Digital Lamang: Mga Young Adult
Malaman na ang Pagkamuhi sa Sarili ay Hindi Kasangkapan ng Tagapagligtas
Matagal bago ko nalaman na ayaw ng Diyos na kamuhian ko ang sarili ko dahil sa aking mga pagkakamali.
Maraming pagkakataon na akong nagalit sa sarili ko. Iyon pala, ang pagiging mahigpit sa sarili ko ay hindi talaga nagpapabuti sa pakiramdam ko.
Maaga akong nag-asawa, at kahit palaging maganda at masaya ang pagsasama naming mag-asawa, nakaharap ko ang mas mahihina kong katangian. Bukod pa riyan, nagpasiya kaming mag-asawa na magkaanak kaagad, at ang unang pagbubuntis ko ang naging pinakamahirap na karanasan ko. Nakaranas ako ng mga pisikal na hamon na hindi ko naisip kailanman. Hindi naging matatag ang kalooban ko, at naging tunay na tunay at bagung-bagong pakikibaka ang depresyon.
Sinikap kong maging mabuting asawa, mabuting ina, at mabuting estudyante, pero hindi ako kailanman naabot ang sarili kong mga pamantayan. Sa paglipas ng panahon, pagkagalit sa sarili ko ang naging unang reaksyon ko.
Naunawaan ko na sinasabi ng dalawang dakilang utos na “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos” at “ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39,; idinagdag ang diin), na nagpapahiwatig na dapat nating mahalin ang ating sarili. Pero nadama ko na hindi ako karapat-dapat mahalin.
Naisip ko, “Kung nagkasala ako at inibig ko pa rin ang sarili ko, hindi ba pinahihintulutan ko ang sarili ko na patuloy na gumawa ng mali? Tutal, dapat tayong mag-alay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu, kaya hindi ba tayo dapat na maging miserable hanggang sa maging mas mabuti tayo?”
Sa panahong iyon “oo” sana ang isasagot ko, pero ang katotohanan ay isang matunog na “hindi.”
Itinuro ni Elder S. Gifford Nielsen ng Pitumpu: “Nais ng ating Ama sa Langit na mahalin natin ang ating sarili … [na tingnan] ang ating sarili tulad ng [pagtingin] Niya sa atin: bilang Kanyang minamahal na mga anak. Kapag tumimo ang katotohanang ito sa ating puso, ang pagmamahal natin sa Diyos ay nag-iibayo.”1 At kapag lumalago ang pagmamahal ko sa Diyos, nagiging mas mabuti ako. Kapag mahal ko ang Diyos, kinikilala ko ang kaloob ng aking Tagapagligtas na siyang daan para mapatawad ko ang aking mga kasalanan at madaig ang aking mga pagkukulang. Kapag mahal ko ang Diyos, mas madaling mahalin ang aking sarili.
Ang pagalitan ang iba ay hindi nakakatulong sa kanila na umunlad; pinahihina lang nito ang kanilang loob. Kasabay ng pagwawasto, kailangan din nila ng panghihikayat. Kaya bakit naiba ako? Paano ko kahahabagang katulad nito ang sarili ko?
Paghahanap ng Suporta
Nang magtapat ako sa asawa ko tungkol sa pakikibakang ito, pakiramdam ko’y kahabag-habag ako. Mas komportable akong ituloy ang nakagawian kong pagsasalita ng negatibo tungkol sa sarili ko, kaya kinailangan kong maging matapang at mahina para aminin nang hayagan ang mga kahinaan ko. Pero ang pagsasabi ng problema ko sa ibang tao ay nakatulong sa akin na makahanap ng higit na kalinawan at mga solusyon.
Inaral ko ang nakasisiglang resources para maunawaan ang mga pattern ng pag-iisip ko at kung paano ako magpapakabuti. Natutuhan ko rin na malaking kaibhan ang nagagawa ng regular na ehersisyo. Dati-rati, nag-eehersisyo ako dahil galit ako sa katawan ko at gusto ko sanang baguhin ito. Ngayo’y nag-eehersisyo ako dahil gustung-gusto kong gumanda ang pakiramdam ko at mas lumakas.
Ang aking mga pagbabago ay naging mas epektibo dahil kinilala ko na sinusuportahan ako ng Tagapagligtas sa halip na hinahatulan ako. Dati-rati, ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagdalo sa templo ay puno ng kahihiyan at nagbigay ng limitasyon sa aking espirituwal na paglago. Ngayo’y mas tunay at tapat na ang mga dalangin ko dahil hindi ko itinatago ang sarili ko sa Panginoon.
Pagpili Kung Aling Tinig ang Susundin
Kinailangan ko ring magpasiya kung ano ang mahalaga at kanino makikinig. Napakaraming inaasahan ng ating mundo, ating komunidad, at ating mga social media platform kung paano kumilos, tumingin, maging magulang, magsalita, at iba pa. Imposible talagang makamit ang pagsang-ayon ng lahat.
Pero alam ninyo kung sino pa ang nakaranas ng hindi pagsang-ayon? Si Jesucristo. Siya ay mabait, mahabagin, at sakdal, pero hindi Siya tinanggap ng ibang tao. Sa katunayan, ang pagpiling ipakita ang Kanyang pagmamahal sa ilang tao ay madalas na naging dahilan para mawala ang paggalang sa Kanya ng iba. Kinailangan kong tanggapin na hindi ko kayang bigyang-kasiyahan ang lahat at sa halip ay dapat kong sikaping bigyang-kasiyahan ang Diyos.
Pagsadya sa Aking mga Iniisip
Ang mithiing mahalin ang sarili ay hindi kailanman para pangatwiranan ang pagtangging gawin, pangatwiranan ang kasalanan, o makampante. Nauunawaan ko na ang ilang negatibong damdamin ay makakatulong sa akin, tulad ng kalungkutang naaayon sa Diyos—ngunit hindi ako dapat magpatalo rito, dahil hindi iyon pag-unlad.
Sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Mahalagang makonsensiya tayo dahil ipinapaalala sa atin nito na may dapat tayong baguhin, pero hindi laging nakakatulong ang makonsensiya.
“Ang nababagabag na konsensiya ay parang baterya sa kotseng pinapaandar ng gasolina. Maiilawan nito ang sasakyan, mapapaandar ang makina, at mapapailaw ang mga headlight, pero hindi ito ang gasolinang magpapaandar sa sasakyan para sa mahabang paglalakbay. Ang baterya, kung walang kasama, ay hindi sapat. Gayundin ang konsensiya.”2 Kailangan ay sadya akong huwag mag-isip ng mga negatibong bagay at sa halip ay dapat akong magtuon sa pagmamahal kay Cristo at sa aking sarili.
Nahirapan akong magpasiyang ilagay ang pasaning ito sa paanan ng aking Tagapagligtas, pero umuubra ito. Ang maliliit na pagbabagong nagawa ko, marami sa mga ito ang nasa sarili kong isipan, ay gumagawa ng malaking kaibhan dahil sa biyaya ng Tagapagligtas.
Nagpapasalamat ako na ang pinakamahalagang aspeto ng ebanghelyo ay umiikot sa pagmamahal. Pagmahahal sa Diyos, pagmamahal sa iba, at pagmamahal sa sarili ko.