2023
Sumali ang mga Mang-aawit mula sa Iba’t ibang Bansa sa Tabernacle Choir para sa Kumperensya
Mayo 2023


Sumali ang mga Mang-aawit mula sa Iba’t ibang Bansa sa Tabernacle Choir para sa Kumperensya

Sa unang pagkakataon, sumali ang mga kalahok na naninirahan sa labas ng Estados Unidos sa Tabernacle Choir at Temple Square nitong huling pangkalahatang kumperensya.

Kamakailan ay pinalawak ng koro ang misyon nitong abutin ang mga tagapakinig sa buong mundo, sabi ng choir president na si Michael O. Leavitt, na inilalarawan ang pilot program bilang isang likas na pag-unlad sa paglago ng koro. “Ginagawa namin ito sa tanging paraang alam namin, sa paisa-isang hakbang—pag-aaral, pagpapahusay, at paghiling sa Panginoon ng karagdagang patnubay,” wika niya. “Sa bawat hakbang, nagiging mas malinaw na ngayon na maaaring mangyari ito.”

Dahil sa mahigpit na iskedyul ng praktis ng koro, kailangan na nakatira ang mga miyembro ng koro sa loob ng 100 milya (160 km) mula sa makasaysayang Tabernacle sa Salt Lake City. Gayunman, sinabi ni Brother Leavitt na ang pilot program ay nagbubukas ng daan para pansamantalang makabahagi rin ang iba pang may pambihirang kakayahang musikal.

Sa kanilang kakayahang kumanta, ang mga kalahok mula sa iba’t ibang bansa ay kinailangang magpamalas ng kahusayan sa teorya ng musika at Ingles sa proseso ng pagpili.

Ang mga napiling kumanta na kasama ng koro ay nagmula sa anim na bansa:

  • Alvaro Jorge Martins ng Natal, Brazil, baritone

  • Rodrigo Domaredzky ng Curitiba, Brazil, baritone

  • Thalita De Carvalho ng Sao Paulo, Brazil, second soprano

  • Tubo-Oreriba Joseph Elisha ng Accra, Ghana, tenor

  • Jonathan How ng Kuala Lumpur, Malaysia, second tenor

  • Denisse Elorza Avalos ng Tijuana, Mexico, second soprano

  • Georgina Montemayor Wong ng Monterrey, Mexico, second soprano

  • Ronald Baa ng Cagayan de Oro, Philippines, tenor

  • Sundae Mae Indino ng Cagayan de Oro, Philippines, first soprano

  • Pei-Shan Chung (Kylie Zhong) ng Taipei, Taiwan, first alto

Ang mga kalahok mula sa iba’t ibang bansa ay lumahok sa mga pag-eensayo ng koro, dumalo sa choir school, bumisita sa ilang makasaysayang lugar ng Simbahan, at nilibot ang Welfare Square, Temple Square, at Bishops’ Central Storehouse ng Simbahan.

Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya, inawit ng mga miyembro ng koro sa Utah ang “Patnubayan Ka Nawa ng Diyos” sa mga panauhing kalahok bilang huling pamamaalam.

Ipinahayag ni Presiding Bishop Gérald Caussé ang kanyang pagmamahal at pasasalamat para sa mga kalahok mula sa buong mundo. “Sana sa pagbalik ninyo sa inyong bansa, patotohanan ninyo ang karanasang ito at magpalaki kayo ng isang bagong henerasyon ng mga mang-aawit sa lahat ng dako—sa buong mundo,” wika niya.

Ang dalawang-linggong karanasang ito ay nakatulong sa mga kalahok na makadama ng higit na koneksyon at pakikiisa sa komunidad ng Simbahan. “Nakasama namin sa loob ng maraming oras ang mga miyembro ng music department ng Simbahan. Habang nakikilala ko sila, talagang nadama ko na umaasa ang mga pinuno ng Simbahan na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo ay magkakaroon ng mas malalim na espirituwal na karanasan sa pamamagitan ng musika,” sabi ni Pei-Shan Chung.