Dignidad at Kahinahunan na Tulad ng kay Cristo
“[At] paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, ‘Pumayapa ka. Tumahimik ka!’ Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan” (Marcos 4:39).
Noong huling magsalita ako sa pangkalahatang kumperensya, ipinakita sa akin ng manugang kong si Ryan ang isang tweet na nagsabing, “Talaga? Ang pangalan ng lalaki ay Bragg”—ibig sabihin ay “magyabang”—“at hindi siya nagsalita tungkol sa pagpapakumbaba? Sayang!” Nakakalungkot na madidismaya pa rin kayo dahil hindi tungkol dito ang mensahe ko.
Ang aking kahanga-hangang ama ay isang manlalaro ng All-America basketball para sa UCLA sa ilalim ng sikat na Coach na si John Wooden. Nanatili silang malapit sa isa’t isa sa buong buhay ng aking ama, at paminsan-minsan ay pumupunta sina Coach at Gng. Wooden sa aming tahanan para maghapunan. Palagi niya akong masayang kinakausap tungkol sa basketball o anumang bagay na maiisip ko. Minsan ay tinanong ko siya kung ano ang maipapayo niya sa akin noong nasa senior high school na ako. Dahil likas sa kanya ang magturo, sinabi niya sa akin, “Sabi sa akin ng tatay mo na sumapi ka sa Simbahan ni Jesucristo, kaya alam ko na may pananampalataya ka sa Panginoon. Taglay ang pananampalatayang iyan, tiyakin mong kikilos ka nang may dignidad at kahinahunan sa lahat ng sitwasyon. Maging mabuting tao sa gitna ng unos.”
Maraming taon na ang lumipas, naaalala ko pa rin ang pag-uusap na iyon. Ang payo na iyon na maging kalmado, mahinahon, at mapagtimpi sa lahat ng sitwasyon, lalo na sa panahon ng paghihirap at kagipitan, ay nakaapekto talaga sa akin. Nakita ko kung paano naglaro ang mga koponan ni Coach Wooden nang may dignidad at kahinahunan at ang malaking tagumpay na naranasan nila sa pagwawagi ng 10 pambansang kampeonato.
Ngunit ang pagkilos nang may dignidad at kahinahunan ay hindi gaanong nababanggit ngayon at hindi nagagawa sa panahon ng kaguluhan at pagtatalo. Madalas itong banggitin sa sports—ang isang manlalaro na may dignidad at kahinahunan ay may kumpiyansa sa mahigpit na laban, o ang isang koponan ay nagkakagulo dahil sa kawalan ng dignidad at kahinahunan. Pero ang kahanga-hangang katangiang ito ay hindi lamang mahalaga sa sports. Ang pagkilos nang may dignidad at kahinahunan ay may mas malawak na gamit sa buhay at mapagpapala nito ang mga magulang, lider, missionary, guro, estudyante, at lahat ng taong nahaharap sa mga unos ng buhay.
Ang pagkakaroon ng dignidad at kahinahunan ay tumutulong sa atin na manatiling kalmado at nakatuon sa pinakamahalaga, lalo na kapag nahihirapan tayo. Itinuro ni Pangulong Hugh B. Brown, “Ang pananampalataya sa Diyos at sa pagtatagumpay sa huli ng kabutihan ay nag-aambag sa mental at espirituwal na dignidad at kahinahunan sa harap ng mga paghihirap.”1
Si Pangulong Russell M. Nelson ay isang magandang halimbawa ng espirituwal na dignidad at kahinahunan. Minsan, nang ang dating Dr. Nelson ay nagsasagawa ng quadruple coronary artery bypass, biglang bumagsak ang blood pressure ng pasyente. Kalmadong inalam ni Dr. Nelson ang sitwasyon at natukoy na aksidenteng naalis ng isa sa mga miyembro ng team ang isang clamp. Kaagad itong ibinalik, at inalo ni Dr. Nelson ang miyembro ng team at nagsabing, “Mahal pa rin kita,” at pagkatapos ay pabirong idinagdag, “Kung minsan ay mas mahal kita kaysa sa ibang mga araw!” Ipinakita niya kung paano dapat tumugon sa oras ng emergency—nang may dignidad at kahinahunan, nakatuon lamang sa kung ano ang pinakamahalaga—kapag nireresolba ang problema. Sabi ni Pangulong Nelson: “Matinding disiplina ito sa sarili. Ang natural mong reaksyon ay, ‘Tanggalin mo na ako, coach! Gusto ko nang umuwi.’ Ngunit hindi mo pwedeng gawin iyan. Ang buhay ay lubos na nakasalalay sa buong surgical team. Kaya kailangan mong manatiling kalmado at mahinahon at malinaw ang pag-iisip nang higit kailanman.”2
Siyempre, ang Tagapagligtas ang pinakamagandang halimbawa ng dignidad at kahinahunan.
