong [ito], … at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa [ating] mga puso.”2 Ang mga kuwento at turo sa Aklat ni Mormon ay nagpapaalala sa atin at nagpapatotoo sa pagmamahal, pagkahabag, at awa ng Tagapagligtas.

Pumanaw ang aking ama noong Abril 2013. Habang naghahanda akong magsalita sa kanyang libing, naisip ko kung gaano ako pinagpala na malaman at mahalin ang kanyang mga paboritong banal na kasulatan. Ibinahagi niya ang mga ito sa mga pagtitipon ng pamilya, at binasa niya ang mga ito sa akin kapag kailangan ko ng payo, patnubay, o pagpapalakas ng aking pananampalataya. Narinig kong ibinahagi niya ang mga ito sa kanyang mga mensahe at tungkulin. Hindi ko lang alam ang mga ito, kundi naaalala ko rin ang tunog ng kanyang boses at ang mga espirituwal na damdamin na nadama ko nang ibahagi niya ang mga ito. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga banal na kasulatan at damdamin, tinulungan ako ng aking ama na magkaroon ng matatag na pundasyon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Pinakagusto ng aking ama ang salaysay tungkol sa pagbisita ng Tagapagligtas sa mga tao ni Nephi.3 Ang sagradong talang ito ay tungkol sa muling nabuhay at dinakilang Panginoong Jesucristo. Ininom Niya ang mapait na saro at pinagdusahan ang lahat ng bagay upang hindi tayo magdusa kung tayo ay magsisisi.4 Binisita Niya ang daigdig ng mga espiritu at inorganisa ang pangangaral ng ebanghelyo roon.5 Bumangon Siya mula sa mga patay, at nakasama Niya at tumanggap Siya ng mga utos mula sa Ama na ibahagi ang mga banal na kasulatan sa mga Nephita na magpapala sa mga darating na henerasyon.6 Siya ay dinakila at natamo ang lahat ng Kanyang walang hanggang kapangyarihan at kapasidad. Maaari tayong matuto mula sa bawat detalye ng Kanyang mga aral o turo.

Sa 3 Nephi 11, mababasa natin kung paano bumaba mula sa langit ang Tagapagligtas para ituro sa mga Nephita na Siya si Jesucristo, na Siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig. Ipinahayag Niya na Siya ang Ilaw ng Sanlibutan at Kanyang niluwalhati ang Ama sa pagpasan sa mga kasalanan ng sanlibutan. Inanyayahan Niya ang mga tao na lumapit at ilagay ang kanilang mga kamay sa Kanyang tagiliran at damhin ang mga bakas ng mga pako sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang mga paa. Nais Niyang malaman nila na Siya ang Diyos ng Israel, na pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ang mga tao ay tumugon nang may kagalakan, at isa-isang lumapit hanggang sa nakita at nadama nilang lahat na Siya nga ito, na siyang isinulat ng mga propeta na darating.7

Itinuro ni Jesus sa mga Nephita ang tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi, pagiging tulad ng isang maliit na bata, at ang pangangailangang mabinyagan ng taong maytaglay ng Kanyang awtoridad. Pagkatapos ay marami Siyang itinuro tungkol sa doktrina na pinag-aaralan natin ngayong taon sa Bagong Tipan.

Sa 3 Nephi 17, nabasa natin na sinabi ni Jesus sa mga tao na oras na para pumunta Siya sa Ama at ipakita rin ang Kanyang sarili sa mga nawawalang lipi ng Israel.8 Nang iginala Niya ang Kanyang paningin sa maraming tao, namasdan Niya na sila ay luhaan, at nakatitig sa Kanya na waring kanilang hinihiling sa Kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila.9

Ang tugon ng Tagapagligtas sa mga Nephita ay kapwa nakakaantig at may aral. Sabi Niya, “Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo.”10

Naniniwala ako na ang Kanyang pagkahabag ay hindi lamang dahil sa pagluha ng mga tao. Tila ba naisip Niya ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at ang mga taong ito. Nakita Niya ang bawat pasakit nila, paghihirap, at tukso. Nakita Niya ang kanilang mga sakit. Nakita Niya ang kanilang mga kahinaan, at nalaman Niya mula sa Kanyang napakatinding pagdurusa sa Getsemani at Golgota kung paano sila tulungan ayon sa kanilang mga kahinaan.11

Sa katulad na paraan, kapag tinitingnan tayo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, nakikita at nauunawaan Niya ang pasakit at bigat ng ating mga kasalanan. Nakikita Niya ang ating mga adiksiyon at hamon. Nakikita Niya ang anumang uri ng ating paghihirap at pagdurusa—at Siya ay puspos ng pagkahabag sa atin.

