2023
Ang mga Pagbabago na Gusto—at Ayaw—Nating Maranasan
Hulyo 2023


“Ang mga Pagbabago na Gusto—at Ayaw—Nating Maranasan,” Liahona, Hulyo 2023.

Mga Young Adult

Ang mga Pagbabago na Gusto—at Ayaw—Nating Maranasan

Ano ang inyong pangmatagalang mithiin? Kung alam ninyo kung ano ang nais ninyong makamtan, magiging handa kayo, at mananabik pa, na gumawa ng mga pagbabago sa inyong buhay.

lalaking pumipili ng direksyong tatahakin sa isang sangandaan

Kinailangan na ba ninyong gumawa ng isang pagbabago na wala kayo talagang ganang gawin? O isang pagbabagong hindi ninyo inaasahan na kakailanganin ninyong gawin?

Mga 15 taon na ang nakararaan sinabi sa akin ng doktor ko na kailangan kong magbago ng estilo ng pamumuhay: “Magsimula sa pagiging mas aktibo, kung hindi ay hindi magtatagal ang buhay mo,” sabi niya sa akin. Sineryoso ko ang kanyang babala. Nagpasiya akong magsimulang tumakbo.

Para maging matagumpay ang pagbabagong ito ng estilo ng pamumuhay, kinailangan kong magkaroon ng pananaw kung ano ang magiging kapaki-pakinabang sa akin sa bandang huli dahil kung hindi, hindi akong gaanong magtatagumpay.

Ang aking pananaw sa hinaharap ay isang paulit-ulit na mithiing tumakbo sa isang marathon bawat taon. Tinutulungan ako ng mithiing ito na bumangon at tumakbo araw-araw dahil alam ko na isang araw sa susunod na taon, kailangan kong tumakbo nang 26.2 milya (42.2 kilometro). Nanatili akong disiplinado para masanay at matugunan ang aking mga panandaliang mithiin bawat linggo dahil alam ko na inihahanda ako ng mga ito para sa araw ng karera sa takbuhan.

Kung minsa’y may mga bagay na sinusubukang pigilan ako, tulad ng klima. Siguro’y napakainit o napakalamig sa labas, o siguro’y umuulan. Kaya kailangan kong tumakbo sa loob gamit ang treadmill, kahit mas gusto kong tumakbo sa kalye. Susubukan din akong pigilan ng mga pinsala. Siguro ay hindi ako nakapag-unat-unat nang maayos bago ako tumakbo, kaya napilipit ang litid ko sa tuhod. O siguro’y hindi ko kasalanan na napilayan ako. Pero paano man iyon nangyari, hindi ako maaaring sumuko dahil alam ko na tatakbo ako sa isang marathon sa susunod na taon. Kaya binabago ko ang training ko. Gumagaling ako at bumabalik sa pagtakbo.

Maraming naituro sa akin ang pagtakbo tungkol sa ebanghelyo. Lahat tayo ay may pangmatagalang mithiin sa ebanghelyo na magtiis hanggang wakas at magtamo ng kadakilaan. Ngunit nagtatakda tayo ng mga panandaliang mithiin tulad ng pagtanggap ng sakramento sa simbahan bawat linggo na tumutulong sa atin na marating iyon. Espirituwal tayong napipinsala kapag nagkakamali tayo. Pero hindi tayo sumusuko. Nagsisisi tayo, at binabalikan natin ang ating mithiin. Ang tanging paraan para makamit natin ang ating pangmatagalang mithiin ay sa pamamagitan ng paggawa ng maliliit na pagbabago habang daan para makapanatili tayo sa tamang landas.

babaeng pumipili ng direksyong tatahakin sa isang sangandaan

Pagpiling Magbago

Sa loob ng mahigit isang dekada, nagtrabaho ako bilang senior vice president para sa Walmart sa Brazil. Pinansyal na matatag ang pamilya ko, masaya ako sa trabaho, at maganda ang buhay. Pero mahirap ang trabaho. Kinailangan kong maglakbay nang madalas, na nakakahadlang sa aming pamilya at sa paglilingkod ko sa Simbahan. Pagkaraan ng 11 o 12 taon, sumosobra na iyon.

Nagsanggunian kaming mag-asawa at nagmungkahi na magbitiw ako sa trabahong ito. Binanggit namin iyon sa aming mga anak, at sama-sama naming sinabing, “Oras na para gumawa tayo ng pagbabago.”

Nang magbitiw ako sa trabaho, bumagsak ako mula sa pagiging senior vice president patungo sa kawalan ng trabaho. Halos isang taon ang lumipas bago ako nakahanap at tumanggap ng ibang trabaho. Nang sa wakas ay pumasok ako sa isang posisyon sa isang maliit na real estate company sa Estados Unidos, maganda ang pakiramdam ko tungkol doon. Ang trabahong ito ay hahayaan akong maglaan ng mas maraming oras sa mga bagay na talagang mahalaga.

Pero sinabihan ako ng mga tao na baliw ako. Bakit ka magbibitiw sa isang matatag na trabaho para sa isang real estate company na hindi pa naririnig ng sinuman? At lilipat sa kabilang panig ng mundo sa Estados Unidos?

Tama sila na isang malaking pagbabago ang pinipili naming gawin. Pero mali silang isipin na maling pagpapasiya iyon.