Sa Halaman ng Getsemani, sa di-mailarawang paghihirap, habang “ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo,”3 nagpakita Siya ng dignidad at kahinahunan sa Kanyang simple ngunit kahanga-hangang pahayag na “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”4 Sa matinding pagdurusa upang mailigtas ang buong sangkatauhan, ipinakita ni Jesus ang tatlong mahahalagang kalagayan na tutulong sa atin na maunawaan ang Kanyang kahanga-hangang dignidad at kahinahunan. Una, alam Niya kung sino Siya at tapat Siya sa Kanyang banal na misyon. Pangalawa, alam Niya na may dakilang plano ng kaligayahan. At ang huli, alam Niya na sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, maliligtas ang lahat ng tapat na nagpapasan ng pamatok kasama Niya sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan na natanggap sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, tulad ng itinuro sa napakagandang paraan ni Elder Dale G. Renlund ngayong araw.
Upang maihambing ang pagkakaiba ng pagkawala at pagpapanatili ng dignidad at kahinahunan, isipin kung ano ang nangyari nang umalis si Cristo at ang Kanyang mga Apostol sa Halamanan ng Getsemani. Nang dadakpin na ng mga kawal si Jesus, ang reaksyon ni Pedro ay kawalan ng dignidad at kahinahunan at siya ay naging marahas at tinaga ang tainga ni Malco na alipin ng mataas na saserdote. Ang reaksyon ni Jesucristo, sa kabilang banda, ay nagpanatili sa Kanyang dignidad at kahinahunan at nagpakalma sa kaguluhan sa pamamagitan ng pagpapagaling kay Malco.5
At para sa atin na nahihirapang panatilihin ang ating dignidad at kahinahunan at marahil ay nawawalan na ng pag-asa, pag-isipan ang natitirang bahagi ng kuwento ni Pedro. Hindi nagtagal matapos ang pangyayaring ito at ang pighating dulot ng pagtatatwa Niya na nauugnay siya kay Cristo,6 tumayo siya sa harapan ng parehong mga pinuno ng relihiyon na humatol sa Tagapagligtas, at nang may mataas na dignidad at kahinahunan sa matinding pagtatanong sa kanya, nagbahagi siya ng maliwanag na patotoo tungkol sa pagiging Diyos ni Jesucristo.7
Alamin Kung Sino Ka at Maging Tapat sa Iyong Banal na Identidad
Pag-isipan natin ang mga elemento ng pagkilos nang may dignidad at kahinahunan na tulad ng kay Cristo. Una, ang kaalaman kung sino tayo at ang pagiging tapat sa ating banal na identidad ay nagdudulot ng kapanatagan sa atin. Kailangan sa dignidad at kahinahunan na tulad ng kay Cristo na iwasan nating ikumpara ang ating sarili sa iba o magkunwari na ibang tao na hindi naman tayo.8 Itinuro ni Joseph Smith, “Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili.”9 Imposible na magkaroon ng banal na dignidad at kahinahunan nang hindi natin nalalaman na tayo ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit.
Sa kanyang mensaheng “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” itinuro ni Pangulong Nelson ang mga walang hanggang katotohanang ito tungkol sa kung sino tayo: tayo ay mga anak ng Diyos, tayo ay mga anak ng tipan, at tayo ay mga disipulo ni Cristo. Pagkatapos ay ipinangako niya, “Kapag tinanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong [pinakadakilang] mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.”10 Tayo ay mga espirituwal na nilalang na may mortal na karanasan. Ang kaalaman kung sino tayo at pagiging tapat sa ating banal na identidad ay napakahalaga sa pagkakaroon ng dignidad at kahinahunan na tulad ng kay Cristo.
Dapat Mong Malaman na May Banal na Plano
Pagkatapos, alalahanin na may dakilang plano na nagbibigay ng lakas-ng-loob at dignidad at kahinahunan sa mahihirap na kalagayan. Si Nephi ay “humayo at gumawa”11 tulad ng iniutos ng Panginoon “nang sa simula ay hindi pa nalalaman”12 ang mga bagay na nararapat niyang gawin dahil alam niya na gagabayan siya ng Espiritu, bilang pagtupad sa walang hanggang plano ng mapagmahal na Ama sa Langit. Ang dignidad at kahinahunan ay dumarating kapag nakikita natin ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw. Ipinayo ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na “inyong tingnan”13 at “hayaang ang mga kataimtiman ng kawalang-hanggan ay manatili sa inyong mga isipan.”14 Kapag pinag-iisipan natin ang mahihirap na panahon nang may walang hanggang pananaw, ang paghihirap ay nagiging pribilehiyo na magmahal, maglingkod, magturo, at magpala. Ang pananaw na pangwalang-hanggan ay lumilikha ng dignidad at kahinahunan na tulad ng kay Cristo.
