“Mga Pahiwatig sa Templo,” Liahona, Hulyo 2023.
Mga Pahiwatig sa Templo
Ang bahay ng Panginoon ay isang lugar ng paghahayag. Kapag mas madalas tayong nagpupunta sa templo, mas malamang na tumanggap tayo ng paghahayag.
Ang bahay ng Panginoon ay hindi lamang isang sagradong gusali kung saan ginagawa natin ang gawain ng kaligtasan kundi isang lugar din ng paghahayag, kung saan maaaring mangyari ang malalaki at maliliit na pahiwatig, kung saan mapapagaling ang mga sugat sa ating kaluluwa, at kung saan mapupukaw ng Panginoon ang ating puso sa di-inaasahang mga paraan.
Isang Natatanging Impresyon
Noong naglilingkod ako bilang ordinance worker sa Houston Texas Temple, isang grupo ng mga naka-motorsiklo ang pumasok sa aming parking lot at nagtanong kung puwede silang pumasok sa templo. Ipinaliwanag ng temple president na si Richard Sutton sa grupo ang layunin ng templo at ang pangangailangan sa temple recommend para makapasok sa gusali. Matamang nakinig ang lider nila at ang kompanyon nito.
“Mayroon akong nadama nang dumaan kami sa inyong gusali,” wika nito. “Hindi ko iyon maipaliwanag, pero malinaw na impresyon iyon kaya gusto kong alamin kung ano ang nagsanhi niyon.”
Ginustong malaman ng mag-asawa ang iba pa, kaya nakipag-ayos si President Sutton sa mga missionary para bisitahin siya.
Mahigit isang taon at kalahati kalaunan, may kumatok sa opisina ni President Sutton sa templo. “Hindi mo ako makikilala, pero dati ay naparaan kami rito ng ilang kabarkada ko habang naka-motorsiklo. Noon, labas lang ang nakikita ko.” Habang hawak ang temple recommend, nagpatuloy siya, “Ngayon ay makikita ko na ang loob.”
Pangalawang Wika
Nang tawagin sina Dean at Bonnie Hill na maglingkod bilang mga senior missionary sa Cochabamba Bolivia Temple, nag-alala si Bonnie. Hindi siya nakapag-aral ng Spanish kahit kailan at hindi siya sigurado sa kakayahan niyang magsagawa ng kinakailangang mga ordenansa o makipag-ugnayan sa iba sa isang di-pamilyar na wika. Ipinangako sa kanya sa isang basbas ng priesthood na magagawa niyang makipag-usap sa Spanish kapwa sa salita at sa espirituwal.
“Hindi talaga ako marunong magsalitang masyado sa Spanish sa labas ng templo,” wika niya. “Pero sa bahay ng Panginoon, para nadadalian ako roon.”
Kahit nang makauwi na silang mag-asawa at dumalo sila sa mga Spanish session sa Ogden Utah Temple, pinansin ng mga patron ang napakagaling niyang punto.
Gumawa ng Isang Bagay para Maranasan ang Kagalakan
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Magkaka-inspirasyon tayo buong araw tungkol sa mga karanasan sa templo at family history na naranasan ng iba. Ngunit may kailangan tayong gawin upang tayo mismo ang makaranas ng kagalakang dulot nito.”1
Ang kagalakan at inspirasyon gayundin ang mga pahiwatig at katiyakan ay naghihintay sa atin sa templo. May wikang sinasambit sa langit at nauunawaan doon na wala kahit saan sa lupa. Nakatatanggap tayo ng paghahayag na nais ng Panginoon na ibigay sa atin sa templo kapag hindi lamang tayo dumadalo sa templo kundi nagpupunta rin tayo roon na umaasa na tatanggap tayo ng paghahayag. Narito ang ilang halimbawa ng inspirasyong natanggap:
-
Humingi si Martin Goury ng Cote d’Ivoire ng patnubay sa templo tungkol sa isang mahalagang bagay sa buhay at nagkaroon ng pambihirang kumpirmasyon na nasagot na ang kanyang mga dalangin tungkol doon. Ito ang alituntuning itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery: “Ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso. … Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?” (Doktrina at mga Tipan 6:22, 23).
-
Nakatira si Randy Bronson malapit sa Payson Utah Temple at nakagugol ng maraming taon sa pagsasaliksik ng family history. “Pero mayroon akong anak na lalaki na di-gaanong aktibo, at hindi ko tiyak palagi kung ano ang magagawa ko para sa kanya. Kaya hindi ko lang isinasama ang kanyang pangalan sa mga prayer roll, kundi taimtim pa akong nagdarasal sa templo, na nagsisikap na malaman kung ano ang magagawa ko para sa kanya. May mga pahiwatig akong nakukuha na maaari kong sabihin o gawin para sa kanya.”
-
“Isa kang mabuting ina,” sabi ni Stephanie Fackrell Hill sa isang estranghero sa Logan Utah Temple. “Paano mo nalaman?” atubiling tanong ng bata pang ina. Sabi ni Sister Hill, “Nakita ko ang pinta ng mga anak mo sa mga kamay mo, at habang nakatingin ako, nagpahiwatig ang Espiritu na sabihin ko ito sa iyo.” Kanina pa sinusubukan ng bata pang ina na itago ang mga kamay niya. Napanatag, nadama niya na tanggap na siya ngayon sa halip na kapansin-pansin.
Ang templo ay isang lugar hindi lamang para tumulong sa pagliligtas sa ating mga ninuno kundi para tumanggap din ng klase ng paghahayag na maaaring gumabay sa atin at sa iba sa landas ng tipan. Sabi ni Pangulong Nelson, “Kailangan ng bawat isa sa atin ang patuloy na espirituwal na pagpapatatag at pagtuturo na tanging sa bahay ng Panginoon makukuha.”2 Ang mga pahiwatig at impresyong ito na natatanggap sa Kanyang banal na bahay ay nagtuturo sa atin na tumingin tulad ng pagtingin ni Jesus, makinig tulad ng Kanyang pakikinig, at mamuhay tulad ng Kanyang pamumuhay.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.