2023
Mga Tahi ng Paglilingkod
Hulyo 2023


Digital Lamang

Mga Tahi ng Paglilingkod

Ang awtor ay naninirahan sa Alabama, USA.

Pinagpapala nitong tumatanda nang ina at ng kanyang anak na babae, kasama ang kababaihan ng ward, ang buhay ng mga pamilyang namatayan ng sanggol na anak.

mga kamay na nagtatahi ng damit

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa pangkalahatang kumperensya na “lahat ng [anak] ng Diyos na nakikinig sa aking tinig ay nakatanggap ng tungkulin mula sa Panginoong Jesucristo. …

“… Gayunman, ang mga anak ng tipan ng Diyos ay may iisang mahalaga at masayang tungkulin. Ito ay ang paglingkuran ang iba para sa Kanya.”1 Ang tungkuling iyan ay totoo para sa mga tumutupad ng tipan anuman ang edad—walo man o 108 taong gulang.

Ginugol ng siyamnapu’t-siyam-na-taong-gulang na si Louise Allred ang halos buong buhay niya sa paglilingkod sa iba, at kamakailan ay natuto siya ng isang bagong paraan ng paglilingkod mula sa kanyang anak na si Mary Helen.

Tatlong taon na ang nakararaan, hindi naghahanap si Mary Helen ng anumang partikular na bagay nang mag-sign on siya sa JustServe.org. Habang nagba-browse, nakita niya na kailangan ng isang nonprofit group ng mga boluntaryo na gagawing damit-pamburol ang donasyong mga damit-pangkasal para sa mga bagong silang na sanggol na hindi umaalis ng ospital.

kababaihang nananahi ng mga damit

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

May paniniwala sa kanyang puso na natagpuan niya ang isang bagay na nais niyang gawin, kinontak ni Mary Helen at ng kanyang lokal na Relief Society ang direktor ng organisasyon. Isang aktibidad ang ipinlano para sa kababaihan ng ward, at 10–12 damit-pangkasal ang ginupit-gupit sa service project. Iniuwi ni Mary Helen ang mga piraso ng tela at nanahi ng mga damit para sa mga sanggol mula sa mga iyon.

Nang tahiin ni Mary Helen ang bawat damit, ipinagdasal niya ang bawat magulang at pamilyang gagamit ng damit na tinatahi niya. Lubhang espirituwal na nakalugod ito sa kanya, na mas naglapit sa kanya sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang payo na mahalin ang isa’t isa (tingnan sa Juan 13:34–35; tingnan din sa 1 Juan 4:11). Agad natanto ni Mary Helen na hindi magiging sapat para sa kanya ang minsanang aktibidad. Nalaman niya na ang JustServe.org ay magiging katuwang niya sa maraming proyekto.

dalawang babaeng nakaupo nang magkatabi

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Nagsimula ring tumulong ang ina ni Mary Helen na si Louise. Siya ang nagtatastas ng tahi ng mga damit-pangkasal. Pagkatapos ay nilalabhan, ginugupit, pinagpipira-piraso at tinatahi ang lahat para makalikha ng mga damit-pamburol para sa mga sanggol, at pagkatapos ay tinatahi ng kamay ang mga dekorasyon. Bawat damit-pamburol ay inaabot ng dalawang oras para matapos.

Magkasama, nakakagawa ang mag-inang ito ng mahigit 100 damit para sa mga yumaong sanggol bawat taon. Malugod na tinatanggap ng mga ospital sa buong Alabama, USA, ang mga donasyong ito.

Sabi ni Mary Helen, nasisiyahan silang mag-ina sa pagkakataong ito na magkasama silang naglilingkod sa musmos na mga anak ng Ama sa Langit at sa kanilang pamilya kapag may panahon. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ating [pinakamalaking] kagalakan ay nagmumula sa pagtulong sa ating mga kapatid, saan man tayo nakatira sa kamangha-manghang mundong ito. Ang pagbibigay ng tulong sa iba—ang matapat na pagsisikap na pangalagaan ang iba tulad ng o higit pa sa pangangalaga natin sa ating sarili—ang ating kagalakan. Lalo na, kung maaari kong idagdag, kapag ito ay hindi maginhawa at kapag kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi natin karaniwang ginagawa. Ang pamumuhay ng ikalawang dakilang kautusang iyon ang susi para maging tunay na disipulo ni Jesucristo.”2

Bukod pa sa kagalakang hatid ng paglilingkod na ito, gustung-gusto ni Louise ang hamon at pakiramdam ng tagumpay na nararanasan niya. Sabi ni Mary Helen, ang bigkis na ito sa pagitan nilang mag-ina ay naging napakahalaga ring karanasan.

“Kahit sino ay maaaring maglingkod,” sabi ni Mary Helen—kailangan mo lang mahanap ang uubra sa iyo!