“Sister Andrea Muñoz Spannaus,” Liahona, Mayo 2023.
Sister Andrea Muñoz Spannaus
Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency
Noong mga bata pa sila na naninirahan sa Argentina, nag-aral si Andrea Veronica Muñoz at ang kanyang ate sa isang paaralang Katoliko. Hindi sila kailanman nalantad sa iba pang mga turong panrelihiyon hanggang sa mag-siyam na taong gulang si Andrea. Noon nagsimulang turuan ng mga missionary na Banal sa mga Huling Araw ang kanyang pamilya tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Hindi nagtagal matapos magturo ng kanilang lesson ang mga missionary at umalis, ipinaliwanag ng ina ni Andrea na hindi lamang iisa ang relihiyon. Tinanong ni Andrea sa kanyang ina kung anong simbahan ang iniisip niyang pinakamainam na kumakatawan sa Diyos. Sagot ng kanyang ina, “Palagay ko itong isang ito”—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na katuturo lang ng mga missionary sa kanila.
Buong buhay niya, si Andrea noon pa man ay “gusto nang mapalugod ang Diyos,” kaya nag-alala siya sa pagsapi sa isang bagong relihiyon. Ang pakiramdam na iyon, gayunpaman, ay nagtagal lamang ng ilang minuto at napalitan ng hangaring malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan.
Nabinyagan ang pamilya, “at nagsimula kami ng bagong buhay,” sabi ni Sister Spannaus. “Napakaganda talaga ng pagbabago ng buhay ng pamilya namin para sa aming lahat.”
Si Andrea Veronica Muñoz Spannaus ay isinilang noong Mayo 18, 1968, sa Buenos Aires, Argentina, kina Carlos Alberto Muñoz at Elida Menicucci. Lumaki siya sa Béccar, Argentina. Nagpakasal siya kay Alin Spannaus sa Buenos Aires Argentina Temple noong Oktubre 1992. Mayroon silang dalawang anak na babae.
Si Sister Spannaus ay nagtamo ng degree sa early childhood education, at nag-aral ng art and interior design. Kasalukuyan siyang naglilingkod sa Relief Society general advisory council. Dati-rati, naglingkod siya sa South America South Area For the Strength of Youth Conference Committee, sa FSY Utah Latino Conference Committee, at nakasama ng kanyang asawa bilang lider ng Mexico Cuernavaca Mission.
Naglingkod din siya bilang ward Relief Society, Young Women, at Primary president, early-morning seminary teacher, young single adult Spanish-speaking ward adviser, at missionary sa Argentina Resistencia Mission.