“Paglilingkod nang May Pag-ibig sa Kapwa,” Liahona, Hulyo 2023.
Mga Alituntunin ng Ministering
Paglilingkod nang May Pag-ibig sa Kapwa
Makakagawa tayo ng malaking kaibhan sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal sa natural na mga paraan.
Isang Halimbawa ng Pag-ibig sa Kapwa
Si Tabita (kilala rin bilang si Dorcas) ay isang disipulo ni Jesucristo na nakatira sa Joppe. Kilala siya bilang isang babaeng “puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa” (Mga Gawa 9:36). Minahal siya dahil napakarami niyang ginawa para mahalin ang iba. Tulad ng Tagapagligtas, habambuhay siyang naglingkod. Mayroon siyang mga kasanayan at talentong ginamit para makagawa ng kaibhan.
Isa sa mga kasanayang iyon ay ang paggawa ng amerikana at garments, na kahit ilan lang sa mga iyon ay napunta sa mga balo na nangangailangan. Para sa mga tumanggap ng kanyang mga regalo, hulog siya ng langit. Nang dumating si Pedro para makita siya nang mamatay siya, “lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya’y kasama pa nila” (Mga Gawa 9:39). Lubha siyang naantig kaya binuhay niya ito mula sa mga patay, na naging dahilan para maniwala ang marami sa Tagapagligtas (Mga Gawa 9:40–42).
Paglilingkod nang May Pag-ibig sa Kapwa
Ang pag-ibig sa kapwa ay ang pagmamahal ni Jesus para sa atin at ang pagmamahal na inaasahan Niyang taglay natin para sa isa’t isa. Ito ay pagmamahal sa ating kapwa tulad sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:37–39), pagpapakita sa kanila ng habag, tiyaga, at awa na hahangarin natin para sa ating sarili (tingnan sa Mateo 7:12). Ito ay paglilingkod sa kanila, tulad ni Tabita, gamit ang mga kaloob at talentong naibigay sa atin.
Makakagawa tayo ng malaking kaibhan sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa mga paraang natural sa atin—kahit simple ang ginagawa natin. Kung may talento ka sa pananahi, maaaring isang paraan iyon para maglingkod, ngunit mas mahusay ka sigurong magpatakbo ng isang lawnmower kaysa sa sewing machine. O ang kaloob mo marahil ay ang pagkaalam kung paano talaga makinig at magparoon bilang isang tunay na kaibigan.
Pagkakaroon ng Pag-ibig sa Kapwa
Paano tayo maaaring magkaroon ng katangiang ibigin ang kapwa na tulad ni Cristo?
-
Ang pag-ibig sa kapwa ay isang kaloob na ipinagkakaloob ng Ama sa Langit sa lahat ng tunay na alagad ni Jesucristo. “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48).
-
Itinuro ni Mormon kung ano ang pag-ibig sa kapwa: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay” (Moroni 7:45). Ang mga ito ay hindi lamang mga paraan ng pagsasabi kapag puspos ka ng pagmamahal; ang mga ito ay mga kaugnay na katangiang mag-aambag sa dagdag na kakayahang magmahal habang pinalalakas natin ang mga ito.
-
Ang pagkahabag ay kasunod ng pagdamay.1 Kapag hinangad nating unawain ang iba, binibigyan natin ang pag-ibig sa kapwa ng mas malaking pagkakataong lumago. Magpraktis na magtanong sa isang nakakatulong at mapagmahal na paraan, at pagkatapos ay makinig nang may pagtitiyaga at pag-unawa.
-
Magpraktis ng pag-ibig sa kapwa. Ibigay ang iyong oras at iba pang resources, pati na ang iyong pagpapatawad, sa mga nangangailangan nito. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Ang pagpapatawad ay dapat sabayan ng pagmamahal. … Ang paninisi sa iba ay hindi nakakahilom ng mga sugat. Tanging pagpapatawad ang nakakahilom.”2