Pagsuporta sa mga Miyembrong Nagdaranas ng Diborsyo
Tutulungan tayo ng Ama sa Langit na malaman kung paano pinakamainam na makapaglalaan ng ligtas at masayang kapaligiran sa ating mga ward at branch para sa mga nadiborsyo o nagdaraan sa pakikipagdiborsyo.
Dalawang maginoo sa isang ward ang halos sabay na nawalan ng asawa, bawat isa pagkaraan ng maraming taon ng pagsasama nila ng kanilang asawa. Nang mawalan ng asawa ang unang lalaki, tumulong nang madalas ang ward, nagbigay ng pagkain, at naghanap ng mga paraan para matiyak na hindi niya nadarama na nag-iisa siya. Para sa ikalawang ginoo, hindi nangyari ang ministering na ito, at naiwan siyang nakadarama ng pagkahiwalay at hindi pantay na pakikitungo.
Ano ang kaibhan sa pagitan ng dalawang lalaki? Ang una ay nabiyudo at ang pangalawa ay diborsyado. Nang ibahagi sa akin ng diborsyadong ginoo ang karanasang ito, simple lang ang kanyang pakiusap: matutulungan kaya natin ang mga miyembro ng Simbahan na mas maunawaan kung paano maglingkod sa mga taong nadiborsyo at kilalanin na mayroon pa rin silang pantay at pinahahalagahang lugar sa ating mga ward at branch?
Maganda ang ministering sa maraming ward sa mga nagdaranas ng mga epekto ng diborsyo, subalit ang pakiusap ng lalaking ito ay maaaring mag-akay sa ating lahat na magtanong kung may mas maganda pa tayong magagawa. Ang pangangailangang ito na madama na tayo ay tanggap at sinusuportahan ay nauugnay sa patuloy na paanyaya ng mga pinuno ng Simbahan—na mahalin ang lahat ng nasa loob ng kawan ng Diyos at tulungan silang madama na sila ay tanggap at ligtas sa ating mga stake ng Sion.1
“Kailan man natin pasiglahin ang ibang tao, ang pinakamahalaga ay lumilikha tayo ng mga lugar na ligtas para sa kanila.”2 Kabilang dapat sa mga lugar na iyon ang ating mga ward at branch habang hinahangad nating sundin ang dalawang dakilang utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang iba tulad sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:37–39). Ang sumusunod na mga alituntunin ay makakatulong sa atin na malaman kung paano mas masusuportahan ang mga nasa ward at branch natin na nakaranas na o nagdaranas ng diborsyo.
Tandaan na Sangkot sa Diborsyo ang Maraming Damdamin
Dahil alam natin ang pangunahing doktrina ng walang-hanggang kasal at ang kapangyarihan ng tipan ng pagbubuklod sa plano ng kaligtasan ng Diyos, maaaring makasakit ang diborsyo. Subalit hindi lahat ay maaaring gayon din ang pakiramdam tungkol sa kanilang diborsyo. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang diborsyo ay isang “maselang paksa … dahil inilalabas nito ang matitinding damdamin ng mga taong naapektuhan nito sa iba’t ibang paraan. Ang tingin ng ilan sa kanilang sarili o sa kanilang mga mahal sa buhay ay [mga] biktima sila ng diborsyo. Ang tingin naman ng iba [sa sarili nila] ay nakinabang sila rito. Ang tingin ng ilan sa diborsyo ay katibayan ng kabiguan. Itinuturing naman ng iba na ito ay isang paraan na kailangan para makatakas sa buhay may-asawa.”3
Sa halip na ipalagay kung ano ang tingin ng isang taong nagdaranas ng diborsyo sa kanilang sitwasyon, makinig kahit kailan o kung paanong handa ang tao. Isiping magtanong lang ng, “Paano kita masusuportahan sa panahong ito?” o “Sa anong mga paraan ka namin masusuportahan habang nakikipagdiborsyo ka at pagkatapos ng diborsyo mo?”
Mga Tanong na Isasaalang-alang:
-
Paano maaaring maranasan ng mga indibiduwal ang iba’t ibang damdamin sa iba’t ibang pagkakataon sa bawat araw, linggo, o buwan? Paano ako maaaring maging maalalahanin at matulungin sa bawat isa sa mga damdaming iyon?
