2023
Kailangan ng Lahat ang Ebanghelyo
Hulyo 2023


“Kailangan ng Lahat ang Ebanghelyo,” Liahona, Hulyo 2023.

Kailangan ng Lahat ang Ebanghelyo

Nagplano na akong magmisyon, pero pagkatapos ng kolehiyo inakala ko na hindi ko kailangang maglingkod—hanggang sa magkatrabaho ako na kasama ang mga inabusong batang babae. Pagkatapos ay nakita ko na kailangan ng lahat ang ebanghelyo.

babaeng may hawak na barya

The Lost Coin [Ang Nawawalang Barya], ni Harold Copping © Providence Collection / lisensyado ng GoodSalt.com

Noong nasa Primary ako, hindi ko maalala kung ilang beses itinanong ng aking mga guro kung sino sa amin ang maglilingkod sa full-time mission. Sa aking batang isipan ay lagi kong sinasabi na magmimisyon ako.

Ipinakita sa akin ng aking ina kung gaano kahalaga na tipunin ang Israel sa pamamagitan ng pagtulong sa mga full-time missionary na ituro at ibahagi ang ebanghelyo. Sumama akong minsan sa kanya para hanapin ang bahay ng isang sister sa ward na matagal nang hindi nagsisimba. Muntik na kaming maligaw dahil hindi namin alam kung saan siya talaga nakatira. Sa halip na mainis, masigasig na hinanap ng nanay ko ang bahay ng sister na iyon. Tulad ng babae sa talinghaga ng nawawalang barya (tingnan sa Lucas 15:8–10), natagpuan niya ang sister at natuwa siya.

Ang paraan ng paggawa ng nanay ko ng lahat para sa gawain ng Panginoon, hindi lamang sa pagbabahagi ng ebanghelyo kundi sa iba pang mga calling sa Simbahan, ay nagpatanto sa akin na lahat ay kailangang maglingkod sa Panginoon, kahit sa maliliit na paraan.

Sa paglipas ng mga taon, nagtapos ako sa seminary, natanggap ko ang aking Young Women medallion, nagtapos ako sa kolehiyo, at nagsimula akong magtrabaho. Unti-unti, ang pakiramdam ng pagiging full-time missionary ay hindi gaanong naging prayoridad. Kahit aktibo pa rin ako at ginampanan ko ang mga calling ko sa Simbahan, sinabi ko sa sarili ko, “OK lang na hindi maglingkod sa full-time mission dahil hindi ko iyon obligasyon. Ako ay isang sister, at maaari kong paglingkuran ang Panginoon sa maraming iba pang mga paraan.”

Ang Nagpabago ng Isip Ko

Noong 22 anyos ako, nagkaroon ako ng pagkakataong magtrabaho sa isang center kung saan naglingkod ako sa mga batang babaeng nakaranas ng pang-aabuso at kapabayaan. Naawa ako sa kanila. Nakita ko kung paano winasak ng pang-aabuso ang puso nila at sinira ang pagmamahal nila para sa kanilang sarili. Ang ilan sa kanila ay nagtangkang magpakamatay. Ang ilan sa kanila ay ayaw nang magtiwala kahit kanino. Marami sa kanila ang nawalan ng pag-asa sa buhay at hindi nila nadama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

Madalas kong itanong sa sarili ko, “Maaari kayang mapigilan ang mga pang-aabusong ito? Paano kung natanggap na ng mga nang-abuso sa kanila ang ebanghelyo? Paano kung naging miyembro ng Simbahan ang kanilang mga magulang bago isinilang ang mga batang ito?” Natanto ko na maaaring hindi naranasan ng mga batang ito ang mga pagsubok na ito kung natanggap at naipamuhay ng mga magulang nila at ng mga nang-abuso sa kanila ang ebanghelyo.

Ang pagninilay tungkol sa mga tanong na ito at pagtatrabaho sa center ay nakatulong sa akin na makita na kailangan ng lahat ng tao ang ebanghelyo. Tulad ng paglaban ng hukbo ni Helaman sa Aklat ni Mormon para ipagtanggol ang kanilang pananampalataya at pamilya, kailangan ng Panginoon ang mga full-time missionary para ibahagi ang Kanyang ebanghelyo at protektahan ang Kanyang kaharian.

Ang mga karanasan ko sa mga batang babae sa center ay nagbigay-inspirasyon sa akin na tahakin ang landas na nais ng Panginoon na lakarin ko. Nagpasiya akong sumali sa hukbo ng mga missionary ng Panginoon. Nakita Niya ang pagnanais na ito, at tinawag akong maglingkod sa Philippines Cauayan Mission.

Paglilingkod sa Misyon

Sa aking misyon, nakita kong nagbago ang mga tao nang matutuhan nila ang ebanghelyo. Tinuruan ko ang mga taong hindi alam kung paano magpatawad, na naninigarilyo at umiinom ng alak, na may kapalaluan, na hindi marunong manalangin. Dahil sa ebanghelyo, tinalikuran nila ang mga dati nilang gawi para maging marapat sa naipangako ng Diyos: buhay na walang hanggan.

Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nalaman ko na sinuman ay maaaring magsimula o bumalik sa makipot at makitid na landas kung sila ay magsisisi. Tutulungan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magbago at umunlad tungo sa kasakdalan at maging marapat sa malalaking pagpapalang naihanda ng Ama sa Langit para sa atin. Ang mga pagbabagong ito ay maaaring mula sa kalungkutan tungo sa kaligayahan, mula sa kaguluhan tungo sa kapayapaan, mula sa pagkagalit tungo sa pagpapatawad, mula sa kahinaan tungo sa kalakasan, mula sa pagkamuhi tungo sa pagmamahal.

Labis akong pinagpalang maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapaunawa sa akin ng aking kahalagahan bilang anak ng mga magulang sa langit, kahit sa masasamang sitwasyon. Lagi akong inaaliw ng ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang mga banal na kasulatan ang aking kompas kapag nalilito ako at kailangan kong gumawa ng mga desisyon.

Sinisikap namin ng pamilya ko na magtiis nang tapat hanggang wakas. Nagpapasalamat akong makasal sa isang lalaking maytaglay ng priesthood at may malakas na patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang aking tipan sa Panginoon ay hindi lamang para sa aking sarili kundi para sa pamilya ko at para sa Kanyang Kaharian.

Ang awtor ay naninirahan sa Pilipinas.