2023
Isang Buhay na Propeta para sa mga Huling Araw
Mayo 2023


11:22

Isang Buhay na Propeta para sa mga Huling Araw

Pinili ng Ama sa Langit ang huwaran ng paghahayag ng katotohanan sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang propeta.

Noong bata pa ako, gustung-gusto ko ang Sabado dahil lahat ng ginagawa ko sa araw na iyon ay parang isang pakikipagsapalaran. Ngunit anuman ang gawin ko, laging nauuna rito na pinakamahalagang bagay sa lahat—ang panonood ng cartoons sa telebisyon. Isang Sabado ng umaga, habang nakatayo ako sa tapat ng telebisyon at nagpapalipat-lipat ng channel, natuklasan ko na ang cartoons na inaasahan kong makita ay napalitan ng brodkast ng pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Habang nakatingin sa telebisyon at nagrereklamo na walang cartoons, nakita ko ang isang lalaking puti na ang buhok na naka-amerikana at kurbata na nakaupo sa isang magandang silya.

Mayroong kakaiba sa kanya, kaya tinanong ko sa kuya ko, “Sino siya?”

Sabi niya, “Siya si Pangulong David O. McKay; isa siyang propeta.”

Natatandaan ko na may naramdaman ako at nalaman ko kahit paano na isa siyang propeta. Pagkatapos, dahil isa akong bata na mahilig manood ng cartoons, pinalitan ko ang channel. Ngunit hindi ko na nalimutan ang nadama ko sa maikli at di-inaasahang sandaling iyon ng paghahayag. Kapag isang propeta ang pinag-uusapan, kung minsa’y sandali lamang at malalaman kaagad ang katotohanang iyon.1

Ang pagkaalam sa pamamagitan ng paghahayag na may isang buhay na propeta sa lupa ay nagpapabago sa lahat.2 Dahil dito, nawawalan ng interes ang isang tao na makipagtalo tungkol sa kung nagsasalita ba ang isang propeta bilang propeta o kung makatwiran bang pumili lang ng susundin sa mga payo ng propeta.3 Ang gayong inihayag na kaalaman ay nag-aanyaya sa tao na magtiwala sa payo ng isang buhay na propeta, kahit hindi natin iyon lubos na nauunawaan.4 Ang perpekto at mapagmahal na Ama sa Langit ang pumili ng huwaran ng paghahayag ng katotohanan sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang propeta, isang taong hindi kailanman naghangad ng gayon kasagradong tungkulin at hindi kailangan ang ating tulong para malaman ang sarili niyang mga kakulangan.5 Ang propeta ay isang taong personal na inihanda, tinawag, itinama, binigyang-inspirasyon, pinagsabihan, pinabanal, at sinuportahan ng Diyos.6 Kaya nga hindi tayo espirituwal na manganganib kailanman sa pagsunod sa payo ng propeta.

Gusto man natin o hindi, tayong lahat ay pinili sa premortal na mundo na isilang sa mga huling araw na ito. May dalawang realidad na nauugnay sa mga huling araw. Ang unang realidad ay muling itatatag sa lupa ang Simbahan ni Cristo. Ang pangalawang realidad ay magiging napakahirap ng mga bagay-bagay. Inihayag sa mga banal na kasulatan na sa mga huling araw ay “matinding pag-ulan ng yelo ang ipadadala upang wasakin ang mga pananim ng lupa,”7 mga salot,8 “mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, at ang buong mundo ay magkakagulo, … at ang kasamaan ay lalaganap.”9

Noong bata pa ako, natakot ako sa mga propesiyang iyon tungkol sa mga huling araw kaya ipinagdasal ko na huwag mangyari ang Ikalawang Pagparito habang nabubuhay ako—at hanggang sa ngayon ay nasasagot ang panalanging ito. Ngunit ngayo’y kabaligtaran na ang ipinagdarasal ko, kahit tiyak na mangyayari ang mga paghihirap na ipinropesiya,10 dahil kapag bumalik si Cristo para maghari, lahat ng Kanyang nilikha ay “[mahihiga] nang tiwasay.”11