-
Paano ako mananatiling nakikinig sa paghahayag kung paano tutulong sa iba’t ibang pagkakataon?
-
Ano ang mga ipinalalagay ko na maaaring kailanganin kong kalimutan para mas maghangad ako ng paghahayag kung paano tutulong at makakilos ako ayon doon?
Magtuon sa Pagmamahal sa Halip na Manghusga
Tungkol sa diborsyo, bihira nating malalaman, kung sakali man, ang lahat ng detalyeng humantong sa pagdidiborsyo ng mag-asawa—at hindi natin iyon kailangan. “Kapag nangyayari ang diborsyo, obligasyon ng mga indibiduwal na magpatawad, magpasigla, at tumulong sa halip na manghusga”;4 totoo ito kapwa para sa mag-asawa at sa mga tao sa paligid nila. Dapat tayong maging maingat na magtuon sa pagmamahal sa iba, hindi sa paghusga sa kanila, kahit na mas matibay ang relasyon natin sa isa sa mag-asawa.
Sa halip na magtuon sa paghusga, maaari tayong magtuon sa pagmamahal at pagkakaisa, tulad ng itinuro ni Sister J. Anette Dennis, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:
“Gaano kadalas nating hinuhusgahan ang ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo at kilos, o kawalan ng pagkilos, na kapag lubusan nating inunawa, tayo ay tutugon nang may habag at pagnanais na tumulong kaysa dagdagan ang kanilang mga pasanin sa pamamagitan ng panghuhusga? …
“Tayo ay inutusan na mahalin ang ibang tao, at huwag silang husgahan. Ilapag natin ang mabigat na pasanin; hindi [natin iyan] pasanin. Sa halip, maaari nating dalhin ang pamatok ng pagmamahal at pagkahabag ng Tagapagligtas. …
“… Kailangan ng lahat ng tao na madama na sila ay talagang kabilang at talagang kailangan sa katawan ni Cristo.”5
Mga Tanong na Isasaalang-alang:
-
Ano ang magagawa ko para mas makapagtuon sa pagmamahal sa iba na tulad ng ginagawa ni Jesucristo?
-
Mayroon bang mga paraan na hinuhusgahan ko ang isang tao, kabilang na ang paghahanap o pagbibintang ng mali, na maaaring pumipigil sa akin na magbigay ng kailangang suporta?
-
Ano ang magagawa ko para mas madama ang pagmamahal ng Diyos para sa iba?
Maghanap ng mga Paraan para Maisali Sila
Sa pamamagitan ng diborsyo, madalas mawalan ng mga kaibigan ang mga indibiduwal dahil sa mga kaibigan o kapamilya ng dati nilang asawa. At ano ang mangyayari kapag nabuo ang mga pagkakaibigan nang nagsasama pa ang mag-asawa, at hindi na magawang anyayahan pareho ng mga kaibigan ang dating mag-asawa nang magkasabay sa mga aktibidad?
Ibinahagi ng isang sister na madalas silang dumalo ng kanyang asawa sa isang lingguhang game night na kasama ang mga kaibigan sa kanyang ward. Pagkatapos ng diborsyo, nalungkot siya nang tumigil ang mga paanyaya sa game night dahil mga mag-asawa lamang ang nakadalo. Ibinahagi ng isa pang sister na ipinalagay ng maraming miyembro ng ward na dahil nag-iisa na siyang ina, wala na siyang oras na dumalo sa mga aktibidad na kasama ng mga kaibigan na tulad ng dati; sa gayon, hindi nila siya inanyayahan upang hindi siya malungkot sa hindi pagpunta. Gayunman, talagang naging dahilan ito para lalo niyang madama na nahiwalay siya at nag-iisa. Ibinahagi ng sister na ito na masarap sanang madama na patuloy siyang anyayahan (kahit hindi siya makasali)—para malaman na gusto ng iba na naroon siya.
Bawat sitwasyon ay naiiba, pero “kailangan nating lahat na madama ang kapanatagang dala ng pagkakaibigan at makarinig ng matibay na pagpapahayag ng pananampalataya.”6
Mga Tanong na Isasaalang-alang:
-
Anong mga pag-aakma sa mga aktibidad ang magagawa ko para matulungan ang mga miyembrong walang asawa na maging komportable rin sa pagdalo na tulad ng mga mag-asawa?
