2023
Magtuon kay Jesucristo
Mayo 2023


10:58

Magtuon kay Jesucristo

Ang Panginoong Jesucristo ang solusyon sa ating mga problema, ngunit kailangan nating mag-angat ng mga mata at magtaas ng tingin para makita Siya.

Madalas akong sabihan noon ng tatay ko, “Huwag kang gaanong magtuon sa mga problema mo na hindi mo nakikita ang solusyon.”

Pinatototohanan ko na ang Panginoong Jesucristo ang solusyon kahit sa pinakamahihirap nating problema. Partikular na, nadaig Niya ang apat na problemang kinakaharap ng bawat isa sa atin at walang isa man sa atin ang makalutas nang mag-isa:

  1. Ang unang problema ay pisikal na kamatayan. Maaari nating subukang antalahin ito o balewalain ito, ngunit hindi natin ito madaraig nang mag-isa. Gayunman, nadaig ni Jesucristo ang kamatayan para sa atin, at dahil dito, mabubuhay tayong mag-uli balang araw.1

  2. Kasama sa pangalawang problema ang mga kapighatian, mahihirap na karanasan, kalungkutan, pasakit, at kawalang-katarungan ng mundong ito. Nadaig ni Jesucristo ang lahat ng ito. Para sa lahat ng nagsisikap na sundan Siya, balang araw ay “papahirin niya ang bawat luha” at itatama ang mga bagay-bagay.2 Samantala, mapapalakas Niya tayo para malampasan ang ating mga pagsubok nang may tiwala, galak, at kapayapaan.3

  3. Ang pangatlong problema ay espirituwal na kamatayan na nagmumula sa kasalanan. Nadaig ni Jesucristo ang problemang ito sa pamamagitan ng pagdadala sa Kanyang sarili ng “parusa para sa ating kapayapaan.”4 Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, maaari tayong mapalaya mula sa mga bunga ng ating mga kasalanan kung mananampalataya tayo sa Tagapagligtas, taos tayong magsisisi, tatanggapin natin ang tipan na inaalok sa atin ng Ama sa pamamagitan ng mga kinakailangang ordenansa tulad ng binyag, at magtitiis tayo hanggang wakas.5

  4. Ang pang-apat na problema ay ang ating limitado at di-perpektong likas na pagkatao. May solusyon din si Jesucristo sa problemang ito. Hindi lamang Niya binubura ang ating mga pagkakamali at muli tayong ginagawang walang sala. Maaari Siyang gumawa ng “malaking pagbabago sa … [ating] puso, kaya nga [tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti.”6 Maaari tayong maging perpekto sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo at balang araw ay maging katulad Niya.7

Sa kasamaang palad, napakadalas nating tumutok masyado sa sarili nating mga problema kaya nawawala ang ating tuon sa solusyon, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Paano natin maiiwasan ang pagkakamaling iyan? Naniniwala ako na ang sagot ay nasa mga pakikipagtipan na inaanyayahan tayong gawin sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.

Pagtutuon kay Jesucristo sa Pamamagitan ng mga Tipan

Tinutulungan tayo ng ating mga tipan na ituon ang ating pansin, ating mga iniisip, at ating mga kilos kay Cristo. Habang ating “[tinutupad] ang mga tipan na [ating] ginawa,” mas madali nating matutukoy “ang mga bagay sa daigdig na ito” na dapat nating “isantabi” at “ang mga bagay [ng] mas mabuti[ng mundo]” na dapat nating masigasig na hangarin.8

Iyan ang ginawa ng mga tao ni Ammon sa Aklat ni Mormon. Nang malaman nila ang tungkol kay Jesucristo at simulan nilang ituon ang kanilang buhay sa Kanya, nalaman nila na dapat nilang ibaon ang kanilang mga sandatang pandigma at naging lubos silang matatapat at “nakilala … sila sa kanilang pagiging masigasig sa Diyos.”9

Ang pagtupad sa ating mga tipan ay inaakay tayong hangarin ang anumang nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu at tanggihan ang anumang nagtataboy rito—“sapagkat alam natin na kung magiging karapat-dapat tayo sa presensya ng Espiritu Santo, magiging karapat-dapat din tayong mamuhay sa presensya ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.”10 Maaaring mangahulugan ito na kailangan nating baguhin ang ating bokabularyo, na gumagamit ng mas mababait na salita. Maaaring ang ibig sabihin nito ay palitan ang mga gawing hindi nakakabuti sa espirituwalidad ng mga bagong gawing nagpapalakas sa ating kaugnayan sa Panginoon, tulad ng araw-araw na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, nang mag-isa o kasama ang ating pamilya.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. …

“Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati.”11

Ang pagpapanibago ng ating mga tipan sa oras ng sakramento bawat Linggo ay isang magandang pagkakataon para suriin ang ating sarili12 at muling ituon ang ating buhay kay Jesucristo. Sa pagtanggap ng sakramento, ipinapahayag natin na “lagi [natin] siyang aalalahanin.”13 Ang salitang lagi ay napakahalaga. Pinalalawig nito ang impluwensya ng Tagapagligtas sa bawat bahagi ng ating buhay. Hindi lamang sa simbahan o sa pagdarasal natin sa umaga natin Siya naaalala o kapag may problema lamang tayo at mayroon tayong kailangan.

Oo, kung minsa’y nababaling ang ating pansin. Nakakalimot tayo. Nawawala ang tuon natin. Ngunit ang pagpapanibago ng ating mga tipan ay nangangahulugan na nais nating alalahanin palagi ang Tagapagligtas, na sisikapin nating gawin ito sa buong linggo, at na mangangako at magtutuon tayong muli sa Kanya sa hapag ng sakramento sa susunod na linggo.