Ang mga kundisyon sa mundo ngayon ay nagdudulot ng pagkabalisa sa ilan. Bilang mga pinagtipanang anak ng Diyos, hindi natin kailangang maghanap ng iba’t ibang bagay para malaman kung paano haharapin ang magulong panahong ito. Hindi tayo kailangang mangamba.12 Ang doktrina at mga alituntuning kailangan nating sundin para espirituwal na maligtas at pisikal na makapagtiis ay matatagpuan sa mga salita ng isang buhay na propeta.13 Kaya nga ipinahayag ni Pangulong M. Russell Ballard na “hindi maliit na bagay … na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating kalipunan.”14

Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang huwarang matagal nang itinakda ng Diyos sa pagtuturo sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta ay tinitiyak sa atin na pagpapalain Niya ang bawat propeta at pagpapalain Niya ang mga makikinig sa mga payo ng propeta.”15 Kaya ang dapat gawin ay sundin ang buhay na propeta.16 Mga kapatid, hindi tulad ng mga kinokolektang lumang komiks at klasikong sasakyan, hindi nagiging mas mahalaga ang mga turo ng propeta habang tumatagal. Kaya nga hindi natin dapat hangaring gamitin ang mga salita ng nakaraang mga propeta para balewalain ang mga turo ng mga buhay na propeta.17

Gustung-gusto ko ang mga talinghagang ginamit ni Jesucristo para magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Gusto kong magbahagi sa inyo ngayong umaga ng isang talinghaga na batay sa tunay na buhay.

Isang araw naglakad ako papuntang cafeteria sa headquarters ng Simbahan para mananghali. Matapos kumuha ng isang tray ng pagkain, pumasok ako sa silid-kainan at napansin ko ang isang mesa kung saan nakaupo ang tatlong miyembro ng Unang Panguluhan, na may isang bakanteng silya. Dahil sa kawalan ko ng kumpiyansa, hindi ako dumaan sa mesang iyon, at pagkatapos ay narinig ko ang tinig ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson na nagsabing, “Allen, may bakante pang silya rito. Halika’t samahan mo kami rito.” Kaya doon ako naupo.

Nang malapit na kaming matapos kumain, nagulat akong marinig ang isang malakas na ingay ng pagyupi, at nang tumingin ako, nakita ko na itinayo ni Pangulong Nelson ang kanyang plastik na bote ng tubig at saka iyon niyupi at ibinalik ang takip.

Pagkatapos ay itinanong ni Pangulong Dallin H. Oaks ang gusto kong itanong, “Pangulong Nelson, bakit ninyo niyupi ang plastik na bote ninyo?”

Sagot niya, “Para mas madali sa mga namamahala ng mga recyclable material dahil hindi ito mag-ookupa ng malaking espasyo sa recycling container.”

Habang pinagninilayan ang sagot na iyon, narinig kong muli ang tunog ng pagyuping iyon. Tumingin ako sa kanan, at niyupi pala ni Pangulong Oaks ang plastik na bote niya tulad ng ginawa ni Pangulong Nelson. Pagkatapos ay may narinig akong kaunting ingay sa kaliwa ko, at niyuyupi pala ni Pangulong Henry B. Eyring ang plastik na bote niya, ngunit gumamit siya ng ibang paraan sa paggawa niyon habang nakapahiga ang bote, na mas mahirap gawin kaysa kapag patayo ang bote. Napansin ito, buong kabaitang ipinakita sa kanya ni Pangulong Nelson ang paraan sa pagyupi ng plastik na bote kapag nakapatayo ito.

Sa puntong iyon, humilig ako kay Pangulong Oaks at pabulong na nagtanong, “Bagong recycling requirement po ba ng cafeteria na yupiin ang plastik na bote?”

Sumagot si Pangulong Oaks, na nakangiti, “Allen, kailangan mong sundin ang propeta.”

