Digital Lamang
Pagbabahagi ng Ebanghelyo—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan
Tingnan kung ano ang naituro ng mga pinuno ng Simbahan kamakailan sa social media tungkol sa pag-anyaya sa iba na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kailangan ngayon nang higit kailanman. …
“… Mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang kapangyarihan at kapayapaan ni Jesucristo sa lahat ng makikinig at hahayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.
“Bawat taong nakipagtipan sa Diyos ay nangakong pangangalagaan ang iba at paglilingkuran ang mga nangangailangan. Maipapakita natin ang pananampalataya sa Diyos at lagi tayong magiging handang sumagot sa mga nagtatanong tungkol sa “pag-asang nasa [atin]” [1 Pedro 3:15]. Bawat isa sa atin ay may papel na gagampanan sa pagtipon ng Israel. …
“… Lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbaik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat tao ay nararapat na malaman kung saan siya makasusumpong ng pag-asa at kapayapaan na ‘[hindi maabot ng pag-iisip’ [Mga Taga Filipos 4:7].1
Tingnan ang naibahagi ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa oportunidad at responsibilidad nating ibahagi ang ebanghelyo.
Aantigin ng Diyos ang Buhay ng Milyun-Milyon
“Habang lumalago ang inyong patotoo, madarama ninyo ang liwanag sa inyong buhay. Hindi ito darating nang walang pagsisikap. Ngunit darating ito habang lumalago ang inyong patotoo at pinipili ninyong pangalagaan ito.
“Kayo ang magiging liwanag sa sanlibutan sa pagbabahagi ng inyong patotoo sa iba. Maipakikita ninyo sa iba ang liwanag ni Cristo sa inyong buhay. Hahanap ng mga paraan ang Panginoon upang maantig ng liwanag na iyon ang mga mahal ninyo sa buhay. At sa sama-samang pananampalataya at patotoo ng Kanyang mga anak na babae at lalaki, aantigin ng Diyos ang buhay ng milyun-milyon sa Kanyang kaharian at sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng Kanyang liwanag.”
Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Ago. 20, 2020, facebook.com/henry.b.eyring.
Maghanap ng mga Paraan para Maibigay ang Pinakamagandang Regalo
“Binabago ng Panginoon ang buhay ng bawat isa. Ang pagsilang ng Tagapagligtas ay simula ng isang nagbibigay-inspirasyong ministeryo sa lupa. Sa buong buhay Niya, nagdala Siya ng napakaraming kaluluwa sa liwanag ng ebanghelyo. Inaanyayahan Niya tayong gawin din iyon. Humanap ng mga paraan para mas mailapit ang inyong sarili at ang iba kay Cristo. … Iyan ang pinakamagandang regalong maibibigay ninyo.“
Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Dis. 12, 2022, facebook.com/mrussell.ballard.
Kausapin ang Iba tungkol sa Paglilingkod sa Misyon
“Nananawagan ako sa mga kabataang lalaki, at sa mga kabataang babae na nagnanais na magmisyon, na magsimula ngayong kausapin ang inyong mga magulang tungkol sa pagmimisyon. Inaanyahan ko rin kayong kausapin ang inyong mga kaibigan tungkol sa pagmimisyon, at kung hindi sigurado ang isa sa inyong mga kaibigan tungkol sa paglilingkod, hikayatin siyang kausapin ang kanilang bishop.
“Ang paglilingkod ko sa misyon ay naghanda sa akin na maging mas mabuting asawa at ama at magtagumpay sa negosyo. Inihanda rin ako nito para sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon sa Kanyang Simbahan.
“Sa mga missionary na nakauwi na pagkatapos nilang maglingkod, tandaan na hindi kayo na-release sa pagiging aktibo sa Simbahan. Pagtibayin ang mabubuting gawing natutuhan ninyo sa misyon, patuloy na palakasin ang inyong patotoo, magsipag, magdasal, at maging masunurin sa Panginoon. Igalang ang mga tipan na inyong ginawa. Patuloy na pagpalain at paglingkuran ang iba.”
Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Mayo 9, 2022, facebook.com/mrussell.ballard.
Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya
“Naniniwala ako na tatlong salita ang may kapangyarihang baguhin ang ating paglilingkod sa Diyos at sa kapwa-tao. Babaguhin ng pamumuhay ng mga ito ang pakikipag-ugnayan natin sa isa’t isa sa ating mga kongregasyon, sa ating mga kaibigan, at sa lahat ng anak ng Diyos: magmahal, magbahagi, at mag-anyaya.
1) Pagmamahal ang dapat maging pundasyon at motibasyon ng lahat ng ginagawa natin. Ginagawa nitong mas makabuluhan at mas masaya ang ating mga pagsisikap!
2) Ibahagi kung ano ang gustung-gusto ninyo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ibahagi kung bakit gusto ninyong maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
3) Anyayahan ang mga tao na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, at pumarito at makabilang.
“Habang sinisikap ninyong lumakad sa landas ng pagkadisipulo, kahit nadadapa kayo kung minsan, ang liwanag at kagalakan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mababanaag sa inyong buhay. Mapapansin ng iba na may pinahahalagahan kayo sa buhay, at hahantong ito sa mga pagkakataong ibahagi iyan.
“Natutuhan ko sa buhay ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahatid ng pag-asa, kaligayahan, at paggaling. Malaking pribilehiyo at pagpapala na ibahagi natin ang ebanghelyong iyan sa lahat ng anak ng Diyos.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Hulyo 1, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Mahalaga ang Bawat Munting Stroke o Hagod ng Pintura
“Ibinahagi namin ni Harriet ang video na ito sa isang debosyonal kamakailan. Ipinapakita nito ang paglikha ng isang magandang painting ni Jay Ward. Sa espesyal na paraan, inilalarawan ng prosesong ito kung tungkol saan ang pagsisikap nating mamuhay na mas katulad ni Cristo, at ang araw-araw na gawain nating anyayahan ang iba na mas mapalapit kay Cristo. Hinihikayat natin ang mga tao sa normal at natural na mga paraan na tanggapin ang ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo. Minamahal, ibinabahagi, at inaanyayahan natin ang mga tao na subukan ito at mas mapalapit sa Tagapagligtas. Hinihiling natin sa kanila na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, pumarito at makabilang sa dakilang komunidad na ito ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Mahal kong mga kaibigan, huwag sumuko kailanman sa paggawa ng sagradong gawain ng Tagapagligtas. Sa inyong tapat na mga pagsisikap, makakatulong kayong lumikha ng mas kumpletong larawan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na mas mapalapit kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Ang pagsasabuhay ng mga alituntuning ito ay magdudulot ng higit na kaligayahan sa mundo.
“Kailangan ng maraming pagsisikap—maliit, kaunti, halos hindi kapansin-pansing hagod ng pintura na makakatulong na gawing perpekto at buo ang larawan. Alam ng pintor ang gusto niyang makamit. Ang mga hagod ng pintura ay maaaring mukhang random o magulo sa ilang tagalabas, pero sadyang inilagay ang mga ito para makumpleto ang obra-maestra. Ang pagdarasal, malasakit, at matiyagang pagtulong sa mga tao sa ating paligid ay tutulong sa ating lahat na mas mapalapit kay Cristo. Ang inyong araw-araw na maliliit na pagpapakita ng kabaitan, habag, at pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak ay magdadala sa mga tao sa maaabot ng pagmamahal ng Diyos.
“Bawat hagod ay mahalaga. Mahalaga kayo. Kailangan kayo, kailangan ang inyong gawain, walang bagay na napakaliit o walang kabuluhan.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Mar. 19, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Gamitin ang Teknolohiya at Social Media sa Paraan ng Panginoon
“Kahanga-hanga kung paano natututo ang ating mahal na mga missionary kung paano gamitin nang matalino at epektibo ang mga makapangyarihang tools ng teknolohiya—ang paraan ng Panginoon. Tulad ng mga missionary na ginagawang perpekto ang kanilang sarili sa paggamit ng teknolohiya at social media, dapat din nating gawin iyon mula sa ating tahanan at sa ating mga ward at branch. Kung hindi ka sigurado kung paano magsimula, magpaturo sa mga missionary. Gusto nilang tumulong!
