2023
Huwag Tayong Matakot
Hulyo 2023


“Huwag Tayong Matakot,” Liahona, Hulyo 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Huwag Tayong Matakot

Alam ko na magiging masaya tayo kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa maraming tao hangga’t kaya natin.

lalaking may kamera

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Madalas akong tanungin ng marami sa aking mga kaibigan at kaklaseng hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa Simbahan. Pagkaraan ng ilang panahon, napagod akong sagutin nang paulit-ulit ang mga tanong na iyon, kaya nakaisip ako ng solusyon.

Gustung-gusto kong gumawa ng mga internet video para libangin ang mga tao. Gumagawa ako ng mga music video, informational video, at parody. Isang araw habang iniisip ko kung ano ang gagawin ko para sa susunod kong video, nagpasiya akong gumawa ng video na sumagot sa mga tanong tungkol sa Simbahan.

Mabilis kong kinuha ang aking kamera. Pagkatapos, kahit hindi isinusulat ang sasabihin ko kundi tinandaan ko lang ang mahahalagang talata sa banal na kasulatan na gusto kong banggitin, ginawa ko ang video. Wala akong ideya kung ano ang mangyayari. Nahiwatigan ko lang na gawin ang video. “At ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin” (1 Nephi 4:6).

Hindi nag-aalala kung paano tutugon ang aking mga kaibigan, kaklase, at kamag-anak—mga miyembro man ng Simbahan o hindi—in-upload ko iyon.

Ilang linggo matapos i-upload ang video, nagsimula akong tumanggap ng feedback sa aking mga social media account. Nagsimulang magkomento at magpasalamat sa akin ang mga taong ni hindi ko kilala para sa aking video. Dahil sa aking video, nagsimula pa ngang magpaturo ang isang tao sa mga missionary. Kalaunan, nagpasiyang magpabinyag ang taong iyon.

Mula nang gumawa ako ng video, mukhang gusto pa rin ako ng mga taong kilala ko na hindi miyembro ng Simbahan—baka nga mas marami pa. Tumigil pa nga ang ilan sa kanila sa pagbatikos sa Simbahan. Ang iba naman ay tumigil na sa katatanong tungkol sa Simbahan dahil ngayon ay may mga sagot sila.

Huwag tayong matakot na gawin ang iniutos sa atin ng Panginoon. Sabi Niya, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Marcos 16:15).

Ipinapangako ko na hindi tayo magsisisi na sinunod natin Siya.