Digital Lamang
Pagdaig sa Aking Adiksyon sa Droga sa Pamamagitan ng Lakas kay Jesucristo
Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.
Kinailangan ko nang magdesisyon kung itutuloy ko ang adiksyon ko sa droga, at nadarama ko kung ano ang mangyayari anumang landas ang piliin ko.
Isinilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bininyagan ako ng aking ama noong walong taong gulang ako, at lubos akong aktibo sa Simbahan sa buong kabataan ko. Nang matapos ko ang aking misyon, ang sumunod kong mithiin sa buhay ay maghanap ng isang espesyal na anak na babae ng Diyos na maaari kong pakasalan sa templo.
Pero nagsimula akong maghangad ng libangang hindi kaaya-aya at nagpatangay ako sa mga tukso. Nagsimula akong makipagdeyt sa labas ng Simbahan. Unti-unti kong sinimulang ikompromiso ang aking mga personal na pamantayan, at hindi ako naging aktibo sa Simbahan. Sa huli ay pinakasalan ko ang isang babaeng hindi miyembro ng Simbahan, at kalaunan ay nagwakas ang aming pagsasama sa diborsyo.
Patuloy akong nagpatangay sa tukso. Sa puso ko, mayroon pa rin akong patotoo at kasabikang makasal sa isang babae sa loob ng templo, pero nadama ko na hindi ako karapat-dapat sa mga pagpapalang iyon. Hindi na ako umasa na makakasal pa ako sa templo o magkakaroon ng mga anak, kaya kinalimutan ko ang pambabagabag ng aking konsiyensya at tiniis ko ang pakiramdam na wala na akong kuwenta sa pamamagitan ng paghahangad ng makamundong kaligayahan.
Isang gabi noong nasa treinta anyos na ang edad ko, nabagabag ang konsiyensya ko dahil sa lahat ng imoralidad na nagawa ko. Lumuhod ako at nagsumamo sa Panginoon nang may kalungkutang naaayon sa Diyos dahil sa mga kasalanang nagawa ko. Nangako akong ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri at binago ko ang ugali ko.
Pero hindi lang iyon ang naging pakikibaka ko. Patuloy kong ginugol ang sumunod na pitong taon na nagpapakalulong sa droga.
Lubos kong nadama na nag-iisa ako at nakagapos sa aking adiksyon. Sa sobrang sakit ng aking ulo, puso, at katawan, pakiramdam ko ay maraming beses akong nabingit sa kamatayan. Kinalimutan ko na ang lahat ng pag-asa na magiging malaya ako mula sa mga tanikala ng adiksyon at depresyon na nagpahina sa akin.
Isang araw habang nagdedesisyon ako; kinailangan kong magpasiya kung magpapatuloy ba ako o hindi sa adiksyon kong ito sa buhay at sinubukan kong manirahan sa lansangan. Pero alam ko na tiyak na hahantong ang desisyong iyon sa pagkamatay ko. Alam ko na kung hindi ko pinili ang opsiyong iyon, kailangan kong baguhin ang buhay ko at bumalik kay Jesucristo.
Natagpuan ko ang sarili ko na nakaupo sa aking trak, hinang-hina sa takot. Hawak ang cell phone ko, tumitig ako sa contact information ng tatay ko. Wala akong magawa at lungkot na lungkot ako kaya wala akong lakas na magsalita. Nadama ko na kung tatawag ako at hihingi ng tulong, ibig sabihin ay pinipili kong mabuhay at kung hindi ako tatawag, tiyak na pinipili ko ang kamatayan at kapahamakan.
Inabot ako ng mahigit isang oras para magkaroon ng sapat na lakas-ng-loob na tawagan sa huli ang tatay ko at itanong kung puwede akong magpunta. Pagdating ko roon, matagal kaming nag-usap ng mga magulang ko at pagkatapos ay nag-alok ang tatay ko na bigyan ako ng basbas ng priesthood.
Tinanggap ko ang alok at naupo ako, na nakadarama ng tunay na pagpapakumbaba at taos-pusong pagsisisi. Nanampalataya ako sa kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang priesthood. Talagang humingi ako ng tulong sa aking Ama sa Langit. Sa oras ng basbas, bumaling ang aking kaisipan sa Kanya, na nagsusumamo na biyayaan Niya ako ng lakas at kapangyarihan habang sinisikap kong daigin ang adiksyong ito. “Pakiusap po, ayaw ko nang mamuhay nang ganito,” tahimik kong dalangin. “Tulungan po Ninyo akong makaahon sa hukay na ito na kinaroroonan ko. Tulungan po Ninyo ako dahil hindi ko kayang gawin itong mag-isa.”
Nanginginig ang mga kamay ng tatay ko nang magsalita siya nang may kapangyarihan at pananalig habang iginagawad ang basbas ng priesthood. Sinabi niya na sinisikap ni Satanas na hadlangan akong maabot ang aking dakilang potensyal. Nadama ko na ang mga desisyon ko ay humahadlang din sa akin na pagpalain at pasayahin ang iba na maaaring makinabang sa pagpapakita ko ng mabuting halimbawa at impluwensya. Paulit-ulit ding ipinaalala sa akin ng basbas na may pagkakataon akong madaig ang aking mga adiksyon.
Alam ko na wala akong kasalanang nagawa na pipigil sa akin na makabalik. Tulad ng itinuro ni Boyd K. Packer (1924–2015):
“Wala akong alam na mga kasalanan na may kaugnayan sa pamantayang moral na kung saan ay hindi tayo mapapatawad. … Ang pormula ay nakasaad sa mga salitang ito:
“‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.
Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon’ Doktrina at mga Tipan 58:42–43].”1
Sa basbas na ibinigay sa akin ng tatay ko, biniyayaan din ako ng kapangyarihan at lakas na madaig ang aking mga paghihirap. Alam ko na talagang inspirado ang tatay ko at nagsasalita siya nang may awtoridad ng Diyos.