Sinundan iyon ng Kanyang magiliw na paanyaya sa mga Nephita: “Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa.”12

At ang mga tao ay nagsilapit kasama “ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya.”13

Noong 1990, nakatira kami sa isang maliit na bayan ng Sale, sa Victoria, Australia. Masaya kaming abala sa mga gawain sa pamilya, Simbahan, at trabaho. Sa isang magandang Sabado ng tag-init bago sumapit ang Pasko, nagpasiya kaming pumunta sa ilang parke at sa tabing-dagat na paborito namin. Matapos masiyahan sa isang magandang araw ng paglilibang ng pamilya, sumakay ang lahat sa kotse para umuwi na. Habang nagmamaneho, saglit akong nakatulog at bumangga ang aming sasakyan sa isa pang sasakyan. Matapos ang ilang sandali ng pagrekober, tiningnan ko ang mga sakay ko sa sasakyan. Ang asawa kong si Maxine ay may matinding bali sa binti at nahihirapang huminga. Nabali ang kanyang sternum o buto sa dibdib. Ang tatlong anak naming babae ay takot na takot ngunit salamat at mukhang maayos naman sila. Mayroon akong ilang maliliit na sugat. Ngunit ang limang buwan naming anak na lalaki ay walang-malay.

Sa gitna ng pagkabalisa at pagkalito sa aksidenteng iyon, sinabi ng 11 taong gulang na panganay naming anak na si Kate nang may pagmamadali, “Dad, kailangan po ninyong bigyan ng basbas si Jarom.” Matapos magpursigi, nagawa namin ng mga anak kong babae na lumabas ng kotse. Hindi maaaring galawin si Maxine. Maingat kong kinuha si Jarom; at, habang nakahiga sa lupa, dahan-dahan ko siyang inilagay sa aking dibdib at binigyan ng basbas ng priesthood. Nang dumating ang ambulansiya, 40 minuto pagkatapos noon, may malay na si Jarom.

Noong gabing iyon, iniwan ko ang tatlong kapamilya sa ospital at tahimik na sumakay sa taxi pauwi kasama ng aking dalawang anak na babae. Sa mahabang gabing iyon, nagsumamo ako sa Ama sa Langit na gumaling ang pamilya ko at ang mga napinsala sa kabilang sasakyan. Sa awa ng Diyos, nasagot ang aking mga panalangin at ang mga taos-pusong panalangin ng maraming iba pa. Ang lahat ay gumaling kalaunan, isang malaking pagpapala at magiliw na awa.

Gayunman, patuloy akong nakokonsensiya at nagsisisi dahil sa matinding aksidenteng iyon na nagawa ko. Nagigising ako noon sa gabi at naaalala ang masasamang pangyayari. Ilang taon akong nahirapang patawarin ang aking sarili at makadama ng kapayapaan. At, bilang priesthood leader, habang tinutulungan ang iba na magsisi at tinutulungan silang madama ang habag, awa, at pagmamahal ng Tagapagligtas, naisip kong mapapagaling Niya ako.

Ang nakapagpapagaling at nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng uri ng mga di-sinasadyang pagkakamali, maling desisyon, hamon, at pagsubok—at para din sa ating mga kasalanan. Sa pagbaling ko sa Kanya, ang nadarama kong pagkabagabag ng konsensiya at matinding kalungkutan ay unti-unting napalitan ng kapayapaan at kapahingahan.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Noong nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa buong sangkatauhan, binuksan Niya ang daan upang ang Kanyang mga tagasunod ay makatanggap ng Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas, at mapantubos na kapangyarihan. Ang mga espirituwal na pribilehiyong ito ay makakamit ng lahat ng nagnanais na pakinggan Siya at sundin Siya.”14

Mga kapatid, kayo man ay nagdadala ng bigat ng kasalanang hindi pa nalulutas, nagdurusa dahil sa kamaliang matagal nang nagawa ng iba sa inyo, o nahihirapang patawarin ang inyong sarili sa isang di-sinasadyang kasalanan, maaari ninyong matamo ang nagpapagaling at mapantubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Mahal Niya tayo. Nahahabag Siya sa atin, at Siya ay puspos ng awa, at mapapagaling Niya kayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.