Tiwala ako na hindi nagpapahayag si Pangulong Nelson ng bagong doktrina ng pag-recycle sa cafeteria noong araw na iyon. Ngunit matututo tayo sa agarang tugon18 nina Pangulong Oaks at Pangulong Eyring sa halimbawa ni Pangulong Nelson at sa pagiging alerto ni Pangulong Nelson na tumulong upang turuan ng mas magandang paraan ang mga kasama niya.19

Ilang taon na ang nakararaan, ibinahagi ni Elder Neal A. Maxwell ang ilang obserbasyon at payo na nauugnay sa paggalang sa ating panahon:

“Sa darating na mga buwan at taon, may mga pangyayari kung saan malamang na kakailanganing magpasiya ng bawat miyembro kung susundin ba niya o hindi ang Unang Panguluhan. Mas mahihirapan ang mga miyembro na pumili kung susunod ba sila o hindi. …

“… Mag-iwan tayo ng isang talaan upang ang mga pagpapasiya ay malinaw, na hinahayaan ang iba na gawin ang gusto nila kapag natanggap nila ang payo ng propeta. …

“Sinabi ni Jesus na kapag umuusbong na ang mga dahon ng puno ng igos, ‘malapit na ang tag-araw.’ … Dahil nabalaan tayo na malapit na ang tag-araw, huwag tayong magreklamo na mainit!”20

Ang bagong henerasyon ay lumalaki sa panahon kung saan mas maraming dahon ang puno ng igos at mas mainit. Ang realidad na iyan ay nagbibigay ng mas mabigat na responsibilidad sa mas nakatatandang henerasyon, lalo na sa pagsunod sa payo ng propeta. Kapag binabalewala ng mga magulang ang payo ng buhay na propeta, hindi lamang nawawala ang mga ipinangakong pagpapala para sa kanila kundi ang mas masaklap pa ay tinuturuan nila ang kanilang mga anak na ang sinasabi ng propeta ay walang kabuluhan o na maaaring piliin lang kung aling payo ng propeta ang susundin o hindi susundin nang hindi iniisip ang ibubungang paghina ng espirituwalidad.

Sinabi ni Elder Richard L. Evans: “Minsan ipinapalagay ng ilang magulang na hindi nila kailangang sumunod na mabuti … na mababalewala nila ang mga turo ng ebanghelyo nang hindi naaapektuhan ang kinabukasan ng pamilya nila. Ngunit kung hindi sumusunod ang mga magulang, mas malamang na mahigitan pa ng mga anak ang hindi pagsunod ng mga magulang.”21

Bilang isang henerasyon na may sagradong responsibilidad na ihanda ang bagong henerasyon para sa tungkulin nito na ipinropesiya sa mga huling araw,22 kung aling tungkulin ay kinakailangang isakatuparan sa panahong napakalakas ng impluwensya ng kaaway,23 hindi tayo dapat pagmulan ng kalituhan tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa payo ng propeta. Ang mismong payo na iyon ang tutulong para makita ng bagong henerasyon “ang kaaway samantalang [siya] ay malayo pa; at pagkatapos [sila] ay maaaring [m]akapaghanda” na labanan ang pagsalakay ng kaaway.24 Ang ating tila bahagyang paglihis, tahimik na pagbabalewala, o pabulong na mga pamimintas bilang tugon sa payo ng propeta ay maaaring humantong sa hindi natin lubos na pagtahak sa landas ng tipan; ngunit kapag pinatindi ito ng kaaway sa buhay ng bagong henerasyon, ang gayong gawain ay maaaring maghikayat sa kanila na lisanin nang tuluyan ang landas na iyon. Napakalaki ng magiging epekto nito sa darating na mga henerasyon.25

Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na kulang ang inyong mga pagsisikap na sundin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson. Kung magkagayon, magsisi; magsimulang muli na sundin ang payo ng hinirang na propeta ng Diyos. Isantabi ang pambatang cartoons at magtiwala sa hinirang ng Panginoon. Magalak dahil muli na namang “mayroong propeta sa Israel.”26

