2023
Ang Tungkulin Nating Ibahagi ang Ebanghelyo ng Tagapagligtas
Hulyo 2023


“Ang Tungkulin Nating Ibahagi ang Ebanghelyo ng Tagapagligtas,” Liahona, Hulyo 2023.

Ang Tungkulin Nating Ibahagi ang Ebanghelyo ng Tagapagligtas

Bilang mga lingkod ng Diyos, tinawag tayo para ibahagi ang pag-asang alok ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang buhay, mga turo, Pagbabayad-sala, at ipinanumbalik na ebanghelyo.

dalawang missionary elder na nakatingin sa isang tablet

Noong mga binatang missionary kami sa England, tinuruan namin ng kompanyon ko ang isang lalaking dumanas ng mahihirap at nakamamatay na mga pangyayari noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kasama siya sa armadong labanan sa lupain at pagkatapos ay nakaligtas sa nakapanlulumong pagsalakay sa barkong sinasakyan niya bago siya umuwi sa England. Nang sa wakas ay dumating na siya sa England, labis na naantig ang kanyang damdamin at nagpasalamat siya at ligtas siyang nakauwi kaya lumuhod siya, hinagkan ang lupa, at nagpasalamat.

Nang ituro namin sa kanya ang Pagpapanumbalik at ilarawan ang Unang Pangitain ni Joseph Smith, umiyak siya. May luha sa kanyang mga mata, inilarawan niya ang matinding patotoong natanggap niya. Ipinaliwanag niya na ang nadama niya sa mensahe ng Pagpapanumbalik ay katulad ng nadama niya nang ligtas siyang makabalik sa England. Nadama niya na mayroon siyang walang-hanggang tadhana.

grupo ng mga missionary sa England

“Ibinibigay ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang mismong liwanag na kailangan ng mga anak ng Diyos sa mga panahon ng kaguluhan,” sabi ni Elder Quentin L. Cook (itaas na hanay, ikalima mula sa kanan), na naglingkod sa British Mission na kasama ni Elder Jeffrey R. Holland (itaas na hanay, ikapito mula sa kaliwa).

Kanan: larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ang Tungkulin Natin Bilang mga Lingkod ng Diyos

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay mga lingkod ng Diyos. Bilang Kanyang mga lingkod, ang ating misyon ay ibahagi sa iba—gaya ng mga itinuro ko sa England—ang pag-asang alok ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang buhay, mga turo, Pagbabayad-sala, at ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa 3 Nephi 27:13–14). Hindi iyan madaling gawin sa mundong puno ng pag-aalinlangan, kawalan ng pag-asa, at kadiliman, ngunit ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbibigay ng mismong liwanag na kailangan ng mga anak ng Diyos sa mga panahon ng kaguluhan.

Ipinahayag na ni Pangulong Russell M. Nelson na kailangan ng mundo ang ebanghelyo ni Jesucristo ngayon nang higit kailanman: “Ang Kanyang ebanghelyo ang tanging sagot kapag marami sa mundo ang natutulala sa takot. Binibigyang-diin nito ang agarang pangangailangan nating sundin ang tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na ‘humayo … sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha’ [Marcos 16:15, idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mateo 28:19]. Mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang kapangyarihan at kapayapaan ni Jesucristo sa lahat ng makikinig at hahayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.” Dagdag pa ni Pangulong Nelson, “Bawat isa sa atin ay may papel na gagampanan sa pagtipon ng Israel.”1

mga sister missionary at isang mag-asawang nakatingin sa cell phone

Ang isang paraan para magampanan natin ang tungkuling iyan ay sa pagtanggap sa mga tawag na maglingkod bilang mga full-time missionary. Alam natin, tulad ng binigyang-diin ni Pangulong Nelson kamakailan, na ang responsibilidad ng full-time na gawaing misyonero una sa lahat ay sa mga kabataang lalaki na naingatan para sa pagtitipon sa mga huling araw. Para sa kanila, ang gawaing misyonero ay “responsibilidad ng priesthood.” Bagama’t ang gawaing misyonero ay opsiyonal para sa mga dalaga, hinilingan sila ni Pangulong Nelson na magtanong sa Panginoon kung nais Niyang maglingkod din sila. “Ang iniaambag ninyo sa gawaing ito ay kahanga-hanga!” sabi niya sa kanila. At, mangyari pa, kailangan ng Panginoon ang mga senior couple para maglingkod ayon sa kanilang sitwasyon. “Hindi matatawaran,” sabi nga ni Pangulong Nelson, “ang kanilang mga pagsisikap.”2

Ang isa pang paraan na ginagampanan natin ang ating tungkulin sa pagtitipon ng Israel ay ang alalahanin ang ating tipan na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Hindi kailangang tawagin tayo bilang full-time missionary para tumayo bilang saksi. Kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo, minahal at pinaglingkuran natin ang iba, nanindigan tayo sa harap ng tukso at pag-uusig, at nagpatotoo tayo sa salita at gawa, mailalapit natin ang iba kay Jesucristo.

