2023
Pagsasabuhay at Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Hulyo 2023


“Pagsasabuhay at Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Hulyo 2023.

Para sa mga Magulang

Pagsasabuhay at Pagbabahagi ng Ebanghelyo

mga kabataang babae na sama-samang nakatingin sa mga banal na kasulatan

Mahal na mga Magulang,

Ang dalawang paraan na ipinapakita natin sa Diyos ang ating pasasalamat para sa ebanghelyo ay sa pagsasabuhay nito at pagbabahagi nito. Ang mga artikulo sa isyu sa buwang ito ay nakatuon sa paggawang mas malaking bahagi ng ating buhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, sa pamamagitan man ng pagpapalakas ng pananampalataya sa Kanya, paggawa ng mahahalagang pagbabago, o pagpapalaganap ng Kanyang mga katotohanan sa buong mundo. Naghihintay ang kagalakan sa mga taong natututo at sumusunod sa mga turo ng Tagapagligtas at ibinabahagi ang Kanyang mga mensahe sa salita at sa gawa.

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Patotoo

Anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na magbahagi ng maikling patotoo tungkol sa isang paboritong alituntunin ng ebanghelyo. Magbahagi ng mga sipi tungkol sa gawaing misyonero mula sa artikulo ni Elder Quentin L. Cook sa pahina 4. Habang pinag-iisipan ang mga alituntunin ng ebanghelyo na kababahagi mo lang, itanong: May mga tao bang mababahaginan natin ng mga alituntuning ito?

Mas Mapalapit kay Jesucristo

Itanong sa inyong mga anak kung kailan nila nadarama na pinakamalapit sila kay Jesucristo. Ilista ang kanilang mga sagot. Ipaliwanag ang limang aktibidad na nagpapalakas ng pananampalataya na ibinahagi ni Elder Patricio M. Giuffra (tingnan sa mga pahina 42–43). Bilang pamilya, isiping gawin ang isa sa mga aktibidad na ito na sumasang-ayon kang makakagawa ng kaibhan sa inyong tahanan. Sama-samang planuhing magtuon sa aktibidad na iyon sa buwang ito.

Ang Pagbabago ay Maaaring Humantong sa Espirituwal na Paglago

Ang pagbabago, kapwa inaasahan at hindi inaasahan, ay bahagi ng ating karanasan sa buhay na ito. Basahin ang artikulo ni Elder Ciro Schmeil sa pahina 30 tungkol sa iba’t ibang klase ng pagbabago sa ating buhay. Paano ako matutulungan ng mga pagbabagong ito na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mahal ng Diyos ang Lahat ng Kanyang Anak

Mga Gawa 10

“Walang kinikilingan ang Diyos, kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya” (Mga Gawa 10:34–35).

Ang mga General Authority ay nagmumula sa iba’t ibang lupain. Halos kalahati ang nagmumula sa Estados Unidos. Ang iba ay nagmumula sa Central at South America, Asia, Europe, Africa, Oceania, Mexico, at Canada.

  • Maaari ka bang magbigay ng pangalan ng Isang Apostol na isinilang sa Europe?

  • Maaari ka bang magbigay ng pangalan ng Isang Apostol mula sa South America?

  • Maaari ka bang magbigay ng pangalan ng isang Apostol na ang mga magulang ay nagmula sa Sweden at Finland?

  • Maaari ka bang magbigay ng pangalan ng isang Apostol na ang pamilya ay orihinal na nagmula sa China?

Maaaring nagmumula tayo sa iba’t ibang lugar, ngunit mahal tayong lahat ng Diyos.

Talakayan: Sa anong mga paraan tayo maaaring katulad o naiiba sa ibang mga tao? Mahal ba tayo ng Diyos batay sa hitsura natin o kung saan tayo nanggaling? Rebyuhin ang kuwento tungkol kina Pedro at Cornelio na matatagpuan sa Mga Gawa 10. Ano ang natutuhan nila tungkol sa paghusga sa iba? Anong mga katangian ang mahalaga sa Panginoon?