2023
Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Hulyo 2023


“Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Hulyo 2023.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo

dalagitang nakabukas sa kandungan ang mga banal na kasulatan

Kapag iniisip natin ang mga pagpapalang natatanggap natin dahil mga miyembro tayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nais nating ibahagi ang ebanghelyo sa mga mahal natin. Maibabahagi natin ang ating patotoo tungkol sa katotohanan sa pamamagitan ng ating mga salita at halimbawa. Maaari nating ipagdasal na bigyan tayo ng inspirasyon na malaman kung kanino magbabahagi at ano ang sasabihin.

si Jesus na tinutulungan ang isang lalaking lumpo

Mahalin ang Iba

Ang isang mahalagang bahagi ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay mahalin ang iba. Kapag ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng mga kilos na tulad ni Cristo, ibinabahagi natin ang ebanghelyo ni Jesucristo—na kung minsa’y walang anumang sinasabi. At kapag alam ng iba na talagang nagmamalasakit tayo sa kanila, maaaring mas bukas sila sa pakikinig sa ating mga iniisip tungkol sa ebanghelyo. (Tingnan sa Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” Liahona, Mayo 2022, 84–87.)

Magbahagi sa Normal at Natural na mga Paraan

Maibabahagi natin ang gustung-gusto natin tungkol sa ebanghelyo. Kapag ginawa natin ito bilang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, hindi ito nakakaasiwa o hindi komportable. Halimbawa, maaari nating kausapin ang ating pamilya at mga kaibigan tungkol sa ginagawa natin sa araw ng Linggo. O masasabi natin sa kanila ang kaligayahang nadarama natin kapag naglilingkod tayo sa iba. (Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 15–18.)

Anyayahan ang Iba na Sumama sa Atin

Maaanyayahan natin ang iba na alamin ang iba pa tungkol sa ebanghelyo. Halimbawa, maaari natin silang anyayahang dumalo sa isang miting o aktibidad ng Simbahan, basahin ang Aklat ni Mormon, panoorin ang isang video ng Simbahan, o kausapin ang mga missionary. Ang mga karanasang ito ay magpapadama sa kanila sa Espiritu at nanaisin nilang malaman ang iba pa.

dalawang babaeng nakaupo at nag-uusap

Magtanong tungkol sa Kanilang Karanasan

Matapos magsimba o magpaturo sa mga missionary ang mga kaibigan at kapamilya, maaari natin silang tanungin tungkol sa kanilang karanasan. Ang ilang turo ng ebanghelyo ay maaaring bago sa kanila, kaya maaari nating sagutin ang mga tanong nila. Maipapakita natin ang ating pagmamahal at suporta sa kanilang mga pagsisikap na lumapit kay Cristo.

Magdagdag sa Kanilang mga Paniniwala

Pinahahalagahan at iginagalang natin ang mga paniniwala ng iba, at sinusubukan nating dagdagan ang pananampalatayang mayroon na sila. Halimbawa, ang isang kaibigang nakasumpong ng kapanatagan sa mga banal na kasulatan sa Biblia ay maaari ding makasumpong ng kapanatagan sa mga turong ibinabahagi natin mula sa Aklat ni Mormon.

mga dalagitang tumutulong sa isang nakatatandang babae na tumawid ng kalye

Tulungan ang mga Bagong Miyembro ng Simbahan

Kapag sumasapi ang mga tao sa Simbahan, mapapalakas natin ang kanilang pananampalataya. Maaari natin silang kaibiganin, sagutin ang kanilang mga tanong, at suportahan sila kapag tumatanggap sila ng mga calling. Mahihikayat natin sila na patuloy na sundin si Jesucristo at matuto tungkol sa Kanyang ebanghelyo.

dalawang missionary elder at isang lalaki na magkakasamang nakatingin sa cell phone

Maglingkod sa Full-Time Mission

Dagdag pa sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa ating pang-araw-araw na buhay, maaaring tawaging maglingkod ang mga miyembro ng Simbahan bilang mga full-time missionary. Kung handa na sila, maaaring maglingkod nang maaga ang mga kabataang lalaki sa edad na 18. Maaari ding maglingkod ang mga kabataang babae at nakatatandang adult. Makakakita ka ng iba pang impormasyon sa ChurchofJesusChrist.org/callings/missionary.