Alam Ba Ninyo Kung Bakit Ako Naniniwala kay Cristo Bilang Isang Kristiyano?
Kailangan ni Jesucristo na magdusa, mamatay, at muling magbangon upang tubusin ang buong sangkatauhan mula sa pisikal na kamatayan at upang maibigay ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.
Isang gabi pagkatapos ng trabaho, ilang taon na ang nakararaan, sumakay ako sa lagi ko nang sinasakyan na bus pauwi sa New Jersey mula sa New York City. Napansin ng babaeng nakatabi ko ang isinusulat ko sa computer ko at nagtanong, “Naniniwala ka … kay Cristo?” Ang sabi ko,“Oo, naniniwala ako!” Habang nag-uusap kami, nalaman ko na kalilipat lamang niya mula sa kanyang magandang bansa sa Asya para magtrabaho sa bahagi ng New York na matindi ang kompetisyon sa information technology.
Natural lang na tinanong ko siya ng, “Alam mo ba kung bakit ako naniniwala kay Jesucristo bilang isang Kristiyano?” Normal lang ang sagot niya at inanyayahan niya akong sabihin sa kanya kung bakit. Ngunit habang nagsasalita ako, nagkaroon ako ng isa sa mga sandaling iyon kung saan maraming saloobin ang pumapasok sa inyong isipan. Ito ang unang pagkakataon na ipaliliwanag ko ang dahilan ng Kristiyanismo sa isang taong hindi pamilyar dito at napakatalino. Hindi ko lang basta masabi na, “Sinusunod ko si Jesucristo dahil Siya ay bukal sa loob na nagdusa at namatay para sa aking mga kasalanan.” Maaaring mapaisip siya ng, “Kailangan bang mamatay si Jesus? Hindi ba puwedeng basta na lang tayo patawarin at linisin ng Diyos sa ating mga kasalanan kung hihilingin natin ito sa Kanya?”
Paano kayo tutugon sa loob ng ilang minuto? Paano ninyo ito ipapaliwanag sa isang kaibigan? Mga bata at kabataan: maaari bang itanong ninyo sa inyong mga magulang o lider mamaya, “Bakit kailangang mamatay si Jesus?” At mga kapatid, mayroon akong ipagtatapat: sa kabila ng lahat ng inakala kong alam ko tungkol sa doktrina ng Simbahan, kasaysayan, patakaran, at iba pa, nahirapan akong sagutin ang mahalagang tanong na ito tungkol sa ating pananampalataya. Noong araw na iyon ay nagpasiya akong pagtuunan ang pinakamahalaga sa buhay na walang hanggan.
Ipinaalam ko sa aking bagong kaibigan1 na tayo ay may espiritu dagdag pa sa katawan at ang Diyos ang Ama ng ating mga espiritu.2 Sinabi ko sa kanya na nabuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bago tayo isinilang sa mundong ito.3 Dahil mahal Niya siya at ang lahat ng Kanyang anak, gumawa Siya ng plano para sa atin na tumanggap ng katawan sa larawan ng Kanyang niluwalhating katawan,4 maging bahagi ng isang pamilya,5 at bumalik sa Kanyang mapagmahal na presensya upang matamasa ang buhay na walang hanggan kasama ang ating pamilya6 tulad ng ginagawa Niya.7 Ngunit, sabi ko, mahaharap tayo sa dalawang pangunahing balakid sa mundong ito:8 (1) pisikal na kamatayan—ang paghihiwalay ng ating katawan mula sa ating espiritu. Siyempre, alam niya na lahat tayo ay mamamatay. At (2) espirituwal na kamatayan—ang pagkawalay natin sa Diyos dahil ang ating mga kasalanan, pagkakamali, at kapintasan ay naglalayo sa atin sa Kanyang banal na presensya.9 Nakaugnay rin siya rito.
