2023
Kailan Tatanggap ng Inyong Patriarchal Blessing
Mayo 2023


10:47

Kailan Tatanggap ng Inyong Patriarchal Blessing

Kapag natanggap ninyo ang inyong patriarchal blessing, matatanto at madarama ninyo kung gaano kayo kamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at kung gaano Sila nakatuon sa bawat isa sa inyo.

Kahapon, nagsalita ang mahal kong kaibigang si Elder Randall K. Bennett tungkol sa mga patriarchal blessing. Napakagandang mensahe niyon at lahat kami ay nabigyang-inspirasyon. Mahal kong mga kapatid, maaari bang magsalita rin ako tungkol sa mga patriarchal blessing? Mga patriarch, sa pagdami ng kahilingan para sa mga patriarchal blessing, dalangin ko na pagpalain kayo ng Panginoon habang patuloy ninyong ginagampanan ang inyong tungkulin.

Kapag pumupunta ako sa mga stake conference, palagi kong kinakausap ang stake patriarch at ang kanyang asawa. Ang mga patriarch ay mababait, masunurin, at mahuhusay na lider na tinawag ng Diyos. Nagkukuwento sila sa akin ng maraming magagandang espirituwal na karanasan. Tinatanong ko sa kanila ang edad ng pinakabata at ng pinakamatandang tao na binigyan nila ng patriarchal blessing. Sa ngayon, ang pinakabata ay 11 taong gulang at ang pinakamatanda ay 93.

Natanggap ko ang aking patriarchal blessing noong bagong miyembro ako ng Simbahan, sa edad na 19, dalawang taon matapos akong binyagan. Napakatanda na ng patriarch ko. Sumapi siya sa Simbahan noong 1916 at isang pioneer ng Simbahan sa Japan. Isang malaking karangalan ang matanggap ko ang aking patriarchal blessing mula sa kahanga-hangang disipulong iyon ng Panginoon. Medyo nahirapan akong unawain ang pagsasalita niya ng Hapones, ngunit makapangyarihan ito.

Sinasabi sa akin ng mga patriarch na nakausap ko na tumatanggap ang maraming indibiduwal ng kanilang patriarchal blessing bago sila magmisyon. Mahal kong mga kabataang lalaki, kabataang babae, magulang, at bishop, ang patriarchal blessing ay hindi lamang para sa paghahanda na maglingkod sa misyon. Ang mga karapat-dapat na nabinyagang miyembro ay maaaring tumanggap ng kanilang patriarchal blessing kapag tama ang panahon para sa kanila.1

Mahal kong mga miyembrong adult, hindi pa natatanggap ng ilan sa inyo ang inyong patriarchal blessing. Tandaan, wala itong limitasyon sa edad.

Ang biyenan kong babae ay napakaaktibong miyembro ng Simbahan, na naglingkod bilang guro sa Relief Society hanggang sa pumanaw siya sa edad na 91. Nalungkot ako nang malaman ko na hindi siya nakatanggap ng patriarchal blessing. Dumanas siya ng maraming hirap sa kanyang buhay, at dahil walang priesthood holder sa kanilang tahanan, hindi siya nakatanggap ng maraming basbas ng priesthood. Ang patriarchal blessing ay nakapagbigay sana sa kanya ng kapanatagan noong kailangang-kailangan niya ito.

Mga adult, kung hindi pa kayo nakakatanggap ng patriarchal blessing, huwag kayong mag-alala! Magkakaiba ang espirituwal na timeline ng bawat isa. Kung kayo ay 35 o 85 at gusto ninyo, kausapin ang inyong bishop tungkol sa pagtanggap ng inyong patriarchal blessing.

Mga bagong miyembro ng Simbahan, narinig na ba ninyo ang tungkol sa mga patriarchal blessing? Hindi ko alam ang tungkol sa oportunidad na matanggap ito noong sumapi ako sa Simbahan, pero sinabi sa akin ng mahal kong bishop ang tungkol sa patriarchal blessing at hinikayat akong maghandang tanggapin ang sa akin matapos akong binyagan. Mahal kong mga bagong niyembro, maaari din kayong tumanggap ng patriarchal blessing. Tutulungan kayo ng Panginoon na maghanda para sa sagradong oportunidad na ito.

Pag-isipan natin ang dalawang layunin ng patriarchal blessing:

  1. Ang patriarchal blessing ay naglalaman ng personal na payo ng Panginoon sa inyo.2

  2. Ipapahayag ng patriarchal blessing ang inyong lipi sa sambahayan ni Israel.

Ang inyong patriarchal blessing ay isang mensahe mula sa inyong Ama sa Langit at malamang na kabilang dito ang mga pangako at inspiradong payo na gagabay sa inyo habambuhay. Ang patriarchal blessing ay hindi magsasabi sa inyo ng lahat ng detalye ng mangyayari sa inyong buhay o sasagot sa lahat ng inyong tanong. Kung hindi binanggit dito ang isang mahalagang pangyayari sa buhay, hindi ibig sabihin nito na hindi kayo magkakaroon ng gayong oportunidad. Gayundin, walang garantiya na lahat ng bagay sa inyong patriarchal blessing ay mangyayari sa buhay na ito. Ang patriarchal blessing ay walang hanggan, at kung mamumuhay kayo nang matwid, ang mga pangako na hindi natupad sa buhay na ito ay matutupad sa kabilang-buhay.3

Kapag ipinahayag sa inyo ang inyong lipi, malalaman ninyo na kayo ay kabilang sa sambahayan ni Israel at binhi ni Abraham.4 Upang maunawaan ang kahalagahan nito, magtuon sa mga pangakong ginawa ng Panginoon sa sambahayan ni Israel sa pamamagitan ni Abraham.