Maaaring nakakapagod magbahagi ng ebanghelyo, kahit para sa mga nakapagmisyon na. Ngunit kapag malakas ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Pagpapanumbalik, hindi natin mapipigilang patotohanan ang nalalaman natin.

babaeng nakangiti

Ang Kahalagahan ng Patotoo

Paano natin mapapalakas ang ating patotoo upang maging mga epektibo tayong missionary? Kailangan lang nating sundin ang payo ng ating buhay na propeta. Lumalago ang ating patotoo kapag:

  • Pinabilis natin ang ating espirituwal na momentum.3

  • Naglaan tayo ng oras para sa Panginoon.4

  • Pinatibay natin ang ating espirituwal na pundasyon.5

  • Hinayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay.6

  • Pinakinggan natin Siya.7

Habang pinag-aaralan natin ang mga salita ni Pangulong Nelson at sinusunod ang kanyang payo, mapapalakas natin ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, ang papel na ginampanan ni Propetang Joseph Smith sa Pagpapanumbalik, ang katotohanan ng Aklat ni Mormon, at ang pagtawag sa mga makabagong propeta at apostol. Ang pinalakas na patotoo ay maghahanda sa atin—at magpapaibayo sa ating mga hangarin—na sundin ang panawagan ng propetang si Pangulong Nelson na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing.

Para epektibong maibahagi ang ebanghelyo, hindi kailangang maging mahusay tayong magsalita. Hindi natin kailangang malaman ang bawat detalye ng doktrina ng ebanghelyo. Hindi natin kailangang isaulo ang napakaraming talata sa banal na kasulatan. Ni hindi kailangang maging mataas ang ating pinag-aralan. Ang mga bagay na iyon ay tumutulong sa atin na maibahagi ang ating mensahe, ngunit ang tunay na kapangyarihang magpabalik-loob ay nagmumula sa isang pusong mapagpakumbaba, isang masiglang patotoo, at isang matibay na pagsaksi mula sa Espiritu Santo.

Sabi ni Propetang Joseph Smith, “Hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo.”8

“Tagos Hanggang mga Buto Ko”

Noong 1830, matapos marinig na ituro ng mga missionary ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo, ginustong malaman mismo ni Brigham Young ang katotohanan ng kanilang itinuturo. Sa isang pamamaraan, pinag-aralan niya ang Aklat ni Mormon gayundin ang pagkatao ng mga nagpatotoo tungkol dito at ni Propetang Joseph Smith.

May isang bagay tungkol sa mga naunang missionary na iyon na umantig sa puso’t kaluluwa ni Brigham. “Tagos hanggang mga buto ko ang kanilang patotoo,” wika niya.9

Ang isa sa mga missionary na iyon, si Eleazer Miller, ay apat na buwan pa lamang na miyembro ng Simbahan.10 Siya, sa pananalita ng missionary ngayon, ay isang “greenie,” at hindi siya magaling magsalita sa harap ng publiko. Ngunit hindi mahalaga ang mga bagay na iyon.

Eleazer Miller

Eleazer Miller

Pagkaraan ng ilang taon, ipinahayag ni Pangulong Brigham Young: “Kapag nakakikita ako ng taong walang kahusayan sa pagsasalita, o mga talento sa pagsasalita sa harap ng madla, na nakapagsasalita lamang ng, ‘Alam ko, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo [at] na si Joseph Smith ay [isang p]ropeta ng Panginoon[,]’ binibigyang-liwanag ng Espiritu Santo na nagmumula sa taong iyon ang aking pang-unawa, at ang liwanag, kaluwalhatian, at imortalidad ay nasa harapan ko.”

Sinabi ni Pangulong Young na siya ay napaligiran at napuspos ng liwanag at kaluwalhatiang iyon at na alam niya mismo na ang patotoo ni Eleazer ay totoo.

“Ang mundo taglay ang lahat ng karunungan at kapangyarihan nito, taglay ang lahat ng kaluwalhatian, at paglalabas ng yaman ng mga hari at pinuno nito,” sabi ni Pangulong Young, “ay lumulubog sa ganap na kawalang-kabuluhan kumpara sa simple at di-palamuting patotoo ng isang lingkod ng Diyos.”11

Kaylaki ng Ating Kagalakan

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”12

Ang pagtupad sa ating mga tipan bilang mga miyembro ng kaharian ng Diyos ay kinabibilangan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay isa sa pinakamatataas na pagpapahayag ng pagmamahal sa ating kapwa tulad sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:37–39). Pagbabahagi ng ebanghelyo ang dakilang atas ng Tagapagligtas.

Tayo na nakatulong sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo ay nakatikim ng walang-hanggang kagalakang ipinangako sa mga taong nagsisikap na iligtas ang mga anak ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:15–16). Ginugunita ko pa ang aking full-time na paglilingkod noong isa akong binatang missionary sa England—ang mga kasama kong naglingkod, ang mga taong nakilala namin, ang katangi-tanging mga anak ng Diyos na tinulungan naming makapasok sa Kanyang kawan. Hindi na naging katulad ng dati ang buhay ko pagkatapos niyon.

Mula sa aking personal na karanasan, inuulit ko ang pangako ng Unang Panguluhan sa mga taong “katotohana’y alay,”13 sa tahanan man o sa ibang bansa: “Gagantimpalaan ka ng Panginoon at bibigyan ng sagana sa mapagpakumbaba at mapanalangin mong paglilingkod sa Kanya. Higit na kaligayahan ang naghihintay sa iyo na hindi mo pa naranasan habang naglilingkod ka sa Kanyang mga anak.”14