Talaga Bang Napatawad Na Ako?
Ang pangako ng lubos at ganap na pagpapatawad ay ibinigay sa lahat—sa pamamagitan ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ilang taon na ang nakararaan, lumipat kami ni Sister Nattress sa Idaho kung saan kami ay nagbukas ng bagong negosyo. Maraming oras ang ginugugol namin noon sa opisina. Mabuti na lang at malapit lang kami sa trabaho. Bawat linggo, si Shawna at ang aming tatlong anak na babae—na lahat ay edad 6 pababa—ay pumupunta sa opisina para sama-sama kaming mananghalian.
Isang hapon na tulad nito matapos ang tanghalian ng pamilya, napansin ko na nag-iwan ang aming limang taong gulang na anak na si Michelle ng personal na mensahe sa isang Post-it note at idinikit ito sa aking telepono sa opisina.
Ang nakasulat lang dito ay, “Tay, huwag n’yo pong kalimutang mahalin ako. Nagmamahal, Michelle.” Ito ay makapangyarihang paalala sa isang bata pang ama tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga.
Mga kapatid, nais kong patotohanan na ang ating Ama sa Langit ay hindi nakakalimot sa atin at na perpekto ang Kanyang pagmamahal sa atin. Ang tanong ko ay: Naaalala ba natin Siya? At mahal ba natin Siya?
Ilang taon na ang nakalipas, naglingkod ako bilang lokal na lider ng Simbahan. Ang isa sa aming mga kabataang lalaki na si Danny ay talaga namang napakahusay. Siya ay masunurin, mabait, mabuti, at may dalisay na puso. Gayunman, noong nagtapos siya ng high school, nagsimula siyang makisama sa hindi mabubuting tao. Nasangkot siya sa droga, lalo na sa methamphetamine, at nagkaroon ng adiksiyon at unti-unting nasira ang kanyang buhay. Hindi nagtagal ay tuluyang nag-iba ang kanyang hitsura. Halos hindi na siya makilala. Ang pinakamalaking nagbago ay ang kanyang mga mata—wala na ang kinang sa mga ito. Ilang beses kong sinubukang kausapin siya, pero walang nangyari. Hindi siya interesado.
Masakit makita ang napakahusay na binatang ito na nagdurusa at hindi na tulad ng dati ang buhay niya! Kayang-kaya niyang magkaroon ng higit pa sa mayroon siya.
Pagkatapos, isang araw, nagkaroon ng himala.
Dumalo siya sa sacrament meeting kung saan ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki ay nagbahagi ng patotoo bago magmisyon. Sa pulong na iyon, may nadama si Danny na matagal na niyang hindi nadarama. Nadama niya ang pagmamahal ng Panginoon. Sa wakas ay nagkaroon siya ng pag-asa.
Kahit mayroon siyang hangarin na magbago, naging mahirap ito para kay Danny. Ang kanyang mga adiksiyon at pagkakonsensiya dahil dito ay halos hindi niya kayang pasanin.
Isang hapon, habang tinatabas ko ang damo sa aming bakuran, bigla na lang dumating si Danny sakay ng kanyang kotse. Labis siyang nahihirapan. Pinatay ko ang mower at naupo kami sa may lilim sa harap ng bahay. Doon niya ibinahagi ang nadarama ng kanyang puso. Nais niya talagang makabalik. Gayunman, ang pagtalikod sa kanyang mga adiksiyon at pamumuhay ay talaga namang napakahirap. Dagdag pa rito, siya ay nakokonsensya at labis na nahihiya sa mga ginawa niya. Tanong niya, “Talaga po bang mapapatawad ako? May daan ba talaga pabalik?”
Pagkatapos niyang ibuhos ang mga nilalaman ng kanyang puso, sabay naming binasa ang kabanata 36 ng Alma:
“Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan. …
“Oo, … ang isipin lamang na magtungo sa kinaroroonan ng aking Diyos ay giniyagis ang aking kaluluwa ng hindi maipaliwanag na masidhing takot” (talata 13–14).
Pagkatapos ng mga talatang ito, sinabi ni Danny, “Ganyan nga po ang nadarama ko!”
Nagpatuloy kami:
“Samantalang ako’y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan. …
“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko” (talata 17, 20).
Habang binabasa namin ang mga talatang ito, nagsimula siyang maluha. Ang galak ni Alma ang galak na matagal na niyang hinahanap!
Tinalakay namin na si Alma ay napakasama. Gayunman, nang siya ay magsisi, hindi na siya kailanman bumalik sa nakaraan. Siya ay naging matapat na disipulo ni Jesucristo. Siya ay naging propeta! Nanlaki ang mga mata ni Danny. “Isang propeta?” sabi niya.
Sumagot lamang ako ng simpleng, “Oo, isang propeta. Huwag mong piliting maniwala dito!”
Tinalakay namin na hindi man siya naging kasing-sama ni Alma, ang parehong pangako ng lubos at ganap na pagpapatawad ay ibinigay sa lahat—sa pamamagitan ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Naunawaan na ngayon ni Danny. Alam na niya ang dapat niyang gawin: kailangan niyang simulan ang paglalakbay sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon at pagpapatawad sa kanyang sarili!
Ang malaking pagbabago sa puso ni Danny ay tunay ngang isang himala. Kalaunan, nagbago ang kanyang mukha, at nanumbalik ang kinang sa kanyang mga mata. Naging karapat-dapat siya sa templo! Nakabalik siya sa wakas!