“Mahal na mga kaibigan, ang Diyos ay buhay at mahal Niya kayo. Si Jesucristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan. … Tandaan, ang inyong mga pagsisikap sa social media at teknolohiya ay hindi kailangang maging perpekto o propesyonal. Kailangang maging tunay at sadya ang mga ito.
“Anyayahan ang inyong mga kaibigan at mahal sa buhay na lumapit at tingnan, lumapit at tumulong, at lumapit at makabilang. Isabuhay ang mga alituntuning ‘magmahal,’ ‘magbahagi,’ at ‘mag-anyaya.’ …
“Sa lahat ng ito, si Cristo ang nasa sentro. Sa Kanya at sa pamamagitan Niya, maaari tayong maghatid ng kaligayahan sa mundo.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Mar. 6, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Maging Matiyaga, Patuloy na Magsikap, at Magtiwala sa Panginoon
“Pagdating sa pagbabahagi ng ebanghelyo, ang simpleng huwaran ng ‘magmahal, magbahagi, at mag-anyaya‘ ay naghahatid ng mas malaking tuon sa lahat ng aspeto ng gawain ng Panginoon. Ang likas na pagsasabuhay ng mahahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo ay magbibigay sa atin ng kakayahang tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan. Maaaring ni hindi natin matanto na ibinabahagi na natin ang ebanghelyo, dahil ang pagbabahagi at pag-anyaya ay likas na pagpapahayag ng ating tunay na pagmamahal sa iba. Bahagi talaga ito ng ating pagkatao!
“Sinasabi sa mga banal na kasulatan na ‘ang pag-ibig ay matiisin’ at ‘nagtitiis ng lahat ng bagay’ (1 Corinto 13:4, 7). Ang pagmamahal ay walang takdang panahon o expiration date. Kapag ang ating pagbabahagi at pag-anyaya ay udyok ng pagmamahal, hindi tayo naiinip. Patuloy tayong nagsisikap, at nagtitiwala tayo sa Panginoon habang tumutulong tayo sa iba.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Ago. 2, 2021, facebook.com/davida.bednar.
Tulungan ang Iba na Makahanap ng Kalayaan mula sa Pagkaalipin
“Kapag tinitipon natin ang ating mga sarili kay Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga turo, nararanasan natin ang kalayaan na ang Kanyang ebanghelyo lamang ang makapagbibigay—kalayaang makatanggap ng personal na paghahayag at kalayaang maging kung ano ang nais ng Ama sa Langit na kahinatnan natin.
“Ang masama o hindi matuwid na pamumuhay ay maaaring humantong sa pagkaalipin at mga limitasyon, kapwa sa pisikal at sa espirituwal. Kapag tumutulong tayo sa pagtitipon ng ating mga kaibigan at mahal sa buhay sa ebanghelyo, kabilang na ang pagtulong sa kanila na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos, matutulungan natin silang makahanap ng kalayaan mula sa maraming uri ng pagkaalipin.
“Kapag namuhay kayo nang matwid, hindi lamang kayo makakatakas sa pagkaalipin mula sa kaaway, kundi magiging halimbawa rin kayo ng pag-asa at liwanag sa iba.”
Elder Quentin L. Cook, Facebook, Okt. 23, 2022, facebook.com/quentin.lcook.
Anyayahan ang Iba na Tamasahin ang mga Pagpapala ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas
“Ipinapaabot ko ang aking pasasalamat sa ating kahanga-hangang mga missionary sa buong mundo na nagnanais na dalhin ang mensahe ng Pagpapanumbalik at magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
“Tulad ng mga missionary na ito, bawat isa sa atin ay may pagkakataong magmahal, magbahagi, at mag-anyaya sa iba na sumama sa atin at tamasahin ang mga pagpapala ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.”
