Mga Balita sa Simbahan
Isang Sulyap sa Limang-Taong Ministeryo ni Pangulong Russell M. Nelson Bilang Pangulo ng Simbahan
Sa kanyang unang mensahe sa publiko bilang ika-17 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ibinigay limang taon na ang nakararaan, inilayo ni Pangulong Russell M. Nelson ang pansin sa kanyang sarili at nagtuon kay Jesucristo at pagkatapos ay umasa sa hinaharap.
“Ang Panginoon ay palaging nagtuturo at laging magtuturo at magbibigay-inspirasyon sa Kanyang mga propeta,” pahayag niya. “Ang Panginoon ang namumuno. Kaming mga inorden na sumaksi sa Kanyang banal na pangalan sa buong mundo ay patuloy na [maghahangad] na malaman ang Kanyang kalooban at sundin ito” (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 6).
Pagtanggap ng Paghahayag para Gabayan ang Simbahan
Kumilos si Pangulong Nelson ayon sa patnubay ng Panginoon nang maglakbay siya sa 35 bansa, gumawa ng mga pagbabago sa organisasyon ng Simbahan, gumamit ng teknolohiya para ibahagi ang ebanghelyo, pinamunuan ang Simbahan sa panahon ng isang pandemya, nagbigay ng makasaysayang mga paanyaya, at nagtatag ng mga pakikipag-ugnayan sa iba.
Sa kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng Simbahan, nakapagsalita na si Pangulong Nelson sa daan-daang libong Banal sa mga Huling Araw at nanawagan sa mga hari, pangulo, at prime minister. Pinanatag niya ang mga biktima ng krimen at iba pa na nagdadalamhati at pinalalim ang ugnayan sa mga pangunahing pinuno ng National Association for the Advancement of Colored People (NAACP), at tinanggap ang paanyayang magsalita sa 2019 NAACP convention sa Detroit, Michigan, USA.
Sa pamamagitan ng paghahayag at sa buong suporta ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, nagpalabas na rin siya ng maraming pagbabago sa mga patakaran sa loob ng Simbahan.
Sa ilalim ng kanyang inspiradong pamumuno, pinalitan ng mga lider ng mga Banal sa mga Huling Araw ng ministering ang home at visiting teaching; binago ang iskedyul ng mga miting sa araw ng Linggo para mabigyan ng oras ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan; at hiniling sa mga miyembro na gamitin ang buo at tamang pangalan ng Simbahan. Nagpatupad ang Simbahan ng isang patakaran na nagtutulot sa mga mag-asawang ikinasal sa labas ng templo na mabuklod sa templo sa sandaling handa na sila; tinawag na tithing declaration ang dating tithing settlement; at nagtatag ng isang patakaran na nagtutulot sa kababaihan na magsilbing mga saksi sa mga pagbubuklod sa templo at ang mga kababaihan, kabataan, at bata na karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan na magsilbing mga saksi sa mga binyag.
“Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan mula nang matawag ako sa bagong tungkulin bilang Pangulo ng Simbahan ay ang kahandaan ng Panginoon na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban,” sabi ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Abril 2018 (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 94).
Noong 2020 ipinagdiwang ng Simbahan ang ika-200 taong anibersaryo ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, hindi sa isang malaking pagdiriwang kundi sa pag-anyaya ng mga pinuno ng Simbahan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang dako ng mundo na matutong pakinggan ang tinig ng Panginoon nang mas mabuti at mas madalas. Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020, inilahad ni Pangulong Nelson ang isang makasaysayang pagpapahayag, “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo” (tingnan sa “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 91–92).
Pamumuno sa Simbahan sa gitna ng COVID-19
Sa karanasan ng isang nangungunang heart surgeon ngunit lalo na bilang propeta ng Panginoon at pinuno ng isang pandaigdigang relihiyon, pinamunuan ni Pangulong Nelson ang Simbahan sa gitna ng pandemyang COVID-19 na nagsimula noong 2020.
Ang tugon ng Latter-day Saint Charities sa pandemya ang naging pinakamalaking tugon sa kasaysayan ng Simbahan sa ngayon, na may tulong na ibinibigay sa mahigit 150 bansa.
Sa isang interbyu noong Mayo 2020 sa Church News, sabi ni Pangulong Nelson, “Sa kabila ng mga ulap ng kalungkutan, maaaring makasumpong ng pag-asa” (sa Sarah Jane Weaver, “Video: President Nelson Talks about the ‘Painful’ Decision to Close Temples amid COVID-19,” Church News, Hulyo 27, 2020, thechurchnews.com). Ang isang magandang bagay na idinulot ng pandemya, wika niya, ay ang paghahanap ng mga paraan para makaugnayan ang mga Banal sa mga Huling Araw nang hindi sumasakay ng eroplano. Sa tulong ng teknolohiya, nakapagsalita si Pangulong Nelson sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Venezuela at Europe gayundin sa California, Canada, at Oklahoma. Nagsalita rin siya sa mga young adult sa buong mundo.
Noong Agosto 2022, naglakbay si Pangulong Nelson sa labas ng Utah sa unang pagkakataon simula nang tumindi ang pandemya noong Marso 2020 para muling ilaan ang na-renovate na Washington D.C. Temple.
Pagtanggap ng Gandhi-King-Mandela Peace Prize
Ibinalita ng Morehouse College, isang makasaysayang Black college sa Georgia, USA, na ibibigay nito ang pampasinayang Gandhi-King-Mandela Peace Prize kay Pangulong Nelson. Ipinagkaloob ng paaralan ang bagong karangalang ito sa 98-taong-gulang na propeta noong Abril 13, 2023, sa Worldhouse Interfaith and Interdenominational Assembly sa Martin Luther King Jr. International Chapel sa Atlanta.
Ang gantimpalang ito ay ipinangalan kina Mahatma Gandhi, Martin Luther King Jr., at Nelson Mandela. Ito ay nilayon, sabi ng paaralan, para sa isang taong nagtataguyod ng kapayapaan at positibong pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng kaparaanang hindi gumagamit ng karahasan at ginagamit ang kanilang pandaigdigang pamumuno para pagtibayin ang kapayapaan, katarungan, pagkakaiba-iba, at pluralismo.
Tinanggap ni Pangulong Nelson ang award sa pamamagitan ng video, at nagtanghal din nang virtual ang Tabernacle Choir at Temple Square.
Ang limang-taong ministeryo ng propeta ay napuno ng mga paghimok na mahalin at igalang ang lahat. Sa isang kaganapan noong 2018 na ipinagdiriwang ang ika-40 anibersaryo ng paghahayag noong 1978 tungkol sa mga pagpapala ng priesthood na ibinibigay sa karapat-dapat na mga miyembro ng lahat ng lahi, itinuro niya sa mga Banal sa mga Huling Araw na “magkaisa sa halip na maghiwa-hiwalay” (“Building Bridges,” New Era, Ago. 2018, 6).