“Sister Tamara W. Runia,” Liahona, Mayo 2023.
Sister Tamara W. Runia
Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency
Sa buong buhay niya, si Sister Tamara (Tammy) W. Runia ay ginampanan na ang iba’t ibang tungkulin—stake scripture class instructor, counselor sa isang stake Relief Society presidency, lider na kasama ng kanyang asawa sa Australia Sydney Mission—ngunit ginugol niya ang halos buong paglilingkod niya sa Young Women.
“Gustung-gusto ko ang lahat ng tungkuling nagampanan ko,” sabi ni Sister Runia, na naglingkod din bilang stake Young Women president. “Pero,” dagdag pa niya, “kailangan kong sabihin na komportable ako sa Young Women.”
Sinabi ni Sister Runia na mahigit 20 beses na siyang nakapunta sa Young Women camp. May isang taon pa nga na hinilingan siyang dumalo bilang camp cheerleader.
Nais niyang malaman ng lahat ng kabataang babae kung gaano sila kamahal ng kanilang Ama sa Langit. Ang pagmamahal na iyan ay “singlawak ng kalangitan, singlalim ng karagatan,” wika niya. “Nais ng Ama sa Langit,” dagdag pa niya, “na makabalik silang lahat.”
Sinabi niya na ang madama ang koneksyong iyon ang magpapabago ng buhay ng mga kabataang babae “dahil nagawa nito iyon para sa akin.”
Si Sister Runia ay isinilang noong Marso 2, 1961, sa Concord, California, USA, kina Vincent Alma Wood at Gail Hilton Wood. Lumaki siya sa Walnut Creek, California.
Freshman siya sa Brigham Young university na nag-aaral ng broadcast journalism nang makilala niya si R. Scott Runia. Nagpakasal sila noong Mayo 1981 sa Oakland California Temple. Sila ay may pitong anak at naninirahan ngayon sa Provo, Utah.
Si Sister Runia ay sinang-ayunan sa pangkalahatang kumperensya noong Abril bilang Unang Tagapayo sa bagong Young Women General Presidency. Sisimulan niya ang kanyang paglilingkod sa Agosto 1.
Dagdag pa sa kanyang paglilingkod sa Simbahan, gumugol siya ng 20 taon sa board ng Food and Care Coalition sa Provo, na naglalaan ng mga resource para sa mga taong walang tirahan at mababa ang kita.