Ang mga Turo ni Jesucristo
Ibinigay sa atin ang mga banal na kasulatan para gabayan ang ating buhay. Ang mensahe ko ngayon ay binubuo ng mga piling salita ng ating Tagapagligtas—ng mga sinabi Niya.
Naniniwala tayo kay Cristo. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinasamba natin Siya at sinusunod ang mga turo Niya na nasa mga banal na kasulatan.
Bago ang Pagkahulog, direktang nakipag-usap ang ating Ama sa Langit kina Adan at Eva. Pagkatapos noon, ipinakilala ng Ama ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, bilang ating Tagapagligtas at Manunubos at iniutos sa ating “pakinggan Siya.”1 Mula sa utos na iyon masasabi natin na ang mga talaan sa mga banal na kasulatan ng salitang binigkas ng “Diyos” o ng “Panginoon” ay halos palaging ang mga salita ni Jehova, na ating nagbangon na Panginoon, si Jesucristo.2
Ibinigay sa atin ang mga banal na kasulatan para gabayan ang ating buhay. Gaya ng itinuro sa atin ng propetang si Nephi, “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”3 Karamihan sa mga tala sa banal na kasulatan tungkol sa mortal na ministeryo ni Jesus ay mga paglalarawan ng mga ginawa Niya. Ang mensahe ko ngayon ay binubuo ng mga piling salita ng ating Tagapagligtas—ng mga sinabi Niya. Ang mga salitang ito ay nakatala sa Bagong Tipan (kasama ang inspiradong mga karagdagan ni Joseph Smith) at sa Aklat ni Mormon. Karamihan sa mga seleksyon na ito ay magkakasunod ayon sa pagkabigkas ng ating Tagapagligtas sa mga ito.
“Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.”4
“Mapapalad silang … nagugutom at nauuhaw sa kabutihan, sapagkat sila’y mapupuspos ng Espiritu Santo.”5
“Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.”6
Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya:
“Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.”7
“Narinig ninyo na sinabi, Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.
“Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa], gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo;
“Upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.”8
“Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit:
“Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.”9
“Kung kayo’y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo’y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”10
“Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”11
“Kaya, anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.”12
“Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat.
“Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?
“Gayundin naman, ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga.”13
“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”14
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”15
“Kung ang sinumang tao ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang sarili, at pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.
“At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan.”16
“[Samakatuwid, talikuran ang sanglibutan, at iligtas ang inyong mga kaluluwa]; sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang [kaluluwa]?” O anong ibibigay ng tao na [kapalit ng kanyang kaluluwa]?”17
“Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita mula sa aking sarili.”18
“At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makakakita; tumuktok kayo at kayo’y pagbubuksan.
“Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.”19
“Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya’y magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.”20
“Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay mabubuhay:
“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman.”21
“[Ang dakilang utos sa batas ay] Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
“Ito ang dakila at unang utos.
“At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”22
“Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya’y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”23
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”24
“Ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”25
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”26
“Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”27
Pagkatapos ng Kanyang ministeryo sa Banal na Lupain, nagpakita si Jesucristo sa mga tao sa kontinente ng Amerika. Ito ang ilan sa mga binigkas Niyang salita doon:
“Masdan, Ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Nilikha ko ang kalangitan at ang lupa, at lahat ng bagay na nasa mga ito. Kasama ko ang Ama mula pa sa simula. Ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; at sa pamamagitan ko ay dinakila ng Ama ang kanyang pangalan.”28
“Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan. Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas.
“At hindi na kayo mag-aalay pa sa akin ng pagbubuhos ng dugo; oo, ang inyong mga alay at inyong mga handog na sinusunog ay tatanggalin na, sapagkat wala na akong tatanggapin pa sa mga alay ninyo at mga handog na sinusunog ninyo.
“At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. At sinuman ang lalapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo. …
“Masdan, pumarito ako sa daigdig upang bigyang-kaganapan ang pagtubos sa sanlibutan, upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.”29
“At muli sinasabi ko sa inyo, kailangan na kayo ay magsisi, at magpabinyag sa aking pangalan, at maging katulad ng isang maliit na bata, o hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos sa anumang paraan.”30
“Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap.”31
“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kinakailangan kayong mag-ingat at laging manalangin, na baka kayo ay matukso ng diyablo, at maakay niya kayong palayo na bihag niya.”32
“Kaya nga, kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan.”33
“Anuman ang inyong gagawin, gagawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan.”34
“Masdan, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.
“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin … upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama.”35
“Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.”36
Naniniwala tayo kay Cristo. Magtatapos ako sa sinabi Niya tungkol sa kung paano natin dapat malaman at sundin ang Kanyang mga turo:
“Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo.”37
Pinatutunayan ko na totoo ang mga turong ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.