“Pagpakita sa mga Himala ng Tagapagligtas sa Ating Buhay,” Liahona, Hulyo 2023.
Ang mga Himala ni Jesus
Pagkakita sa mga Himala ng Tagapagligtas sa Ating Buhay
Apat na aral mula sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa bulag.
May mga pagkakataon sa ating buhay na umaasam at nagdarasal tayo para sa mga himala. Maaaring ito ay para sa isang mahal sa buhay o para sa sarili nating kapakinabangan. Ang inaasam natin ay ang masagot ang ating pagsamo, maisaayos ang nasirang sitwasyon, lumambot ang mapait na kaluluwa, at ibigay ng Panginoon ng mga himala ang resolusyong hangad natin. Kapag ang resulta ay hindi ayon sa inaasahan natin o sa takdang panahong ipinagdasal natin, karaniwa’y iniisip natin kung bakit.
Itinuro ni Moroni, “At nais kong payuhan kayo, mga minamahal kong kapatid, na inyong tandaan na siya rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman, at na ang lahat ng kaloob na aking winika na pawang espirituwal ay hindi kailanman [titigil,] maging hanggang [umiiral] ang mundo, tanging [ayon] lamang sa kawalang-paniniwala ng mga anak ng tao” (Moroni 10:19).
Ang mga kaloob at himalang iyon ba na nakatala sa mga banal na kasulatan ay makukuha pa rin sa ating panahon? Paano tayo maaaring maging marapat sa mga pagpapalang iyon? Alam ba ng Tagapagligtas kung ano ang nangyayari sa ating buhay at handa ba Siyang sagipin tayo mula sa ating mga hamon?
Gusto kong gamitin ang himala ng pagpapanumbalik ng Tagapagligtas sa paningin ng bulag bilang batayan sa pagsagot sa mga tanong na ito. (Para sa mga halimbawa, tingnan sa Mateo 9:27–31; 12:22–23; Marcos 8:22–26; 10:46–52; Juan 9:1–11.)
Ano ang Matututuhan Natin tungkol sa Misyon ng Tagapagligtas mula sa Kanyang mga Himala?
Para maunawaan ang epekto ng isang himala sa atin at sa ating buhay, magsimula tayo sa pagpapaliwanag kung ano ang isang himala. Ang mga himala “ay nilayong maging patunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. … Marami rin sa mga ito ang simbolo, na nagtuturo ng … mga banal na katotohanan. … Ang mga himala noon at ngayon ay tugon sa pananampalataya at ang pinakamatinding naghihikayat dito. Hindi kailanman nagagawa ang mga ito nang walang pagdarasal, nadamang pangangailangan, at pananampalataya.”1
Ang simple at magandang sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ay:
“Ang mga himala ay mga banal na gawa, pagpapakita, at pagpapahayag ng walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos at isang pagpapatibay na Siya ‘rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman’ [Moroni 10:19]. …
“… Ang mga himala ay mga karugtong ng walang-hanggang plano ng Diyos; ang mga himala ay isang linya ng buhay mula sa langit patungo sa lupa.”2
Kaya, ang isang kapaki-pakinabang na paraan para pag-aralan ang mga himala ng Tagapagligtas at matuto mula sa mga iyon ay ang tandaan na bawat himala ay nakatuon sa isang bagay na mas malaki kaysa sa pangyayari mismo at para hanapin ang mga partikular na katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain.
Talakayin natin ang ilan sa mga katotohanang natututuhan natin mula sa mga himala ng pagpapanumbalik ng Tagapagligtas sa paningin ng bulag. Maaaring hatiin ang mga iyon sa apat na lesson tulad ng sumusunod.
1. Ang Pagpapanumbalik ng Paningin ay Tanda ng Mesiyas
Binanggit ng mga sinaunang propetang nagpatotoo sa pagdating ng Mesiyas ang mga himalang gagawin Niya, kabilang na ang pagbibigay ng paningin sa bulag.
Kay Haring Benjamin, sinabi ng isang banal na anghel na ang Tagapagligtas ay “hahayo sa mga tao, gagawa ng mga makapangyarihang himala, tulad ng pagpapagaling ng may karamdaman, pagbuhay ng patay, pagpapalakad ng pilay, ang mga bulag nang makatanggap ng kanilang paningin” (Mosias 3:5; tingnan din sa Isaias 35:4–5).3
Sa gayon, pinagtitibay ng mga himala ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag ang mga propesiyang iyon tungkol sa pagparito ng Tagapagligtas at sa Kanyang paglilingkod sa mga anak ng Diyos.
2. Si Jesus ang Ilaw ng Sanlibutan
Malinaw na ipinahayag ang katotohanang ito nang maraanan ni Jesus ang isang lalaking bulag mula pa nang isilang (tingnan sa Juan 9:1–11). Nang tanungin ng mga disipulo kung isinilang nang bulag ang lalaki dahil sa kasalanan, sinabi ni Jesus na hindi, “kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos” (talata 3). Pagkatapos, bago ipanumbalik ang paningin ng lalaki, ipinahayag ng Tagapagligtas, “Habang ako’y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan” (talata 5).
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bago buksan ang mga mata ng bulag, sa pisikal, ipinaalala ni Jesus sa kanyang mga tagapakinig ang kanyang naunang pahayag, ‘Ako ang ilaw ng sanlibutan,’ na parang itinuturo: ‘Tuwing maaalala ninyo na binigyan ko ng paningin ang mga matang bulag, sa pisikal, alalahanin din na ako ay naparito para maghatid ng liwanag sa mga mata, sa espirituwal.’”4
Kailangan nating alalahanin kung gaano karaniwang itinuturing ang kasalanan sa mga banal na kasulatan bilang isang moral na pagkabulag at kaligtasan mula sa kasalanan bilang pag-aalis ng pagkabulag na ito. Siya na “ilaw ng sanlibutan” ay ginagamit ang pangyayaring ito para isimbolo ang mas mataas na gawaing Kanyang ipinarito sa daigdig para isakatuparan.