Kahit hindi pa kayo sigurado, nagpapatotoo ako na madaraig natin ang impluwensya ng kaaway sa mga huling araw at magtatagumpay sa kanila. Tayo ang mga Banal sa mga huling araw, at ito ang magagandang panahon. Ninais nating pumarito sa lupa sa panahong ito, na nagtitiwala na hindi tayo hahayaang madapa kapag nararanasan natin ang mas madilim at mas nakalilitong abu-abo ng kaaway27 ngunit sa halip ay susundin natin ang payo at tagubilin niya na may awtoridad na sabihin sa atin at sa buong mundo, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos.”28 Sa sagradong pangalan ng propetang ibinangon ng Diyos, ang Banal ng Israel,29 maging si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Kamakailan ay inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga estudyante sa Brigham Young University na maranasan ang gayon ding personal na paghahayag: “Itanong sa inyong Ama sa Langit kung kami talaga ang mga apostol at propeta ng Panginoon. Itanong kung nakatatanggap kami ng paghahayag tungkol sa isang bagay at iba pang mga bagay” (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], speeches.byu.edu). Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 26–27: “Mayroon tayong pribilehiyo bilang mga Banal sa mga Huling Araw na tanggapin ang isang personal na kumpirmasyon na ang tawag ni Pangulong Nelson ay mula sa Diyos.” Ang kuwento tungkol sa pagbabalik-loob ni Alma mula sa pakikinig sa propetang si Abinadi ay naglalaan ng iba pang katunayan na ang paghahayag tungkol sa isang propeta ay para sa ating lahat (tingnan sa Mosias 13:5; 17:2).

  2. “Mayroon tayong propeta o tayo ay walang kahit ano; at dahil mayroon tayong propeta, nasa atin ang lahat” (Gordon B. Hinckley, “We Thank Thee, O God, for a Prophet,” Ensign, Ene. 1974, 122).

  3. “Nagsimula silang hindi maniwala sa diwa ng propesiya at sa diwa ng paghahayag; at ang mga kahatulan ng Diyos ay tumitig sa kanilang mga mukha” (Helaman 4:23; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 11:25). “Palagi nating inaawit ang, ‘Salamat, O Diyos, sa aming Propeta, sa huling araw patnubay siya.’ Maraming tao ang nagdaragdag doon at nagsasabing: ‘Kung aakayin niya kami sa landas na gusto naming tahakin at naaayon sa ideya namin’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 87).

  4. “Kung minsan ay tumatanggap tayo ng payo na hindi natin maunawaan o tila hindi angkop sa atin, kahit taimtim nating ipinagdasal at pinag-isipan ito. Huwag balewalain ang payo, sa halip ay madalas na pagnilayan ito. Kung binigyan ka ng isang taong pinagkakatiwalaan mo ng tila puro buhangin at nangakong naglalaman ito ng ginto, mangyaring hawakan ninyo ito sandali, at maingat itong alugin. Tuwing ginagawa ko iyan sa payo ng isang propeta, pagkaraan ng ilang panahon nagsisimulang lumitaw ang maninipis na piraso ng ginto at nagpapasalamat ako” (Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 26; tingnan din sa 3 Nephi 1:13; Doktrina at mga Tipan 1:14).

  5. Tingnan sa 2 Nephi 4:17–18. “Huwag ninyo akong hatulan dahil sa aking kahinaan, ni ang aking ama dahil sa kanyang kahinaan, … kundi magbigay-pasalamat sa Diyos na kanyang ipinaalam sa inyo ang aming mga kahinaan nang inyong matutuhan na maging higit na matatalino kaysa sa amin noon” (Mormon 9:31).

  6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:6–8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:47.

  7. Doktrina at mga Tipan 29:16.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:97; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 87:6.