Alamin ang Nagbibigay-kakayahang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala
At ang huli, ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Cristo, na naging posible dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ay nagbibigay sa atin ng lakas na magtiis at manaig. Dahil kay Jesucristo tayo ay makagagawa ng tipan sa Diyos at mapapalakas sa pagtupad sa tipang iyon. Mabibigkis tayo sa Tagapagligtas sa kagalakan at kapanatagan, anuman ang ating temporal na kalagayan.15 Itinuro nang malinaw sa Alma kabanata 7 ang tungkol sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Cristo. Bukod pa sa pagtubos sa atin mula sa kasalanan, mapapalakas tayo ng Tagapagligtas sa ating mga kahinaan, takot, at pagsubok sa buhay na ito.
Kapag nagtuon tayo kay Cristo, mababawasan natin ang ating takot, tulad ng ginawa ng mga tao ni Alma sa Helam.16 Habang nagtitipon ang nagbabantang mga hukbo, ang matatapat na disipulo ni Cristo ay nagpakita ng dignidad at kahinahunan. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Pinayuhan ni Alma ang mga naniniwala na alalahanin ang Panginoon at ang pagliligtas na Siya lamang ang maaaring magkaloob (tingnan sa 2 Nephi 2:8). At ang kaalaman tungkol sa nagpoprotektang pangangalaga ng Tagapagligtas ay nagbigay-kakayahan sa mga tao na bawasan ang sarili nilang takot.”17 Nagpapakita ito ng dignidad at kahinahunan.
Ang Dakilang Tao sa Gitna ng Unos
Si Noe ay maraming itinuro sa atin tungkol sa pagtitiis sa gitna ng unos, ngunit ang Tagapagligtas ang pinakadakilang guro kung paano makaliligtas sa unos. Siya ang dakilang tao sa gitna ng unos. Pagkatapos ng maghapong pagtuturo kasama ang Kanyang mga disipulo, kinailangan ng Tagapagligtas na magpahinga sandali at nagsabing tawirin nila ang kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea sakay ng isang bangka. Habang nagpapahinga ang Tagapagligtas, isang malakas na unos ang dumating. Habang nagbabanta ang hangin at mga alon na palubugin ang bangka, nagsimulang matakot ang mga Apostol para sa kanilang buhay. At alalahanin na ang ilan sa mga Apostol na iyon ay mga mangingisda na pamilyar na sa mga unos sa dagat na iyon! Gayunman, nang nag-aalala,18 ginising nila ang Panginoon at nagtanong, “[Panginoon], hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” Pagkatapos, nang may kahanga-hangang dignidad at kahinahunan, ang Tagapagligtas ay “[bumangon at] sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, ‘Pumayapa ka. Tumahimik ka!’ Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.”19
At iyon ay magandang aral tungkol sa pagkilos nang may dignidad at kahinahunan para sa Kanyang mga Apostol. Itinanong Niya, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”20 Ipinaalala Niya sa kanila na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan at Siya ay isinugo ng Ama upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng mga anak ng Diyos. Tiyak na hindi masasawi sa bangka ang Anak ng Diyos. Siya ay nagpakita ng banal na dignidad at kahinahunan dahil batid Niya ang Kanyang pagiging Diyos at alam Niya na may plano ng kaligtasan at kadakilaan at magiging napakahalaga ng Kanyang Pagbabayad-sala sa walang-hanggang tagumpay ng planong iyon.
Sa pamamagitan ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala kaya dumarating ang lahat ng mabubuting bagay sa ating buhay. Kapag naaalala natin kung sino tayo, nalalaman na may banal na plano ng awa at humuhugot ng tapang sa lakas ng Panginoon, magagawa natin ang lahat ng bagay. Madarama natin ang kapanatagan. Tayo ay magiging mabubuting kababaihan at kalalakihan sa anumang unos.
Nawa’y hangarin natin ang mga pagpapala ng dignidad at kahinahunan na tulad ng kay Cristo, hindi lamang para matulungan ang ating sarili sa mahihirap na panahon kundi para pagpalain ang iba at matulungan sila sa mga unos sa kanilang buhay. Sa bisperas na ito ng Linggo ng Palaspas, masaya kong pinatototohanan si Jesucristo. Siya ay nabuhay. Pinatototohanan ko ang kapayapaan, kapanatagan, at dignidad at kahinahunang mula sa langit na tanging Siya lamang ang makapagdadala sa ating buhay at pinatototohanan ko ito sa Kanyang banal na pangalan, na Jesucristo, amen.