Sinabi ko sa kanya na ito ay epekto ng batas ng katarungan. Hinihingi ng walang hanggang batas na ito na bayaran ang walang hanggang kaparusahan para sa bawat isa sa ating mga kasalanan, o paglabag sa mga batas o katotohanan ng Diyos, o hindi tayo kailanman makababalik upang makapamuhay sa Kanyang banal na kinaroroonan.10 Hindi ito magiging makatarungan, at ang Diyos ay “hindi … matatanggihan ang katarungan.”11 Naunawaan niya ito ngunit madali rin niyang naunawaan na ang Diyos ay maawain, mapagmahal, at sabik na isakatuparan ang ating buhay na walang hanggan.12 Ipinaalam ko sa kaibigan ko na magkakaroon din tayo ng isang tuso at makapangyarihang kaaway—ang pinagmumulan ng kasamaan at kasinungalingan—na sumasalungat sa atin.13 Samakatwid, kailangang iligtas tayo ng isang taong may walang-hanggang makadiyos na kapangyarihang madaig ang lahat ng gayong pagsalungat at balakid.14
Pagkatapos ay ibinahagi ko sa kanya ang mabuting balita—ang “magandang balita ng malaking kagalakan … sa buong bayan”15—na “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”16 Pinatotohanan ko sa aking kaibigan, at pinatototohanan ko sa inyo, na si Jesucristo ang Tagapagligtas na iyon, na kailangan Niyang magdusa, mamatay, at muling magbangon—ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala—upang tubusin ang buong sangkatauhan mula sa pisikal na kamatayan17 at upang maibigay ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos at ng ating pamilya18 sa lahat ng susunod sa Kanya. Ipinahayag ng Aklat ni Mormon, “At sa gayon nakamtan [ng Diyos] ang tagumpay sa kamatayan; binibigyan ang Anak ng kapangyarihan na mamagitan para sa mga anak ng tao … ; napupuspos ng [awa at] habag … ; matapos makalagan ang mga gapos ng kamatayan, inako niya ang kanilang kasamaan at kanilang mga kasalanan, matapos silang tubusin, at tugunin ang mga hinihingi ng katarungan.”19
Ang mga hakbang na inihayag ng Diyos na dapat nating gawin upang masunod si Jesus at matanggap ang buhay na walang hanggan ay tinatawag na doktrina ni Cristo. Kabilang dito ang “pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag [sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw], pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”20 Ibinahagi ko ang mga hakbang na ito sa aking kaibigan, ngunit narito ang ilang paraan kung saan itinuro kamakailan ng mga propeta at apostol kung paano mapagpapala ng doktrina ni Cristo ang lahat ng anak ng Diyos.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Makapangyarihan ang dalisay na doktrina ni Cristo. Binabago nito ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito.”21
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Ang [gabay na] Para sa Lakas ng mga Kabataan ay matapang sa pagpapahayag ng doktrina ni Cristo [at nag-aanyaya] sa inyo[ng mga kabataan] na pumili batay [rito].”22
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund, “Inaanyayahan namin ang mga missionary na gawin ang ipinagagawa nila sa mga tinuturuan nila: … ipamuhay ang doktrina ni Cristo sa kanilang buhay [at] pumasok at manatili sa landas ng tipan.”23
Ang doktrina ni Cristo ay nagpapalakas sa mga nahihirapan o nakadarama na hindi sila kabilang sa Simbahan dahil tinutulungan sila nito, tulad ng sinabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Si Jesucristo ay namatay para sa akin … [at] mahal Niya ako.”24
Mga magulang, kung nahihirapan ang inyong anak sa isang alituntunin ng ebanghelyo o turo ng propeta, pakiusap, labanan ang anumang uri ng pagsasalita ng masama25 o aktibismo sa Simbahan o sa mga lider nito. Ang mas mababa at sekular na pamamaraang ito ay hindi nararapat sa inyo at maaaring lubusang makapinsala sa pangmatagalang katapatan ng inyong anak.26 Tunay na naghahayag ito na poprotektahan o ipagtatanggol ninyo ang inyong mahal na anak o nagpapakita kayo ng mga palatandaan ng pakikiisa sa kanya. Ngunit alam namin ng asawa kong si Jayne mula sa personal na karanasan na ang pagtuturo sa inyong pinakamamahal na anak kung bakit kailangang-kailangan nating lahat si Jesucristo at kung paano ipamumuhay ang Kanyang masayang doktrina ang siyang magpapalakas at magpapagaling sa kanya. Ibaling natin sila kay Jesus, na kanilang tunay na tagapamagitan sa Ama. Itinuro ni Apostol Juan, “Ang sinumang … nananatili sa aral ni Cristo, … ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak.” Pagkatapos ay binalaan Niya tayo na mag-ingat “kung sa inyo’y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito.”27
Kamakailan ay binisita namin ni Jayne ang ilang kung saan itinaas ni Moises ang isang ahas na tanso sa harap ng mga naliligaw na anak ni Israel. Nangako ang Panginoon na pagagalingin ang lahat ng nakagat ng makamandag na ahas kung titingnan lang nila ito.28 Sa pagtataas ng doktrina ni Cristo sa ating harapan, ginagawa rin ito ng propeta ng Panginoon, “upang mapagaling niya ang mga tao.”29 Anuman ang kagat o lason o mga paghihirap na nararanasan natin sa mortal na ilang, huwag tayong maging katulad ng mga napagaling sana, noon at ngayon, ngunit nakalulungkot na, “tumanggi[ng] tumingin, … dahil sa hindi sila naniwalang sila ay mapagagaling nito.”30 Pinagtitibay ng Aklat ni Mormon: “Masdan, … ito ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos. At ngayon, masdan, ito ang doktrina ni Cristo.”31
Noong gabing iyon sa New Jersey, ang pagbabahagi kung bakit kailangan natin si Jesucristo at ang Kanyang doktrina ay nagbigay sa akin ng bagong kapatid na babae at sa kanya ng bagong kapatid na lalaki. Nadama namin ang payapa at nagpapatibay na patotoo ng Espiritu Santo. Sa natural na paraan, inanyayahan ko siyang ibahagi ang kanyang contact information at ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa ating mga missionary. Masaya niyang ginawa ito.
“Samakatwid, napakahalagang ipaalam ang mga bagay na ito sa mga naninirahan sa mundo,” ipinahayag ng Aklat ni Mormon—ang magmahal, magbahagi at mag-anyaya32 habang tinitipon natin ang Israel sa lahat ng ating komunidad at pamilya—“upang kanilang malaman na walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng mga kabutihan, at awa, at biyaya [at doktrina] ng Banal na Mesiyas.”33 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.