2023
Pangulong Emily Belle Freeman
Mayo 2023


“Pangulong Emily Belle Freeman,” Liahona, Mayo 2023.

Pangulong Emily Belle Freeman

Young Women General President

Malamang na maraming tao na ang nakakakilala kay Emily Belle Freeman bilang tagapagsalita, awtor, podcaster, at guro. Ngunit para sa mga hindi nakakakilala sa kanya—at maging doon sa mga nakakakilala sa kanya—umaasa si Pangulong Freeman na ang unang bagay na alam nila tungkol sa kanya ay na mayroon siyang malalim at matibay na paniniwala kay Jesucristo.

“Sa pamamagitan ng mga personal na karanasan ko sa Ama sa Langit, nakilala ko Siya at nakaranas ako ng paghahayag,” sabi ni Pangulong Freeman. “Iyan ang nagbigay-kahulugan sa buhay ko—ang habambuhay na patnubay Niya.”

Nang simulan niya ang kanyang trabaho bilang awtor at podcaster, itinanong niya sa kanyang sarili kung ano ang nais niyang pagtuunan. Ang sagot ay ang magpatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Siya ay isinilang noong Disyembre 31, 1969, sa Boston, Massachusetts, USA, habang nag-aaral ang kanyang ama, si McKinley McVichie Oswald, sa Harvard University. Sinabi ni Pangulong Freeman na ang kanyang ina, si Leslie James Oswald, ay isa sa grupo ng kababaihang “malalakas at mapagmahal.”

Si Pangulong Freeman, na panganay sa anim na anak, ay lumaki sa Sandy, Utah. Nagbago ang kanyang buhay noong senior high school siya nang tawagin ang kanyang mga magulang para mamuno sa California Ventura Mission. Nakibahagi siya at ang kanyang mga kapatid sa bawat mission, zone, at stake conference na kasama ang kanilang mga magulang. Pagkatapos ng high school, nilisan niya ang California para mag-aral sa Brigham Young University.

Nang umuwi sa Bountiful, Utah, si Gregory Garth Freeman, na naglingkod sa California Ventura Mission, hinilingan siya ng kanyang mga mission leader na panoorin ang kanilang anak na babae sa isa sa kanyang mga pagsasalita sa Utah. Nagsimulang magdeyt kaagad sina Emily at Gregory pagkatapos niyon at ikinasal noong Disyembre 1989 sa Los Angeles California Temple. Mayroon silang limang anak.

Nakapagsulat na si Pangulong Freeman ng mahigit isang dosenang aklat at nakapagsalita na sa iba’t ibang kumperensya, workshop, at pagtitipon. Nagturo siya nang maraming taon sa Church Educational System at naglingkod bilang Gospel Doctrine teacher at bilang ward Young Women at Relief Society president.