“Ang Sarili Nating Daan Patungong Emaus,” Liahona, Hulyo 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Sarili Nating Daan Patungong Emaus
Ang limang simpleng aktibidad ay makakatulong sa atin na malaman na nariyan palagi ang Tagapagligtas.
Namatay sa kanser ang aking ama noong 4 na taong gulang ako. Lumaki akong nagtataka kung bakit kinailangang mamatay siya. Nagduda ako sa Diyos at nagtanong kung bakit lubhang hindi makatarungan ang buhay. Makalipas ang sampung taon, noong 14 anyos ako, nakilala ko ang mga missionary. Nang turuan nila kami, nadama ng aking ina na katotohanan ang itinuturo nila at na dapat kaming makinig. Nang sumapi kami sa Simbahan, dumating sa buhay ko ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan sa isang panahon na talagang kailangan ko iyon.
Kalaunan, nang mabuklod ako sa aking mga magulang sa templo, ibinulong sa akin ng aking ina, “Nadarama ko ang presensya ng iyong ama.” Nang pag-isipan ko ang mga pagpapala ng mabuklod, alam ko na batid ng Panginoon ang nangyari sa aming pamilya at na madalas namin Siyang kasama, kahit hindi namin alam.
Naisip mo na ba kung batid ng Panginoon ang nangyayari sa iyo? Alam ba Niya ang iyong mga paghihirap at alalahanin? Ano kaya ang sasabihin Niya sa iyo kung kaya mong lumakad at makipag-usap sa Kanya?
Lumakad Siya na Kasama Nila
Tatlong araw matapos mamatay si Jesucristo, dalawa sa Kanyang mga disipulo ang naglalakad sa daan patungo sa nayon ng Emaus, mga pitong milya (12 km) mula sa Jerusalem. Labis silang nakatutok sa sarili nilang mga iniisip at alalahanin, nang may sumama sa kanilang isang estranghero.
Tanong ng estranghero, “‘Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?’ At sila’y tumigil na nalulungkot.”
Binanggit ng mga disipulo ang mga nangyari kamakailan “kay Jesus na taga-Nazaret.” Naniwala sila na naparito si Jesus upang tubusin ang Israel, ngunit Siya ay hinatulan at ipinako sa krus nang hindi makatarungan. Sinabi rin nila na sinasabi ng mga taong kilalang-kilala si Cristo na Siya ay nagbangon na mula sa mga patay.
Sinabi sa kanila ng estranghero na sila ay “napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta.” Nirebyu niya ang itinuro ng mga banal na kasulatan at kung paano natupad ni Cristo ang propesiya. Napuspos ng kagalakan ang mga disipulo dahil dito.
Pagdating nila sa Emaus, hiniling ng mga disipulo sa estranghero na “tumuloy sa kanila.” Sa hapunan binasbasan ng estranghero ang tinapay at pinagputul-putol ito. Biglang nahalata ng mga disipulo na hindi talaga estranghero ang estranghero kundi ang Tagapagligtas mismo! (Tingnan sa Lucas 24:13–32.)
Kapiling Natin Siya
Maaaring nagtataka tayo kung bakit hindi nalaman ng dalawang disipulo na kasama nilang naglalakad ang Tagapagligtas. Subalit gaano kadalas ba tayo bigong maunawaan na kasama natin Siyang naglalakad? Kadalasa’y labis tayong nakatuon sa mga hamon, at maging sa mga kagalakan, sa ating pang-araw-araw na buhay kaya hindi natin nakikita na katabi natin ang Tagapagligtas.
Maaaring hindi natin nakikita kung paano Siya namamalagi sa piling natin, nagsusumikap na kasama natin, nakikipagtulungan sa atin, at umiiyak na kasama natin. Kahit sa ating pinakamalulungkot na sandali, kung papansinin natin, madarama natin na kapiling natin Siya at maririnig natin ang Kanyang mga salita: “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” (Mga Awit 46:10, idinagdag ang pagbibigay-diin, tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16).
Ang Ating Personal na Daan
Bawat isa sa atin ay may hantungang mararating sa buhay na ito. Kung minsan sa ating paglalakbay, maaari tayong magkasakit o maaari tayong mahirapan sa sarili nating kahinaan. Maaaring may mga problema tayo sa pera o mga hamon na nagmumula sa tagumpay, yaman, at kapalaluan.
Sa paglalakbay natin sa ating personal na daan patungong Emaus, hindi natin kailangang lumakad nang mag-isa. Maaari nating hilingin sa Tagapagligtas na samahan tayo. May limang simpleng aktibidad na tutulong sa atin na mapalapit sa Kanya.
1. Manalangin Bawat Araw
Dapat mauna ang panalangin sa ating pang-araw-araw na buhay. Matutulungan tayo nitong matanggap ang paggabay at patnubay ng Ama sa Langit. Maaari tayong humingi ng lakas na sundan ang Kanyang Anak at ng kapangyarihan ng Espiritu, lalo na sa mga sandali na maaakay tayo ng ating isipan na magkasala.