3. Nauuna ang Pananampalataya sa Himala
Nang dumaan si Jesus sa mga lansangan ng Capernaum, dalawang bulag na lalaki ang sumunod sa Kanya, na sumisigaw ng, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.” Pagkatapos ay kinausap Niya sila, at tinanong, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” At sumagot sila ng, “Opo, Panginoon.”
Ang katibayan ng kanilang paniniwala na matutulungan sila ng Panginoon ay nasa pagtitiyaga nilang sundan Siya at sa kanilang agaran at hayagang pagtatapat ng paniniwalang iyon nang hilingin. Hinipo ng Tagapagligtas ang kanilang mga mata, na sinasabing, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” Ang epekto ay agaran: “nabuksan ang kanilang mga mata” (Mateo 9:27–31).
Napansin ni Elder McConkie: “Madalas sa pagbubukas ng mga mata ng bulag, nilakipan ni Jesus, tulad dito, ang kanyang binigkas na utos ng may kaunting pisikal na gawain. Dito at sa iba pang mga pagkakataon hinihpo niya ang mga matang walang paningin.”
Bakit iyon ginawa ng Tagapagligtas? “Wala sa mga kakaibang … gawaing ito ang mahalaga sa paggamit ng nagpapagaling na kapangyarihan,” paliwanag ni Elder McConkie. Ngunit alam natin na ang pananampalataya ay nauuna sa mga himala, kaya nga “ang malinaw na layunin ng Panginoon ay palakasin ang pananampalataya ng bulag o bingi.”5
4. Kung Minsa’y Dumarating ang mga Himala nang Taludtod sa Taludtod
Sa Bethsaida, nagdala ang mga tao ng isang lalaking bulag kay Jesus. Matapos akayin ang lalaki palabas ng bayan, si Jesus ay “[dinuraan] ang kanyang mga mata at [ipinatong] ang kanyang mga kamay sa kanya.” Bahagya lamang na nanumbalik ang paningin ng lalaki sa puntong ito, kaya nga ang Tagapagligtas ay “ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay,” na lubos na nagpanumbalik ng paningin nito. (Tingnan sa Marcos 8:22–26.)
Binigyang-diin ni Elder McConkie ang mga katotohanang matututuhan natin mula sa pangyayaring ito:
“Lilitaw na ang magkakasunod na pagkakataon ng paghawak ni Jesus ay nagkaroon ng epektong nagdagdag ng pag-asa, katiyakan, at pananampalataya sa bulag.
“… Dapat hangarin ng kalalakihan ang nagpapagaling na biyaya ng Panginoon nang kanilang buong lakas at pananampalataya, bagama’t sapat na iyon para lamang sa bahagyang lunas. … Pagkatapos ay maaaring maragdagan ang katiyakan at pananampalataya nila na gagaling sila nang lubusan. Kadalasa’y gumagaling din ang mga tao sa kanilang mga espirituwal na karamdaman nang paunti-unti, nang dahan-dahan habang inaayon nila ang kanilang pamumuhay sa mga plano at layunin ng Diyos.”6
Sa pagsasagawa ng himalang ito sa dalawang magkahiwalay na hakbang, tinulungan ng Panginoon ang lalaking bulag na maghandang tanggapin ang buong pagpapala. Nakikita ba natin ang pattern na ito sa sarili nating paghahanap ng mga himala—isang bagay na kailangan nating gawin, o hindi gawin, bago maging handa para sa mas mataas na pamamagitan?
Pananampalatayang Hindi Gumaling
Bagama’t nakikita natin ang kahalagahan ng pananampalataya na makagawa ng mga himala, mahalagang mapansin na kung minsan kahit ang mga kahilingan at pagsamo ng pinakamatatapat na Banal ay hindi masasagot.
Itinuro sa atin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang kabutihan at pananampalataya ay mga kasangkapan sa pag-aalis ng mga balakid—kung ang pag-aalis ng mga balakid ay nagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Ang kabutihan at pananampalataya ay tunay na kasangkapan sa pagpapagaling ng maysakit, bingi, at lumpo—kung ang gayong paggaling ay magsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Sa gayon, kahit malakas ang ating pananampalataya, maraming balakid ang hindi maaalis. At hindi lahat ng maysakit at may karamdaman ay gagaling. Kung lahat ng oposisyon ay lilimitahan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo.
“Marami sa mga aral na dapat nating matutuhan sa mortalidad ang matatanggap sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nararanasan at pinagdurusahan natin kung minsan. At umaasa at nagtitiwala ang Diyos na haharapin natin ang pansamantalang paghihirap sa buhay sa tulong Niya upang matutuhan natin ang dapat nating matutuhan at sa huli ay marating ang dapat nating marating sa kawalang-hanggan.”7
Gusto kong idagdag ang aking patotoo sa mga patotoo ng mga propeta noon at ngayon. Nangyayari pa rin ang mga himala sa ating paligid. Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan, liwanag, at kaginhawahan. Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa Kanya, tayo ay mapapagaling, at kung sakaling hindi tayo gumaling, maaari pa rin tayong makasumpong ng kapayapaan sa pamamagitan ng Prinsipe ng Kapayapaan, ng Ilaw ng Sanlibutan, at ng Manggagamot ng mga Manggagamot.