  9. Doktrina at mga Tipan 45:26, 27.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38.

  11. Hoseas 2:18. “Sapagkat aking ipakikita ang aking sarili mula sa langit sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng hukbo roon, at mananahanan sa kabutihan kasama ng mga tao sa mundo [nang] isanlibong taon, at ang masasama ay hindi makapananatili” (Doktrina at mga Tipan 29:11).

  12. Tingnan sa 1 Nephi 22:16–17; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:23.

  13. “Sapagkat masdan, kanilang tinanggihan ang mga salita ng mga propeta. Anupa’t kung ang aking ama ay maninirahan sa lupain matapos na siya ay utusang tumakas sa lupaing ito, masdan, siya ay masasawi rin” (1 Nephi 3:18; tingnan din sa 2 Nephi 26:3; Doktrina at mga Tipan 90:5).

  14. M. Russell Ballard, “Ang Kanyang Salita ay Inyong Tatanggapin,” Liahona. Hulyo 2001, 65.

  15. Russell M. Nelson, “Magsihingi, Magsihanap, Magsituktok,” Liahona, Nob. 2009, 82. “Walang sinumang taong magiging mas masaya kaysa kapag sumunod siya sa payo ng buhay na propeta” (The Teachings of Lorenzo Snow, inedit ni Clyde J. Williams [1996], 86).

  16. “Magtuon sa mga nangungulo sa Simbahan ngayon, o bukas, at gawin silang huwaran sa inyong buhay sa halip na magtuon sa kung ano ang hitsura o paano mag-isip o magsalita ang mga sinaunang propeta” (The Teachings of Harold B. Lee [1996], 525).

  17. Sinabi minsan ni Pangulong Spencer W. Kimball na “sila na nagpapalamuti sa mga libingan ng pumanaw na mga propeta ay nagsisimula nang batuhin ngayon ang mga buhay na propeta” (The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball [1982], 462). “Ang pinakamahahalagang salita na ating maririnig, mapagninilayan, at masusunod ay yaong mula sa mga inihayag [sa pamamagitan] ng ating buhay na propeta” (Ronald A. Rasband, “Ang mga Bagay ng Aking Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2021, 40).

  18. “Kapag narinig natin ang payo ng Panginoon na ipinahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at maagap ang ating tugon” (M. Russell Ballard, Ang Kanyang Salita ay Inyong Tatanggapin,” Liahona, Hulyo 2001, 65).

  19. “Ang Simbahan ni Jesucristo ay laging pinamumunuan ng mga buhay na propeta at apostol. Bagama’t mortal at may kahinaan bilang tao, ang mga lingkod ng Panginoon ay may inspirasyong tumutulong sa atin upang maiwasan ang mga balakid na nakamamatay sa espiritu at tutulong sa atin na ligtas na makapaglakbay sa buhay na ito tungo sa ating huli, at makalangit na destinasyon” (M. Russell Ballard, “Ang Diyos ang Namamahala,” Liahona, Nob. 2015, 24).

  20. Neal A. Maxwell, “A More Determined Discipleship,” Ensign, Peb. 1979, 69, 70.

  21. Richard L. Evans, “Foundations of a Happy Home,” sa Conference Report, Okt. 1964, 135–36.

  22. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:11; tingnan din sa Robert D. Hales, “Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon,” Liahona, Mayo 2010, 95–98.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:14.

  24. Doktrina at mga Tipan 101:54.

  25. Tingnan sa Mosias 26:1–4.

  26. 2 Mga Hari 5:8.

  27. “Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, … sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito … itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (Doktrina at mga Tipan 21:4, 6). “Walang sinumang sumunod sa mga turo o sumunod sa tagubilin o payo ng taong kumakatawan sa Panginoon ang nalihis ng landas” (Doctrines of Salvation: Sermons and Writings of Joseph Fielding Smith, inedit ni Bruce R. McConkie [1998], 243).

  28. Ezekiel 3:27. “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5).

  29. Tingnan sa 1 Nephi 22:20–21; tingnan din sa 3 Nephi 20:23.