“Ang Aking Patuloy na Misyon,” Liahona, Hulyo 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aking Patuloy na Misyon
Ang huling liham ng aking ama ay patungkol sa aking hinaharap, na nagbibigay sa akin ng payo na napakahalaga sa akin.
Nasisiyahan ako sa aking full-time mission sa magandang kabundukan ng Cajamarca, Peru, nang biglang ma-stroke ang tatay ko. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, pumanaw na siya.
Nang makausap ko ang aking mission president, napaiyak ako nang maalala ko na naituro na sa akin ng tatay ko ang ibig sabihin ng maging missionary at isang lalaking may integridad. Sinulatan niya ako linggu-linggo, na ibinabahagi ang kanyang patotoo, tinuturuan ako ng makapangyarihang mga kabatiran tungkol sa ebanghelyo, at hinihikayat akong gawin ang lahat ng makakaya ko.
Pagkatapos ng miting namin, may inabot na liham ang mission president sa akin—ang huli na nagmula sa aking ama. Ang huling liham ng aking ama ay patungkol sa aking hinaharap, na nagbibigay sa akin ng payo na napakahalaga sa akin:
“May isa ka pang [misyon] na darating sa loob ng ilang buwan—isang napakahirap na misyon, kung saan aasahan ka na ilaan ang buhay mo sa mga alituntuning naituro sa iyo, na gawin ang mga bagay na naipangaral mo lamang hanggang sa puntong ito. Maaaring ito ang pinaka-kapaki-pakinabang na misyon. Para kang pampaalsa sa tinapay. …
“Mahal ka namin at ipinagdarasal ka namin araw-araw. Magsikap ka nang husto at gawin mo ang mga tamang bagay.”
Habang binabasa ko ang kanyang mga salita, napaiyak ako—dahil sa kalungkutan, batid na ito ang kanyang huling payo sa akin sa buhay na ito, at dahil sa kagalakan, na nalalaman ang kapangyarihan at layunin ng mga ito para sa akin. Alam ko na ang susunod na misyon ko—ang natitirang buhay ko—ay magiging napakahalaga. Ito ay magiging panahon ng tunay na pagsubok, at kakailanganin dito ang lahat ng natutuhan at naranasan ko bilang missionary.
Alam ko na may napaka-makabuluhang plano ang Panginoon para sa bawat isa sa atin. Maiaangat Niya ang ating mga sandali sa lupa at mabibigyan tayo ng mga mata para makita at malaman ang Kanyang katotohanan. Nakita ko na ito nang ilaan ko ang buhay ko sa Kanya at naranasan ko ang Kanyang mga pagpapala. At nakita ko na ito nang magtulungan kaming mag-asawa sa pagbubuo ng isang pamilyang puno ng pag-asa, ng mga anak, at ng ebanghelyo.
Binigyan na tayo ng Tagapagligtas ng lakas nang tayo ay lumuhod, magbasa ng mga banal na kasulatan, magpunta sa templo, at maglingkod sa iba. Nakita ko ang kamay ng Panginoon na tumutulong sa kamangha-manghang mga sandali sa aking buhay nang ibahagi ko ang ebanghelyo sa pamilya at mga kaibigan.
Ang Kanyang misyon ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Talagang nagpapatuloy ang misyong iyan.