Kabilang sa mga pangakong iyon ang sumusunod:

  • “Darami ang kanyang lahi (tingnan sa Genesis 17:5–6; Abraham 2:9; 3:14).

  • “Tatanggapin ng kanyang binhi, o mga inapo, ang ebanghelyo at tataglayin ang priesthood (tingnan sa Abraham 2:9).

  • “Sa paglilingkod ng kanyang binhi, ‘pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan’ (Abraham 2:11).”5

Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay mga anak ng tipan.6 Tinatanggap natin ang mga pagpapala ng tipang Abraham kapag sinusunod natin ang mga batas at mga ordenansa ng ebanghelyo.

Ang paghahanda para sa inyong patriarchal blessing ay tutulong para mapalakas ninyo ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. At kapag natanggap ninyo ang inyong patriarchal blessing at binasa at pinagnilayan ito, mas madalas kayong makapagtutuon ng pansin sa Kanila.

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Liahona kay Lehi ay nagbibigay rin sa inyo at sa akin ngayon ng isang natatangi at mahalagang kaloob na nagbibigay ng direksyon sa ating buhay, para matukoy ang mga panganib sa ating kaligtasan, at maghanda ng daan, maging ng ligtas na daan—hindi patungo sa isang lupang pangako, kundi sa ating tahanan sa langit.”7

Mahal kong mga bishop, magulang, elders quorum at Relief Society president, ward mission leader, ministering brother at sister, mangyaring hikayatin ang mga kabataang lalaki at babae, mga adult at bagong miyembro na hindi pa nakatatanggap ng kanilang patriarchal blessing na humingi ng patnubay at tulong sa Panginoon sa paghahanda sa kanilang sarili na gawin ito.

Madalas at mapanalangin kong binabasa ang aking patriarchal blessing; lagi akong hinihikayat nito. Nauunawaan ko ang inaasahan sa akin ng Panginoon, at natulungan ako nitong magsisi at magpakumbaba. Kapag binabasa at pinagninilayan ko ito, ninanais kong mamuhay nang karapat-dapat upang matanggap ang mga pagpapalang ipinangako nito.

Tulad ng mga banal na kasulatan na maraming beses na nating nabasa na may bagong kahulugan sa atin kalaunan, ang ating patriarchal blessing ay magkakaroon ng ibang kahulugan sa atin sa iba’t ibang panahon. Ang patriarchal blessing ko ay may ibang kahulugan ngayon kumpara noong ako ay edad 30 at noong ako ay edad 50. Hindi dahil sa nagbago ang mga salita, kundi nakikita natin ang mga ito sa ibang paraan.

Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks na ang patriarchal blessing “ay ibinibigay ayon sa inspirasyon ng Banal na Espiritu at dapat basahin at unawain ayon sa impluwensya ng Espiritu ring iyon. Ang kahulugan at kahalagahan ng patriarchal blessing ay maituturo nang taludtod sa taludtod sa takdang panahon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ring iyon na nagbigay-inspirasyon [dito].”8

Mga kapatid, pinatototohanan ko na ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal at Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesucristo, ay buhay. Mahal Nila tayo. Ang mga patriarchal blessing ay sagradong mga kaloob mula sa Kanila. Kapag natanggap ninyo ang inyong patriarchal blessing, matatanto at madarama ninyo kung gaano Nila kayo kamahal at kung gaano Sila nakatuon sa bawat isa sa inyo.

Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. At nagpapasalamat ako na mapamunuan ng buhay na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson.

Labis akong nagpapasalamat sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ngayong Linggo ng Pagkabuhay, magtutuon ako sa Kanya at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at sasamba sa Kanya at magpapasalamat para sa Kanyang sakripisyo. Alam ko na Siya ay dumanas ng napakatinding hirap dahil mahal na mahal Niya tayo. Alam ko na Siya ay nabuhay na mag-uli dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin. Siya ay tunay. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 18.17, SimbahanniJesucristo.org.

  2. Tingnan sa “Mga Patriarchal Blessing,” sa Tapat sa Pananampalataya (2004), 91.

  3. Tingnan sa Mga Patriarchal Blessing,” sa Tapat sa Pananampalataya, 92.

  4. Tingnan sa Abraham 2:10.

  5. Tipang Abraham,” sa Tapat sa Pananampalataya, 219.

  6. Tingnan sa 3 Nephi 20:25–26.

  7. Thomas S. Monson, “Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65.

  8. Dallin H. Oaks, “Patriarchal Blessings,” Worldwide Leadership Training Meeting: The Patriarch, Ene. 8, 2005, 10.