Elder Quentin L. Cook, Facebook, Okt. 30, 2021, facebook.com/quentin.lcook.
Ibahagi ang Mahalagang Katotohanang Ito sa Lahat ng Kakilala Natin
“Bago magsalita sa isang debosyonal ng Primary kamakailan sa Anchorage, Alaska, tinanong ko ang ilan sa aking mga apo kung ano ang dapat kong ibahagi sa iba pang mga batang kaedad nila.
“‘Pa, sabihin po ninyo sa kanila na kilala ninyo si Jesus at mahal Niya sila,’ sagot nila.
“Isinapuso ko ang mungkahi nila at tiniyak kong ipangako sa bawat isa sa mga batang iyon na kilala sila sa pangalan ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng Espiritu Santo. Ibinahagi ko rin sa kanila na mahal sila ng Diyos.
“Ang mga katotohanang ibinahagi ko sa mahahalagang batang ito ay mga katotohanan ding ibinabahagi ko sa bawat isa sa inyo.
“Mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tayo ay mga Anak ng Diyos Dapat nating ibahagi ang mahalagang katotohanang ito sa lahat ng kakilala natin. Hindi tayo talaga nag-iisa kailanman. Sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, palagi tayong may kaibigan at suporta.”
Elder Ronald A. Rasband, Facebook, Hulyo 12, 2022, facebook.com/RonaldARasband.
Maging Ilaw sa Nagdidilim na Mundong Ito
“Maaari kayong maging ilaw sa nagdidilim na mundong ito, na tumayo bilang mga saksi ng Diyos at ng Kanyang kabutihan sa lahat ng oras, walang ekspresyon, at makasumpong ng kagalakan sa paglilingkod. Nawa’y malaman ninyo ang inyong malalim na impluwensya, at nawa’y matapat ninyong paglingkuran ang inyong Ama sa Langit.”
Elder Ronald A. Rasband, Facebook, Abr. 30, 2021, facebook.com/RonaldARasband.
Responsibilidad Nating Mag-anyaya
“Sa isang debosyonal sa BYU kamakailan, nagsalita ako tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng mga pagpapala at ng mga responsibilidad para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“May responsibilidad tayong anyayahan ang iba na tanggapin ang ebanghelyo. Pinagpapala ang mga missionary sa kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng suporta ng kanilang mga pamilya at miyembro.
“May responsibilidad tayong pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Biniyayaan tayo ng mga templo sa buong mundo.
“May responsibilidad tayong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tumatanggap tayo ng mga pagpapala sa pamamagitan ng iba’t ibang resources ng Simbahan, kabilang na ang Aklat ni Mormon—na ngayon ay nasa 112 wika.
“May responsibilidad tayong pangalagaan ang mga nangangailangan. Dahil sa kabutihang-loob at katapatan ng ating mga miyembro, naibahagi natin ang ating mga pagpapala sa mundo sa maraming pagkakawanggawa.
“Ang paanyaya ko ay isipin ang ating tungkulin sa pagsasakatuparan ng mga banal na responsibilidad na ito at sabik na makibahagi. Kapag ginawa natin ito, makikita at matatamasa natin ang mga pagpapala ng langit.”
Elder Gary E. Stevenson, Mar. 16, 2021, facebook.com/stevenson.gary.e.
Paningningin ang Liwanag Ngayon
“Mahirap na hindi magustuhan ang awit na ‘Isang Sinag ng Araw’! Tuwing maririnig ko ito, naiisip ko ang masasayang mukha ng mga batang kumakanta nito. Sabi sa ikalawang taludtod, ‘Maging mapagmahal sana sa bawat makita, maging isang halimbawa tulad ng nais N’ya.’
“Bawat isa sa atin ay may liwanag sa ating kalooban, at nais ni Cristo na paningningin natin ang liwanag na iyon! Mga kaibigan, sana’y tanggapin ninyo ang paanyayang ito na paningningin ang sinag ngayon, saanman kayo naroon.”
Sister Tracy Y. Browning, Ene. 24, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.