“Elder Christophe G. Giraud-Carrier,” Liahona, Mayo 2023.
Elder Christophe G. Giraud-Carrier
General Authority Seventy
Sa pagpasok sa hustong gulang, nagkaroon ng malalaking plano si Elder Christophe G. Giraud-Carrier—magsimula ng matinding pag-aaral sa kolehiyo, humingi ng permiso na magpaliban sa pag-aaral para maglingkod sa full-time mission, pakasalan ang babaeng kasintahan mula pa noong tinedyer sila, at pagkatapos ay simulan ang buhay-pamilya at kanyang propesyon bilang engineer sa kanyang bayang sinilangang France.
Samantalang nasunod ang planong magmisyon at magpakasal, hindi nangyari ang iba pang mga inaasahan. Hindi nangyari ang pagpapaliban, ngunit nakalipat siya sa Brigham Young University (BYU), na sinundan ng hangaring magturo sa kolehiyo. Kakaunti ang trabaho sa unibersidad sa France para sa isang taong nag-aral sa labas ng bansa, kaya ang pagpapalaki ng pamilya, pagkakaroon ng ibang propesyon, at paglilingkod sa Simbahan ay dumating sa iba’t ibang bansa at sa takdang panahon ng Panginoon.
“Dahil totoo na kakaunti lamang ang umayon sa plano namin, kapwa namin natanto na kung hahayaan naming gawin ng Panginoon ang nais Niyang gawin at dalhin Niya kami sa maraming lugar, kung gayon ay doon Niya kami nais papuntahin at doon kami maaaring maglingkod,” sabi ni Elder Giraud-Carrier. “Natulungan kami nitong matutong magtiwala sa Kanya, magtiwala na mas marami Siyang magagawa sa buhay namin kaysa sa kaya naming gawin.”
Si Christophe Gérard Giraud-Carrier ay isinilang noong Enero 21, 1966, sa Lyon, France, kina Gérard Giraud-Carrier at Annie Giraud-Carrier. Kasunod ng kanyang paglilingkod bilang full-time missionary sa Canada Montreal Mission, pinakasalan niya si Isabelle Sophie Mauclair noong Hulyo 1988 sa Cholet, France. Nabuklod sila pagkaraan ng tatlong araw sa Bern Switzerland Temple. Mayroon silang walong anak.
Matapos matanggap ang bachelor’s, master’s, at doctoral degrees sa computer science mula sa BYU, nagtrabaho si Elder Giraud-Carrier bilang senior lecturer para sa University of Bristol sa England at bilang senior manager para sa ELCA Informatique sa Switzerland bago gumugol ng 19 na taon bilang computer science professor sa BYU.
Nang matawag siya bilang General Authority Seventy, si Giraud-Carrier ay naglilingkod bilang stake president ng Provo Utah YSA 16th Stake. Kabilang sa mga dati niyang tungkulin sa Simbahan ang paglilingkod bilang pangulo ng France Lyon Mission, high councilor, at bishop.