-
Paano maaaring magbigay ang ating ward ng mga karagdagang oportunidad na kasama ang mga aktibidad na akma sa mga pangangailangan ng mga miyembrong diborsyado?
-
Anong mga aktibidad ang maaaring makatulong sa kaibigan ko na maglingkod o mag-ambag, lalo na kung kailangang maibalik ang kanyang tiwala pagkaraan ng isang mahirap na relasyon?
“Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod”7
Ang mga nagdaranas ng diborsyo ay umaakma sa mga pagbabago sa pananalapi, iskedyul, damdamin, araw-araw at taunang mga tradisyon, pagsasaayos ng pamumuhay, at marami pang iba. Totoo ito para sa mga adult gayundin sa kanilang mga anak, na maaari ding tumanggap ng mga karagdagang responsibilidad sa kanilang tahanan.
Maaaring mag-isip ang mga ward o branch council kung paano susuportahan ang bawat miyembro ng pamilya, pati na ang mga bata. Bilang mga indibiduwal, marami rin tayong pagkakataong makita ang mga pangangailangan at pagkatapos ay mapanalanging kumilos ayon sa personal na paghahayag para makatulong na matupad ang mga iyon.
Napagpala ang isang sister nang matanto ng isang kapitbahay na ang dati niyang asawa ang karaniwang nagsasagawa ng taunang paglilinis ng bakuran, kabilang na ang paglilinis ng mga tubo ng tubig sa taglamig, at nag-alok na gawin iyon para sa kanya o ipakita sa kanya kung ano ang gagawin. Napagpala ang isang nag-iisang ama nang magbigay ng mga ideya ang mga kapitbahay para sa maaasahang mga babysitter sa kanyang bagong lugar.
Narito ang iba pang mga paraan na natulungan ng mga miyembro ng ward ang mga pamilya:
-
Ang mga ward, youth, at Primary leader ay nagpapakita ng mga halimbawa ng mga impluwensya ng ama o ina kung naaangkop sa buhay ng mga bata.
-
Ang mga pamaskong regalo ay ibinigay, pati pera para makatulong sa mga gastusin sa misyon.
-
Ang mga sobrang pagkain mula sa mga youth conference o aktibidad ay ipinadala sa pamilya.
-
Dumalo ang mga miyembro ng ward sa mga sports activity ng mga bata.
-
Tinalakay sa mga teacher council kung paano maaasikaso ang mga batang nagmula sa tahanan ng isang nagdiborsyo, lalo na sa mga lesson tungkol sa mga pamilya o kapag ikalawang linggo lamang dumalo ang mga bata sa ward na kasama nila ang isang partikular na magulang.
-
Inampon ng isang nakatatandang mag-asawa ang pamilyang nag-iisa ang magulang.
Maaari din nating isaisip na kakailanganin ng panahon ng mga indibiduwal at pamilya para makaakma sa mga bago nilang sitwasyon. Maging bukas-palad sa pagpapahilom at pagsulong nila ayon sa takdang panahon ng Diyos at nila, hindi ng atin.
Mga Tanong na Isasaalang-alang:
-
Paano ko mapapalakas ang patuloy na pagkakaibigan upang maging komportable ang mga taong nagdaraan sa isang diborsyo na tumanggap ng tulong kapag kailangan nila iyon, kahit hindi ngayon mismo?
-
Anong “mga una” ang maaaring lalong mahirap para sa pamilya, tulad ng unang pagkakataon na hindi kasama ng mga bata ang isang magulang sa isang holiday? Paano ako makapagbibigay ng dagdag na pakikipagkaibigan sa mga pagkakataong iyon?
-
Anong resources ang maaaring kailanganin ng pamilya na makakatulong ako, o paano ko mapag-iibayo ang koneksyon ko sa iba na may kasanayan para tumulong?
Habang mapanalangin nating hinahangad na mas maunawaan at mapaglingkuran ang mga taong nadiborsyo, pati na ang kanilang mga pamilya, maaari nating madama at maibahagi ang bahagi ng pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang anak.