2023
Ulat sa 2022: Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Mayo 2023


Ulat sa 2022: Pangangalaga sa mga Nangangailangan

Ang taunang ulat ng Simbahan sa 2022 tungkol sa pangangalaga sa mga nangangailangan ay nagpapakita na ang gawaing ito ay kinabilangan ng mahigit $1 bilyon sa mga gastusin, 6.3 milyong oras ng pagboboluntaryo, at 3,692 humanitarian project sa 190 bansa at territoryo.

Ang pera ay napunta sa mga fast-offering assistance, mga humanitarian aid, mga produktong ipinamahagi mula sa mga bishops’ storehouse at mga tindahan ng Deseret Industries, at mga pasilidad na tulad ng mga bukirin, food-processing, Family Services counseling, at employment center.

Kabilang sa pinakamalaking donasyong perang ibinigay ng Simbahan noong 2022 ang $32 milyon sa World Food Programme (WFP) at $5 milyon sa pandaigdigang nutrition program ng UNICEF, na tumutulong sa mga batang kulang sa nutrisyon.

“Si Jesus ay may mapagmalasakit na puso para sa mga bata,” sabi ni Relief Society General President Camille N. Johnson nang ibalita ang donasyon sa WFP. “Nananangis Siyang makita sila na nagugutom. At nagagalak Siya kahit sa pinakamaliliit na pagsisikap na tulungan sila.”

Kabilang sa iba pang mahahalagang donasyon ang $5.1 milyon sa American Red Cross (bukod pa sa mahigit 1 milyong unit ng donasyong dugo mula sa Banal sa mga Huling Araw) at $5 milyon pa sa Rotary International para sa mga pagbabakuna laban sa polio at tetano para sa magulang at bagong silang na anak.

Nagbigay rin ang Simbahan ng malaking kontribusyong pinansyal para tulungan ang lumalaking bilang ng mga tao na naapektuhan ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan at armadong kaguluhan. Kabilang dito ang tulong sa mga refugee ng Ukraine; mga nakaligtas sa tsunami sa Tonga; mga biktima ng bagyo sa Kentucky, Florida, at South Africa; at mga biktima ng kaguluhang sibil sa Democratic Republic of the Congo.

“Ang pagmamahal at hangaring tumulong ay kahanga-hangang makita,” sabi ni Julia, isang miyembro ng Simbahan sa Austria na tumulong sa mga refugee sa ilang bansa sa Eastern Europe. “Ang puso ng mga tao ay napapalapit sa isa’t isa.”

Tumulong din ang Simbahan sa paghahatid ng kuryente sa komunidad ng mga Navajo sa Utah, at nakipagtulungan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga Sikh sa isang proyektong paglilingkod sa United Arab Emirates. Nakipagtulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa NAACP sa mga proyektong paglilingkod sa komunidad para sa mga ina sa Memphis sa Tennessee, USA, at sa mga nangangailangan ng masustansyang pagkain sa San Francisco, California. At nakakolekta ng pondo ang mga Light the World Giving Machine para ipambili ng pagkain at iba pang mga gamit para sa mga nangangailangan sa 28 lugar sa buong mundo.

Kabilang sa 6.3 milyong oras ng pagboboluntaryo na ibinigay noong 2022 ang paglilingkod sa mga bukirin, halamanan, cannery, at tindahan ng Deseret Industries; mga misyon para pangalagaan ang mga nangangailangan; at paglilinis pagkatapos ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan.

Bukod pa sa 3,692 humanitarian project, ang 16,285 bagong proyektong paglilingkod ay pinadali ng JustServe.org, ang libreng online volunteer portal ng Simbahan na magagamit sa 14 na bansa. Iniuugnay ng tool na ito ang mga tao sa mga pagkakataong maglingkod na tugma sa kanilang mga interes at lokasyon.

Tinawag ni Presiding Bishop Gérald Caussé ang JustServe na “isang kilusan at paraan na maaari nating isabuhay ang ating mga tipan” at “pagpalain at palakasin ang [ating] komunidad” (sa “The Blessings Will Follow: Benefits of Implementing JustServe” [video], ChurchofJesusChrist.org).

Ipinagpatuloy rin ng Simbahan ang mga inisyatibo nito sa pangangasiwa sa kapaligiran. Simula noong 2018, nabawasan na ng headquarters ng Simbahan ng 38 milyong galon ang taunang konsumo nito sa tubig. Mahigit 500 meetinghouse sa buong mundo ngayon ang mayroon nang solar panel. Ipinroseso ng Deseret Industries ang 73 milyong recycled na mga produkto. At ang Print and Distribution Center ng Simbahan ay nakapag-recycle ng halos 4,000 tonelada ng papel, metal, karton, at plastik.