2023
Mga Karapat-dapat na Tagapagmana
Hulyo 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Mga Karapat-dapat na Tagapagmana

Kung talagang nauunawaan natin na bawat isa sa atin ay nagsasanay na maging higit na katulad ng Ama sa Langit, nagiging posible ang pagbabago.

isang ibong origami na may anino ng tunay na ibon

Habang lumalaki ako, naaalala ko na itinuro sa akin na ako ay anak ng Diyos—kinakanta man ito sa himno sa Primary, naririnig ko man ito mula sa aking mga magulang sa bahay, o nakikinig ako sa mga lider ng Simbahan na ipinapangaral ito sa pulpito. Ito ay isang punto ng doktrina na lagi nating maririnig. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga young adult ng Simbahan, “Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos.”1

Bagama’t ito ay isang doktrinang noon ko pa pinaniniwalaan, palagay ko’y hindi ko ito palaging nauunawaan. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng mga saloobin at pag-uugali.”2

Sa doktrina ng banal na identidad, natanto ko na ako ay anak ng mga magulang sa langit, ngunit hindi nagbago ang aking mga saloobin at pag-uugali nang dahil sa kaalamang iyon. Para sa akin, ang maging anak ng Diyos ay nangangahulugan na may isang taong nagmahal sa akin at nagmalasakit sa aking kapakanan. At bagama’t totoo ito, hindi ko isinapuso ang aspeto ng identidad na iyon na nagbibigay sa akin ng lakas na magbago.

Ngunit isang araw tinulungan ako ng Diyos na palalimin ang aking pang-unawa. Habang pinag-aaralan ko ang aking mga banal na kasulatan isang umaga, inakay ako ng Espiritu sa ilang talatang matatagpuan sa Roma 8. Nakasaad sa mga talata 16–17, “Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos.” Narinig ko na ito dati. Ngunit nagpatuloy ako at binasa ko ang sumunod na talata na nagpapaliwanag, “At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo.” Nang mabasa ko ang mga salitang ito, nagpatotoo sa akin ang Espiritu na ako ay anak ng Diyos na may banal na layunin dito sa lupa. Mas ramdam ko ito ngayon kaysa rati. Sa sandaling iyon nadama ko na parang may dala akong sulo na kasisindi pa lang. Malinaw kong nakikita ngayon na bilang mga anak ng Diyos, tayo ay nasa landas na hindi lamang umaakay sa atin pabalik sa Ama sa Langit kundi tinutulungan din tayo nitong maging higit na katulad Niya. Ang bagong pang-unawang ito ay nagsimulang magpasigla sa akin at binigyang-liwanag din nito ang aking landas.

Ang malaman na ako ay anak ng Diyos at na nakatadhana akong maging higit na katulad Niya ay nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ko. Nabago nito ang paraan ng aking pag-iisip at pagkilos sa mga pang-araw-araw na sitwasyon. Sa buong mortalidad, napakaraming hinihingi sa atin—mula sa pangangailangang makakuha ng matataas na marka sa paaralan hanggang sa pagtulong sa maysakit na mga kapamilya at maging sa paghahanda ng regular na pagkain. Maaaring napakahirap ng buhay. Ngunit dahil nauunawaan ko ang aking identidad bilang anak ng Diyos, maituturing kong pagkakataon para lumago ang aking mga hamon. Hindi tinatangka ng Diyos na parusahan ako o gawing mas mahirap ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng paghiling sa akin ng napakaraming bagay. Sa halip, tinutulungan Niya akong magsanay na maging isang karapat-dapat na tagapagmana.

Nang mapalalim ko ang aking pag-unawa sa doktrinang ito, natural kong sinimulang baguhin ang aking mga saloobin at pag-uugali tungkol sa mga simpleng bagay sa buhay ko. Halimbawa, sinimulan kong ligpitin ang kama ko at linisin ang kuwarto ko tuwing umaga, hindi dahil sa may darating para tingnan kung nagawa ko na ang aking mga gawain, kundi dahil alam ko na malinis at organisado ang Diyos. Natanto ko na kung mahahawakan ko ang katungkulan na katulad Niya balang-araw, kailangan ko ring maging malinis at organisado. Sinimulan kong ituring ang mga gawaing ito bilang mga pagkakataon para magsisi at lumago para maging higit na katulad ng Diyos.

Ang pag-unawa sa mahalagang doktrinang ito ay nagpabago sa akin tungo sa kabutihan. Nagabayan nito ang aking mga iniisip at ginagawa habang nagtatakda ako ng mga mithiin at naghahanda para sa hinaharap. Natulungan ako nitong iwasan ang kasamaan dahil napansin ko na ang pagkakasala at pagpapatangay sa tukso ay humahadlang sa akin na maabot ang aking buong potensyal. Higit sa lahat, ang pagkaalam sa katotohanang ito ay naghikayat sa akin na magbago. Sadya at patuloy kong binabago ang aking mga pag-uugali para maiayon ang mga iyon sa mga taong may potensyal na maging tagapagmana sa kaharian ng Diyos.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Boyd K. Packer, “Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17.