Makalipas ang ilang buwan, tinanong ko si Danny kung nais niyang magsumite ng application para maglingkod sa isang full-time mission. Nagulat at nangimi siya.
Sabi niya, “Gustung-gusto ko pong magmisyon, pero alam ninyo ang mga nangyari sa akin at ang mga ginawa ko! Akala ko ay hindi ako kwalipikado.”
Sumagot ako, “Maaaring tama ka. Gayunman, walang humahadlang sa atin para magpadala ng kahilingan. Kung hindi ka maaaring maglingkod, kahit paano ay alam mong may tunay kang hangarin na maglingkod sa Panginoon.” Natuwa siya. Nasabik siya sa ideyang ito. Tingin niya ay malamang na hindi ito posible, pero handa siyang subukan ito.
Pagkaraan ng ilang linggo, nagulat siya sa isa pang himala. Si Danny ay nakatanggap ng tawag na magmisyon.
Ilang buwan matapos dumating si Danny sa mission field, nakatanggap ako ng tawag sa telepono. Sabi lamang ng kanyang president, “Ano ang meron sa binatang ito? Siya ang pinakamahusay na missionary na nakita ko!” Nakita niyo na, ang president na ito ay nakatanggap ng isang makabagong Nakababatang Alma.
Pagkatapos ng dalawang taon, si Danny ay umuwi nang may dangal, nakapaglingkod sa Panginoon nang kanyang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.
Pagkauwi ko matapos niyang ibigay ang kanyang missionary report sa sacrament meeting, may kumatok sa aming pinto. Naroon si Danny na may luha sa kanyang mga mata. Sabi niya, “Pwede po ba tayong mag-usap sandali?” Umupo kami sa dati naming puwesto sa harap ng bahay.
Sabi niya, “President, sa palagay mo ba talagang napatawad na ako?”
Ngayon ay naluha na rin ako. Nakatayo sa harapan ko ang isang tapat na disipulo ni Jesucristo na ibinigay ang lahat ng kanyang makakaya para magturo at magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kinakatawan niya ang nakagagaling at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Sabi ko, “Danny! Tumingin ka na ba sa salamin? Nakita mo na ba ang iyong mga mata? Ang mga iyan ay puspos ng liwanag, at ikaw ay puspos ng Espiritu ng Panginoon. Siyempre napatawad ka na! Kahanga-hanga ka! Ngayon ang kailangan mong gawin ay ipagpatuloy ang buhay mo. Huwag mo nang balikan ang nakaraan! Asamin ang susunod na ordenansa nang may pananampalataya.”
Nagpapatuloy pa rin ngayon ang himala ni Danny. Nagpakasal siya sa templo at nagbalik sa pag-aral, at nakatanggap ng master’s degree. Patuloy siya sa paglilingkod sa Panginoon nang may dangal at dignidad sa kanyang mga calling. Ang mas mahalaga, siya ay naging mahusay na asawa at tapat na ama. Siya ay tapat na disipulo ni Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung wala ang di masusukat na Pagbabayad-sala [ng Tagapagligtas], ang buong sangkatauhan ay habampanahong maliligaw.”1 Si Danny ay hindi nawala sa paningin ng Panginoon,at gayon din tayo. Siya ay nasa pintuan na handang tumulong, magbigay ng lakas, at magpatawad sa atin. Hindi Niya nalilimutan na mahalin tayo!
Isang pambihirang pagpapamalas ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga anak ng Diyos ang naitala sa Aklat ni Mormon: “Nang makapagsalita nang gayon si Jesus, muli niyang iginala ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at namasdan na sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila” (3 Nephi 17:5).
Maghapon nang nagministeryo ang Tagapagligtas sa mga tao. Gayunman, marami pa Siyang kailangang gawin— bibisitahin pa Niya ang iba pa Niyang mga tupa; pupunta pa Siya sa Kanyang Ama.
Sa kabila ng mga obligasyong ito, nahiwatigan Niya na nais ng mga tao na manatili pa siya nang kaunti. Pagkatapos, nang mapuspos ng pagkahabag ang puso ng Tagapagligtas, nangyari ang isa sa mga pinakamalaking himala sa kasaysayan ng mundo:
Nanatili Siya.
Binasbasan Niya sila.
Nagministeryo Siya sa bawat isa sa kanilang mga anak.
Ipinagdasal Niya sila; tumangis Siyang kasama nila.
At pinagaling Niya sila. (Tingnan sa 3 Nephi 17.)
Ang Kanyang pangako ay walang-hanggan: Pagagalingin Niya tayo.
Sa mga lumayo sa landas ng tipan, huwag ninyong kalimutan na palaging may pag-asa, palaging may pagpapagaling, at palaging may paraan para makabalik.
Ang Kanyang walang-hanggang mensahe ng pag-asa ang nakapagpapagaling na balsamo para sa lahat ng naninirahan sa magulong mundo. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Mga kapatid, huwag nating kalimutang hanapin Siya, mahalin Siya, at alalahanin Siya palagi.
Pinatototohanan ko na buhay ang Diyos at na mahal Niya tayo. Nagpapatotoo rin ako na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. Siya ang dakilang tagapagpagaling. Alam kong buhay ang aking Manunubos! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.