Kailangan namin ng malaking pananampalataya para magpalit ng trabaho at lumipat sa isang bagong bansa, pero pinangalagaan kami ng Panginoon. At mas marami na akong oras na gampanan ang aking mga responsibilidad bilang asawa, ama, at miyembro ng ward.

Naniniwala ako na kailangan ang pagbabago para maabot ang ating potensyal. Hindi tayo magiging katulad ng nais ng Ama sa Langit na kahinatnan natin kung walang pagbabago sa ating buhay. At nagiging katulad Niya tayo kapag sadya tayong gumagawa ng mga pagbabago nang may pananampalataya.

Napilitang Magbago

Ang isa pang malaking pagbabagong nangyari sa pamilya ko ay nang mamatay ang bunsong kapatid kong lalaki sa isang aksidente sa sasakyan. Hindi namin pinili o ginusto iyon para sa kanya o para sa amin, at masakit pa rin iyon, kahit 10 taon na ang nakararaan. Hindi madali kailanman ang sapilitang pagbabago.

Pero ang mga pagbabagong hindi natin pinipili ay maaari ding maging mga pagkakataon para patatagin ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Madaling manatiling tapat kapag umaayon sa plano natin ang mga bagay-bagay. Pero maaari ba tayong manatiling sumasampalataya at magpatuloy kapag hindi umaayon sa atin ang mga pagbabago?

Ang diborsyo, kawalan ng pagkakataong magkaanak, kawalan ng trabaho, karamdaman, at iba pang masasakit na karanasang tulad nito ay hindi mga karanasang inaasam at ipinaplano natin. Maaari nitong ipadama sa atin na hindi natin kontrolado ang ating buhay. Pero hindi iyan lubos na totoo—sa gitna ng inyong mga di-inaasahang sitwasyon, mayroon pa ring mga bagay na makokontrol ninyo. Maaari kayong magtakda ng maliliit na mithiin, kahit na ang mithiin lang na makaraos nang isa pang araw. Magagawa ninyo iyan! Maaari ninyong tiisin ang lahat ng bagay nang may tiyaga! (tingnan sa Alma 38:4).

Isang perpektong halimbawa nito si Jose ng Ehipto. Ang kanyang buhay ay puno ng sapilitang pagbabago—dalawang beses siyang nawalan ng kalayaan! (Minsan nang ibenta siya ng kanyang mga kapatid sa pagkaalipin, at muli nang ipabilanggo siya ni Potifar.) Pero hindi nasiraan ng loob si Jose dahil hindi naging kanais-nais o planado ang kanyang sitwasyon. Umangkop siya at lumago sa pamamagitan ng kanyang mga karanasan. At sa huli, iniligtas niya ang kanyang pamilya at isang buong bansa. Hinubog at inihanda siya ng Panginoon hanggang sa huli (tingnan sa Genesis 37–46).

Mahirap magtiyaga kapag sinira ng sapilitang pagbabago ang plano ninyo, pero tandaan na ang pangmatagalang mithiin ay para magkamit ng kadakilaan. Alam ng Ama sa Langit kung ano ang kailangan natin para makarating doon: “Hindi ninyo matatagalan ang pagharap sa Diyos ngayon, ni ang paglilingkod ng mga anghel; dahil dito, magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap” (Doktrina at mga Tipan 67:13).

lalaking naglalakad sa daan

Ang Pagbabago ay Tinutulungan Tayong Maging Katulad ng Tagapagligtas

Mahal kayo ng Ama sa Langit at nais Niyang magtagumpay kayo. Nais Niyang lumigaya kayo. At naglatag Siya ng plano para makamtan ninyo ang dalawang bagay na iyon.

Kapag tinitingnan ko ang tunay na kahulugan ng mortalidad—pagsasanay—nagiging mas makabuluhan ang mga pagbabago sa buhay ko. Tinutulungan ako ng pagbabago na makamit ang aking pangmatagalang mithiin, na maging katulad ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam ko na ibinabahagi ng Ama sa Langit ang iisang pangmatagalang mithiin para sa akin at sa lahat ng Kanyang anak. Tulad ng alam ng doktor ko na kailangan kong baguhin ang isang bagay alang-alang sa aking kalusugan, malinaw na nakikita ng Diyos ang mga pagbabagong kailangan nating gawin para maging katulad Niya. Sinusuportahan Niya tayo at ibinibigay ang resources na tulad ng mga banal na kasulatan, isang lokal na kongregasyon, at isang buhay na propeta para tulungan tayo sa ating paghahangad na magpakabuti pa.

Sa pinakamahihirap na araw—mga araw na mahirap bumangon mula sa kama at magsuot ng running shoes, kapag alam ninyong kailangan ninyong magsisi, o kapag nahihirapan kayo sa iba pang di-inaasahang pagbabago—ipinapaalala natin sa ating sarili ang walang-hanggang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang hangarin na maging mas masaya tayo kaysa ngayon.

Ang paalalang iyon ay nagbibigay sa atin ng lakas na gawin ang mga pagbabagong ipinahihiwatig sa atin ng Espiritu. At tinutulungan tayo nitong magtiwala na ang di-inaasahang mga pagbabago na napipilitan tayong gawin ay bahagi ng Kanyang plano para sa ating pinakadakilang kaligayahan.