Natagpuan ng batang si Joseph Smith, habang nagsusumamo sa Diyos sa panalangin para sa sagot, na sinisikap siyang pigilan ng kaaway (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16). Gaya ni Joseph, kailangan nating piliting manalangin at magtiwala na hindi kailanman napapagod ang Ama sa Langit sa pakikinig sa atin. Ipauunawa Niya sa atin ang Kanyang takdang panahon at Kanyang mga sagot.
2. Magpakabusog sa mga Banal na Kasulatan
Nagpakita ang Tagapagligtas ng halimbawa sa atin sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Madalas Siyang sumipi mula roon habang nagtuturo Siya. Ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tinutulungan tayong magkaroon ng malinaw at bukas na isipan, isang pusong nakikinig na nagpapahalaga sa salita ng Diyos, at mga kamay na handang maglingkod.
Habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, mapupuspos tayo ng Banal na Espiritu ng hangaring gumawa ng mabuti. Patatalasin nito ang ating mga mata para makita ang hindi nakikita ng likas na mga mata. Tutulungan tayo nitong malaman ang mga pangangailangan ng mga tao. Pagpapalain tayong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-aliw sa mga taong nangangailangan ng aliw (tingnan sa Mosias 18:8–9). Sa gayon habang nakaharap tayo sa mga gawain sa maghapon, hindi tayo kailanman mag-iisa. Kasama nating lalakad ang Tagapagligtas sa paisa-isang hakbang.
3. Sundin ang mga Buhay na Propeta
Dapat nating sundin ang payo ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, at ng iba pang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sa gayon ay makikita natin na ang ating daan patungong Emaus ay magiging ligtas at malinaw. Ligtas nila tayong gagabayan at tutulungang malaman na kasama natin ang Tagapagligtas.
4. Anyayahan Siyang Manatili
Habang natututo tayo tungkol kay Jesucristo at sinusunod natin ang Kanyang mga utos, inaanyayahan natin ang Tagapagligtas na makasama natin. Natututo tayong kilalanin ang Kanyang impluwensiya sa ating buhay.
Ang dalawang disipulo sa daan patungong Emaus ay lumakad na kasama ang Tagapagligtas, nakipag-usap sa Kanya, at nadama na nag-alab ang kanilang puso (tingnan sa Lucas 24:32). Ang pakiusap nila sa Kanya na “Tumuloy ka sa amin” (Lucas 24:29) ang dapat din nating ipakiusap.
Nang makilala ng mga disipulo ang Tagapagligtas, bigla Siyang naglaho sa kanilang paningin. Agad bumalik ang mga disipulo sa Jerusalem at nagpatotoo sa mga Apostol na nagbangon na ang Tagapagligtas. Habang nagpapatotoo sila, ang Panginoon ay muling “tumayo sa gitna nila” (Lucas 24:36). Madarama rin natin Siya kapag nasa piling natin Siya.
5. Regular na Panibaguhin ang mga Tipan
Ang mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring baguhin ang ating likas na pagkatao. Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang ating pagsamba at pamumuhay nang ayon sa mga walang-hanggang alituntunin ay naglalapit sa atin sa Diyos at nagpapaibayo ng ating kakayahang magmahal.”1 Halimbawa, ang binyag ay nagtutulot sa Panginoon na linisin tayo. At kung tayo ay tapat at masunurin, inihahanda tayo ng mga tipan at ordenansa sa templo na mamuhay balang araw sa piling kapwa ng Ama at ng Anak.
Tinutulungan tayo ng sakramento na maalala at tinutulutan tayong mapanibago ang ating mga tipan, magsisi, at subukang muli. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ipinapakita natin ang ating kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at muli tayong nangangakong alalahanin Siya at sundin ang Kanyang mga utos. Ipinapangako naman sa atin na laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.) Dapat nating alalahanin palagi ang mga ordenansa at tipan na nagawa natin.
Lalapit ang Tagapagligtas
Sa sarili nating daan patungong Emaus, mapagmahal tayong inaanyayahan ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at magalak sa Kanya. Kapag nagdarasal tayo araw-araw, nagpapakabusog tayo sa mga banal na kasulatan, sumusunod tayo sa mga buhay na propeta, inaanyayahan natin Siyang manatili sa piling natin, at pinaninibago at iginagalang natin ang ating mga tipan, lalapit Siya sa atin. Sa gayon ay malalaman natin, tulad noong malaman ng mga disipulo sa daan patungong Emaus, na si Jesucristo ay nagbangon at na talagang Siya ay buhay at mahal Niya tayo.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapaglitas at Manunubos. Sabik Siyang makapiling tayo at magabayan nang ligtas sa ating daan.