“Pagbabago ng Aking Pamamaraan sa Pagkakaroon ng Patotoo,” Liahona, Hulyo 2023.
Mga Young Adult
Pagbabago ng Aking Pamamaraan sa Pagkakaroon ng Patotoo
Sa unang pagkakataon nagkaroon ako ng simpleng binhi ng pananampalataya na tunay.
Lumaki ako sa Simbahan—nagpunta ako sa mga aktibidad, at nakilahok ako sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Pero wala talaga akong patotoo. Hindi ko alam kung naniniwala ako sa Diyos o sa Kanyang Anak. Hindi ko alam kung totoo ang Aklat ni Mormon.
Gusto kong magkaroon ng patotoo, pero nadismaya ako matapos manalangin nang maraming beses nang hindi nadarama na nakatanggap ako ng sagot. Nagsimula akong mag-isip, “Kung totoo ang Diyos, bakit hindi Niya ipakita sa akin? Bakit Niya ako hinahayaang maupo rito at mag-isip?”
Sa pagbabalik-tanaw, malinaw kong nakikita kung bakit hindi ako nakakatanggap ng sagot: Hindi talaga ako nagsisikap. Binabasa ko ang aking mga banal na kasulatan nang limang minuto minsan sa isang linggo at inaasahan kong magkaroon ng ilang karanasan sa paghahayag dahil lamang sa hiniling ko iyon.
Hindi ko naunawaan na ang pananampalataya ay isang alituntunin ng pagkilos.
Isang Binhi ng Pananampalataya
Sinumang nakatingin mula sa labas ay tinawag na sana akong “aktibo” sa Simbahan, pero hindi ko pa rin alam kung totoo ang Simbahan. Pero gusto ko talagang malaman.
Kaya nagpasiya akong magmisyon. Mali ang akala ko na bilang missionary, awtomatiko akong mas malamang na makatatanggap ng mga sagot mula sa Diyos. Hindi pa rin ako gaanong nagsikap na manalangin o mag-aral, pero hindi nagtagal ay nagkaroon ako ng assignment.
Sa simula ng aking misyon, nahirapan akong madama ang Espiritu habang nagsasanay online noong may pandemya dahil wala sa loob ang pagsisikap ko. Pero nagpunta ako nang personal sa missionary training center. At ang oras ko roon ang naging pinaka-espirituwal na karanasan ko sa buhay. Sa unang pagkakataon nagkaroon ako ng simpleng binhi ng pananampalataya na tunay.
Paggawa ng Isang Pagbabago
Ang pagpasok sa mission field sa huli ay mahirap. Pakiramdam ko ay nawala ang maliit na patotoong natamo ko.
Isang araw umiiyak ako, at pagkatapos ay pumasok sa aking isipan ang isang alaala. Madalas kumustahin ng tatay ko ang araw ko sa paaralan, at lagi kong sinasabi na nakakabagot iyon. At sinasabi niya, “Kasi, ginawa mong nakakabagot iyon. Kung gusto mong maging masaya ang pag-aaral mo, gawin mo itong masaya.” Natanto ko na maaari kong gawing masaya ang oras ko sa aking misyon sa pamamagitan ng pag-aaral at paglago o maaari akong maging miserable.
Kaya nagdasal ako nang mas taimtim kaysa rati para sabihin sa Ama sa Langit na susubukan kong baguhin ang aking saloobin. Pagkatapos niyon, naengganyo akong magsikap pa. Nagsimula akong tunay na mag-aral at manalangin at magnilay-nilay, at sa paglipas ng panahon ay bumalik ang munting patotoong iyon—at patuloy na lumago. Hindi na ako gaanong dismayado, at nagsimula akong makasumpong ng kagalakan sa ebanghelyo.
Ang Ating Ibinibigay ay Siya Nating Matatanggap
Kapag dismayado ka sa pakiramdam na parang hindi lumalago ang iyong pananampalataya, maaari mong isipin kung nariyan ang Diyos at kung nagmamalasakit Siya. Pero natutuhan ko na lagi natin Siyang kapiling at tutulungan Niya tayong palakasin ang ating pananampalataya at patotoo kung tatanggapin natin ang responsibilidad at magsisikap tayo (tingnan sa Moroni 10:4).
Sabi ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bagama’t tila walang eksaktong pormula sa pagtanggap ng patotoo ng bawat isa sa atin, tila may maaaninaw na pattern.”1 Kabilang sa pattern na iyan ang pagkakaroon ng tapat na hangaring malaman ang katotohanan, pagdarasal, pagiging handang maglingkod kung saan tayo tinawag, pagsisikap na maging masunurin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagsasabuhay ng mga ito, at pagkakaroon ng saloobin ng pagpapakumbaba.
Hindi ko kailanman mapapalakas ang aking pananampalataya nang hindi binabago ang aking saloobin, sinusunod ang pattern na ito, at buong pusong kumokonekta sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nang gawin ko ang mga pagbabagong iyon, nagsimula akong tumanggap ng mga sagot at maniwala sa mga katotohanan.
Sinabi kamakailan ni Sister Rebecca L. Craven, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay higit pa sa pag-asam o paniniwala. … Mayroon itong ipinagagawa sa atin.”2 Natutuhan ko sa sarili ko na ito ay totoo: ang ipinapasok ko sa ebanghelyo ang siyang inilalabas ko.
Para sa mga nanonood, ang antas ng pagiging aktibo ko sa Simbahan ay malamang na katulad ng dati. Pero binago ko na ang aking katapatan sa ebanghelyo sa puso ko. At iyan ang nakagawa ng lahat ng kaibhan.
Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.