“Naniniwala Ka Ba sa Diyos?,” Liahona, Hulyo 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Naniniwala Ka ba sa Diyos?
Nang ibahagi ng kaibigan ko ang kanyang mga alalahanin, may bigla akong naunawaan.
Habang lumalaki ako, hindi ko talaga pinagdudahan kailanman ang katotohanan ng ebanghelyo. Gayunman, nang mag-tinedyer na ako, nagduda ako kung talaga bang may patotoo ako o tinanggap ko lang ang pinaniwalaan ng aking mga magulang at kaibigan. Ipinagdasal kong malaman kung totoo ang ebanghelyo.
Sa kabila ng aking mga paghihirap, sinabi sa akin ng isang dalagitang nakilala ko sa aking community college na nadama niya na naunawaan ko ang aking layunin at direksyon sa buhay.
“Naniniwala ka ba sa Diyos?” tanong niya sa akin.
Sinabi ko sa kanya na naniniwala ako at na itinuturo ng aking simbahan ang kaugnayan natin sa Diyos at ang layunin ng buhay. Nagkuwento rin ako sa kanya tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Pagpapanumbalik. Nakinig siyang mabuti.
Nang sumunod na Linggo sa simbahan, dumampot ako ng mga polyeto tungkol kay Joseph Smith at sa plano ng kaligtasan para sa kaibigan ko. Matapos niyang basahin ang mga iyon at simulang basahin ang Aklat ni Mormon, isinama ko siya sa simbahan.
Kalauna’y sinabi niya sa akin na napakalapit niya sa kuya niya. Isa siyang stunt pilot na nagtanghal sa mga lokal na air show. Ang nakakalungkot, noong tag-init bago kami nagkakilala, namatay siya habang lumilipad sa isang air show. Nanlumo siya sa pagkamatay nito at nag-alala siya rito dahil sinabi raw nito na siya naniniwala sa Diyos. Matagal niyang ipinagdasal na malaman ang kanyang kalagayan at katayuan sa harap ng Diyos.
Nang ibahagi ng kaibigan ko ang kanyang mga alalahanin, may bigla akong naunawaan. Ito ay isang damdamin ng dalisay na katotohanan at liwanag. Naunawaan ko na hindi lang nagkataon ang aming pagkikilala. Sa halip, narinig at sinagot ng Diyos ang taimtim na dalangin ng nagdadalamhating dalagitang ito.
Napakumbaba akong malaman na alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa akin at ituturing akong karapat-dapat na maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay sa pagsagot sa kanyang dalangin. Naunawaan ko ang Kanyang dakilang karunungan sa paggamit ng karanasang ito para sagutin din ang aking panalangin na malaman kung ang ebanghelyo ay totoo.
Pagkatapos maghanda, inempake ko ang aking mga maleta para sa pinakamagandang dalawang taon ng buhay ko. Samantala, nagpaturo ang kaibigan ko sa mga missionary kasama ang kanyang kapatid na babae. Pareho silang sumapi sa Simbahan at pagkaraan ay nagmisyon. Pagkatapos ng aking misyon, hiniling ng kaibigan ko na magsagawa ako ng mga ordenansa sa templo para sa kuya niya.
Alam ko na naririnig at sinasagot ng Diyos ang taimtim na mga panalangin, bagama’t kung minsa’y sa isang paraan o panahon na hindi natin inaasahan.