Pagtutuon kay Jesucristo sa Ating Tahanan

Malinaw na ang pagtutuon kay Jesucristo ay kailangang hindi lamang sa araw ng Linggo, at sa aktibidad ng simbahan. Nang pasimulan ni Pangulong Nelson ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin noong 2018, sinabi niya, “Panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan.”14 Sinabi niya na dapat nating gawing “santuwaryo ng pananampalataya ang [ating] tahanan” at “sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo.” At gumawa siya ng apat na napakagandang pangako kung gagawin natin iyon.15

Ang unang pangako: “Ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran.” Ito ay magiging isang araw na mas lumalapit tayo sa Tagapagligtas. Sabi ng isang dalagitang mula sa Peru, “Ang araw ng Panginoon ang araw na natatanggap ko ang karamihan sa mga sagot mula sa Panginoon.”

Ang ikalawang pangako: “Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas.” Sa kadahilanang ito, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”16

Ginagawa natin ito upang balang araw, kapag nagtatrabaho na ang ating anak o nagha-hike sa kabundukan o nanghuhuli ng mga hayop sa kagubatan, tulad ng ginawa ni Enos, maaari niyang maalaala ang itinuro natin sa kanya tungkol kay Cristo at tungkol sa kagalakan ng ipamuhay ang ebanghelyo. At malay natin? Baka ito ang araw na madarama niya sa wakas ang espirituwal na pagkagutom na nagpapabaling sa kanya kay Jesucristo upang marinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi sa kanya, “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.”17

Ang ikatlong pangako: “Ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at [inyong] tahanan ay mababawasan.” Bakit? Dahil kapag mas nagtuon tayo kay Jesucristo, lalong nawawalan ng pang-akit ang kasalanan.18 Kapag puspos ng liwanag ng Tagapagligtas ang ating tahanan, mas lalong nawawalan ng lugar ang kadilimang dulot ng kaaway.

Ang pang-apat na pangako: “Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.” Bakit? Dahil ang pagbabagong hatid ni Jesucristo ay “isang malaking pagbabago.”19 Binabago Niya ang ating likas na pagkatao mismo; tayo ay nagiging mga “bagong nilikha.”20 Unti-unti tayong nagiging mas katulad ng Tagapagligtas, na puspos ng Kanyang dalisay na pag-ibig para sa lahat ng anak ng Diyos.

Sino ang hindi magnanais na matupad ang mga pangakong ito sa kanilang buhay at sa kanilang pamilya? Ano ang kailangan nating gawin para matamo ang mga ito? Ang sagot ay gawin nating santuwaryo ng pananampalataya at sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang ating tahanan. At paano natin gagawin iyan? Sa pagtutuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na ginagawa Silang sentro ng ating buhay-pamilya, ang pinakamahalagang impluwensya sa ating tahanan.

Maaari ko bang imungkahi na magsimula kayo sa pamamagitan ng paggawang pang-araw-araw na bahagi ng inyong buhay ang mga salita ni Cristo, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan? Walang ibinigay na pormula para sa perpektong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring 5 o 10 minuto ito bawat araw—o higit pa kung kaya ninyo. Maaaring isang kabanata o ilang talata ito sa isang araw. Mas gusto ng ilang pamilya na mag-aral sa umaga bago pumasok sa eskuwela o trabaho. Mas gusto ng iba na magbasa sa gabi bago matulog. Nasabi sa akin ng ilang bata pang mag-asawa na kanya-kanya silang nag-aaral papunta sa trabaho at pagkatapos ay nagbabahaginan sila ng mga kabatiran sa isa’t isa sa pamamagitan ng text kaya nakatala ang kanilang mga komento at talakayan.

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay maraming imininumungkahing aktibidad at resources na makakatulong sa mga indibiduwal at pamilya na matutuhan ang mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan. Ang mga Bible video at mga video ng Aklat ni Mormon ay maaari ding maging mahalagang kasangkapan para mas ma-access ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan. Madalas magkainspirasyon ang mga kabataan at bata sa mga di-malilimutang kuwento sa mga banal na kasulatan. Ang mga kuwentong ito at ang mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo nila ay mananatili sa inyong mga anak, tulad ng mapagkakatiwalaang mga kaibigan, kapag kailangan nila ng mabubuting halimbawa ng paglilingkod, kabutihan, pagsunod, pagpapasensya, tiyaga, personal na paghahayag, pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, at pananampalataya kay Jesucristo. Sa paglipas ng panahon, ang tuluy-tuloy na pagpapakabusog ninyo sa salita ng Diyos ang tutulong sa inyong mga anak na mas lalong mapalapit sa Tagapagligtas. Makikilala nila Siya nang higit pa kaysa rati.

Ang Panginoong Jesucristo ay nabubuhay ngayon. Maaari Siyang magkaroon ng aktibong presensya sa ating buhay araw-araw. Siya ang solusyon sa ating mga problema, ngunit kailangan nating mag-angat ng mga mata at magtaas ng tingin para makita Siya. Sinabi na Niya, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip, huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”21 Habang nagtutuon tayo sa Kanya at sa ating Ama sa Langit, gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Kanila, at ginagawa natin Silang pinakamahalagang impluwensya sa ating tahanan at pamilya, magiging klase tayo ng mga tao na nakinita ni Pangulong Nelson: “Mga taong may kakayahan, handa, at karapat-dapat na tumanggap sa Panginoon kapag pumarito Siyang muli; mga taong pinili si Jesucristo kaysa sa masamang mundong ito; mga taong nagagalak sa kanilang kalayaang isabuhay ang mga nakatataas at mas banal na batas ni Jesucristo.”22 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.