Nang matapos ang basbas, tumayo ako at niyakap ko ang aking ama. Matagal kaming nagyakap. Niyakap din kaming dalawa ng nanay ko habang patuloy akong humihikbi sa balikat ng tatay ko, na nadarama ang matinding pagmamahal at pasasalamat sa puso ko.
Naglaho ang lahat ng nadarama kong kawalan ng pag-asa. Nadama ko na unti-unting nawawala ang mga pisikal na pananabik sa adiksyon at ang makapal na ulap ng depresyon at kakulangan na napakatagal na nagpahirap sa akin. Agad kong nadama ang bagong sigla at kasigasigan sa buhay at sa lahat ng posibilidad para sa galak na madarama ko kung pipiliin ko ang tama at magpapasakop ako sa kalooban ng aking Ama sa Langit. Gusto kong mamuhay na taglay ang saloobin na ipinakita ni Jesucristo sa lahat ng bagay: “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42).
Sumulong ako sa aking landas patungo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang may panibagong determinasyon at lakas.
Kalaunan, nagpatuloy ang kaaway sa kanyang mga panunukso; may isang taong malapit sa akin na patuloy na nagsikap na kumbinsihin akong pumunta at mag-inuman kami. Nagsinungaling siya para mapilitan akong maniwala na ang pag-inom ng alak ay hindi masama basta’t hindi ka lasenggo. Nahirapan ang kalooban ko—sa isang banda, gusto kong manatili kaming magkaibigan at maging magkatulad ang aming interes, pero sa kabilang banda ay nais kong ipakita sa Ama sa Langit ang aking pagmamahal at pasasalamat sa pamamagitan ng pagsunod sa Word of Wisdom. Habang nakikibaka ako sa mga ideyang ito, tumunog at umilaw ang cell phone ko. Tiningnan ko kung ano iyon—isang Facebook notification na may isang sipi mula sa mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Mga Alituntunin at Pangako”:
“[Ang Word of Wisdom] … [ay] nagbibigay … ng partikular na utos tungkol sa pagkaing kinakain natin, at ipinagbabawal nito ang paggamit ng mga sangkap na nakakasama sa ating katawan.
“Yaong mga sumusunod sa mga utos ng Panginoon at tapat na sumusunod sa Word of Wisdom ay pinangakuan ng partikular na mga pagpapala, kasama na rito ang mabuting kalusugan at dagdag na lakas ng katawan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21].”2
Pinatototohanan ko na nakita ng Ama sa Langit na angkop na ipadala sa akin ang partikular na mensaheng iyon sa mismong oras na nahihirapan ako. Bagama’t maaaring hindi palaging dumarating ang mga sagot na iyon nang tuwiran at dapat ay lagi nating hangaring sundin ang mga kautusan, nagpapasalamat ako para sa pagpapalang iyon. Alam ko kung ano ang dapat kong ipasiya at ang landas na kailangan kong patuloy na tahakin sa buhay ko. Kinailangan kong ipagtapat at talikuran ang aking mga kasalanan at patuloy na talikuran ang lahat ng kasamaan. Kinailangan kong mapabanal sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Naunawaan ko na “ang buhay na ito ang panahon para sa [akin] na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32) at “[patunayan ang aking sarili] upang makita kung [aking] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [akin] ng Panginoon [kong] Diyos” (Abraham 3:25). Naunawaan ko na ito ang panahon para daigin ang aking mga pisikal na adiksyon, habang may mortal na katawan pa rin ako. At naunawaan ko na kailangan kong ipakita sa Ama sa Langit ang malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2; tingnan din sa Alma 5:12–14) at “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).
Sa pamamagitan ng pagsisisi (pati na sa pakikipagtulungan sa aking mga priesthood leader), na sinundan ng bawat matwid na desisyong nagawa ko simula noon, nabuksan ko ang aking sarili sa mga pintuan ng langit at natulutan ang Ama sa Langit na ibuhos ang Kanyang mga pagpapala sa akin.
Ilang buwan matapos ang pagbabago ng aking puso, dumating sa buhay ko ang magiging asawa kong si Malaina, at nagsimula ang aming pagliligawan. Nagpapasalamat ako na handa na ako ngayon para sa aming pagsasama sa hinaharap. Ang pakikipagdeyt kay Malaina ay talagang parang isang pangarap na natupad! Pareho kaming nasaktan ng nakaraang mga relasyon, at nakahanap kami ng pagmamahal at pag-unawa sa isa’t isa. Kapwa namin gusto na buong pusong maging marapat sa kasal sa templo. Anim na buwan matapos kaming magdeyt, nabuklod kami sa Seattle Washington Temple.
Biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng isang mapagmahal na asawa na nakakaunawa sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa ibig sabihin ng maging malinis sa pamamagitan ng pagsisisi. Mahal ako ni Malaina kung sino ako ngayon at hindi dahil sa mga pagkakamali ko noong araw. Ang kanyang personal na patotoo at pagmamahal sa Tagapagligtas ay patuloy na nagbibigay sa akin ng lakas at hangaring isakatuparan ang buong layunin ng paglikha sa akin. Siya talaga ang kabiyak na noon ko pa pinapangarap, at biniyayaan kami ng dalawang anak.
Kamangha-mangha kung paanong mas gumanda ang buhay ko sa loob lamang ng ilang taon. Nadama ko na ang makaahon mula sa hukay na minsan kong kinaroonan tungo sa kinaroroonan ko ngayon ay isang tunay na himala. Personal kong pinatototohanan na sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pananampalataya kay Jesucristo, lahat ng bagay ay posible! Buhay na patunay ako niyon.